Bagong Tipan 2023
Abril 10–16. Mateo 15–17; Marcos 7–9: “Ikaw ang Cristo”


“Abril 10–16. Mateo 15–17; Marcos 7–9: ‘Ikaw ang Cristo’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: Bagong Tipan 2023 (2022)

“Abril 10–16. Mateo 15–17; Marcos 7–9,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: 2023

Pagbabagong-Anyo ni Cristo

The Transfiguration [Ang Pagbabagong-Anyo], ni Carl Heinrich Bloch

Abril 10–16

Mateo 15–17; Marcos 7–9

“Ikaw ang Cristo”

Habang pinagninilayan mo ang Mateo 15–17 at Marcos 7–9, bigyang-pansin ang mga espirituwal na pahiwatig na makatutulong sa iyo na malaman kung ano ang kailangan ng mga bata sa iyong klase.

icon ng pagbabahagi

Mag-anyayang Magbahagi

Anyayahan ang mga bata na ibahagi kung bakit sila nagpapasalamat para sa mga lider sa Simbahan, kabilang na ang mga propeta at apostol at mga lokal na lider. Ano ang narinig natin kamakailan na itinuro nila?

icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina: Mas Maliliit na Bata

Mateo 16:13–17

Maaari akong magkaroon ng patotoo na si Jesucristo ang Anak ng Diyos.

Isipin kung paano mo magagamit ang patotoo ni Pedro at ang sagot ni Jesus para maituro sa mga bata kung ano ang patotoo at mahikayat sila na hangarin na magkaroon ng sarili nilang patotoo.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Hilingin sa mga bata na pakinggan kung ano ang sinabi ni Pedro habang binabasa mo ang Mateo 16:15–17. (Tingnan din sa “Kabanata 32: Pinatotohanan ni Pedro si Cristo,” sa Mga Kuwento sa Bagong Tipan, 76–77.) Ipaliwanag na si Pedro ay nagbahagi ng kanyang patotoo tungkol kay Jesucristo. Muling basahin ang mga talata. (O ipapanood muli ang video.) Sa pagkakataong ito ay hilingin sa mga bata na pakinggan kung sino ang nagsabi kay Pedro na si Jesucristo ang Anak ng Diyos.

  • Magpatotoo tungkol kay Jesucristo, at ipaliwanag kung paano mo ito natanggap. Hikayatin ang mga bata na hangarin na magkaroon ng sarili nilang patotoo mula sa Ama sa Langit.

Mateo 16:15–19

Ibinigay ni Jesucristo sa mga propeta at mga apostol ang mga susi ng priesthood para mapamunuan ang Kanyang Simbahan.

Inihambing ng Tagapagligtas ang paghahayag sa isang bato, at sa mga susi naman inihambing ang awtoridad ng priesthood. Paano ninyo magagamit ang mga paghahambing na ito upang matulungan ang mga bata na magkaroon ng pananampalataya sa mga namumuno sa Kanyang Simbahan?

Mga Posibleng Aktibidad

  • Magpakita sa mga bata ng isang bato habang binabasa ninyo ang Mateo 16:18. Ulitin ninyo ng mga bata ang mga katagang “sa ibabaw ng batong ito ay itatayo ko ang aking [Simbahan],” na may kasamang mga galaw na tutugma sa mga salita. Ipaliwanag na ang Simbahan ay nakatayo sa “bato” ng paghahayag.

  • Magpakita sa mga bata ng ilang susi at itanong kung para saan ang mga susi. Ipaliwanag na tinanggap nina Pedro at ng iba pang mga Apostol ang mga susi ng priesthood mula kay Jesus. Ang mga susing ito ang “nagbubukas” sa mga pagpapala para sa atin at nagbubukas ng daan tungo sa langit. Halimbawa, ang mga susi ng priesthood ay nagpapahintulot sa atin na mabinyagan at tumanggap ng sakramento. Bigyan ng mga susing gawa sa papel ang mga bata, at ipasulat sa kanila ang ilang pagpapala na “nabubuksan” ng mga susi ng priesthood.

  • Magpakita ng larawan ng Pangulo ng Simbahan, at magpatotoo na taglay niya ang lahat ng susi ng priesthood ngayon, tulad ni Pedro noon.

estatuwa ni Pedro na may hawak na mga susi

Ang mga susi ng priesthood ay ang awtoridad na pamahalaan ang paggamit ng priesthood.

Mateo 17:19–20

Makagagawa ng mga himala ang aking pananampalataya.

Habang binabasa mo ang pangako ni Jesus na ang pananampalataya na tulad ng isang butil ng binhi ng mustasa ay makapaglilipat ng bundok, anong mga impresyon ang natatanggap mo tungkol sa mga batang tinuturuan mo?

Mga Posibleng Aktibidad

  • Basahin ninyo ng mga bata ang Mateo 17:19–20. Hilingin sa kanila na magsalitan sa pagdodrowing ng malalaking bundok at maliliit na binhi sa pisara. Ipaliwanag na ang mga bundok ay parang mga bagay na para sa atin ay mahirap gawin. Ano ang ilang bagay na maaaring tila bundok para sa atin? Gamitin ang pahina ng aktibidad sa linggong ito upang matulungan ang mga bata na mag-isip kung paano makakatulong sa kanila ang pananampalataya na gawin ang mga bagay na nais ng Diyos na gawin nila.

  • Maglagay ng larawan ng bundok sa isang panig ng silid. Hilingin sa mga bata na tukuyin ang ilang bagay na magagawa nila upang magkaroon ng higit na pananampalataya kay Jesucristo. Ipalipat ang bundok papunta sa kabilang panig ng silid sa bawat batang magmumungkahi ng isang bagay. Basahin ang Mateo 17:19–20, at patotohanan ang kapangyarihan ng pananampalataya sa iyong buhay.

