Bagong Tipan 2023
Mayo 1–7. Lucas 12–17; Juan 11: “Makigalak Kayo sa Akin, Sapagkat Natagpuan Ko Na ang Aking Tupang Nawala”


“Mayo 1–7. Lucas 12–17; Juan 11: ‘Makigalak Kayo sa Akin, Sapagkat Natagpuan Ko Na ang Aking Tupang Nawala,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: Bagong Tipan 2023 (2022)

“Mayo 1–7. Lucas 12–17; Juan 11,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: 2023

lalaking yakap ang kanyang anak

The Prodigal Son [Ang Alibughang Anak], ni Liz Lemon Swindle

Mayo 1–7

Lucas 12–17; Juan 11

“Makigalak Kayo sa Akin, Sapagkat Natagpuan Ko Na ang Aking Tupang Nawala”

Simulan ang iyong paghahanda sa mapanalanging pag-aaral ng Lucas 12–17 at Juan 11. Sinong “tupang nawala” sa klase mo ang pumapasok sa isip mo? Gamitin ang Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya at ang outline na ito habang hinahangad mo ang patnubay ng Panginoon kung paano pinakamainam na matutugunan ang mga pangangailangan ng mga miyembro ng klase, kahit na hindi sila dumadalo sa klase.

icon ng pagbabahagi

Mag-anyayang Magbahagi

Ang pagsasabuhay ay mahalagang bahagi ng pagkatuto, kaya anyayahan ang mga miyembro ng klase na ibahagi kung paano nila piniling ipamuhay ang natutuhan nila mula sa mga banal na kasulatan sa linggong ito.

icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina

Lucas 14:15–24

Walang sapat na dahilan para tanggihan ang ebanghelyo.

  • Para matulungan ang mga miyembro ng klase na pag-aralan ang talinghaga ng malaking hapunan, maaari mo silang anyayahan sa isang kunwa-kunwariang party na ikaw ang host. Ipabahagi sa kanila ang ilang dahilan kung bakit sila dadalo o hindi dadalo. Basahin ang Lucas 14:15–24 nang sama-sama, at talakayin ang mga dahilan ng mga tao sa talinghaga nang anyayahan sila sa isang piging na kumatawan sa mga pagpapala ng ebanghelyo. Ano ang idinadahilan ng mga tao ngayon sa hindi pagtanggap sa mga paanyaya ng Tagapagligtas na tanggapin ang mga pagpapala ng Ama sa Langit? Marahil ay maibabahagi ng mga miyembro ng klase ang mga pagpapalang natanggap nila nang gawin nila ang mga sakripisyong kailangan para ipamuhay ang ilang alituntunin ng ebanghelyo.

Lucas 15

Maaaring hanapin natin ang mga nawawala at makigalak tayo sa Ama kapag bumalik sila.

  • Paano mo bibigyan ng pagkakataon ang mga miyembro ng klase na ibahagi ang natutuhan nila tungkol sa tatlong talinghaga sa Lucas 15? Isiping atasan ang bawat miyembro ng klase na rebyuhin ang isa sa mga talinghaga. Maaari nilang hanapin at ibahagi ang mga sagot sa mga tanong na tulad nito: Anong mga salita sa talinghaga ang naghahayag ng nadarama ng Ama sa Langit tungkol sa mga nawawala? Ano ang ipinahihiwatig ng mga talinghaga kung paano natin dapat tulungan ang lahat ng anak ng Diyos? Maaaring ibahagi ng mga miyembro ng klase kung paano sila natagpuan ng Tagapagligtas nang madama nila na naliligaw sila.

  • Ang sabay-sabay na pagkanta ng “Nasa Puso ng Pastol” (Mga Himno, blg. 134) ay maaaring maging makabuluhang karagdagan sa mga turo ng mga talinghagang ito.

  • Habang sama-sama ninyong nirerebyu ang talinghaga ng alibughang anak, maaaring makinabang ang mga miyembro ng klase sa pagtutuon sa mga salita, kilos, at paniniwala ng bawat tao sa talinghaga. Ano ang matututuhan natin mula sa bawat tao? Marahil ay maaaring sumulat ang mga miyembro ng klase ng isang alternatibong katapusan sa talinghaga kung saan iba ang pagtingin ng nakatatandang anak sa kanyang kapatid. Ano ang itinuturo sa atin ng payo ng ama sa talinghaga kung ano ang dapat nating madama tungkol sa mga nawala at sa mga nagbabalik-loob sa ebanghelyo? (Tingnan din sa pahayag ni Elder Jeffrey R. Holland sa “Karagdagang Resources.”) O maaari mong hilingin sa mga miyembro ng klase na isipin na kunwari’y sila ang ama sa talinghagang ito. Ano ang maidaragdag nilang payo sa nakatatandang anak para matulungan siyang magalak sa pag-unlad o tagumpay ng iba?

Lucas 17:11–19

Ang pasasalamat para sa aking mga pagpapala ay mas maglalapit sa akin sa Diyos.

  • Anyayahan ang mga miyembro ng klase na ibahagi ang natutuhan nila tungkol sa pasasalamat mula sa pag-aaral nila ng Lucas 17:11–19. Paano pinagpala ang mapagpasalamat na ketongin sa pagpapahayag ng kanyang pasasalamat? Paano tayo pinagpapala kapag nagpapasalamat tayo? Maaaring magmungkahi ang mga miyembro ng klase ng mga paraan na maipapakita natin ang ating pasasalamat sa Diyos at sa iba.

11:38

Juan 11:1–46

Si Jesucristo ang Pagkabuhay na Mag-uli at ang Buhay.

  • Ang isang paraan para masuri ang Juan 11:1–46 ay ang hilingin sa mga miyembro ng klase na maghalinhinan sa pagbabasa ng mga talata at anyayahan silang tumigil at magtalakayan tuwing makakakita sila ng katibayan ng pananampalataya kay Jesucristo. Maaari mo ring hilingin sa mga miyembro ng klase na isipin ang mga pananaw ng mga tao sa kuwento—kabilang na ang Tagapagligtas, ang mga Apostol, si Marta, si Maria, at si Lazaro. Ano ang matututuhan natin mula sa bawat isa sa kanila? Marahil ay maaaring magbahagi ng mga karanasan ang mga miyembro ng klase kung kailan napalakas ang kanilang pananampalataya kay Jesucristo sa oras ng isang pagsubok.

icon ng resources

Karagdagang Resources

Mga aral mula sa isa pang alibughang anak.

Sinabi ni Elder Jeffrey R. Holland ang obserbasyong ito tungkol sa nakatatandang kapatid ng alibughang anak: “Hindi pag-uwi ng kapatid ang ikinagalit ng anak na ito kundi ang katuwaan ng kanyang mga magulang tungkol dito. … Kailangan pa niyang masumpungan ang pagkahabag at pagkaawa, ang mapagkawanggawang pananaw para makitang hindi karibal itong bumabalik. Ito ay kapatid niya. Tulad ng pagsamo ng ama na makita niya na ito ay patay na at muling nabuhay. Ito ay nawala at muling nasumpungan” (“Ang Isa pang Alibugha,” Liahona, Hulyo 2002, 63).

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Tumulong sa isa. Tulad ng pastol sa talinghaga ng Tagapagligtas (tingnan sa Lucas 15:4), “matutulungan mo ang mga wala sa klase mo. Ang mga oportunidad mong turuan at palakasin ang mga miyembro ng klase at tulungan silang lumapit kay Cristo ay nagpapatuloy sa labas ng silid-aralan at sa mga hindi dumadalo sa klase mo” (Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas8).