“Mayo 29–Hunyo 4. Mateo 26; Marcos 14; Juan 13: ‘Sa Pag-aalaala,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: Bagong Tipan 2023 (2022)
“Mayo 29–Hunyo 4. Mateo 26; Marcos 14; Juan 13,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: 2023
Mayo 29–Hunyo 4
Mateo 26; Marcos 14; Juan 13
“Sa Pag-aalaala”
Basahin ang Mateo 26; Marcos 14; at Juan 13, at pagnilayan ang mga ideya at impresyong pumapasok sa iyong isipan. Anong mga mensahe ang magpapala sa mga miyembro ng klase mo?
Mag-anyayang Magbahagi
Anyayahan ang mga miyembro ng klase na magbahagi ng isang bagay na natutuhan nila sa linggong ito na nakatulong sa kanila na makakita ng mas malaking kabuluhan sa sakramento. Ano ang ginawa nila at paano nito naapektuhan ang kanilang karanasan sa pagtanggap ng sakramento?
Ituro ang Doktrina
Kailangan nating suriin ang ating sariling buhay para malaman kung paano naaangkop sa atin ang mga salita ng Panginoon.
-
Marami tayong naririnig na aral ng ebanghelyo sa ating buhay, ngunit kung minsa’y nakakatuksong ipalagay na ang mga aral na iyon ay kadalasang naaangkop sa ibang tao. Makakatulong sa atin ang isang talakayan tungkol sa Mateo 26:20–22 para mapaglabanan ang tendensiyang ito. Anong mga aral ang matututuhan natin mula sa kung paano iniangkop ng mga disipulo ang mga salita ng Tagapagligtas sa kanilang sarili? Kung binasa ng sinumang miyembro ng klase ang pagbanggit ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf sa salaysay na ito sa kanyang mensaheng “Ako Baga, Panginoon?,” maaari nilang ibahagi ang mga kabatirang natamo nila (Liahona, Nob. 2014, 56–59).
Ang sakramento ay isang pagkakataon upang alalahanin ang Tagapagligtas.
-
Paano ipaliliwanag ng mga miyembro ng klase ang sagradong ordenansa ng sakramento sa isang taong hindi pamilyar dito? Marahil ay maaari kayong sama-samang gumawa ng listahan ng mga bagay na maaaring itanong ng isang tao tungkol sa sakramento, tulad ng “Bakit ibinigay sa atin ng Tagapagligtas ang sakramento? Bakit makapangyarihang mga simbolo ni Jesucristo ang tinapay at tubig? Ano ang ipinapangako natin kapag tumatanggap tayo ng sakramento? Anong mga pangako ang natatanggap natin?” Maaaring hanapin ng mga miyembro ng klase ang mga sagot sa sumusunod na resources: Mateo 26:26–29; Doktrina at mga Tipan 20:75–79; at Mga Paksa ng Ebanghelyo, “Sakramento” (topics.ChurchofJesusChrist.org). Maaari mo ring ibahagi ang mga kabatiran mula kay Elder D. Todd Christofferson sa “Karagdagang Resources.”
-
Malamang na maaaring makinabang ang mga miyembro ng klase sa pakikinig sa mga ideya ng bawat isa kung paano aalalahanin ang Tagapagligtas sa oras ng sakramento at sa buong linggo (tingnan sa Lucas 22:19–20; Doktrina at mga Tipan 6:36–37). Marahil ay maaari mo silang anyayahang ibahagi kung ano ang tumutulong sa kanila at sa kanilang pamilya na alalahanin ang Tagapagligtas at tuparin ang kanilang mga tipan. Maaari din nilang ibahagi kung ano ang ginagawa nila para gawing sagradong karanasan ang sakramento.
Ang Tagapagligtas ang ating halimbawa ng mapagpakumbabang paglilingkod sa iba.
-
Para matulungan ang mga miyembro ng klase mo na pagnilayan ang kabuluhan ng paghuhugas ni Jesus ng mga paa ng Kanyang mga disipulo, maaari mong anyayahan ang isang miyembro ng klase na gampanan ang papel ni Pedro at magpainterbyu sa buong klase. Maaaring saliksikin ng mga miyembro ng klase ang Juan 13:1–17 at mag-isip ng makabuluhang mga bagay na maaari nilang itanong kay Pedro para malaman ang kanyang karanasan. Ano ang matututuhan natin mula sa salaysay na ito na maaaring makaapekto sa paraan ng paglilingkod natin sa iba?
Ang pagmamahal natin sa iba ay isang tanda na tayo ay tunay na mga disipulo ni Jesucristo.
-
Paano mo mahihikayat ang mga miyembro ng klase na maging mas mapagmahal? Marahil ay maaari mong itanong sa kanila kung anong mga katangian ang napapansin nila kapag may nakikilala silang isang alagad ni Cristo. Maaari mo silang anyayahang saliksikin ang Juan 13:34–35 para malaman kung paano matutukoy ang tunay na mga disipulo ng Tagapagligtas. Ano ang magagawa natin upang maging malinaw na katangian ng ating pagkadisipulo ang pagmamahal? Marahil ay maaari ninyong talakayin kung paano naging isang paraan ng pagpapatotoo kay Jesucristo ang pagmamahal sa iba. Paano natin ito magagawa sa ating pamilya, sa social media, at sa iba pang mga sitwasyon?
-
Bilang isang klase, marami kayong natutuhan tungkol sa buhay ng Tagapagligtas ngayong taon, kabilang na ang maraming halimbawa kung paano Niya ipinakita ang Kanyang pagmamahal sa iba. Ang isang paraan para matulungan ang mga miyembro ng klase na pagnilayan ang kautusan sa Juan 13:34 ay isulat sa pisara ang Kung Paanong Inibig Ko Kayo at hilingin sa mga miyembro ng klase na ilista ang mga halimbawang naaalala nila mula sa Bagong Tipan na naglalarawan ng pagmamahal ni Jesus. Pagkatapos ay maaari mong isulat sa pisara ang Kayo’y Magmahalan sa Isa’t Isa at hilingin sa mga miyembro ng klase na ilista ang mga paraan na matutularan natin ang Kanyang halimbawa ng pagmamahal. Maaaring may mga ideyang maibabahagi ang mga miyembro ng klase .
Karagdagang Resources
“Isapuso ang mga katangian at pagkatao ni Cristo.”
Itinuro ni Elder D. Todd Christofferson, “Ang matalinghagang pagkain ng Kanyang laman at pag-inom ng Kanyang dugo ay may mas malalim na kahulugan, at iyan ay ang taglayin ang mga katangian at pagkatao ni Cristo sa ating buhay, hubarin ang likas na tao at maging mga Banal ‘sa pamamagitan ng pagbabayad-sala ni Cristo, ang Panginoon’ [Mosias 3:19]. Kapag tumatanggap tayo ng tinapay at tubig sa sacrament tuwing linggo, makabubuting isipin kung gaano natin kalubos na gagawing bahagi ng ating sariling buhay at pagkatao ang Kanyang katangian at ang halimbawa ng Kanyang buhay na walang kasalanan” (“Ang Tinapay na Buhay na Bumabang Galing sa Langit,” Liahona, Nob. 2017, 37).