Bagong Tipan 2023
Marso 27–Abril 2. Mateo 14; Marcos 6; Juan 5–6: “Huwag Kayong Matakot”


“Marso 27–Abril 2. Mateo 14; Marcos 6; Juan 5–6: ‘Huwag Kayong Matakot,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: Bagong Tipan 2023 (2022)

“Marso 27–Abril 2. Mateo 14; Marcos 6; Juan 5–6,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: 2023

si Jesus na naglalakad kasama ng mga disipulo na may dalang mga basket ng tinapay

Marso 27–Abril 2

Mateo 14; Marcos 6; Juan 5–6

“Huwag Kayong Matakot”

Habang naghahanda kang magturo mula sa Mateo 14; Marcos 6; at Juan 5–6, hanapin ang mga mensahe na mahalaga sa buhay ng mga batang tinuturuan mo. Ano sa palagay mo ang makakatulong sa kanila na maunawaan ang mga mensaheng ito? Ang outline na ito ay makapagbibigay sa iyo ng ilang ideya.

icon ng pagbabahagi

Mag-anyayang Magbahagi

Ipakita ang larawan ni Jesus na naglalakad sa tubig (tingnan ang outline para sa linggong ito ng Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya o ang Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, blg. 43), at hilingin sa mga bata na ibahagi ang nalalaman nila tungkol sa kuwento.

icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina: Mas Maliliit na Bata

Juan 5:1–9

Alam ni Jesucristo kung ano ang kailangan ko at matutulungan Niya ako.

Pagnilayan ang salaysay tungkol sa pagpapagaling ni Jesus sa lalaki sa tipunan ng tubig sa Betesda. Paano mo matutulungan ang mga bata na makita kung ano ang itinuturo ng kuwento tungkol sa kabaitan, pagmamahal, at iba pang mga katangian ni Jesus?

Mga Posibleng Aktibidad

  • Gamitin ang larawang Pinagagaling ni Cristo ang Maysakit sa Betesda (Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, blg. 42) para ikuwento sa mga bata ang nilalaman ng Juan 5:1–9. Hilingin sa mga bata na magkunwari na sila ang taong pinagaling ni Jesus. Ano kaya ang madarama nila kapag pinagaling sila ni Jesus?

    3:3
  • Hilingin sa mga bata na tukuyin ang ilang bagay na mahirap para sa kanila o nagpapalungkot sa kanila. Ibahagi sa kanila ang isang panahon sa iyong buhay na nakatanggap ka ng tulong mula sa Tagapagligtas sa isang mahirap na pagsubok. Magpatotoo na alam ni Jesus ang tungkol sa lahat ng ating mga problema at nais Niya tayong tulungan.

Mateo 14:13–21

Natutularan ko ang halimbawa ni Jesus kapag ako ay mabait sa iba.

Ang isang paraan na ipinakita ni Jesus ang pagmamahal Niya sa Kanyang mga alagad ay sa pamamagitan ng pagpapakain sa kanila nang nagutom sila. Paano mo matutulungan ang mga bata na matutuhan na paglingkuran ang iba tulad ng ginawa ni Jesus?

Mga Posibleng Aktibidad

  • Magpakita sa mga bata ng isang basket at ilang tinapay habang ikinukuwento mo ang nasa Mateo 14:13–21. Ipaliwanag na kahit na sinubukan ni Jesus na mapag-isa, gusto ng mga tao na makalapit sa Kanya. Ibahagi ang iba pang mga parte ng kuwento sa mga bata, at hilingin sa kanila na pakinggan kung ano ang ginawa ni Jesus para magpakita ng kabaitan at pagmamahal sa kanila.

  • Hilingin sa mga bata na magbahagi ng mga paraan na naging mabait sa kanila ang isang tao. Pagkatapos ay tulungan silang mag-isip ng mga bagay na magagawa nila sa linggong ito para maging mabait sa iba. Para sa bawat sagot nila, magdrowing sa pisara ng isang tinapay o isda. Sabihin sa mga bata na kapag ginagawa nila ang mga bagay na ito, tinutularan nila ang halimbawa na ipinakita ni Jesus noong pinakain Niya ang limang libong taong nagugutom.

Mateo 14:22–33

Ang pagsampalataya kay Jesucristo ay makakatulong sa atin na huwag matakot.

Nagpakita si Pedro ng malaking pananampalataya noong siya ay naglakad sa tubig papunta kay Jesus. Ano ang mga aral na maaaring makuha ng mga bata sa kuwentong ito?

Mga Posibleng Aktibidad

  • Ipakita ang larawan sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya (tingnan din ang nasa Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, blg. 43) habang ikinukuwento mo ang salaysay mula sa Mateo 14:22–33 sa sarili mong mga salita. Isiping gamitin ang pahina ng aktibidad sa linggong ito para matulungan ang mga bata na maikuwento rin ito sa iyo. Maaari ka ring magdala ng isang maliit na mangkok ng tubig at hilingin sa mga bata na magkunwaring “naglalakad” ang kanilang mga daliri sa ibabaw ng tubig.

  • Hilingin sa mga bata na ikuwento ang mga pagkakataon na sila ay nakadama ng takot at kung ano ang nakatulong sa kanila. Tulungan silang makita na ang pananampalataya kay Jesucristo ay tumutulong sa atin na madaig ang takot.

