Bagong Tipan 2023
Abril 24–30. Juan 7–10: “Ako ang Mabuting Pastol”


“Abril 24–30. Juan 7–10: ‘Ako ang Mabuting Pastol,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Bagong Tipan 2023 (2022)

“Abril 24–30. Juan 7–10,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2023

si Jesus kasama ang babaeng nakapatirapa sa lupa

Neither Do I Condemn Thee [Hindi rin Kita Hinahatulan], ni Eva Koleva Timothy

Abril 24–30

Juan 7–10

“Ako ang Mabuting Pastol”

Habang binabasa mo ang Juan 7–10, maaari kang makatanggap ng mga impresyon mula sa Espiritu Santo tungkol sa mga alituntunin ng doktrina na nasa mga kabanatang ito. Ang pagtatala ng iyong mga impresyon ay makakatulong sa iyo na magplanong kumilos ayon sa mga ito.

Itala ang Iyong mga Impresyon

Bagama’t si Jesucristo ay naparito upang maghatid ng “kapayapaan sa mga taong kinalulugdan niya” (Lucas 2:14), “nagkaroon ng pagkakahati-hati sa maraming tao dahil sa kanya” (Juan 7:43). Ang mga taong nakasaksi sa magkakaparehong pangyayari ay iba-iba ang mga naging konklusyon kung sino si Jesus. Sabi ng ilan, “Siya’y mabuting tao,” samantalang sabi naman ng iba, “Inililigaw niya ang mga tao” (Juan 7:12). Nang pagalingin Niya ang lalaking bulag sa araw ng Sabbath, iginiit ng ilan, “Ang taong ito’y hindi mula sa Diyos, sapagkat hindi siya nangingilin ng Sabbath,” samantalang ang tanong ng iba, “Paanong makakagawa ng gayong mga [himala] ang isang taong makasalanan?” (Juan 9:16). Subalit sa kabila ng lahat ng kalituhan, kinilala ng mga taong naghanap sa katotohanan ang kapangyarihan sa Kanyang mga salita, sapagkat “kailanma’y walang taong nagsalita nang gayon” (Juan 7:46). Nang hilingin ng mga Judio kay Jesus na “sabihin mong maliwanag sa amin” kung siya nga ang Cristo, inihayag Niya ang isang alituntuning makakatulong sa atin na makilala ang katotohanan sa kamalian: “Pinapakinggan ng aking mga tupa ang aking tinig,” wika Niya, “at sila’y aking kilala, at sila’y sumusunod sa akin” (Juan 10:24, 27).

icon ng personal na pag-aaral

Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan

Juan 7:14–17

Kapag ipinamuhay ko ang mga katotohanang itinuro ni Jesucristo, malalaman ko na totoo ang mga ito.

Namangha ang mga Judio na napakaraming alam ni Jesus, samantalang hindi Siya nakapag-aral (tingnan sa talata 15)—kahit paano, hindi sa mga paraang pamilyar sa kanila. Sa sagot ni Jesus, nagturo Siya ng ibang paraan ng pag-alam sa katotohanan na para sa lahat, anuman ang pinag-aralan o kinalakhan natin. Ayon sa Juan 7:14–17, paano mo malalaman na totoo ang doktrinang itinuro ni Jesus? Paano nakatulong sa iyo ang prosesong ito na magkaroon ng patotoo sa ebanghelyo?

Juan 8:2–11

Ang awa ng Tagapagligtas ay para sa lahat.

Nang magsalita si Elder Dale G. Renlund tungkol sa pakikipag-ugnayan ng Tagapagligtas sa babaeng nahuling nangangalunya, sinabi niya: “Walang alinlangang hindi kinunsinti [ng Tagapagligtas] ang pangangalunya. Ngunit hindi rin Niya isinumpa ang babae. Hinikayat Niya itong magbagumbuhay. Nahikayat itong magbago dahil sa Kanyang habag at awa. Ang Joseph Smith Translation ng Biblia ay nagpapatunay na naging disipulo ito: ‘At niluwalhati ng babae ang Diyos mula nang oras na iyon, at naniwala sa kanyang pangalan’” (“Ang Ating Mabuting Pastol,” Liahona, Mayo 2017, 30).

Kailan mo nadama na katulad ka ng babae, na kinaawaan sa halip na isinumpa ng Tagapagligtas? Kailan ka naging katulad ng mga eskriba at Fariseo, na pinaratangan o hinatulan ang iba kahit na makasalanan ka din? (tingnan sa Juan 8:7). Ano pa ang matututuhan mo mula sa paraan ng pakikipag-ugnayan ng Tagapagligtas sa mga eskriba at Fariseo at sa babaeng nahuling nangangalunya? Ano ang natututuhan mo tungkol sa pagpapatawad ng Tagapagligtas habang binabasa mo ang mga talatang ito?

Juan 9

Kung mayroon tayong pananampalataya, maipapakita ng Diyos ang Kanyang sarili sa ating mga paghihirap.

