Bagong Tipan 2023
Abril 3–9. Pasko ng Pagkabuhay: “O Kamatayan, Nasaan ang Iyong Pagtatagumpay?”


“Abril 3–9. Pasko ng Pagkabuhay: ‘O Kamatayan, Nasaan ang Iyong Pagtatagumpay?,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Bagong Tipan 2023 (2022)

“Abril 3–9. Pasko ng Pagkabuhay,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2023

Libingan sa Halamanan

Abril 3–9

Pasko ng Pagkabuhay

“O Kamatayan, Nasaan ang Iyong Pagtatagumpay?”

Habang binabasa mo ang mga patotoo tungkol sa Pagkabuhay na Mag-uli ng Tagapagligtas sa outline na ito, itala ang mga damdamin at impresyong dumarating sa iyo mula sa Espiritu Santo.

Itala ang Iyong mga Impresyon

Sa huling linggo ng buhay ng Tagapagligtas, maraming Judio sa Kanyang paligid ang nakikilahok sa mga tradisyon ng Paskua. Naghanda sila ng mga pagkain, nagkantahan, at sama-samang nagtipon upang gunitain ang paglaya ng sambahayan ni Israel mula sa pagkaalipin sa mga taga-Ehipto. Nakinig ang mga pamilya sa kuwento tungkol sa mapangwasak na anghel na nilagpasan ang mga tahanan ng kanilang mga ninuno na naglagay ng marka ng dugo ng kordero sa kanilang mga pintuan. Sa gitna ng lahat ng pagdiriwang na ito na lubhang sagana sa simbolismo ng paglaya, kakaunti lamang ang nakaalam na malapit na silang palayain ni Jesucristo, ang Kordero ng Diyos, mula sa pagkaalipin sa kasalanan at kamatayan—sa pamamagitan ng Kanyang pagdurusa, Kanyang kamatayan, at Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli. Gayon pa man, may mga taong kumilala kay Jesus bilang kanilang ipinangakong Mesiyas, ang kanilang walang-hanggang Tagapagligtas. Mula sa oras na iyon, nagpatotoo na ang mga disipulo ni Jesucristo sa buong mundo “na si Cristo ay namatay para sa ating mga kasalanan … ; at siya’y inilibing, at muling binuhay nang ikatlong araw” (1 Corinto 15:3–4).

icon ng personal na pag-aaral

Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan

Mateo 21–28

Pinalalaya ako ni Jesucristo mula sa kasalanan at kamatayan, pinalalakas ako sa oras ng aking mga kahinaan, at inaaliw ako sa oras ng aking mga pagsubok.

Ang isang paraan para makatuon sa mga pagpapala ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas sa linggong ito ay ang mag-ukol ng oras bawat araw sa pagbabasa tungkol sa huling linggo ng buhay ni Jesus (nasa ibaba ang isang posibleng iskedyul ng pagbabasa). Ano ang nakikita mo sa mga kabanatang ito na nagpapadama sa iyo ng pagmamahal ng Tagapagligtas? Pagnilayan kung ano ang itinuturo sa iyo ng mga kabanatang ito kung paano Ka Niya mapapalaya mula sa kasalanan, kamatayan, mga pagsubok, at mga kahinaan. Paano ka sumasampalataya sa Kanyang kapangyarihang magpalaya?

Tingnan din sa Easter.ComeuntoChrist.org.

si Jesus na nakapako sa krus

Crucifixion [Pagpapako sa Krus], ni Louise Parker

Mateo 28:1–10; Lucas 24:13–35; Juan 20:19–29; 1 Corinto 15:1–8, 55

Maraming saksi ang nagpapatotoo sa Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo.

Isipin kung ano kaya ang pakiramdam ng mga disipulo nang panoorin nila si Jesus na kinukutya, minamaltrato, at ipinapako sa krus. Nasaksihan nila ang Kanyang kapangyarihan, nadama nila ang katotohanan ng Kanyang mga turo, at nanampalataya sila na Siya ang Anak ng Diyos. Ang pagsaksi sa Kanyang kamatayan ay malamang na nagsanhi ng dalamhati at pagkalito sa Kanyang mga disipulo. Ngunit hindi nagtagal ay naging mga saksi sila sa malaking himala ng Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli.

Ano ang matututuhan mo mula sa mga salaysay ng mga nakasaksi sa Nabuhay na Mag-uling Tagapagligtas? Markahan o itala ang karanasan ng bawat tao sa Mateo 28:1–10; Lucas 24:13–35; Juan 20:19–29; at 1 Corinto 15:1–8, 55. (Ang iba pang mga saksi ng nabuhay na mag-uling Cristo ay matatagpuan sa 3 Nephi 11; Mormon 1:15; Eter 12:38–39; Doktrina at mga Tipan 76:19–24; 110:1–10; at Joseph Smith—Kasaysayan 1:15–17.) Ano ang natatak sa isipan mo tungkol sa mga patotoo ng mga saksing ito? Pagkatapos ng Pagkabuhay na Mag-uli ng Tagapagligtas, may iba pang mga tao na nabuhay na mag-uli at nagpakita sa marami (tingnan sa Mateo 27:52–53; 3 Nephi 23:9). Paano naiimpluwensyahan ng iyong pananampalataya sa Tagapagligtas at ng pangako ng pagkabuhay na mag-uli ang paraan ng iyong pamumuhay?

