Bagong Tipan 2023
Mayo 15–21. Mateo 21–23; Marcos 11; Lucas 19–20; Juan 12: “Tingnan Mo, ang Iyong Hari ay Dumarating”


“Mayo 15–21. Mateo 21–23; Marcos 11; Lucas 19–20; Juan 12: ‘Tingnan Mo, ang Iyong Hari ay Dumarating,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: Bagong Tipan 2023 (2022)

“Mayo 15–21. Mateo 21–23; Marcos 11; Lucas 19–20; Juan 12,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: 2023

lalaki sa itaas ng puno habang papalapit si Jesus

Zacchaeus in the Sycamore Tree [Si Zaqueo sa Itaas ng Puno ng Sikomoro], ni James Tissot

Mayo 15–21

Mateo 21–23; Marcos 11; Lucas 19–20; Juan 12

“Tingnan Mo, ang Iyong Hari ay Dumarating”

Habang binabasa mo ang Mateo 21–23; Marcos 11; Lucas 19–20; at Juan 12, hanapin ang mga alituntuning makatutugon sa mga pangangailangan ng mga taong tinuturuan mo. Bibigyang-inspirasyon ka ng Espiritu Santo na malaman kung paano tutulungan ang mga miyembro ng klase na matuklasan ang mga alituntuning iyon.

icon ng pagbabahagi

Mag-anyayang Magbahagi

Ilang araw bago magklase, anyayahan ang ilang miyembro ng klase na pumasok sa klase na handang magbahagi ng isang karanasan nila habang pinag-aaralan ang mga nakatakdang kabanata para sa linggong ito. Hilingin sa kanila na magkuwento tungkol sa mga pagpapalang dumarating sa kanila habang pinag-aaralan nila ang mga talata sa banal na kasulatan sa buong linggo.

icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina

Lucas 19:1–10

Personal tayong kilala ng Tagapagligtas.

  • Malamang ay nadama na ng mga miyembro ng klase mo na sila ay nakaligtaan o nalimutan paminsan-minsan sa buhay nila. Ang salaysay tungkol kay Zaqueo ay magpapaunawa sa kanila na kilala at pinagmamalasakitan sila ng Ama sa Langit at ni Jesucristo. Para maihalintulad ng mga miyembro ng klase ang salaysay na ito sa kanilang buhay, anyayahan silang isipin na kunwari’y sila si Zaqueo. Ano sa palagay ninyo ang natutuhan niya tungkol sa Tagapagligtas mula sa kanyang karanasan? Ano ang matututuhan natin mula sa mga pagsisikap ni Zaqueo na hanapin ang Tagapagligtas?

Mateo 21:1–11; Marcos 11:1–11; Lucas 19:29–44; Juan 12:12–16

Si Jesucristo ang ating Hari.

  • Maaaring pasimulan sa isang simpleng aktibidad ang talakayan tungkol sa matagumpay na pagpasok ng Tagapagligtas sa Jerusalem: Maaaring magdrowing sa pisara ang ilang miyembro ng klase ng mga bagay na may kaugnayan sa isang hari, tulad ng korona o trono, samantalang huhulaan naman ng iba ang idinodrowing nila. Pagkatapos ay maaaring magdrowing ang iba pang mga miyembro ng klase ng isang batang asno at mga sanga ng puno. Ano ang kinalaman ng mga bagay na ito sa isang hari? Pagkatapos ay maaari mong ipakita ang larawan ng matagumpay na pagpasok ng Tagapagligtas sa Jerusalem mula sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya at anyayahan ang mga miyembro ng klase na basahin ang Marcos 11:1–11. Paano kinilala ng mga taong ito si Jesus bilang kanilang Hari? Paano natin sinasamba si Jesucristo bilang ating Hari sa ating mga salita at kilos?

Mateo 22:34–40

Ang dalawang dakilang utos ay mahalin ang Diyos at mahalin ang kapwa tulad sa ating sarili.

