“Abril 17–23. Mateo 18; Lucas 10: ‘Anong Dapat Kong Gawin upang Magmana ng Buhay na Walang Hanggan?,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: Bagong Tipan 2023 (2022)
“Abril 17–23. Mateo 18; Lucas 10,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: 2023
Abril 17–23
Mateo 18; Lucas 10
“Anong Dapat Kong Gawin upang Magmana ng Buhay na Walang Hanggan?”
Basahin ang Mateo 18 at Lucas 10, at itala ang iyong mga espirituwal na impresyon. Kapag tumatanggap ka ng mga impresyon, maaari mong itanong, tulad ng iminungkahi ni Elder Richard G. Scott, “May dapat pa ba akong malaman?” (“Upang Magtamo ng Espirituwal na Patnubay,” Liahona, Nob. 2009, 8).
Mag-anyayang Magbahagi
Maraming halimbawa ng mga turo ng ebanghelyo sa mga kabanatang ito na iba sa itinuturo sa atin ng mundo. Marahil ay maaaring magbahagi ang mga miyembro ng klase ng ilang halimbawang natagpuan nila sa kanilang pagbabasa sa linggong ito. Paano tayo pinagpapala ng Panginoon kapag ipinamumuhay natin ang Kanyang mga turo?
Ituro ang Doktrina
Kailangan nating patawarin ang iba kung nais nating mapatawad ng Panginoon.
-
Paano mo magagamit ang talinghaga ng walang-awang alipin upang maganyak ang mga miyembro ng klase na maging mas mapagpatawad? Marahil ay maaari mong isulat sa pisara ang mga tanong na tulad nito at anyayahan ang mga miyembro ng klase na pagnilayan ang mga ito habang muling ikinukuwento ng isang tao ang talinghaga: Sino ang kinakatawan ng hari? Sino ang kinakatawan ng walang-awang alipin? Sino ang kinakatawan ng isa pang alipin? Ano ang kinakatawan ng mga utang? Anyayahan ang mga miyembro ng klase na ibahagi kung ano ang personal na mga mensaheng ipinararating ng talinghagang ito sa kanila. (Tingnan din sa “Karagdagang Resources.”)
-
Maaari mong anyayahan ang klase na gumawa ng isang halaw (adaptation) ng talinghaga ng walang-awang alipin na ang itinuturong mga aral ay tungkol din sa pagpapatawad gamit ang mga sitwasyon at detalye sa makabagong panahon. (Isiping ipagawa ito sa kanila sa mga grupo.) Talakayin kung paano sinagot ng talinghaga ang tanong ni Pedro kung ilang beses siya dapat magpatawad.
Para matamo ang buhay na walang-hanggan, kailangan nating ibigin ang Diyos at ang ating kapwa.
-
Narito ang isang ideya na maaaring magbigay ng panibagong pananaw sa mga miyembro ng klase tungkol sa talinghaga ng mabuting Samaritano: Anyayahan silang magpanggap na iniimbestigahan nila ang isang kaso ng pag-atake at pagnanakaw sa daan sa pagitan ng Jerico at Jerusalem. Hilingin sa ilang miyembro ng klase na pumasok sa klase na handang kumatawan sa iba’t ibang tao sa talinghaga at pag-usapan ang pagkakasangkot nila sa usapin. Halimbawa, ano kaya ang ilang dahilan kung bakit hindi tumigil ang saserdote at Levita para tulungan ang sugatang lalaki? Bakit tumigil ang Samaritano? Anong mga ideya ang maaaring idagdag ng katiwala sa bahay-tuluyan? Ano kaya ang naramdaman ng sugatang lalaki tungkol sa iba? Tiyakin na nahihikayat ng talakayan ang mga miyembro ng klase na tularan ang mabuting Samaritano at ang katiwala sa bahay-tuluyan at iwasang maging katulad ng saserdote at Levita.
-
Paano sinasagot ng talinghaga ng mabuting Samaritano ang mga tanong kay Jesus sa Lucas 10:25–29? Anyayahan ang mga miyembro ng klase na pag-usapan ang mga pagkakataon na nadama nila na para silang “isang tao” (talata 30) na desperadong nangailangan ng tulong. Paano dumating ang tulong? Paano tayo maaaring magtulungan bilang mga miyembro ng ward para matulungan ang iba, tulad ng ginawa ng mabuting Samaritano at ng katiwala sa bahay-tuluyan?
Pinipili natin ang “mabuting bahagi” sa paggawa ng araw-araw na mga pagpapasiya na humahantong sa buhay na walang-hanggan.
-
Matapos basahin ang Lucas 10:38–42 bilang isang klase, maaari mong itanong sa mga miyembro ng klase kung paano kaya sila tutugon sa payo ng Tagapagligtas kung sila ang nasa lugar ni Marta. Paano kaya makakaapekto ang karanasang ito sa mga pagpapasiya nila sa hinaharap? Paano natin malalaman kung anong mga bagay sa ating sariling buhay ang nararapat pag-ukulan ng mas maraming oras at pansin? Maaaring saliksikin ng mga miyembro ng klase ang mensahe ni Pangulong Dallin H. Oaks na “Maganda, Mas Maganda, Pinakamaganda,” (Liahona, Nob. 2007, 104–8) para makahanap ng payo na makakatulong sa kanila.
Karagdagang Resources
Ang mga utang sa talinghaga ng walang-awang alipin.
Nang magkomento tungkol sa mga utang sa talinghaga ng walang-awang alipin, sinabi ni Elder Jeffrey R. Holland:
“May mga pagkakaiba-iba ng opinyon ang mga iskolar hinggil sa laki ng perang binanggit dito, at para madaling makuwenta, kung ang mas maliit, at hindi pinatawad na 100-denariong utang ay ipagpalagay nating $100 sa ating kasalukuyang panahon, kung gayon ang utang na 10,000-talento na pinatawad ay maaaring umabot ng $1 bilyon—o mahigit pa!
“Sa isang taong may ganitong utang, napakalaking halaga nito—talagang hindi natin ito kayang unawain. (Walang makapamimili nang ganoon karami!) Mangyari pa, para sa mga layunin ng talinghagang ito, nilayon ito na hindi maunawaan; nilayon ito na hindi maarok ng ating kakayahang makaunawa, pati na rin ang kawalan natin ng kakayahang magbayad. Iyan ay sa kadahilanang ito ay hindi isang kuwento tungkol sa dalawang alipin na nagtatalo sa Bagong Tipan. Ito ay kuwento tungkol sa atin, ang makasalanang sangkatauhan—mga may utang, mga suwail, at mga bilanggo. Bawat isa sa atin ay may utang, at ang kaparusahan ay pagkabilanggo para sa bawat isa sa atin. At mananatili tayong lahat sa bilangguang iyon kung hindi dahil sa biyaya ng ating Hari na Siyang nagpapalaya sa atin dahil mahal Niya tayo at ‘[n]aantig sa habag para sa [atin]’ [Doktrina at mga Tipan 121:4]” (“Kayo Nga’y Mangagpakasakdal—Sa Wakas,” Liahona, Nob. 2017, 41).