Tingnan din sa “Jesus Is Resurrected,” “The Risen Lord Appears to the Apostles,” “Blessed Are They That Have Not Seen, and Yet Have Believed” (mga video), ChurchofJesusChrist.org.

2:19
2:29

1 Pedro 1:3–11

Binibigyan ako ni Jesucristo ng pag-asa at kagalakan.

Anong mga salita o parirala sa 1 Pedro 1:3–11 ang nagbibigay sa iyo ng pag-asa dahil kay Jesucristo? Kailan mo nadama ang pag-asang iyon?

Pinatotohanan ni Elder Gerrit W. Gong na ang Pagkabuhay na Mag-uli ay “nagbibigay ng pag-asa sa mga nawalan ng biyas; o sa mga nawalan ng paningin, pandinig, o hindi makalakad; o yaong mga nawalan ng katinuan dahil sa malubhang sakit, karamdaman sa pag-iisip, o iba pang kapansanan. Nakikita Niya tayo. Pinagagaling Niya tayo. … [Gayundin,] dahil ‘Diyos ang [nag]bayad-sala para sa mga kasalanan ng sanlibutan’ [Alma 42:15], … matutulungan Niya tayo, nang may awa, ayon sa ating mga kahinaan. … Nagsisisi tayo at ginagawa [natin] ang lahat ng ating makakaya. Niyayakap Niya tayo magpakailanman ‘sa mga bisig ng kanyang pagmamahal’ [2 Nephi 1:15]” (“Hosana at Aleluia—Ang Buhay na Jesucristo: Ang Sentro ng Pagpapanumbalik at Pasko ng Pagkabuhay,” Liahona, Mayo 2020, 54).

Tingnan din sa Alma 27:28; 36:1–24; 3 Nephi 9:11–17; Moroni 7:40–41.

icon ng pag-aaral ng pamilya

Mga Ideya para sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan ng Pamilya at Home Evening

ComeuntoChrist.org.Ang Easter.ComeuntoChrist.org ay naglalaman ng isang timeline at paglalarawan ng nangyari sa bawat araw ng huling linggo ng buhay ng Tagapagligtas. Bawat araw ng linggo, maaaring rebyuhin ng inyong pamilya ang mga paglalarawang ito para makita kung ano ang ginawa ng Tagapagligtas sa araw na iyon, o maaari kayong magbasa tungkol sa Kanyang huling linggo sa mga banal na kasulatan bilang pamilya (tingnan ang isang iminungkahing listahan sa “Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral” sa itaas).

Mga Himno at Aklat ng mga Awit Pambata.Isiping sama-samang kumanta ng mga awitin tungkol sa Pagbabayad-sala at Pagkabuhay na Mag-uli ng Tagapagligtas sa linggong ito, kabilang na ang ilan na di-gaanong pamilyar sa inyo. (Tingnan sa indeks ng mga paksa ng Mga Himno o Aklat ng mga Awit Pambata, sa ilalim ng mga paksang tulad ng “Pagbabayad-sala,” “Pasko ng Pagkabuhay,” o “Pagkabuhay na Mag-uli.”) Para matulungan ang mga miyembro ng pamilya na matutuhan ang mga awitin, maaari kang magpakita ng mga larawan na angkop sa mga salita.

Koleksyong “Jesucristo” sa Gospel Library.Ang koleksyon sa Gospel Library na pinamagatang “Jesucristo” ay mayroong mga video, likhang-sining, at musika na makakatulong sa inyong pamilya na ipagdiwang ang Pagkabuhay na Mag-uli ng Tagapagligtas ngayong Pasko ng Pagkabuhay.

“Ang Buhay na Cristo: Ang Patotoo ng mga Apostol.”Bilang pamilya, basahin ang “Ang Buhay na Cristo: Ang Patotoo ng mga Apostol” (SimbahanniJesucristo.org). Anyayahan ang bawat miyembro ng pamilya na pumili ng isang mensahe sa Pasko ng Pagkabuhay mula sa patotoong ito na maibabahagi nila sa iba. Halimbawa, maaari kang gumawa ng mga poster na ididispley sa social media, sa inyong pintuan sa harapan, o sa inyong tahanan.

Para sa iba pang mga ideya sa pagtuturo sa mga bata, tingnan ang outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary.

Iminumungkahing awitin: “Si Jesus ay Nagbangon,” Aklat ng mga Awit Pambata, 44.

Pagpapabuti ng Personal na Pag-aaral

Magtakda ng mga mithiing kayang gawin. Ang pag-uukol ng kahit ilang minuto bawat araw sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan ay magpapala sa buhay mo. Mangakong mag-aral bawat araw, humanap ng paraan para maipaalala sa sarili mo ang iyong pangako, at gawin mo ang lahat para magawa ito. Kahit na malimutan mo ito, huwag kang susuko. Magsimula ka lang ulit.

si Cristo sa Getsemani

Gethsemane, ni Adam Abram