  • Paano mo maipauunawa sa mga miyembro ng klase na “sa dalawang utos na ito”—pagmamahal sa Diyos at pagmamahal sa ating kapwa—“nakasalig ang buong kautusan at ang mga propeta”? (Mateo 22:40). Matapos basahin ang Mateo 22:34–40 nang sama-sama, maaari mong isulat ang Mahalin ang Diyos at Mahalin ang iyong kapwa sa pisara. Bigyan ang bawat miyembro ng klase ng isang pirasong papel na may nakasulat na isang kautusan. Anyayahan ang ilan sa kanila na basahin ang kanilang kautusan at pag-usapan kung paano tayo tinutulungan ng kanilang kautusan na sundin ang isa o dalawang dakilang utos na ito. Matapos nilang talakayin ang kanilang kautusan, maaari nilang ilagay ang kanilang papel sa pisara. Bakit mahalagang tandaan na lahat ng kautusan ay nauugnay sa dalawang dakilang utos? (tingnan sa “Karagdagang Resources”).

Mateo 23:13–33

Poprotektahan tayo habang umiiwas tayong sumunod sa mga bulag na tagaakay.

  • Makikinabang ba ang mga miyembro ng klase mo sa pagtalakay sa katagang “mga bulag na tagaakay,” na ginamit ng Tagapagligtas para ilarawan ang mga Fariseo at eskriba na espirituwal na bulag? (Mateo 23:16). Maaari kang mag-isip ng paraan para ipakita kung ano ang magiging pakiramdam ng isang taong sumusunod sa isang taong hindi makakita. O maaaring ilista ng klase sa pisara ang mga katangian ng isang bulag na tagaakay, ayon sa nakalarawan sa Mateo 23:13–33. Para magdagdag sa listahan, isiping tumingin sa iba pang mga talata sa banal na kasulatan na nagtuturo tungkol sa espirituwal na pagkabulag, tulad ng 2 Corinto 4:3–4; 2 Nephi 9:28–32; at Jacob 4:14. Paano natin makikilala at maiiwasan ang mga bulag na tagaakay?

si Jesus habang kausap ang mga Fariseo

Tinuligsa ng Tagapagligtas ang mga Fariseo bilang mga mapagpaimbabaw at bulag na tagaakay.

icon ng resources

Karagdagang Resources

Ang pagmamahal sa Diyos at pagmamahal sa ating kapwa ang pundasyon ng lahat ng ginagawa natin.

Sa pagtukoy sa dalawang dakilang utos na matatagpuan sa Mateo 22:37–39, itinuro ni Pangulong M. Russell Ballard:

“Ang pagsunod sa dalawang utos na iyon ay nagbibigay-daan para maranasan ang higit na kapayapaan at kagalakan. Kapag minamahal at pinaglilingkuran natin ang Panginoon at minamahal at pinaglilingkuran ang ating kapwa, talagang madarama natin ang higit na kaligayahan na dumarating lamang sa pamamagitan nito.

“Ang pagmamahal sa Diyos at sa ating kapwa ang saligang doktrina ng ministering; pag-aaral na nakasentro sa tahanan, na sinusuportahan ng Simbahan; espirituwal na pagsamba sa araw ng Sabbath; at ang gawain ng kaligtasan sa magkabilang panig ng tabing na sinusuportahan sa mga Relief Society at elders quorum. Lahat ng mga bagay na ito ay batay sa banal na mga utos na ibigin ang Diyos at ibigin ang ating kapwa. Mayroon pa bang mas mahalaga, mas kailangan, at mas simple kaysa rito?” (“Ang Tunay, Dalisay, at Simpleng Ebanghelyo ni Jesucristo,” Liahona, Mayo 2019, 29).

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Hindi mo kailangang ituro ang lahat. “Maraming tatalakayin sa bawat lesson, ngunit hindi kailangang ituro ang lahat sa isang class period para antigin ang puso ng isang tao—madalas ay sapat na ang isa o dalawang mahahalagang punto. Habang pinagninilayan mo ang mga pangangailangan ng mga estudyante, tutulungan ka ng Espiritu na matukoy kung aling mga alituntunin, kuwento, o talata sa banal na kasulatan ang magiging mas makabuluhan sa kanila” (Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas7).