Bagong Tipan 2023
Abril 17–23. Mateo 18; Lucas 10: “Anong Dapat Kong Gawin upang Magmana ng Buhay na Walang Hanggan?”


“Abril 17–23. Mateo 18; Lucas 10: ‘Anong Dapat Kong Gawin upang Magmana ng Buhay na Walang Hanggan?,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Bagong Tipan 2023 (2022)

“Abril 17–23. Mateo 18; Lucas 10,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2023

ang mabuting Samaritano

The Good Samaritan [Ang Mabuting Samaritano], ni Dan Burr

Abril 17–23

Mateo 18; Lucas 10

“Anong Dapat Kong Gawin upang Magmana ng Buhay na Walang Hanggan?”

Habang mapanalangin mong binabasa at pinagninilayan ang Mateo 18 at Lucas 10, bigyang-pansin ang mga banayad na pahiwatig ng Espiritu Santo. Sasabihin Niya sa iyo kung paano naaangkop sa iyo ang mga turo at kuwentong ito. Itala ang mga impresyong natatanggap mo.

Itala ang Iyong mga Impresyon

Kapag nagtatanong ka sa Panginoon, maaari kang makatanggap ng sagot na hindi mo inasahan. Sino ang aking kapwa-tao? Sinumang nangangailangan ng iyong tulong at pagmamahal. Sino nga ba ang pinakadakila sa kaharian ng langit? Isang bata. Sapat bang patawarin nang pitong beses ang isang nagkasala? Hindi, dapat kang magpatawad hanggang makapitumpung pito. (Tingnan sa Lucas 10:29–37; Mateo 18:4, 21–22.) Ang di-inaasahang mga sagot mula sa Panginoon ay maaaring mag-anyaya sa atin na baguhin ang paraan ng ating pag-iisip, damdamin, at pagkilos. Kung hinahangad mo ang kalooban ng Panginoon dahil gusto mo talagang matuto mula sa Kanya, tuturuan ka ng Panginoon kung paano mamuhay sa paraang humahantong sa buhay na walang hanggan sa piling Niya.

icon ng personal na pag-aaral

Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan

Mateo 18:21–35

Kailangan kong patawarin ang iba kung gusto kong mapatawad ako ng Panginoon.

Ang mungkahi ni Pedro na kaya niyang patawarin nang pitong beses ang isang tao ay tila napakabukas-palad, ngunit mas mataas ang batas na itinuro ni Jesus. Ang Kanyang sagot na, “Hindi ko sinasabi sa iyo, hanggang sa makapito, kundi, hanggang sa makapitumpung pito” (talata 22), ay hindi nagtuturo kung ilang beses kundi sa halip ay kung paano magkaroon ng katangiang tulad ng kay Cristo tungkol sa pagpapatawad. Habang binabasa mo ang talinghaga tungkol sa walang-awang alipin, pagnilayan ang mga panahon na nadama mo ang awa at habag ng Diyos. Mayroon bang isang tao na kailangang makadama ng awa at habag mula sa iyo?

Ibinigay ni Elder David E. Sorensen ang mahalagang babalang ito: “Kahit dapat nating patawarin ang taong nanakit sa atin, magsikap pa rin tayong huwag nang maulit ang pananakit na iyon. … Sa pagpapatawad ay hindi natin kailangang tanggapin o pagbigyan ang kasamaan. … Ngunit habang nilalabanan natin ang mga pagkakasala, hindi natin dapat pahintulutang kontrolin ng pagkamuhi o galit ang ating mga isipan o kilos” (“Ang Kapatawaran ay Papalitan ang Kapaitan ng Pagmamahal,” Liahona, Mayo 2003, 12).

Lucas 10:1–20

Sinu-sino ang Pitumpu?

Sa pagsunod sa isang pattern na itinatag noong panahon ng Lumang Tipan (tingnan sa Exodo 24:1; Mga Bilang 11:16), si Jesucristo ay “humirang ng pitumpu,” bukod pa sa Kanyang Labindalawang Apostol, upang maging saksi Niya, ipangaral ang Kanyang ebanghelyo, at tulungan Siya sa Kanyang gawain. Ang pattern na ito ay nagpapatuloy sa ipinanumbalik na Simbahan. Ang mga Pitumpu ay tinatawag upang tulungan ang Labindalawa sa kanilang misyon bilang mga natatanging saksi ni Jesucristo sa buong mundo.

Tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 107:25–26, 33–34, 97.

Lucas 10:25–37

Para magkaroon ng buhay na walang hanggan, kailangan kong mahalin ang Diyos at ang aking kapwa tulad sa aking sarili.

Makakatulong na alalahanin na ang talinghaga ng mabuting Samaritano ang paraan ng pagsagot ni Jesus sa dalawang tanong na: “Ano ang gagawin ko upang magmana ng buhay na walang hanggan?” at “Sino ang aking kapwa tao?” (Lucas 10:25, 29). Habang binabasa mo ang talinghagang ito, isaisip ang mga tanong na ito. Anong mga sagot ang nakikita mo?

