“Hunyo 12–18. Lucas 22; Juan 18: ‘Huwag ang Kalooban Ko ang Mangyari Kundi ang sa Iyo,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: Bagong Tipan 2023 (2022)
“Hunyo 12–18. Lucas 22; Juan 18,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: 2023
Hunyo 12–18
Lucas 22; Juan 18
“Huwag ang Kalooban Ko ang Mangyari Kundi ang sa Iyo”
Isipin kung ano ang gagawin mo para maanyayahan ang Espiritu sa iyong klase habang tinatalakay mo ang mga sagradong pangyayari sa mga kabanatang ito. Mapanalanging maghanap ng mga paraan para mapalalim ng mga miyembro ng klase ang kanilang pagmamahal sa Tagapagligtas at ang kanilang pananampalataya sa Kanya.
Mag-anyayang Magbahagi
Anyayahan ang ilang miyembro ng klase na ibahagi ang nadama nila nang magbasa sila sa linggong ito at anong mga talata ang nagpadama nito sa kanila.
Ituro ang Doktrina
Tayo ay nagiging lalong katulad ni Cristo kapag pinipili nating magpasakop sa kalooban ng Ama.
-
Ang halimbawa ng pagpapasakop ng Tagapagligtas sa kalooban ng Ama ay makakatulong sa mga miyembro ng klase mo kapag kailangan nilang gawin din iyon. Para magpasimula ng talakayan, maaari mong anyayahan ang mga miyembro ng klase na magbahagi ng mga karanasan na nagpasakop sila sa isang bagay na alam nilang gustong ipagawa sa kanila ng Diyos. Hilingin sa kanila na ibahagi kung paano nila nalaman kung ano ang nais ipagawa sa kanila ng Diyos at kung paano sila pinagpala sa pagpapasakop sa Kanyang kalooban. Anyayahan ang klase na basahin ang Lucas 22:39–46 at pag-usapan kung bakit naging handang magpasakop ang Tagapagligtas sa kalooban ng Kanyang Ama. Paano natin matutularan ang halimbawa ng Tagapagligtas?
-
Dagdag pa sa pagpapasakop ng Tagapagligtas sa Diyos sa Lucas 22:42, anong iba pang mga halimbawa ng Kanyang pagpapasakop ang nakikita natin sa Lucas 22 at sa Juan 18? Paano nagpasakop ang Tagapagligtas sa kalooban ng Kanyang Ama sa buong buhay Niya? Ano ang magagawa natin upang maging higit na katulad Niya? Ang pahayag ni Elder Neal A. Maxwell sa “Karagdagang Resources” ay maaaring maghikayat sa mga miyembro ng klase na isipin kung paano nila maaaring ipasakop ang kanilang kalooban sa Diyos.
Isinagawa ni Cristo ang walang-hanggang Pagbabayad-sala para sa atin.
-
Inilalarawan sa Lucas 22:39–46 ang nangyari sa Getsemani. Para maipaunawa sa mga miyembro ng klase ang personal na kahalagahan ng sagradong pangyayaring ito, maaari mo sigurong isulat sa pisara ang mga tanong na tulad ng Ano ang nangyari sa Getsemani? at Bakit ito mahalaga sa akin? Maaaring makahanap ng mga sagot ang mga miyembro ng klase sa Lucas 22:39–46; Alma 7:11–13; at Doktrina at mga Tipan 19:16–19. Maaari din silang makahanap ng mga sagot sa mensahe ni President Tad R. Callister na “Ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo” (Liahona, Mayo 2019, 85–87).
8:42 -
Sa Aklat ni Mormon, tinatawag ni Jacob ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo na “walang hanggang pagbabayad-sala” (2 Nephi 9:7). Para maipaunawa sa mga miyembro ng klase ang kahulugan nito, maaari mong ibahagi ang mga turo ni Pangulong Russell M. Nelson sa “Karagdagang Resources” at hilingin sa mga miyembro ng klase na ilista ang mga paraan na maaaring ituring na walang hanggan ang impluwensya ng sakripisyo ng Tagapagligtas. Maaari din nilang basahin at idagdag ang sumusunod na mga talata sa kanilang listahan: Mga Hebreo 10:10; Alma 34:10–14; Doktrina at mga Tipan 76:24; at Moises 1:33. Paano natin maipapakita ang ating pasasalamat sa nagawa ng Tagapagligtas para sa atin?
Maaari tayong maging tapat kay Jesucristo sa kabila ng ating mga pangamba at kahinaan.
-
Para mailarawan ng mga miyembro ng klase sa kanilang isipan ang mga pangyayari sa Lucas 22:54–62, maaari mong ipakita ang isang larawan, tulad ng Pagkakaila ni Pedro (ChurchofJesusChrist.org). Maaaring ibahagi ng mga miyembro ng klase ang natututuhan nila mula sa mga karanasan ni Pedro na naghihikayat sa kanila na maging tapat kay Jesucristo.
Karagdagang Resources
Pagpapasakop ng ating kalooban sa Ama.
Itinuro ni Elder Neal A. Maxwell: “Sa pagpapasakop ninyo ng inyong kalooban sa Diyos, ibinibigay ninyo sa Kanya ang nag-iisang bagay na talagang maibibigay ninyo sa Kanya. Huwag ninyong ipagpaliban pa ang pag-aalay ng inyong kalooban!” (“Alalahanin Kung Paano Naging Maawain ang Panginoon,” Liahona, Mayo 2004, 46).
Ang walang-hanggang Pagbabayad-sala.
Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson:
“Ang Pagbabayad-sala [ni Jesucristo] ay walang hanggan—walang katapusan. Ito ay walang hanggan din dahil maililigtas ang buong sangkatauhan mula sa walang-katapusang kamatayan. Ito ay walang hanggan dahil sa Kanyang matinding pagdurusa. Ito ay walang hanggan sa panahon, na tumapos sa naunang nakaugaliang pag-aalay ng hayop. Ito ay walang hanggan sa saklaw—ito ay dapat gawin nang minsanan para sa lahat. At ang biyaya ng Pagbabayad-sala ay hindi lamang para sa walang-hanggang bilang ng mga tao, kundi para din sa walang-hanggang bilang ng mga mundong Kanyang nilikha. Ito ay walang hanggan na hindi kayang sukatin ng anumang panukat ng tao o unawain ng sinuman.
“Si Jesus lamang ang makapag-aalay ng gayong walang-hanggang pagbabayad-sala, dahil Siya ay isinilang sa isang mortal na ina at isang imortal na Ama. Dahil sa natatanging pribilehiyong iyon mula pa sa pagsilang, si Jesus ay isang walang-hanggang Nilalang” (“The Atonement,” Ensign, Nob. 1996, 35).