Bagong Tipan 2023
Marso 27–Abril 2. Mateo 14; Marcos 6; Juan 5–6: “Huwag Kayong Matakot”


“Marso 27–Abril 2. Mateo 14; Marcos 6; Juan 5–6: ‘Huwag Kayong Matakot,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: Bagong Tipan 2023 (2022)

“Marso 27–Abril 2. Mateo 14; Marcos 6; Juan 5–6,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: 2023

si Jesus na naglalakad kasama ang mga disipulo na may dalang mga basket ng tinapay

Marso 27–Abril 2

Mateo 14; Marcos 6; Juan 5–6

“Huwag Kayong Matakot”

Habang naghahanda kang magturo mula sa Mateo 14; Marcos 6; at Juan 5–6, maghanap ng mga mensaheng may kaugnayan sa klase mo. Habang ginagawa mo ito, isipin kung paano maisasali ang mga miyembro ng klase sa isang makabuluhang karanasan sa mga talata sa banal na kasulatan.

icon ng pagbabahagi

Mag-anyayang Magbahagi

Ang isang paraan para magpasimula ng talakayan ay anyayahan ang ilang miyembro ng klase na pumili ng isang kabanata mula sa binasa nila at magbahagi ng isang mensahe mula sa kabanatang iyon na makahulugan sa kanila. Habang nagbabahagi sila, maaaring magtanong o magdagdag ng mga kabatiran ang iba pang mga miyembro ng klase.

icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina

Juan 5:16–47

Si Jesucristo ang Pinakamamahal na Anak ng Ama sa Langit.

  • Sa Juan 5, nagbigay ng ilang ideya si Jesus tungkol sa Kanyang sarili, sa Kanyang Ama, at sa Kanyang kaugnayan sa Ama. Para matulungan ang mga miyembro ng klase na matuklasan ang mga ideyang ito, subukang hatiin sila sa mga grupo at bigyan sila ng ilang minuto para ilista ang ang lahat ng katotohanang matatagpuan nila sa mga talata 16–47 tungkol sa pagkatao ng Diyos at ni Jesucristo at tungkol sa kaugnayan Nila sa isa’t isa. Sabihin sa mga grupo na maghalinhinan sa pagbabasa ng mga katotohanan mula sa kanilang listahan. Paano mas naipauunawa sa atin ng mga katotohanang ito ang ating Ama sa Langit at ang Kanyang Anak? Paano natin matutularan ang halimbawa ni Jesucristo ng pagsunod sa Ama?

  • Iminumungkahi sa isang aktibidad sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya na bigyang-pansin ang bawat pagkakataon na ginamit ni Jesus ang salitang Ama sa Juan 5:16–47. Anyayahan ang ilang miyembro ng klase na ibahagi ang natutuhan nila kapag natapos na nila ang aktibidad. Hilingin sa kanila na magbahagi ng mga kabatirang natamo nila tungkol sa Ama sa Langit at sa Kanyang Pinakamamahal na Anak.

Mateo 14:15–21; Marcos 6:33–44; Juan 6:5–14

Maaaring palakihin ng Tagapagligtas ang ating abang mga handog upang isakatuparan ang Kanyang mga layunin.

  • Ano ang makakatulong sa mga miyembro ng klase para makahanap ng personal na kabuluhan sa himala ng pagpapakain ni Jesus sa limang libo? Maaari mong itanong kung paano pinalalakas ng pagbabasa tungkol sa himala ang kanilang pananampalataya sa kakayahan ng Tagapagligtas na personal silang pagpalain. Maaari nilang banggitin ang isang pagkakataon na nadama nila na pinalaki o pinarami ng Tagapagligtas ang kanilang mga pagsisikap upang maisakatuparan nila ang isang bagay na tila imposible. Gayundin, bago magklase, maaari mong hilingin sa mga miyembro ng klase na magdala sa klase ng isang larawan o bagay na kumakatawan sa kanilang karanasan.

    mga tinapay at isda

    mahimalang pinakain ni Jesus ang limang libong tao ng limang pirasong tinapay at dalawang isda.

