Bagong Tipan 2023
Abril 3–9. Pasko ng Pagkabuhay: “O Kamatayan, Nasaan ang Iyong Pagtatagumpay?”


“Abril 3–9. Pasko ng Pagkabuhay: ‘O Kamatayan, Nasaan ang Iyong Pagtatagumpay?,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: Bagong Tipan 2023 (2022)

“Abril 3–9. Pasko ng Pagkabuhay,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: 2023

Libingan sa Halamanan

Abril 3–9

Pasko ng Pagkabuhay

“O Kamatayan, Nasaan ang Iyong Pagtatagumpay?”

Gamitin ang iyong oras na kasama ang mga bata upang tulungan silang makita na ang Pasko ng Pagkabuhay ay panahon upang magalak sa Tagapagligtas at palalimin ang kanilang pasasalamat sa Kanyang sakripisyo. Ang mga ideya sa outline na ito ay maaaring iangkop para matulungan kang magturo sa mga bata anuman ang edad nila.

icon ng pagbabahagi

Mag-anyayang Magbahagi

Magpakita ng mga larawan ng Tagapagligtas sa Getsemani, sa krus, at pagkatapos ng Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli (tingnan ang larawan sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya at Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, blg. 56–60). Hilingin sa mga bata na ibahagi ang nalalaman nila tungkol sa mga pangyayari sa mga larawan.

icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina: Mas Maliliit na Bata

Si Jesucristo ang aking Tagapagligtas.

Habang binabasa mo ang tungkol sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo, isiping mabuti kung paano mo matutulungan ang mga bata na madama kung gaano sila kamahal ni Jesus.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Magpakita ng larawan ni Jesus, at hilingin sa mga bata na ibahagi ang nalalaman nila tungkol sa ginawa Niya para sa atin. Magpatotoo tungkol sa pagmamahal ng Tagapagligtas at sa Kanyang kapangyarihang iligtas tayo mula sa kasalanan. Magpakita ng salamin, at sabihin sa mga bata na magsalitan sa pagtingin dito. Habang ginagawa ito ng bawat bata, sabihing, “Mahal na mahal ni Jesus si [pangalan ng bata], at matutulungan Niya si [pangalan ng bata] na muling mamuhay kasama ng Ama sa Langit.”

  • Ipakita ang larawang Nananalangin si Jesus sa Getsemani (Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, blg. 56) habang ikinukuwento mo ang tungkol sa pagdurusa ni Jesus sa Getsemani para sa mga kasalanan ng sanlibutan (tingnan sa Mateo 26:36–46; Lucas 22:39–44). Patotohanan na dahil sa Kanyang pagdurusa, maaari tayong mapatawad kapag nakagawa tayo ng mga maling pagpili. Maaari mo ring gamitin ang “Kabanata 51: Nagdusa si Jesus sa Halamanan ng Getsemani” (sa Mga Kuwento sa Bagong Tipan, 129–32).

  • Sama-samang kantahin ang isang awitin tungkol sa pag-ibig ni Jesus para sa atin, tulad ng “Aking Nadarama ang Pag-ibig ni Cristo” (Aklat ng mga Awit Pambata, 42–43). Tulungan ang mga bata na tukuyin ang mga salita sa awitin na naglalarawan sa pagmamahal ng Tagapagligtas. Ano ang mga nakakatulong sa atin na madama ang Kanyang pagmamahal? Paano natin matutulungan ang iba na madama ang Kanyang pagmamahal?

Si Cristo kasama si Maria sa libingang walang laman

He is Risen [Siya’y Nagbangon], ni Greg Olsen

Dahil namatay at nabuhay na mag-uli si Jesus, ako ay mabubuhay na muli.

Paano mo matutulungan ang mga bata na maunawaan na dahil kay Jesucristo, tayo at ang ating mga mahal sa buhay ay mabubuhay na mag-uli balang-araw?

Mga Posibleng Aktibidad

  • Ituro sa mga bata ang kuwento ng Pasko ng Pagkabuhay gamit ang mga larawan ni Cristo sa Getsemani, sa krus, at pagkatapos ng Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli, (tingnan sa Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, blg. 56–60 at sa isang buong pahina na larawan sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya). Ipahawak sa ilang bata ang mga larawan habang isinasalaysay mo ang kuwento. Ikuwento sa mga bata ang tungkol sa ilang tao na nakakita kay Jesus matapos Siyang mabuhay na mag-uli, tulad ni Maria (tingnan sa Juan 20:1–18) o Tomas (tingnan sa Juan 20:24–29).

  • Itanong sa mga bata kung bakit natin ipinagdiriwang ang Pasko ng Pagkabuhay. Ipaliwanag na sa Pasko ng Pagkabuhay, ipinagdiriwang natin ang araw na nabuhay na mag-uli si Jesucristo. Itanong kung gusto ng sinumang bata na ibahagi kung ano ang ginagawa ng kanilang pamilya para alalahanin ang Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo.

