“Mayo 8–14. Mateo 19–20; Marcos 10; Lucas 18: ‘Ano pa ang Kulang sa Akin?,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: Bagong Tipan 2023 (2022)
“Mayo 8–14. Mateo 19–20; Marcos 10; Lucas 18,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: 2023
Mayo 8–14
Mateo 19–20; Marcos 10; Lucas 18
“Ano pa ang Kulang sa Akin?”
Habang naghahanda kang magturo, mapanalanging pag-isipan kung paano mo matutulungan ang mga miyembro ng klase na ibahagi ang natutuhan o nadama nila sa sarili nilang pag-aaral.
Mag-anyayang Magbahagi
Maaaring makatulong na talakayin paminsan-minsan ang kabuuang mga karanasan ng mga miyembro ng klase sa pag-aaral ng ebanghelyo na nakasentro sa tahanan. Anong matagumpay na mga karanasan ang maibabahagi nila? Anong mga balakid o hamon ang kinakaharap nila? Anong payo ang maibibigay nila sa isa’t isa?
Ituro ang Doktrina
Ang kasal sa pagitan ng isang lalaki at isang babae ay mahalaga sa walang-hanggang plano ng Diyos.
-
Lalong napapalayo sa walang-hanggang katotohanan ang mga pananaw ng mundo tungkol sa kasal. Para maituro sa klase mo ang mga pananaw ng Diyos tungkol sa kasal, maaari mo silang anyayahang basahin ang Mateo 19:3–9 at ilista sa pisara ang mga katotohanang nakita nila tungkol sa kasal. Maaari din nilang ilista ang iba pang mga katotohanang makikita nila sa mga sumusunod: Genesis 1:27–28; 1 Corinto 11:11; Doktrina at mga Tipan 42:22; 49:15–17; 131:1–4; 132:19; at Moises 3:18, 21–24. Paano napatibay ang mga katotohanang ito sa “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo”? (ChurchofJesusChrist.org).
Lahat ay makatatanggap ng pagpapala ng buhay na walang hanggan, kahit kailan nila tanggapin ang ebanghelyo.
-
Ano ang makakatulong sa mga miyembro ng klase mo para maisabuhay ang mga alituntunin sa talinghaga ng mga manggagawa sa ubasan? Maaari mong anyayahan ang ilang miyembro ng klase na maghandang isadula ang talinghaga para itanghal sa klase. Pagkatapos ng pagtatanghal, maaaring ibahagi ng mga taong gumanap na mga manggagawa kung ano ang pakiramdam nila sa ibinayad sa kanila at bakit. Ano ang ipinahihiwatig ng talinghagang ito tungkol sa kaharian ng langit? Anong karagdagang mga kabatiran ang matatamo natin tungkol sa talinghagang ito mula sa mensahe ni Elder Jeffrey R. Holland na “Ang mga Manggagawa sa Ubasan”? (Liahona, Mayo 2012, 31–33).
Mateo 19:16–22; Marcos 10:17–27
Gagabayan tayo ng Tagapagligtas palapit sa Kanya kapag hinihingi natin ang Kanyang tulong.
-
Paano mo matutulungan ang mga miyembro ng klase na matukoy at maisabuhay ang mga alituntunin sa kuwento tungkol sa mayamang binata? Ang isang paraan ay hilingin sa kanila na basahin ang Marcos 10:17–27 at isipin kung nadama na nila ang nadama ng mayamang binata. Ano ang nakatulong sa atin na sundin ang payo ng Tagapagligtas kahit mahirap itong gawin? Maaaring handang magbahagi ng mga karanasan ang mga miyembro ng klase kung kailan nagtanong sila ng “Ano pa ang kulang sa akin?” (Mateo 19:20) at tumanggap ng personal na panghihikayat na magpakabuti. Para matulungan ang mga miyembro ng klase na maaaring panghinaan-ng-loob sa pagtutuon sa kung ano ang kulang sa kanila, maaari mong ibahagi ang pahayag sa “Karagdagang Resources.”
-
Maaaring nabasa na ng mga miyembro ng klase ang isang mensahe sa kumperensya na may kaugnayan sa mga talatang ito ayon sa iminungkahi sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya. Anyayahan silang ibahagi ang mga kabatirang natamo nila.
Dapat tayong magtiwala sa awa ng Diyos, hindi sa ating sariling kabutihan.
-
Ang talinghaga ng Tagapagligtas na ikinukumpara ang panalangin ng isang Fariseo sa panalangin ng isang maniningil ng buwis ay makakatulong sa iyo na itampok ang saloobing hinihiling ng Panginoon sa mga gustong sumunod sa Kanya. Para matulungan ang mga miyembro ng klase na iangkop ang talinghagang ito sa ating panahon, maaari mo silang anyayahang muling isulat ang panalangin ng Fariseo sa isang paraan na gumagamit ng mga makabagong detalye ngunit nagsasaad ng gayon ding mga saloobin. Maaari din nilang gawin ito sa panalangin ng maniningil ng buwis at pagkatapos ay ibahagi ang kanilang isinulat. Paano nauugnay ang mga talata 15–17 at 18–24 sa itinuro ng Tagapagligtas sa talinghagang ito? Maaari mo ring ibahagi ang sumusunod na pahayag ni Elder Dale G. Renlund tungkol sa mga talatang ito: “Malinaw ang mensahe sa atin: ang nagsisising makasalanan ay mas napapalapit sa Diyos kaysa sa taong nagmamalinis na lumalait sa makasalanan” (“Ang Ating Mabuting Pastol,” Liahona, Mayo 2017, 31).
Karagdagang Resources
Huwag tayong makuntento o panghinaan-ng-loob.
Itinuro ni Elder D. Todd Christofferson:
“Kung taos-puso tayong magtatanong, ‘Ano pa ang kulang sa akin?’ Hindi tayo pahuhulain [ng Diyos], kundi sa pagmamahal Niya sa atin ay sasagot Siya para sa ating kaligayahan. At bibigyan Niya tayo ng pag-asa.
“Ito ay isang matinding pagsisikap, at manghihina ang loob natin kung sa ating pagsisikap na matamo ang kabanalan ay nag-iisa tayo. Ang maluwalhating katotohanan ay hindi tayo nag-iisa. Nasa atin ang pagmamahal ng Diyos, ang biyaya ni Cristo, ang pag-aliw at patnubay ng Banal na Espiritu, at ang kapatiran at panghihikayat ng mga kapwa natin Banal sa katawan ni Cristo. Huwag tayong makuntento sa kung nasaan na tayo, at huwag din tayong panghinaan-ng-loob” (“Ang Tinapay na Buhay na Bumabang Galing sa Langit,” Liahona, Nob. 2017, 39).