“Abril 24–30. Juan 7–10: ‘Ako ang Mabuting Pastol,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: Bagong Tipan 2023 (2022)
“Abril 24–30. Juan 7–10,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: 2023
Abril 24–30
Juan 7–10
“Ako ang Mabuting Pastol”
Ikaw at ang mga miyembro ng klase mo ay magkakaroon ng mga ideya habang binabasa ninyo ang Juan 7–10 sa linggong ito. Tandaan na ang mga ideya sa outline na ito ay dapat makaragdag sa halip na pumalit sa inspirasyong natatanggap mo sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan.
Mag-anyayang Magbahagi
Paalalahanan ang mga miyembro ng klase na mahalagang gawing sentro ng pag-aaral ng ebanghelyo ang kanilang tahanan. Hilingin sa kanila na ibahagi ang itinuro sa kanila ng Espiritu Santo nang pag-aralan nila ang Juan 7–10 sa tahanan, nang mag-isa o kasama ang kanilang pamilya.
Ituro ang Doktrina
Si Jesucristo ang Tagapagligtas ng sanlibutan.
-
Sa buong Juan 7–10, may ilang pahayag ang Tagapagligtas na mas magpapaunawa sa mga miyembro ng klase sa Kanyang misyon at mas maglalapit sa kanila sa Kanya. Isiping anyayahan ang mga miyembro ng klase na basahin ang sumusunod na mga sipi sa banal na kasulatan at ibahagi kung ano ang itinuturo ng mga ito tungkol sa banal na misyon ng Tagapagligtas. Paano tinutupad ni Cristo ang mga tungkuling ito sa ating buhay?
-
Juan 7:37–39: Ang pinagmumulan ng “tubig na buhay”
-
Juan 9:8–10, 35–38: “Ang Anak ng Diyos”
-
Juan 10:7–9: “Ang pintuan”
-
Juan 10:11–14: “Ang mabuting pastol”
-
Habang ipinamumuhay natin ang mga turo ni Jesucristo, malalaman natin na totoo ang mga ito.
-
Sa ilang paraan, ang pagkakaroon ng patotoo ay tulad ng pag-aaral ng isang kasanayan—kapwa nangangailangan ng pagsasanay at karanasan. Para mailarawan ito, maaari mong anyayahan ang mga miyembro ng klase na may partikular na kasanayan, tulad ng juggling o pagtugtog ng instrumentong musikal, na ipaliwanag kung paano sila nagkaroon ng ganoong kasanayan. Bakit hindi sapat na basahin lang ang tungkol sa kasanayan, o panoorin ang iba na isagawa iyon? Bilang isang klase, talakayin kung paano natutulad ang pagsisikap na kailangan sa pagpapraktis ng isang kasanayan sa espirituwal na huwarang inilarawan ng Tagapagligtas sa Juan 7:14–17. Paano ito naiiba?
-
Marahil ay maaaring magbahagi ang mga miyembro ng klase ng mga karanasan kung saan nakatulong sa kanila ang pamumuhay ng katotohanan ng ebanghelyo na magkaroon ng patotoo tungkol dito. Bigyan ng oras ang mga miyembro ng klase na pag-isipan kung sa anong alituntunin nila nais magkaroon ng mas malakas na patotoo, at pagkatapos ay hikayatin silang magtakda ng partikular na mga mithiin na mas lubusang ipamuhay ang alituntuning iyon.
Ang biyaya ng Tagapagligtas ay para sa lahat ng nagsisisi.
-
Sa mga taong nakadarama na kinokondena sila dahil sa kanilang mga kasalanan, maaaring pagmulan ng lakas ang kuwento tungkol sa pagbibigay ng Tagapagligtas ng awa at pagsisisi sa babaeng nahuli na nangangalunya. O, kung natutukso ang mga miyembro ng klase na ikondena ang iba dahil sa mga kasalanan nila, maaaring magsilbing babala ang kuwento. Maaari mong anyayahan ang mga miyembro ng klase na basahin ang Juan 8:1–11, na naghahanap ng mga sagot sa mga tanong na tulad ng mga sumusunod: Ano ang itinuturo ng kuwentong ito tungkol sa awa ng Tagapagligtas? Paano kaya makakatulong ang pagtanggap ng Kanyang awa kapag nagkakasala tayo sa oras na matukso tayong husgahan ang iba? (tingnan sa Alma 29:9–10).
-
Para matulungan ang mga miyembro ng klase na makakita ng personal na kaugnayan sa Juan 8:1–11, isiping hatiin ang klase sa tatlong grupo—ang isa para magtuon sa mga salita at kilos ng mga Fariseo, ang isa naman para magtuon sa mga salita at kilos ng Tagapagligtas, at isa pa para magtuon sa mga salita at kilos ng babae. Anyayahan ang bawat grupo na ilista ang mga espirituwal na katotohanang natututuhan nila mula sa pagbabasa ng bawat bahagi ng salaysay.
-
Kung minsan hindi natin alam ang mga paraan na hinuhusgahan natin ang iba. Narito ang isang aktibidad para tulungan ang mga miyembro ng klase na madaig ang tendensiyang ito: Hilingin sa klase na tulungan kang ilista ang mga paraan na hinuhusgahan natin ang mga tao (sa kanilang hitsura, kanilang pag-uugali, kanilang pinagmulan, at iba pa). Bigyan ang mga miyembro ng klase ng mga papel na ginupit nang hugis-bato, at hilingin sa kanila na pumili ng isang paraan ng paghusga sa iba na sa tingin nila ay ginagawa nila at isulat ito sa isang batong papel. Ano ang matututuhan natin sa mga salita ng Tagapagligtas sa mga Fariseo sa Juan 8:1–11? Anyayahan ang klase na isulat sa likod ng kanilang batong papel ang isang bagay na magpapaalala sa kanila na huwag manghusga (marahil ay isang parirala mula sa Juan 8).
Habang nakikilala natin si Jesucristo, nakikilala natin ang Ama.
-
Ano ang itinuturo ng mga salita ng Tagapagligtas sa Juan 8:18–19, 26–29 tungkol sa kaugnayan Niya sa Kanyang Ama? Matapos basahin at talakayin ang mga talatang ito, maaaring ilista ng mga miyembro ng klase sa pisara ang ilang bagay na ginawa, sinabi, o itinuro ni Jesus. Ano ang matututuhan natin tungkol sa Diyos Ama mula sa mga bagay na ito?