Bagong Tipan 2023
Abril 10–16. Mateo 15–17; Marcos 7–9: “Ikaw ang Cristo”


“Abril 10–16. Mateo 15–17; Marcos 7–9: ‘Ikaw ang Cristo,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: Bagong Tipan 2023 (2022)

“Abril 10–16. Mateo 15–17; Marcos 7–9,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: 2023

Pagbabagong-Anyo ni Cristo

The Transfiguration [Ang Pagbabagong-Anyo], ni Carl Heinrich Bloch

Abril 10–16

Mateo 15–17; Marcos 7–9

“Ikaw ang Cristo”

Isa sa mga pangunahin mong layunin bilang guro ay tulungan ang iba na palakasin ang kanilang pananampalataya kay Jesucristo. Isaisip ito habang pinag-aaralan mo ang mga talata sa banal na kasulatan sa linggong ito. Ano ang nakikita mo na maaaring makatulong sa mga miyembro ng klase na maniwala sa Kanya nang mas taimtim?

icon ng pagbabahagi

Mag-anyayang Magbahagi

Ang isang paraan para mahikayat mo ang mga miyembro ng klase na pag-aralan ang mga banal na kasulatan nang personal at kasama ang kanilang pamilya ay anyayahan silang ibahagi bawat linggo kung paano nakatulong ang pag-aaral nila ng mga banal na kasulatan na makatanggap sila ng paghahayag at mapagpala ang kanilang buhay. Halimbawa, paano nakaimpluwensya ang pag-aaral nila ng mga kabanatang ito sa mga pagpiling ginawa nila sa linggong ito?

icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina

Mateo 16:13–17

Ang patotoo tungkol kay Jesucristo ay dumarating sa pamamagitan ng paghahayag.

  • Kinailangan na ba ng sinuman sa mga miyembro ng klase mo na ipaliwanag sa iba kung paano nila nalaman na ang ebanghelyo ay totoo? Sa Mateo 16:13–17, ano ang itinuro ng Tagapagligtas kung paano tayo tumatanggap ng patotoo? Maaari mong ibahagi kung paano natamo ni Alma ang kanyang patotoo (tingnan sa Alma 5:45–46) o kung ano ang itinuro ng Panginoon kay Oliver Cowdery tungkol sa paghahayag (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 6:14–15, 22–23; 8:2–3). Ano sa palagay mo ang maaaring sabihin ni Pedro o ni Alma o ni Oliver Cowdery kapag may nagtanong sa kanila kung paano nila nalaman na ang ebanghelyo ay totoo?

  • Maaaring may mga tao sa klase mo na nagdarasal na makatanggap ng personal na paghahayag ngunit hindi nila alam kung paano makilala ito kapag ito ay dumating. Sa HearHim.ChurchofJesusChrist.org, makakakita ka ng mga video kung saan ibinabahagi ng mga lider ng Simbahan kung paano nila nakikilala ang tinig ng Panginoon. Maaari ninyong panoorin ang isa o higit pa sa mga video na ito sa klase at pag-usapan kung ano ang itinuturo ng mga video tungkol sa pagtanggap ng paghahayag. Anong iba pang mga turo o talata sa mga banal na kasulatan ang maiisip ng klase mo na makakatulong sa isang tao na makilala ang personal na paghahayag? (Halimbawa, tingnan sa 1 Mga Hari 19:11–12; Galacia 5:22–23; Enos 1:1–8; Doktrina at mga Tipan 6:22–24; 8:2–3; 9:7–9.)

Mateo 16:13–19; 17:1–9

Ang mga susi ng priesthood ay mahalaga sa ating kaligtasan.

  • Para magpasimula ng talakayan tungkol sa mga susi ng priesthood, maaari mong isulat sa pisara ang mga reperensyang tulad nito: Mateo 16:19; Doktrina at mga Tipan 107:18–20; 128:8–11; 132:18–19, 59; Joseph Smith—Kasaysayan 1:72; at “Susi ng Pagkasaserdote, Mga” sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan (scriptures.ChurchofJesusChrist.org). Pagkatapos ay anyayahan ang mga miyembro ng klase na basahin ang isa o higit pa sa mga sipi at magbahagi ng isang bagay na natututuhan nila mula sa mga ito tungkol sa mga susi ng priesthood. Bakit kailangan natin ang mga susi ng priesthood?

