“Mayo 22–28. Joseph Smith—Mateo 1; Mateo 24–25; Marcos 12–13; Lucas 21: ‘[Darating] ang Anak ng Tao,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: Bagong Tipan 2023 (2022)
“Mayo 22–28. Joseph Smith—Mateo 1; Mateo 24–25; Marcos 12–13; Lucas 21,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: 2023
Mayo 22–28
Joseph Smith—Mateo 1; Mateo 24–25; Marcos 12–13; Lucas 21
“[Darating] ang Anak ng Tao”
Tandaang simulan ang paghahanda mong magturo sa pagbabasa nang may panalangin ng Joseph Smith—Mateo 1; Mateo 24–25; Marcos 12–13; at Lucas 21. Maghangad ng inspirasyon nang mag-isa, at pagkatapos ay rebyuhin ang outline na ito para sa karagdagang mga ideya.
Mag-anyayang Magbahagi
Ilista sa pisara ang mga talinghaga ng Tagapagligtas na matatagpuan sa babasahin sa linggong ito, tulad ng puno ng igos, ang butihing lalaki at ang magnanakaw, ang tapat at ang masamang alipin, ang sampung dalaga, ang mga talento, at ang mga tupa at kambing. Hilingin sa mga miyembro ng klase na ibahagi ang mga katotohanang natutuhan nila mula sa mga talinghagang ito na makakatulong sa kanila na maghanda para sa Ikalawang Pagparito ng Panginoon. Ano ang ginagawa nila para maisabuhay ang mga katotohanang ito?
Ituro ang Doktrina
Ang mga propesiya tungkol sa Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas ay makakatulong sa atin na harapin ang kinabukasan nang may pananampalataya.
-
Maaaring mahirap para sa ilang miyembro ng klase na maunawaan ang mga tanda ng Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas. Maaaring makatulong sa kanila na maggrupu-grupo at tukuyin ang mga tandang matatagpuan nila sa Joseph Smith—Mateo 1:21–37. Maaari ding makatulong sa kanila na mas maunawaan ang kahalagahan ng mga tandang ito kung ikukumpara nila ito sa mga karatula sa daan. Bakit mahalaga ang mga karatula sa daan? Paano maitutulad ang mga tanda ng Ikalawang Pagparito sa mga karatula sa daan? Paano naiiba ang mga ito? Maaari mo pa ngang bigyan ang bawat grupo ng mga piraso ng papel na kahugis ng mga karatula sa daan at anyayahan silang isulat sa bawat papel ang isang tanda na magaganap bago ang Ikalawang Pagparito. Hayaang ibahagi nila ang kanilang natuklasan, at anyayahan ang klase na talakayin ang ebidensya ng mga tandang ito sa mundo ngayon.
Joseph Smith—Mateo 1:26–27, 38–55; Mateo 25:1–13
Kailangan tayong maging handa palagi para sa Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas.
-
Ang mga talinghaga sa Joseph Smith—Mateo 1:26–27, 38–55 at Mateo 25:1–13 ay maaaring makatulong sa mga miyembro ng klase na malaman ang kahalagahan ng pagiging handa para sa Ikalawang Pagparito. Anyayahan ang mga miyembro ng klase na saliksikin ang mga talatang ito at ibahagi kung ano sa pakiramdam nila ang ipinagagawa sa atin ng Tagapagligtas. Nagbigay si Elder David A. Bednar ng isang interpretasyon ng talinghaga ng sampung dalaga na maaaring makatulong (tingnan sa “Karagdagang Resources”). Bakit kailangang maranasan mismo ng bawat isa sa atin ang pagbabalik-loob? Paano natin ito ginagawa? Ano ang idinaragdag ng Doktrina at mga Tipan 45:56–57 sa pagkaunawa natin sa talinghagang ito?
-
Habang nag-aaral kayo tungkol sa pagbabalik ng Tagapagligtas, maaari ninyong sama-samang basahin o kantahin ang mga himno tungkol sa Ikalawang Pagparito (tingnan sa “Jesucristo—Ikalawang Pagparito” sa indeks ng mga paksa sa likod ng himnaryo).
Sa Huling Paghuhukom, mag-uulat tayo sa Panginoon tungkol sa ating buhay.
-
Ang talinghaga ng mga talento at ang talinghaga ng mga tupa at kambing ay makagaganyak sa atin na pag-isipan ang salaysay ng ating buhay na ibibigay natin sa Panginoon sa Huling Paghuhukom. Maaari ninyong basahin ang mga talinghaga nang sama-sama at anyayahan ang bawat miyembro ng klase na magbahagi ng isang bagay na maaaring itanong ng Tagapagligtas tungkol sa ating buhay kapag hinatulan tayo. Maglaan ng oras para makapagplano ang mga miyembro ng klase ng mga paraan na masusunod nila ang mga impresyong natanggap nila sa oras ng talakayan.
-
Para makaganyak ng talakayan tungkol sa Mateo 25:34–40, maaari mong anyayahan ang mga miyembro ng klase na magbahagi ng mga halimbawa ng mga taong nagpapakita ng habag na inilarawan sa mga talatang ito. Bigyan sila ng panahon para pagnilayan kung sino ang maaaring nangangailangan ng kanilang paglilingkod. Ano ang ilang praktikal na paraan na mapapakain natin ang nagugutom, madadamitan ang hubad, at madadalaw ang maysakit?
Karagdagang Resources
Ang langis ng pagbabalik-loob.
Iminungkahi ni Elder David A. Bednar ang posibleng interpretasyong ito ng talinghaga ng sampung dalaga:
“Ipagpalagay ang langis bilang langis ng pagbabalik-loob [tingnan sa Mateo 25:4–9]. …
“Ang matatalino bang dalaga ay sakim at ayaw magbigay, o tama lang na ipinapahiwatig nila na ang langis ng pagbabalik-loob ay hindi maaaring hiramin? Ang espirituwal na kalakasan ba na bunga ng pagkamasunurin sa tuwina sa mga kautusan ay maaaring ibigay sa ibang tao? Ang kaalaman ba na nakamtan sa masigasig na pag-aaral at pagninilay ng mga banal na kasulatan ay maaaring ibigay sa isang taong nangangailangan? Ang kapayapaan bang hatid ng ebanghelyo sa matapat na Banal sa mga Huling Araw ay maaaring ilipat sa isang taong dumaranas ng hirap o malaking hamon? Ang malinaw na sagot sa bawat isa sa mga tanong na ito ay hindi.
“Gaya ng wastong pagbibigay-diin ng matatalinong dalaga, kailangang ‘magsibili tayo para sa ating sarili.’ Ang inspiradong kababaihang ito ay hindi naglalarawan ng transaksyon sa negosyo; sa halip, binibigyang-diin nila ang ating indibiduwal na responsibilidad na panatilihing nag-aalab ang ating ilawan ng patotoo at magkaroon ng sapat na suplay ng langis ng pagbabalik-loob. Ang mahalagang langis na ito ay nakukuha sa paisa-isang patak—‘taludtod sa taludtod [at] tuntunin sa tuntunin’ (2 Nephi 28:30), nang buong tiyaga at sigasig” (“Nagbalik-loob sa Panginoon,” Liahona, Nob. 2012, 109).