Bagong Tipan 2023
Abril 10–16. Mateo 15–17; Marcos 7–9: “Ikaw ang Cristo”


“Abril 10–16. Mateo 15–17; Marcos 7–9: ‘Ikaw ang Cristo,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Bagong Tipan 2023 (2022)

“Abril 10–16. Mateo 15–17; Marcos 7–9,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2023

Pagbabagong-anyo ni Cristo

The Transfiguration [Ang Pagbabagong-anyo], ni Carl Heinrich Bloch

Abril 10–16.

Mateo 15–17; Marcos 7–9

“Ikaw ang Cristo”

Ang pagbabasa ng mga banal na kasulatan ay nag-aanyaya sa Espiritu Santo sa buhay mo. Ang isa sa mahahalagang misyon ng Espiritu Santo ay ang magpatotoo tungkol kay Jesucristo. Habang binabasa mo ang mga banal na kasulatan sa linggong ito, bigyang-pansin ang mga espirituwal na damdaming nagpapalakas sa iyong patotoo tungkol sa Tagapagligtas.

Itala ang Iyong mga Impresyon

Hindi ba kataka-takang hilingin ng mga Fariseo at Saduceo na pakitaan sila ni Jesus ng “isang tanda mula sa langit”? Hindi pa ba sapat ang Kanyang maraming bantog na mga himala? Paano naman ang Kanyang makapangyarihang mga turo o ang iba’t ibang paraan na natupad Niya ang sinaunang mga propesiya? Ang kanilang kahilingan ay hindi udyok ng kawalan ng mga tanda kundi ng pag-ayaw nilang “makilala ang mga tanda” at tanggapin ang mga ito. (Tingnan sa Mateo 16:1–4.)

Nasaksihan ni Pedro, tulad ng mga Fariseo at Saduceo, ang mga himala ng Tagapagligtas at narinig ang Kanyang mga turo. Ngunit ang tiyak na patotoo ni Pedro na, “Ikaw ang Cristo, ang anak ng Diyos na buhay,” ay hindi dumating sa pamamagitan ng kanyang pisikal na mga pandamdam—sa kanyang “laman at dugo.” Ang kanyang patotoo ay inihayag sa kanya ng ating “Ama na nasa langit. Paghahayag ang batong pinagsaligan ng Tagapagligtas ng Kanyang Simbahan noon at ngayon—paghahayag mula sa langit sa Kanyang mga lingkod. At ito ang bato na maaaring maging saligan ng ating pagkadisipulo—paghahayag na si Jesus ang Cristo at na hawak ng Kanyang mga lingkod “ang mga susi ng kaharian.” Kapag tayo ay nakatayo sa pundasyong ito, “ang mga pintuan ng [impiyerno] ay hindi magwawagi laban sa [atin]” (Mateo 16:15–19).

icon ng personal na pag-aaral

Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan

Mateo 16:13–17

Ang isang patotoo tungkol kay Jesucristo ay dumarating sa pamamagitan ng paghahayag.

Kung tatanungin ni Jesucristo ang mga tao ngayon ng, “Ano ang sinasabi ng mga tao kung sino ang Anak ng Tao?” ano kaya ang isasagot nila? Paano ka tutugon kung tatanungin ka ni Jesus ng, “Ano ang sinasabi ninyo kung sino ako?” (Tingnan sa Mateo 16:13–15.)

Pagnilayan ang iyong patotoo tungkol sa Tagapagligtas at kung paano mo ito tinanggap. Ano ang natututuhan mo mula sa Mateo 16:15–17 na maaaring magpatibay rito? Kung gusto mong malaman ang iba pa tungkol sa patotoo at personal na paghahayag, saliksikin ang mga talatang ito: Juan 15:26; 2 Nephi 31:17–18; Alma 5:45–48; at Doktrina at mga Tipan 8:2–3.

Tingnan din sa “Pangulong Nelson: Pakinggan Siya—Personal na Paghahayag” (video), ChurchofJesusChrist.org.

0:59

Mateo 16:13–19; 17:1–9; Marcos 9:2–9

“Ang mga susi ng kaharian ng langit” ay nasa lupa ngayon.

Ang “mga susi ng kaharian ng langit” na ipinangakong ibibigay ng Tagapagligtas kay Pedro ay ang mga susi ng priesthood (Mateo 16:19). Ano ang mga susi ng priesthood? Bakit natin kailangan ang mga ito? Pagnilayan ang mga tanong na ito habang binabasa mo ang pangako ng Tagapagligtas na nasa Mateo 16:13–19 at ang katuparan nito sa Mateo 17:1–9; Marcos 9:2–9 (tingnan din sa Pagsasalin ni Joseph Smith, Marcos 9:3).

Kabilang sa iba pang resources para malaman mo ang tungkol sa mga susi ng priesthood ang Doktrina at mga Tipan 65:2; 107:18–20; 110:11–16; 128:9–11; “Susi ng Pagkasaserdote, Mga” sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan (scriptures.ChurchofJesusChrist.org); at mensahe ni Elder Gary E. Stevenson na “Nasaan ang mga Susi at Awtoridad ng Priesthood?,” (Liahona, Mayo 2016, 29–32). Habang pinag-aaralan mo ang resources na ito, isiping ilista ang natututuhan mo tungkol sa mga susi ng priesthood at ang mga pagpapalang nagmumula sa mga ito. Sa iyong palagay, bakit magandang simbolo ang susi para sa karapatang pamahalaan ang paglilingkod sa priesthood?

