Bagong Tipan 2023
Abril 17–23. Mateo 18; Lucas 10: “Anong Dapat Kong Gawin Upang Magmana ng Buhay na Walang Hanggan?”


“Abril 17–23. Mateo 18; Lucas 10: ‘Anong Dapat Kong Gawin Upang Magmana ng Buhay na Walang Hanggan?’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: Bagong Tipan 2023 (2022)

“Abril 17–23. Mateo 18; Lucas 10,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: 2023

ang mabuting Samaritano

Ang Mabuting Samaritano, ni Dan Burr

Abril 17–23

Mateo 18; Lucas 10

“Anong Dapat Kong Gawin Upang Magmana ng Buhay na Walang Hanggan?”

Anong mga katotohanan sa Mateo 18 at Lucas 10 ang kailangang matutuhan ng mga bata? Makinig sa mga pahiwatig ng Espiritu Santo habang binabasa mo ang mga kabanatang ito. Ang Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya ay maaaring maging gabay sa iyong pag-aaral, at mabibigyan ka ng outline na ito ng mga ideya sa pagtuturo.

icon ng pagbabahagi

Mag-anyayang Magbahagi

Anyayahan ang mga bata na magbahagi ng isang bagay na natutuhan nila tungkol kay Jesucristo sa bahay o sa Primary.

icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina: Mas Maliliit na Bata

Mateo 18:21–35

Dapat kong patawarin palagi ang ibang tao.

Habang binabasa mo ang Mateo 18:21–35, isipin ang sarili mong mga karanasan sa pagpapatawad at kung ano ang dapat malaman ng mga bata tungkol sa alituntuning ito.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Ikuwento ang talinghaga tungkol sa walang-awang alipin (tingnan sa Mateo 18:23–35). Ipaliwanag na kapag ang isang tao ay hindi mabait o hindi makatarungan, marahil ay makadarama tayo ng galit o lungkot sa simula. Ngunit ang pagpapatawad ay nangangahulugan na muli tayong makadarama ng kapayapaan. Kapag pinapatawad natin ang isang tao, nagpapasiya tayong huwag nang magalit sa kanila. (Ipaunawa sa mga bata na kung ang isang tao ay hindi mabait o hindi makatarungan sa kanila, dapat silang humingi ng tulong sa kanilang mga magulang o sa iba pang mapagkakatiwalaang nakatatanda.)

  • Isulat sa pisara ang Pinatatawad kita, at sabihin sa mga bata na makakatulong ang mga salitang ito na gawing masasayang sandali ang malulungkot na pagkakataon. Magdrowing ng malungkot na mukha sa pisara, at magbigay ng ilang halimbawa ng mga bata na nagpapatawad sa isa’t isa. Pagkatapos ng bawat halimbawa, anyayahan ang isang bata na gawing masaya ang isang malungkot na mukha.

  • Kumanta kayo ng mga bata ng isang awitin tungkol sa pagpapatawad, tulad ng “Ama, Ako’y Tulungan” (Aklat ng mga Awit Pambata, 52). Ibahagi ang iyong patotoo na tutulungan tayo ng Ama sa Langit na patawarin ang iba.

Lucas 10:25–37

Itinuro sa akin ni Jesus na ituring kong kapwa ang lahat ng tao at mahalin sila.

Ang talinghaga ng mabuting Samaritano ay makapagpapakita sa mga bata kung sino ang ating kapwa at kung paano natin sila dapat pakitunguhan. Mag-isip ng mga paraan para mahikayat mo ang mga bata na “humayo … at gayundin ang gawin” (Lucas 10:37).

Mga Posibleng Aktibidad

  • Tanungin ang bawat bata, “Sino ang inyong kapwa?” Ibuod ang salaysay sa Lucas 10:25–37, at ibahagi kung paano sinagot ni Jesus ang tanong na iyon. Ano ang itinuro ni Jesus kung paano natin dapat pakitunguhan ang ating kapwa?

  • Basahin ang Lucas 10:25–37 habang isinasadula ng mga bata ang talinghaga tungkol sa mabuting Samaritano. Tulungan silang mag-isip ng mga paraan na maaari silang maging katulad ng mabuting Samaritano sa pamamagitan ng pagpapakita ng pagmamahal at kabaitan sa iba.

  • Sumulat ng ilang halimbawa ng mga sitwasyon kung saan ang isang tao ay maaaring mangailangan ng tulong, at itago ang mga papel sa paligid sa silid. Hilingin sa mga bata na hanapin ang mga papel. Basahin ang mga sitwasyon, at anyayahan ang mga bata na magbahagi kung paano sila makapagpapakita ng kabaitan sa tao sa sitwasyong iyon.