  • Ipaliwanag na ang kahulugan ng nabuhay na mag-uli ay ang mabuhay na muli pagkatapos nating mamatay. Magpatotoo na dahil kay Jesucristo, tayo ay mabubuhay na mag-uli—mabubuhay tayong muli pagkatapos nating mamatay, at hindi na tayo mamamatay muli.

  • Gumamit ng guwantes para turuan ang mga bata na lahat tayo ay may katawan (na kinakatawan ng guwantes) at espiritu (na kinakatawan ng kamay). Kapag tayo ay namatay, ang ating espiritu at ang ating katawan ay naghihiwalay. Ang ating espiritu ay patuloy na mabubuhay, pero hindi ang ating mga katawan. Kapag tayo ay nabuhay na mag-uli, ang ating espiritu at katawan ay magsasamang muli. Bigyan ng pagkakataon ang bawat bata na isuot at hubarin ang guwantes.

  • Sama-samang kantahin ang isang awitin para sa Pasko ng Pagkabuhay, tulad ng “Si Jesus ba ay Nagbangon?” o “Si Jesus ay Nagbangon” (Aklat ng mga Awit Pambata, 45, 44), at ipakita sa mga bata ang larawan ni Jesus nang Siya ay nabuhay na mag-uli (tingnan sa Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, blg. 59–61).

  • Magdispley ng larawan ng isang taong kakilala mo na namatay na. Ibahagi ang iyong patotoo na siya ay mabubuhay na mag-uli dahil sa Pagbabayad-sala at Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo.

  • Ipalabas ang isang video tungkol sa Pasko ng Pagkabuhay na matatagpuan sa Easter.ComeuntoChrist.org .

icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina: Mas Nakatatandang mga Bata

Si Jesus ay nagdusa para sa akin sa Getsemani at sa krus.

Habang pinag-aaralan mo ang mga banal na kasulatan sa linggong ito, pagnilayan kung paano mo matutulungan ang mga bata na mapalakas ang kanilang pananampalataya kay Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Basahing kasama ng mga bata ang Lucas 22:39–44 at ang mga piling talata mula sa Mateo 27:29–50. Hilingin sa kanila na hanapin ang mga salitang makakatulong sa kanila na maunawaan ang naranasan ng Tagapagligtas sa Getsemani at sa krus.

  • Tulungan ang mga batang makabisado ang ikatlong saligan ng pananampalataya. Magpatotoo na si Jesucristo ay may kapangyarihang magligtas sa atin mula sa kasalanan at sa kamatayan.

  • Tulungan ang mga bata na maghanda ng maikling mensahe tungkol sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo na maaari nilang ibahagi sa iba. Hikayatin sila na isama ang isang talata sa banal na kasulatan at ang kanilang patotoo sa kanilang mensahe. Kung kailangan nila ng dagdag na tulong, maaari nilang basahin ang “Bayad-sala, Pagbabayad-sala” sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan (scriptures.ChurchofJesusChrist.org).

Dahil namatay at nabuhay na mag-uli si Jesus, ako ay mabubuhay na muli.

Balang-araw ay mararanasan ng mga batang tinuturuan mo ang pagkamatay ng isang mahal sa buhay, kung sakaling hindi pa nila ito naranasan. Tulungan silang malaman na dahil si Jesucristo ay nabuhay na mag-uli, tayong lahat ay mabubuhay na mag-uli.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Idispley ang mga larawan blg. 57–59 sa Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, at hilingin sa mga bata na itugma ang mga larawan sa sumusunod na mga talata: Mateo 27:29–38, 59–60; Juan 20:10–18.

  • Hilingin sa mga bata na basahin nang mag-isa ang “Pagkabuhay na Mag-uli” sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan (scriptures.ChurchofJesusChrist.org) at maghanap ng isang bagay na gusto nilang ituro sa kanilang pamilya. Bigyan ng oras ang mga bata na ibahagi kung ano ang nahanap nila.

  • Tulungan ang mga bata na tingnan ang indeks ng mga paksa ng Aklat ng mga Awit Pambata para maghanap ng isang awitin tungkol kay Jesucristo o sa Pagkabuhay na Mag-uli na gusto nilang kantahin. Sama-samang kantahin ang awitin, at itanong sa mga bata kung ano ang natututuhan nila mula sa awiting ito.

  • Anyayahan ang ilang bata na ibahagi ang kanilang patotoo tungkol sa Pagbabayad-sala at Pagkabuhay na Mag-uli ng Tagapagligtas. (Maaari mong hilingin sa mga batang ito na gawin ito ilang araw bago magklase para makapaghanda sila.) Hilingin sa mga bata na isulat ang kanilang patotoo na ibabahagi nila sa tahanan.

learning icon

Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan

Upang matulungan ang mga bata na maibahagi ang natutuhan nila sa kanilang pamilya, hikayatin silang kumanta ng isang awitin tungkol kay Jesucristo sa kanilang tahanan ngayong linggo.

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Nakakatulong sa mga bata ang pag-uulit. Huwag matakot na ulitin ang mga aktibidad nang maraming beses, lalo na sa mas maliliit na bata. Ang pag-uulit ay makakatulong sa mga batang tinuturuan mo na makaalala.