Bagong Tipan 2023
Marso 27–Abril 2. Mateo 14; Marcos 6; Juan 5–6: “Huwag Kayong Matakot”


“Marso 27–Abril 2. Mateo 14; Marcos 6; Juan 5–6: ‘Huwag Kayong Matakot,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Bagong Tipan 2023 (2022)

“Marso 27–Abril 2. Mateo 14; Marcos 6; Juan 5–6,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2023

naglalakad si Jesus kasama ang mga disipulo na may dalang mga basket ng tinapay

Marso 27–Abril 2

Mateo 14; Marcos 6; Juan 5–6

“Huwag Kayong Matakot”

Habang binabasa mo ang Mateo 14; Marcos 6; at Juan 5–6, hanapin ang mga katotohanang makabuluhan sa iyo. Maaari mong itanong sa iyong sarili ang mga bagay na tulad ng “Paano nauugnay sa akin ang mga salaysay sa mga kabanatang ito?” “Anong mga mensahe ang nakikita ko para sa aking buhay?” o “Ano ang gusto kong ibahagi sa aking pamilya o sa iba?”

Itala ang Iyong mga Impresyon

Ano kaya ang nakahikayat kay Pedro na lisanin ang kaligtasan ng kanyang bangka sa gitna ng Dagat ng Galilea noong may malakas na unos? Ano ang umakay sa kanya na maniwala na kung kayang maglakad ni Jesus sa ibabaw ng tubig, kaya rin niya? Hindi natin matitiyak, ngunit marahil ay naunawaan ni Pedro na pumarito ang Anak ng Diyos hindi lamang para gumawa ng magagandang bagay para sa mga tao kundi para bigyan ng kapangyarihan ang mga taong katulad ni Pedro na gumawa rin ng magagandang bagay. Tutal, ang paanyaya ni Jesus ay “Pumarito ka, sumunod ka sa akin” (Lucas 18:22). Tinanggap nang minsan ni Pedro ang paanyayang ito, at handa siyang tanggapin itong muli, kahit nangahulugan ito ng pagharap sa kanyang mga pangamba at paggawa ng isang bagay na tila imposible. Marahil ay hindi hihilingin ng Panginoon na umalis tayo ng bangka sa gitna ng unos o iambag ang ating kakatiting na tinapay habang libu-libo ang kailangang makakain, ngunit maaari Niyang hilingin na tumanggap tayo ng mga direksyon kahit hindi natin lubos na nauunawaan ang mga ito. Anuman ang Kanyang mga paanyaya sa atin, maaaring kung minsa’y tila nakakagulat o nakakatakot pa ang mga ito. Ngunit maaaring mangyari ang mga himala kung isasantabi natin, tulad ni Pedro, ang ating mga pangamba, ang ating mga pagdududa, at ang ating limitadong pang-unawa at susundin Siya nang may pananampalataya.

icon ng personal na pag-aaral

Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan

Juan 5:16–47

Iginagalang ni Jesucristo ang Kanyang Ama.

Ang relasyon ng Ama sa Langit sa bawat isa sa Kanyang mga anak ay sadyang nararapat na maging sagrado. Sa mga talatang ito, binigyan tayo ni Jesucristo ng nagbibigay-inspirasyong huwarang dapat sundan sa ating relasyon sa Ama sa Langit. Basahin ang Juan 5:16–47, at markahan o tandaan ang bawat paglitaw ng salitang Ama. Paano iginagalang ng Anak ang Ama, at paano mo matutularan ang Kanyang halimbawa? Ano ang natututuhan mo tungkol sa nadarama ng Ama tungkol sa Anak? Ano ang nahihikayat kang gawin upang mapatatag ang iyong relasyon sa iyong Ama sa Langit?

Tingnan din sa Juan 17; Jeffrey R. Holland, “Ang Kadakilaan ng Diyos,” Liahona, Nob. 2003, 70–73.

mga tinapay at isda

Mahimalang pinakain ni Jesus ang limang libong tao mula sa limang piraso ng tinapay at dalawang isda.

Mateo 14:15–21; Marcos 6:33–44; Juan 6:5–14

Maaaring pag-ibayuhin ng Tagapagligtas ang aking abang mga handog upang maisakatuparan ang Kanyang mga layunin.

Nakadama ka na ba ng kakulangang tugunan ang mga pangangailangang nakikita mo sa paligid mo—sa inyong tahanan, sa inyong mga relasyon, o sa lipunan? Nakadama siguro ng kakulangan ang mga disipulo ni Jesus nang hilingin Niya sa kanila na pakainin ang mahigit limang libong taong nagugutom samantalang lilima lang ang tinapay at dadalawa ang isdang naroon. Habang binabasa mo ang sumunod na himala, pagnilayan kung paano magagamit ng Diyos ang iyong abang mga handog na paglilingkod upang pagpalain ang mga nasa paligid mo. Paano Niya napag-ibayo ang iyong mga pagsisikap nang paglingkuran mo Siya? Isipin ang pahayag na ito ni Sister Michelle D. Craig: “Ngunit maibibigay natin kay Cristo kung ano ang mayroon tayo, at gagawin Niyang mas epektibo ang ating mga pagsisikap. Sapat na ang maibibigay ninyo—kahit na may mga kamalian at kahinaan kayo—kung aasa kayo sa biyaya ng Diyos” (“Hindi Pagiging Kuntento sa Ating Espirituwalidad,” Liahona, Nob. 2018, 54).

