Bagong Tipan 2023
Hunyo 5–11. Juan 14–17: “Manatili Kayo sa Aking Pagmamahal”


“Hunyo 5–11. Juan 14–17: ‘Manatili Kayo sa Aking Pagmamahal,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: Bagong Tipan 2023 (2022)

“Hunyo 5–11. Juan 14–17,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: 2023

Huling Hapunan

The Last Supper [Ang Huling Hapunan], ni William Henry Margetson

Hunyo 5–11

Juan 14–17

“Manatili Kayo sa Aking Pagmamahal”

Habang mapanalangin mong pinag-aaralan ang Juan 14–17, pagnilayan kung paano mo pinakamainam na maipapakita ang pagmamahal sa mga tinuturuan mo. Ang Espiritu Santo ay maghahatid ng mga ideya sa iyong isipan habang pinag-aaralan mo ang mga banal na kasulatan, ang Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya, at ang outline na ito.

icon ng pagbabahagi

Mag-anyayang Magbahagi

Isulat ang mga numero 14 hanggang 17 sa pisara, na kumakatawan sa mga kabanata sa Juan na binasa ng mga miyembro ng klase sa linggong ito. Anyayahan ang ilang miyembro ng klase na isulat, sa tabi ng bawat numero ng kabanata, ang reperensya sa isang talata na mas naipaunawa sa kanila ng Espiritu Santo o gusto nilang talakayin sa klase.

icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina

Juan 14:16–27; 15:26; 16:7–15

Binibigyan tayo ng Espiritu Santo ng kakayahang tuparin ang ating mga layunin bilang mga disipulo ni Jesucristo.

  • Para matulungan ang mga miyembro ng klase na malaman ang iba’t ibang papel na ginagampanan ng Espiritu Santo, isiping anyayahan sila na basahin ang isa o higit pa sa sumusunod na mga sipi: Juan 14:16–27; 15:26; at 16:7–15. Maaari nilang isulat sa pisara ang natututuhan nila tungkol sa Espiritu Santo mula sa mga siping ito. Maaari din silang maghanap ng mga kabatiran tungkol sa Espiritu Santo sa mga talata sa banal na kasulatan at sa mga mensaheng nakalista sa “Karagdagang Resources.” Paano nagampanan ng Espiritu Santo ang mga papel na ito sa ating buhay? Maaari ka ring mag-isip ng mga bagay o visual aid na maaari mong dalhin sa klase para maipaunawa sa mga miyembro ng klase ang ilan sa mga papel na ito.

  • Isiping anyayahan nang maaga ang ilang miyembro ng klase na pag-aralan ang isa sa mga mensahe sa pangkalahatang kumperensya na iminungkahi sa “Karagdagang Resources” (o iba pang mensahe sa kumperensya na alam nila) tungkol sa Espiritu Santo. Hayaan silang ibahagi sandali ang natutuhan nila sa klase. Ano ang idinaragdag ng mga mensaheng ito sa natutuhan natin tungkol sa Espiritu Santo mula sa Juan 14–16?

si Jesus na nakikipag-usap sa mga disipulo

The Last Supper [Ang Huling Hapunan], ni Clark Kelley Price

Juan 15:1–12

Kapag nananatili tayo kay Cristo, makapaghahatid tayo ng mabuting bunga at magkakaroon ng kagalakan.

  • Isiping magdala sa klase ng isang maliit na halaman (o isang larawan nito) at gamitin ito para tulungan ang mga miyembro ng klase na mailarawan sa isipan ang turo ng Tagapagligtas tungkol sa puno ng ubas at mga sanga. Matapos basahin ang Juan 15:1–12 sa klase, maaari mong talakayin ang ibig sabihin ng “manatili [kay Cristo]” (Juan 15:4). Maaaring ibahagi ng ilang miyembro ng klase kung paano nila natuklasan na ang Juan 15:5 ay totoo. (Tingnan din sa pahayag ni Elder Jeffrey R. Holland sa “Karagdagang Resources.”)

Juan 17

Ang Ama sa Langit at si Jesucristo ay ganap na nagkakaisa.

  • Malamang na hindi mo maituro ang lahat ng mahahalagang katotohanang matatagpuan sa Juan 17 sa isang talakayan sa klase, ngunit narito ang isang paraan para matulungan ang klase na saliksikin ang ilan sa mga ito. Ilista sa pisara ang mga konsepto mula sa Juan 17, tulad ng mga ito:

    • Ang ating kaugnayan kay Jesucristo

    • Ang kaugnayan ni Jesucristo sa Kanyang Ama

    • Ang ating kaugnayan sa iba pa sa mundo

    • Ang ating kaugnayan sa isa’t isa bilang Kanyang mga disipulo

    Anyayahan ang bawat miyembro ng klase na pumili ng isa sa mga konseptong ito at basahin ang Juan 17, na hinahanap ang mga talatang may kaugnayan dito. Hilingin sa ilang miyembro ng klase na ibahagi ang natututuhan nila.

    Paano naaapektuhan ng ating kaugnayan sa Diyos ang ating kaugnayan sa isa’t isa? Paano naaapektuhan ng ating kaugnayan sa isa’t isa ang ating kaugnayan sa Diyos?

icon ng resources

Karagdagang Resources

Ang Espiritu Santo.

Pananatiling tapat kay Cristo.

Iniisip na ang salitang manatili ay nangangahulugan din ng pamamalagi at katapatan, itinuro ni Elder Jeffrey R. Holland:

“Nangangahulugan [ang salitang ito] ngayon ng ‘manatili—ngunit manatili magpakailanman.’ … Lumapit, ngunit lumapit upang manatili. Lumapit nang may paniniwala at pagtitiis. …

“Sinabi ni Jesus, ‘Sapagka’t kung kayo’y hiwalay sa akin ay wala kayong magagawa’ [Juan 15:5]. Ako ay nagpapatotoo na iyan ay katotohanan ng Diyos. “[Si Cristo] ang lahat-lahat sa atin at dapat tayong ‘manatili’ sa Kanya nang palagian, matatag, matibay, magpakailanman. Para sumibol at pagpalain ng bunga ng ebanghelyo ang ating buhay, dapat tayong matatag na mabigkis sa Kanya, na Tagapagligtas nating lahat, at dito sa Kanyang Simbahan, na nagtataglay ng Kanyang banal na pangalan. Siya ang punong tunay na pinagmumulan ng ating lakas at tanging pinanggagalingan ng buhay na walang-hanggan. Sa Kanya hindi lang tayo makakatiis kundi mananaig tayo at magtatagumpay sa banal na layuning ito na hindi bibigo sa atin” (“Manatili sa Akin,” Liahona, Mayo 2004, 32).

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Anyayahan ang Espiritu. “Maaari tayong maging mga kasangkapan sa mga kamay ng Diyos para tulungan ang Kanyang mga anak na matuto sa pamamagitan ng Espiritu. Para magawa ito, inaanyayahan natin ang impluwensya ng Espiritu sa ating buhay at hinihikayat ang mga tinuturuan natin na gawin din iyon. … Ang sagradong musika, banal na kasulatan, mga salita ng mga propeta sa mga huling araw, mga pagpapahayag ng pagmamahal at patotoo, at mga sandali ng tahimik na pag-iisip ay pawang makapag-aanyaya sa Espiritu” (Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas10).