  • Kantahin ninyo ng mga bata ang isang awitin tungkol sa kabaitan, tulad ng “Mahalin Bawat Tao, sabi ni Cristo” o “Sa Akin Nagmumula ang Kabaitan” (Aklat ng mga Awit Pambata, 39, 83). Tulungan ang mga bata na mag-isip ng ilang paraan na nagpapakita sila ng pagmamahal at kabaitan sa iba. Maaari din silang magdrowing ng mga larawan ng kanilang sarili na ginagawa ang mga bagay na ito.

icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina: Mas Nakatatandang mga Bata

Mateo 18:21–35

Patatawarin ako ng Ama sa Langit kung patatawarin ko ang iba.

Ang talinghaga tungkol sa walang-awang alipin ay maaaring maging isang di-malilimutang paraan para maituro sa mga bata na nais ng ating Ama sa Langit na patawarin natin ang lahat ng tao.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Basahin ninyo ng mga bata ang Mateo 18:23–35. Ipaliwanag na ang hari o panginoon ay kumakatawan sa Ama sa Langit, ang alipin ay kumakatawan sa atin, at ang kapwa tagapaglingkod ay kumakatawan sa mga nakagawa ng mali sa atin. Itanong sa mga bata ang tulad ng “Ano ang itinuturo ng kuwentong ito tungkol sa mga paraan na dapat nating pakitunguhan ang iba? Kailan kayo nahirapang patawarin ang isang tao? Paano ninyo inalis ang mga sama-ng-loob ninyo? Kailan ninyo kinailangang mapatawad sa isang maling pagpili?”

  • Isulat sa pisara ang multiplication problem na 70 x 7, at tulungan ang mga bata na i-solve ito. Ipabasa sa isang bata ang Mateo 18:21–22, at ipaliwanag na ginamit ni Jesus ang numerong ito upang ituro sa atin na dapat tayong magpatawad palagi.

  • Hilingin sa mga bata na tulungan kang mag-isip ng ilang situwasyon kung saan maaaring kailanganin ng isang tao na patawarin ang ibang tao. Hilingin sa mga bata na isadula kung paano sila magpapatawad sa ganoong mga sitwasyon.

  • Kumanta kayo ng mga bata ng isang awitin tungkol sa pagpapatawad, tulad ng “Ama, Ako’y Tulungan” (Aklat ng mga Awit Pambata, 52). Ipaunawa sa mga bata kung ano ang itinuturo sa atin ng awitin tungkol sa pagpapatawad sa iba.

Lucas 10:30–37

Kaya kong mahalin at paglingkuran ang iba, lalo na ang mga nangangailangan.

Pagnilayan ang mga pagkakataon sa iyong buhay na naging isang “mabuting Samaritano” ang isang tao sa iyo. Paano mo mahihikayat ang mga bata na maging “mabubuting Samaritano” sa iba?

Mga Posibleng Aktibidad

  • Atasan ang bawat bata na tahimik na basahin ang isang bahagi ng talinghaga ng mabuting Samaritano. Anyayahan ang mga bata na ikuwento ang kanilang bahagi ayon sa pagkakasunud-sunod ng mga pangyayari.

  • Ipaliwanag sa mga bata na labis na namumuhi ang mga Judio sa mga Samaritano na kapag naglalakbay sila mula Jerusalem papuntang Galilea, sila ay lumilihis o umiikot sa labas ng Samaria upang maiwasan ang pakikisalamuha sa sinumang Samaritano. Upang maisalarawan ito, ipakita ang Mapa sa Biblia 1, “Pisikal na Mapa ng Banal na Lupain.” Bakit ginamit ni Jesus ang isang Samaritano bilang halimbawa ng kabutihan sa talinghagang ito? Ano ang itinuturo sa atin ng kuwentong ito tungkol sa pagtulong sa iba na nangangailangan? (Tingnan din sa Mosias 4:16–22.)

  • Anyayahan ang mga bata na magbahagi ng isang karanasan kung kailan naging tulad ng isang mabuting Samaritano ang isang tao sa kanila.

  • Hamunin ang mga bata na magtakda ng mithiin na maging tulad ng mabuting Samaritano sa linggong ito. Maaari mong itanong sa kanila kung may kilala silang maysakit o nalulungkot o isang tao na hindi regular na nagsisimba. Itanong sa mga bata kung paano nila matutulungan ang taong iyon. Tulungan ang mga bata na maunawaan kung paano nakakatulong sa kanila ang paglilingkod sa iba na tuparin ang mga pangakong ginawa nila sa binyag (tingnan sa Mosias 18:8–10).

icon ng pag-aaral

Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan

Anyayahan ang mga bata na ibahagi sa kanilang pamilya kung ano ang plano nilang gawin para maging mas mapagpatawad o mas katulad ng mabuting Samaritano sa linggong ito.

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Turuan ang mga bata na magtala ng mga impresyon. Kung makakagawian ng mga bata na magtala ng mga impresyon, matutulungan sila nitong kilalanin at sundin ang Espiritu. Maitatala ng mga bata ang mga impresyon sa pamamagitan ng pagmamarka sa mga banal na kasulatan, pagdodrowing ng mga larawan, o paggawa ng mga simpleng journal entry.