Mateo 14:22–33; Marcos 6:45–52; Juan 6:15–21

Inaanyayahan ako ni Jesucristo na isantabi ang aking mga pangamba at pagdududa at sumampalataya sa Kanya.

Ilarawan sa iyong isipan ang mga detalye ng tagpong inilarawan sa Mateo 14:22–33; Marcos 6:45–52; at Juan 6:15–21. Isipin kung ano ang maaaring nadama ni Pedro at ng iba pang mga disipulo. Ano ang natututuhan mo tungkol sa pagiging disipulo mula sa mga salita at gawa ng Tagapagligtas sa mga talatang ito? Ano ang natututuhan mo mula sa mga salita at gawa ni Pedro? (Tingnan din sa 1 Nephi 3:7.) Ano ang hinihikayat ng Panginoon na gawin mo na maaaring katulad ng pag-alis sa bangka? Ano ang nakikita mo sa mga talatang ito na nagbibigay sa iyo ng lakas ng loob na manampalataya kay Jesucristo?

Juan 6:22–71

Bilang disipulo ni Jesucristo, kailangan ay handa akong paniwalaan at tanggapin ang katotohanan, kahit na mahirap itong gawin.

Nang tukuyin ni Jesus ang Kanyang sarili bilang “tinapay ng buhay” (Juan 6:48), natagpuan ng marami na “mahirap ang pananalitang ito” (Juan 6:60). Paano makakatulong sa iyo ang mga salita ni Pedro sa Juan 6:68–69 sa mga panahong tila mahirap tanggapin o ipamuhay ang doktrina ng Tagapagligtas? Ano ang natatak sa isipan mo tungkol sa patotoo ni Pedro? Ano ang ilang “salita ng buhay na walang hanggan” (Juan 6:68) na tumutulong upang manatili kang tapat sa pagsunod sa Tagapagligtas?

Tingnan din sa M. Russell Ballard, “Kanino Kami Magsisiparoon?,” Liahona, Nob. 2016, 90–92.

icon ng pag-aaral ng pamilya

Mga Ideya para sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan ng Pamilya at Home Evening

Mateo 14:15–21.Isipin kung paano mo matutulungan ang inyong pamilya na isipin kung gaano karaming tinapay at isda ang kailangan para mapakain ang limang libong tao. Ano ang itinuturo sa atin ng himala sa Mateo 14:15–21 tungkol sa Tagapagligtas? Isiping magbahagi ng isang karanasan kung kailan nadama mo na wala kang sapat para ihandog at pinag-ibayo ng Tagapagligtas ang iyong mga pagsisikap.

Mateo 14:22–33.Maaaring masiyahan ang inyong pamilya sa pagsasadula ng kuwento sa mga talatang ito. Bakit kaya natakot ang mga disipulo? Bakit napaglabanan ni Pedro ang kanyang takot at umalis sa bangka? Paano siya nagpakita ng pananampalataya kahit noong magsimula siyang lumubog? Paano tayo nagiging katulad ni Pedro kung minsan?

Juan 5:1–16.Anyayahan ang mga miyembro ng pamilya na pansinin ang mga paglitaw ng pariralang “gumagaling” sa mga talatang ito. Sa anong mga paraan pinagagaling ni Jesucristo ang mga tao? Kailan at paano Niya tayo napagaling?

Juan 6:28–58.Bigyan ng isang piraso ng tinapay na makakain ang bawat miyembro ng pamilya, at talakayin ang mga pakinabang na natatanggap natin mula sa tinapay at iba pang masusustansyang pagkain. Pagkatapos ay sama-samang saliksikin ang mga talatang ito, na inaalam kung bakit tinawag ni Jesucristo ang Kanyang sarili na “tinapay ng buhay” (Juan 6:35). Ano ang maaaring ibig sabihin ng “kainin” ang tinapay ng buhay? (tingnan sa D. Todd Christofferson, “Ang Tinapay na Buhay na Bumabang Galing sa Langit,” Liahona, Nob. 2017, 36–39).

Para sa iba pang mga ideya sa pagtuturo sa mga bata, tingnan ang outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary.

Iminumungkahing himno: “Dakilang Karunungan at Pag-ibig,” Mga Himno, blg. 116.

Pagpapabuti ng Personal na Pag-aaral

Maghangad ng sarili mong espirituwal na mga kabatiran. Sa iyong personal na pag-aaral at pag-aaral ng pamilya, huwag mong limitahan ang sarili mo sa mga talata ng banal na kasulatan na binabanggit sa mga outline na ito. Ang Panginoon ay malamang na may mga mensahe para sa iyo sa mga kabanatang ito na hindi tinatalakay rito. Mapanalanging hangarin ang mga ito.

iniaahon ni Jesus si Pedro mula sa tubig

Against the Wind [Pasalungat sa Hangin], ni Liz Lemon Swindle