Ano ang itinuturo sa iyo ng Juan 9:1–3 tungkol sa mga hamon at paghihirap sa buhay? Habang binabasa mo ang Juan 9, pagnilayan kung paano “[na]hayag … ang mga gawa ng Diyos” sa buhay ng lalaking isinilang na bulag. Paano naipakita ang mga ito sa buhay mo—pati na sa iyong mga paghihirap?

Juan 10:1–30

Si Jesucristo ang Mabuting Pastol.

Kahit hindi ka pamilyar sa mga tupa at pagpapastol, ang pagbasa sa Juan 10, kung saan sinabi ng Tagapagligtas na, “Ako ang mabuting pastol,” ay maaaring magturo sa iyo ng mahahalagang katotohanan tungkol sa Kanya. Para matagpuan ang mga katotohanang ito, hanapin ang mga pariralang naglalarawan kung ano ang isang mabuting pastol at pagkatapos ay isipin kung paano naaangkop ang mga pariralang iyon sa Tagapagligtas. Nasa ibaba ang ilang halimbawa:

  • Talata 3: “Tinatawag niya ang kanyang mga tupa sa pangalan, at sila’y [inaakay].”

  • Talata 11: “Ibinibigay [Niya] ang kanyang buhay para sa mga tupa.”

  • Talata 16: “Magkakaroon ng isang kawan na may isang pastol.”

Narito ang ilang karagdagang tanong para tulungan kang pagnilayan ang kabanatang ito: Paano parang pintuan si Jesus? (tingnan sa mga talata 7–9). Paano ka niya nabigyan ng “buhay … nang may kasaganaan”? (talata 10). Kailan mo nadama na personal ka Niyang kilala? (tingnan sa talata 14). Paano mo nakikilala ang tinig ng Mabuting Pastol? (tingnan sa talata 27).

Tingnan din sa Mga Awit 23; Ezekiel 34; Alma 5:37–39; 3 Nephi 15:21–16:5; Gerrit W. Gong, “Mabuting Pastol, Kordero ng Diyos,” Liahona, Mayo 2019, 97–101.

icon ng pag-aaral ng pamilya

Mga Ideya para sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan ng Pamilya at Home Evening

Juan 7:24.Para maipaunawa sa inyong pamilya ang turo ni Jesus sa Juan 7:24, maaari kang magpakita sa kanila ng isang bagay na magkaiba ang hitsura ng labas at loob. O maaaring magbahagi ang mga miyembro ng pamilya ng mga karanasang nagturo sa kanila na huwag humusga ayon sa panlabas na hitsura. Maaari mo ring ilista ang mga katangian ng bawat miyembro ng pamilya na hindi nakikita ng mga mata (tingnan din sa 1 Samuel 16:7; Thomas S. Monson, “Tingnan ang Kapwa ayon sa Maaaring Kahinatnan Nila,” Liahona, Nob. 2012, 68–71).

Juan 8:31–36.Ano ang ibig sabihin ng maging “alipin ng kasalanan”? (tingnan din sa Moroni 7:11). Anong mga katotohanang itinuro ni Jesus ang makapagpapalaya sa atin?

si Cristo na pinagagaling ang isang lalaking bulag

Jesus Healing the Blind [Pinagagaling ni Jesus ang Bulag], ni Carl Heinrich Bloch

Juan 9.Paano mo matutulungan ang inyong pamilya na ilarawan sa kanilang isipan ang salaysay tungkol sa pagpapagaling ni Jesus sa lalaking bulag sa Juan 9? Anyayahan silang isulat ang anumang mga aral na natututuhan nila mula sa salaysay, tulad ng kung ano ang ibig sabihin ng magbalik-loob sa ebanghelyo ni Jesucristo.

Juan 10:1–18, 27–29.Para maisali ang mga miyembro ng pamilya sa pagkatuto mula sa talinghaga ng mabuting pastol, hilingin sa bawat isa sa kanila na gumuhit ng larawan ng isa sa mga sumusunod: isang magnanakaw, isang pintuan, isang pastol, isang upahang trabahador (bayarang manggagawa), isang lobo, at isang tupa. Anyayahan silang basahin ang Juan 10:1–18, 27–29, at pagkatapos ay talakayin bilang pamilya ang itinuro ng Tagapagligtas tungkol sa mga idinrowing nila.

Para sa iba pang mga ideya sa pagtuturo sa mga bata, tingnan ang outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary.

Iminumungkahing himno: “Ang Panginoon ay Pastol Kong Tunay,” Mga Himno, blg. 62.

Pagpapabuti ng Personal na Pag-aaral

Maghanap ng mga salita at pariralang nagbibigay-inspirasyon. Habang nagbabasa ka, maaaring ituon ng Espiritu ang iyong pansin sa mga salita o pariralang nagbibigay-inspirasyon at gumaganyak sa iyo o tila isinulat para lang sa iyo. Isiping itala ang anumang mga salita o pariralang nagbibigay-inspirasyon sa iyo sa Juan 7–10.

si Cristo na may kasamang tupa

Lost No More [Hindi na Nawawala], ni Greg K. Olsen