Noong panahon ni Jesus, ang alitan sa pagitan ng mga Judio at mga Samaritano ay nagtagal nang maraming siglo. Ang mga Samaritano ay mga inapo ng mga Judio na naninirahan sa Samaria na nag-asawa ng mga Gentil. Nadama ng mga Judio na naging tiwali ang mga Samaritano dahil sa pakikisama nila sa mga Gentil at nag-apostasiya na. Ang mga Judio ay maglalakbay nang milya-milya sa ibang daan para maiwasang dumaan sa Samaria. (Tingnan din sa Lucas 9:52–54; 17:11–18; Juan 4:9; 8:48.)

Sa palagay mo, bakit pinili ng Tagapagligtas ang isang Samaritano, na kinamumuhian ng mga Judio, bilang isang halimbawa ng habag at pagmamahal sa kapwa? Ano ang hinihikayat ng talinghagang ito na gawin mo?

Tingnan din sa Mosias 2:17.

5:11

Lucas 10:38–42

Pinipili natin ang “mabuting bahagi” sa paggawa ng araw-araw na mga pagpapasiya na humahantong sa buhay na walang-hanggan.

Sa Lucas 10:38–42, magiliw na inanyayahan ni Jesus si Marta na baguhin ang pag-iisip nito tungkol sa paggugol ng kanyang oras. Matapos banggitin ang mga talatang ito, itinuro ni Sister Carol F. McConkie: “Kung nais nating maging banal, kailangan tayong matutong maupo sa paanan ng Banal ng Israel at magbigay ng oras sa kabanalan. Isinasantabi ba natin ang telepono, ang walang-katapusang listahan ng mga gagawin, ang mga alalahanin ng mundo? Ang pagdarasal, pag-aaral, at pagsunod sa salita ng Diyos ay nag-aanyaya ng Kanyang nakalilinis at nakagagaling na pagmamahal sa ating kaluluwa. Pag-ukulan natin ng panahon ang pagpapakabanal, upang mapuspos tayo ng Kanyang sagrado at nagpapabanal na Espiritu” (“Ang Kagandahan ng Kabanalan,” Liahona, Mayo 2017, 11). Maaari mong suriin kung paano mo ginugugol ang iyong oras—kahit sa mabubuting bagay. Mayroon bang bagay na mas “kailangan” (talata 42) na nararapat na mas pagtuunan ng iyong pansin?

icon ng pag-aaral ng pamilya

Mga Ideya para sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan ng Pamilya at Home Evening

Mateo 18:1–11.Bakit nanaisin ni Jesus na maging katulad tayo ng isang maliit na bata? Anong mga katangian ng mga bata ang maaari nating taglayin para maging higit na katulad ni Cristo? (tingnan sa Mosias 3:19).

si Jesus sa piling ng mga bata

Nais ni Jesus na maging katulad ng maliliit na bata ang Kanyang mga disipulo.

Mateo 18:15.Paano natin magagamit ang payo sa Mateo 18:15 sa mga pakikipag-ugnayan natin sa pamilya? Paano mapagpapala ng paggawa nito ang ating pamilya?

Mateo 18:21–35.Ano ang itinuturo ng talinghagang ito sa atin tungkol kay Jesucristo? Ano ang itinuturo nito sa atin kung paano tratuhin ang iba?

Lucas 10:25–37.Maaaring masiyahan ang mga miyembro ng pamilya na magsuot ng mga costume at isadula ang talinghagang ito. Paano tayo katulad kung minsan ng iba’t ibang tao sa talinghaga? Paano katulad ng mabuting Samaritano ang Tagapagligtas? Paano tayo magiging katulad ng mabuting Samaritano?

Maaari ninyong sama-samang kantahin ang isang himno o awiting pambata na sumusuporta sa mga katotohanan sa talinghagang ito. Ang isang halimbawa ay ang “Panginoon, Kayo’y Laging Susundin” (Mga Himno, blg. 164), ngunit marami pang iba. Maaaring masiyahan ang mga miyembro ng pamilya sa paghahanap ng isang himno o awitin at pagpapaliwanag kung paano ito nauugnay sa talinghaga.

Lucas 10:38–42.Mahirap bang iakma ang mga espirituwal na bagay sa iskedyul ng inyong pamilya? Ang kuwento tungkol kina Maria at Marta ay maaaring makahikayat ng isang family council o home evening na tungkol sa kung paano ito magagawa nang mas mahusay. Bilang pamilya, maaari ninyong ilista ang mga paraan para mapili “ang mabuting bahagi” (Lucas 10:42).

Para sa iba pang mga ideya sa pagtuturo sa mga bata, tingnan ang outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary.

Iminumungkahing awitin: “Mahalin Bawat Tao, Sabi ni Cristo,” Aklat ng mga Awit Pambata, 39.

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Magtaguyod ng isang kapaligirang puspos ng pagmamahal. Ang damdamin at pakikitungo ng mga miyembro ng pamilya sa isa’t isa ay makakaimpluwensya nang malaki sa nadarama sa inyong tahanan. Tulungan ang lahat ng miyembro ng pamilya na gawin ang kanilang bahagi sa pagtatatag ng isang tahanang may pagmamahalan at paggalang upang maging panatag ang lahat na magbahagi ng mga karanasan, tanong, at patotoo. (Tingnan sa Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas15.)

si Cristo kasama sina Maria at Marta

Christ in the Home of Mary and Martha [Si Cristo sa Tahanan nina Maria at Marta], ni Walter Rane