2:6
icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina: Mas Nakatatandang mga Bata

Juan 5:17–47

Itinuturo ni Jesucristo sa akin ang tungkol sa Ama sa Langit.

Paano makakatulong ang mga turo ni Jesus tungkol sa Kanyang Ama para matutuhan ng mga bata ang tungkol sa Ama sa Langit?

Mga Posibleng Aktibidad

  • Gumawa ng dalawang set ng magkakaparehas na mga kard na may nakasulat na mga salitang ginamit ni Jesus upang ituro ang tungkol sa Ama sa Langit sa Juan 5, tulad ng minamahal, buhay, at mga gawain (tingnan sa Juan 5:20, 26, 36). Itaob ang mga kard, at sabihin sa mga bata na magbaligtad ng tig-dadalawang kard. Kapag nakapagbaligtad ng magkaparehas na kard, basahin ang talata na naglalaman ng salitang iyon, at itanong sa mga bata kung ano ang itinuturo sa atin ng salita tungkol sa Ama sa Langit.

  • Ipabasa sa mga bata ang Juan 5:30 at pagkatapos ay kumpletuhin ang pangungusap na: “Hindi ko hinahanap ang aking sariling kalooban kundi …” Paano ginawa ni Jesucristo ang kalooban ng Kanyang Ama sa Langit? Paano natin magagawa ang kalooban ng Ama sa Langit?

mga tinapay at isda

Mahimalang pinakain ni Jesus ang limang libong tao mula sa limang piraso ng tinapay at dalawang isda.

Juan 6:5–14

Ang aking mga munting handog ay makagagawa ng kaibhan.

Isang batang lalaki ang nagbigay ng tinapay at isda na ginamit ni Jesus para pakainin ang limang libong tao. Paano mo matutulungan ang mga bata na tinuturuan mo na makita kung paano sila makakatulong sa gawain ng Panginoon?

Mga Posibleng Aktibidad

  • Tulungan ang mga bata na isipin kung gaano kalaki ang pulutong ng limang libong tao. Ano kaya ang pakiramdam ng magpakain ng ganoon karaming mga tao sa lilimang tinapay lamang at dalawang isda?

  • Anyayahan ang isang bata na isalaysay sa sarili niyang mga salita ang kuwento ng pagpapakain ng limang libong tao. Bigyang-diin na isang batang lalaki ang nagbigay ng tinapay at isda na ginamit ng Panginoon sa paggawa ng himalang ito. Paano tayo magiging katulad ng batang lalaki na inilarawan sa Juan 6:9? Hilingin sa mga bata na gumuhit ng mga tinapay at isda sa papel at isulat sa mga ito ang ilang bagay na maibibigay nila sa Panginoon para matulungan Siya sa Kanyang gawain.

  • Bigyan ang mga bata ng isang puzzle na bubuuin. Ano ang mangyayari kung nawawala ang isa sa mga piraso ng puzzle? Ipaliwanag na bawat isa sa atin ay parang isang piraso ng puzzle—lahat tayo ay mahalaga, at kailangan nating lahat ang isa’t isa. Tulungan ang mga bata na magbanggit ng mga dahilan kung bakit mahalaga sila sa kanilang pamilya, sa klase sa Primary, sa pamilya ng Diyos, at sa iba pang mga grupo.

Mateo 14:22–33

Ang pagsampalataya kay Jesucristo ay makakatulong sa atin na huwag matakot.

Malaki ang kinalaman ng pananampalataya at takot sa kuwento ng paglalakad nina Jesus at Pedro sa ibabaw ng dagat. Anong mga aral ang matututuhan ng mga bata sa kuwentong ito?

Mga Posibleng Aktibidad

  • Ipakita ang larawan sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya (tingnan din ang nasa Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, blg. 43). Hilingin sa mga bata na hanapin ang parirala sa Mateo 14:22–33 na nagpapaliwanag sa larawan.

  • Hilingin sa mga bata na hanapin ang mga palatandaan ng pananampalataya at ang mga palatandaan ng takot habang binabasa nila ang Mateo 14:22–33. Ano ang ibig sabihin ng manampalataya kay Jesucristo? Tulungan ang mga bata na mag-isip ng mga pagkakataon na tinulungan sila ng kanilang pananampalataya na madaig ang takot.

    2:6
  • Hilingin sa mga bata na magkunwari na naroon sila at mayroon silang kamera nang lumakad sa ibabaw ng dagat sina Jesus at Pedro. Anong eksena ang pipiliin nilang kuhanan ng larawan at bakit? Imungkahi na saliksikin nila ang Mateo 14:22–33 para sa mga ideya. Hilingin sa kanila na idrowing ang larawan ng eksena na pinili nila, ibahagi ang kanilang mga larawan, at ipaliwanag kung bakit nila pinili ang eksenang iyon.

icon ng pag-aaral

Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan

Kung ginawa ng mga bata ang pahina ng aktibidad sa linggong ito, hikayatin silang gamitin ito para maituro sa kanilang pamilya ang mga natutuhan nila sa klase. O bigyan sila ng kopya ng pahina na kukumpletuhin nila kasama ng kanilang pamilya sa bahay.

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Maghikayat ng pagbabahagi. Itanong sa mga bata kung ano ang kanilang mga ideya, damdamin, at karanasan. Makikita ninyo na madalas ay mayroon silang mga simple ngunit malalim na pananaw.