  • Sama-samang kantahin ang isang awitin tungkol sa pananampalataya, tulad ng “Pananalig” (Aklat ng mga Awit Pambata, 50–51). Bigyan ang bawat bata ng isang binhing iuuwi sa bahay. Sabihin sa kanila na itanim ang binhi at ilagay ito sa isang lugar kung saan mamamasdan nila ang paglago nito upang matulungan silang maalala na manampalataya sa Ama sa Langit at kay Jesucristo.

icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina: Mas Nakatatandang mga Bata

Mateo 16:13–17

Ang patotoo tungkol kay Jesucristo ay dumarating sa pamamagitan ng paghahayag.

Paano makakatulong sa mga bata ang patotoo ni Pedro sa Mateo 16:13–17 na mapalago ang kanilang mga patotoo?

Mga Posibleng Aktibidad

  • Itanong sa mga bata kung ano ang kanilang sasabihin kapag may nagtanong sa kanila ng, “Sino si Jesus?” Hilingin sa mga bata na basahin ang Mateo 16:13–17 upang malaman kung paano sinagot ni Pedro ang tanong na iyon. Paano siya nagkaroon ng patotoo kay Jesus? Ano ang magagawa natin para mapalakas ang ating mga patotoo?

  • Tulungan ang mga bata na ihambing ang mga paraan ng pag-alam natin sa mga espirituwal na katotohanan sa mga paraan ng pag-alam natin sa iba pang mga katotohanan. Halimbawa, paano natin malalaman kung gaano katangkad ang isang tao o kung ano ang klima? Paano natin malalaman na si Jesucristo ang Anak ng Diyos? Sabihin sa mga bata kung paano nagpatotoo sa iyo ang Espiritu Santo tungkol sa Tagapagligtas.

  • Magpatotoo tungkol kay Jesucristo, at hamunin ang mga bata na magkaroon o palakasin ang kanilang patotoo.

Mateo 16:15–19

Ang Simbahan ni Jesucristo ay pinamumunuan ng mga taong maytaglay ng mga susi ng priesthood.

Ang pag-aaral ng Mateo 16:15–19 ay makapagpapatatag ng pananampalataya ng mga bata na Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay pagpapanumbalik ng mismong Simbahan na itinatag ni Jesus noong nabubuhay Siya sa lupa.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Isulat ang Mateo 16:19 sa pisara ngunit huwag isulat ang ilang salita, tulad ng salitang “mga susi.” Sabihin sa mga bata na hanapin ang mga nawawalang salita.

  • Rebyuhin ang “Susi ng Pagkasaserdote, Mga” sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan (scriptures.ChurchofJesusChrist.org). Ano ang mga susi ng priesthood? Paano natutulad ang mga susi ng priesthood sa tunay na mga susi?

  • Tulungan ang mga bata na ilista sa pisara ang ilang tao na may mga susi ng priesthood. Ang “Susi ng Pagkasaserdote, Mga” sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan (scriptures.ChurchofJesusChrist.org) ay may listahan na makatutulong sa kanila. Anyayahan ang isang tao sa inyong ward na maytaglay ng mga susi ng priesthood na magsalita sa klase kung bakit mahalaga ang mga susing ito.

  • Itago ang ilang susi (o mga larawan ng susi) sa paligid ng silid, at anyayahan ang mga bata na hanapin ang mga ito. Matapos mahanap ang bawat susi, tulungan ang mga bata na mag-isip ng mga biyaya na tinatamasa natin dahil sa mga susi ng priesthood (halimbawa, walang-hanggang pamilya, binyag, at sakramento).

Mateo 17:1–9

Si Jesucristo ang Anak ng Diyos.

Ang mga talatang ito ay naglalarawan ng isa sa iilang pagkakataon sa mga banal na kasulatan kung kailan narinig ang tinig ng Diyos Ama na nagpapatotoo tungkol sa Kanyang Pinakamamahal na Anak. Ang pag-aaral ng mga talang ito kasama ng mga bata ay makapagpapalakas ng kanilang pananampalataya kay Jesucristo.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Ipadrowing sa mga bata ang mga pangyayaring inilarawan sa Mateo 17:1–9. Hilingin sa kanila na ipaliwanag sa isa’t isa ang kanilang mga iginuhit. (Tingnan sa “Kabanata 33: Ang Pagpapakita nang may Kaluwalhatian: Ang Pagbabagong-anyo,” sa Mga Kuwento sa Bagong Tipan, 78–79.)

  • Bigyan ng oras ang mga bata na pagnilayan kung ano ang itinuturo sa kanila ng salaysay sa Mateo 17:1–9 tungkol kay Jesucristo. Hilingin sa kanila na isulat sa pisara ang mga naiisip nila. Anyayahan ang mga bata na ibahagi kung paano nila nalaman na si Jesucristo ang Anak ng Diyos.

icon ng pag-aaral

Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan

Hilingin sa mga bata na itanong sa kanilang mga magulang o sa iba pang kapamilya kung paano sila nagkaroon ng patotoo tungkol kay Jesucristo.

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Gumamit ng musika. Ang mga awitin sa Primary at ang mga himno ay makakatulong sa mga bata sa lahat ng edad na maunawaan at maalala ang mga katotohanan ng ebanghelyo. Mapapanatili ng pagkanta ang aktibong pakikilahok ng mga bata sa pag-aaral. (Tingnan sa Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas22.)