  • Tulungan ang mga miyembro ng klase na pagnilayan nang mas malalim ang himalang inilarawan sa mga talatang ito. Anong mga detalye sa salaysay na ito ang nagpapalakas ng ating pananampalataya sa Tagapagligtas? Sa anong mga paraan tayo espirituwal na mapapakain ng Tagapagligtas? Kailan tayo napakain at nasuportahan ni Jesucristo?

Mateo 14:22–33

Inaanyayahan tayo ni Jesucristo na isantabi ang ating mga takot at pagdududa para mas lubusan tayong makalapit sa Kanya.

  • Ang salaysay sa Mateo 14:22–33 ay maaaring magpalakas ng pananampalataya ng mga miyembro ng klase sa Tagapagligtas at ng hangarin nilang sundin Siya. Anyayahan ang mga miyembro ng klase na basahin ang salaysay na ito, na higit na pinag-uukulan ng pansin ang mga salitang sinambit ni Cristo, ni Pedro, at ng iba pang mga Apostol. Paano kaya nakatulong kay Pedro ang mga sinabi ni Jesus para magkaroon siya ng pananampalataya na bumaba ng bangka at lumakad sa ibabaw ng tubig? Paanong angkop sa atin ngayon ang mga payo ni Jesus na “lakasan ninyo ang inyong loob” at “huwag kayong matakot” (talata 27)? Ano ang matututuhan natin mula kay Pedro kung ano ang kahulugan ng maging disipulo ni Jesucristo at magtiwala sa Kanya? Maaari mong hikayatin ang mga miyembro ng klase na pag-isipan at ibahagi ang mga karanasan nila kung kailan sila ay kumilos, tulad ni Pedro, upang sundin ang Tagapagligtas, kahit hindi tiyak ang kahihinatnan nito. Hilingin sa kanila na ibahagi ang natutuhan nila mula sa kanilang mga karanasan. Paano tayo nasagip ni Jesucristo sa mga sandali na tayon ay takot o nagdududa?

Juan 6:22–71

Bilang mga disipulo ni Cristo, kailangang handa tayong paniwalaan at tanggapin ang katotohanan, kahit mahirap itong gawin.

  • Ang mga nangyari sa Juan 6 ay maaaring magbigay ng pananaw na makakatulong kapag may mga tanong ang mga tao tungkol sa doktrina, kasaysayan, o mga patakaran ng Simbahan ni Cristo. Para mas maipaunawa sa mga miyembro ng klase mo ang mga pangyayaring ito, maaari mong isulat sa pisara ang mga tanong na tulad ng mga sumusunod para sagutin nila: Ano ang inaasahan ng mga tao? (tingnan sa talata 26). Sa halip ay ano ang inialok sa kanila ni Cristo? (tingnan sa talata 51). Ano ang maling pagkaunawa ng mga tao? (tingnan sa mga talata 41–42, 52). Maaari ka ring magtanong ng mga bagay na katulad nito para matulungan ang mga miyembro ng klase na iangkop ang salaysay na ito sa kanilang buhay: Ano ang ilang paraan na mapipili nating lumakad na kasama ni Cristo kahit may mga tanong o pagdududa tayo? (tingnan sa talata 66). Ano ang ilang doktrina, ordenansa, o iba pang “mga salita ng buhay na walang hanggan” na matatagpuan lamang sa ipinanumbalik na Simbahan ni Cristo? (tingnan sa mga talata 67–69). Para sa mga kabatiran mula sa isang makabagong Apostol, tingnan ang mensahe ni Pangulong M. Russell Ballard na “Kanino Kami Magsisiparoon?,” (Liahona, Nob. 2016, 90–92).

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Makinig. “Ang pakikinig ay pagpapakita ng pagmamahal. … Magpatulong sa Ama sa Langit na maunawaan mo ang sinasabi ng mga miyembro ng klase mo. Habang pinapansin mong maigi ang kanilang binibigkas at hindi binibigkas na mga mensahe, mas mauunawaan mo ang kanilang mga pangangailangan, problema, at hangarin” (Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas34).