Tingnan din sa Dallin H. Oaks, “Ang Melchizedek Priesthood at ang mga Susi,” Liahona, Mayo 2020, 69–72; Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Pagbabagong-anyo.”

estatuwa ni Pedro na mayhawak na mga susi

Ang mga susi ng priesthood ay ang awtoridad na pamahalaan ang paggamit ng priesthood.

Mateo 17:14–21; Marcos 9:14–29

Kapag naghahangad ako ng higit na pananampalataya, maaari akong magsimula sa pananampalatayang taglay ko.

May mga dahilan ang amang binanggit sa Mateo 17 at Marcos 9 para makadama ng kawalang-katiyakan na mapapagaling ni Jesus ang kanyang anak. Hiniling na niya sa mga disipulo ni Jesus na pagalingin ang kanyang anak, at hindi nila ito magawa. Ngunit nang humiling siya ng himala sa Tagapagligtas, pinili niyang magpahayag ng pananampalataya. “Panginoon, nananampalataya ako,” wika niya. Pagkatapos, sa pagkilala na hindi perpekto ang kanyang pananampalataya, idinagdag niya, “tulungan mo ang kakulangan ko ng pananampalataya.”

Ano ang itinuturo sa iyo ng Espiritu habang binabasa mo ang himalang ito? Paano ka natulungan ng Ama sa Langit na madagdagan ang iyong pananampalataya? Ano ang magagawa mo upang magamit ang pananampalatayang mayroon ka na? Marahil maaari kang bumuo ng listahan ng mga talata sa banal na kasulatan, mensahe sa kumperensya, o karanasan na nakapagpalakas sa iyong pananampalataya.

Tingnan din sa Jeffrey R. Holland, “Panginoon, Nananampalataya Ako,” Liahona, Mayo 2013, 93–95.

icon ng pag-aaral ng pamilya

Mga Ideya para sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan ng Pamilya at Home Evening

Mateo 15:7–9; Marcos 7:6–7.Ano ang pagkakaiba ng paggalang sa Diyos sa ating mga labi, o mga salita, at ng paggalang sa Kanya sa ating puso?

Mateo 15:17–20; Marcos 7:18–23.Bakit tayo nag-iingat tungkol sa ipinapasok natin sa ating bibig? Batay sa itinuro ni Jesus sa mga talatang ito, bakit tayo dapat maging mas maingat tungkol sa mga bagay na lumalabas sa ating bibig—at sa ating puso? Paano natin mapapanatiling dalisay ang ating puso?

Mateo 16:15–17.Paano inihahayag sa atin ng Diyos na si Jesus “ang Cristo, ang Anak ng Diyos na buhay”? (talata 16). Paano natin maihahanda ang ating sarili sa pagtanggap ng paghahayag na ito mula sa Kanya?

Mateo 16:13–19; 17:1–9.Para maituro sa mga bata ang tungkol sa mga susi ng priesthood, maaari mong isalaysay ang kuwento ni Elder Gary E. Stevenson noong na-lock ang kotse niya at hindi niya ito mabuksan (tingnan sa “Nasaan ang mga Susi at Awtoridad ng Priesthood?,” Liahona, Mayo 2016, 29–32). Maaari mong ipagamit sa mga anak mo ang mga susi para buksan ang bahay, ang kotse, o iba pang mga kandado. Isiping magpakita ng isang larawan ng Pangulo ng Simbahan at magpatotoo na hawak niya ang lahat ng susi ng priesthood, tulad ni Pedro noon.

2:51

Mateo 17:20.Napagalaw ng mga propetang may pananampalataya kay Jesucristo ang literal na mga bundok (tingnan sa Jacob 4:6; Moises 7:13). Ngunit karaniwan, hindi iyon ang himalang kailangan natin. Itinuro ni Pangulong M. Russell Ballard: “Kung may pananampalataya tayo na sinliit ng buto ng mustasa, matutulungan tayo ng Panginoon na alisin ang mga bundok ng kawalang-pag-asa at pagdududa sa mga gawain sa ating harapan habang naglilingkod tayo sa mga anak ng Diyos, kabilang na ang mga kapamilya, miyembro ng Simbahan, at hindi pa miyembro ng Simbahan” (“Mga Natatanging Kaloob mula sa Diyos,” Liahona, Mayo 2018, 10). Ano ang ilang bundok sa ating buhay na kailangang alisin? Paano tayo magpapakita ng pananampalataya sa kapangyarihan ng Diyos na tulungan tayong alisin ang mga bundok na ito?

Para sa iba pang mga ideya sa pagtuturo sa mga bata, tingnan ang outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary.

Iminumungkahing himno: “Ako’y Naniniwala kay Cristo,” Mga Himno, blg. 76.

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Magtipon nang madalas. Itinuro ni Pangulong Henry B. Eyring: “Huwag kailanman palagpasin ang pagkakataong tipunin ang mga anak para pag-aralan ang doktrina ni Jesucristo. Ang gayong mga sandali ay napakabihira kumpara sa mga pagsisikap ng kaaway” (“The Power of Teaching Doctrine,” Ensign, Mayo 1999, 74).

lalaking kasama ang maysakit na anak sa harapan ni Jesus

Master, I Have Brought unto Thee My Son [Guro, Narito ang Aking Anak], ni Walter Rane