  • Para mapalakas ng mga miyembro ng klase ang kanilang patotoo tungkol sa pagpapanumbalik ng mga susi ng priesthood sa mga huling araw, maaari mong hilingin sa kalahati ng klase na pag-aralan ang Mateo 17:1–9 at sa natitirang kalahati ng klase na pag-aralan ang Doktrina at mga Tipan 110. Pagkatapos ay maaari nilang ibahagi sa isa’t isa ang natutuhan nila at tandaan ang mga pagkakatulad ng dalawang salaysay.

2:8
estatuwa ni Pedro na may hawak na mga susi

Ang mga susi ng priesthood ay ang awtoridad na pamahalaan ang paggamit ng priesthood.

Marcos 9:14–30

Kapag naghahangad ng mas malakas na pananampalataya, nagsisimula tayo sa pananampalatayang taglay natin.

  • Ginamit ni Elder Jeffrey R. Holland ang salaysay tungkol sa isang ama na naghahangad na gumaling ang kanyang anak para ituro kung paano tayo dapat lumapit sa Panginoon kapag nadarama natin na hindi sapat ang ating pananampalataya (tingnan sa “Panginoon, Nananampalataya Ako,” Liahona, Mayo 2013, 93–95). Matapos basahin ang Marcos 9:14–30 bilang isang klase, maaari ninyong sama-samang talakayin ang tatlong obserbasyon ni Elder Holland (tingnan sa “Karagdagang Resources”).

icon ng resources

Karagdagang Resources

Tatlong obserbasyon na tutulong sa atin na magpalakas ng pananampalataya.

Matapos ikuwentong muli ang salaysay na matatagpuan sa Marcos 9:14–29, itinuro ni Elder Jeffrey R. Holland:

“Ang una kong napansin sa salaysay na ito ay nang magkaroon ng hamon sa pananampalataya, ginawa muna ng ama ang kanyang magagawa at saka niya kinilala ang kanyang limitasyon. Sumagot muna siya ng oo at walang pag-aatubiling sinabing: ‘[Panginoon,] nananampalataya ako.’ Sasabihin ko sa lahat ng nais maragdagan ang pananampalataya, alalahanin ang lalaking ito! Sa mga sandali ng takot o pag-aalinlangan, panindigan ang inyong pananampalataya, kahit limitado pa iyon. …

“Ang pangalawang napuna ko ay naiiba nang kaunti sa una. Kapag dumarating ang mga problema at tanong, huwag ninyong simulan ang paghahanap ng pananampalataya sa pagsasabi kung gaano karami ang wala sa inyo, simula sa inyong ‘kakulangan ng pananampalataya.’ … Hindi ko hinihiling na magkunwari kayong may pananampalataya kahit wala. Hinihiling ko na maging tapat kayo sa pananampalatayang taglay ninyo. …

“Ang huling napansin ko: kapag kayo ay nag-aalinlangan o nahihirapan, huwag matakot na humingi ng tulong. Kung hihingin natin ito sa mapagpakumbaba at tapat na paraan tulad ng amang ito, makakamtan natin ito” (“Panginoon, Nananampalataya Ako,” Liahona, Mayo 2013, 93–94).

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Magtanong ng mga bagay na nag-aanyaya ng patotoo. Ang pagtatanong ng mga bagay na naghihikayat sa mga miyembro ng klase na magpatotoo ay maaaring isang epektibong paraan para maanyayahan ang Espiritu. Halimbawa, habang tinatalakay ang Mateo 16:13–17, maaari mong itanong, “Ano ang natutuhan ninyo tungkol sa Tagapagligtas na nagpalakas sa inyong patotoo tungkol sa Kanya bilang Tagapagligtas?” (Tingnan sa Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas32.)