“Pebrero 6–12. Juan 2–4: ‘Kinakailangang Kayo’y Ipanganak na Muli,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: Bagong Tipan 2023 (2022)
“Pebrero 6–12. Juan 2–4,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: 2023
Pebrero 6–12
Juan 2–4
“Kinakailangang Kayo’y Ipanganak na Muli”
Ang pagbasa sa Juan 2–4 ay magandang paraan para simulan ang paghahandang magturo. Itala ang anumang espirituwal na impresyong natatanggap mo, at gamitin ang outline na ito para makakita ng karagdagang mga kaalaman at ideya sa pagtuturo.
Mag-anyayang Magbahagi
Isulat ang tatlong heading sa pisara: Juan 2, Juan 3, at Juan 4. Maaaring mangailangan ng ilang minuto ang mga miyembro ng klase para rebyuhin ang mga kabanatang ito at pagkatapos ay isulat sa ilalim ng bawat heading ang isang talatang nagpaunawa sa kanila sa doktrina at mga pangyayari sa kabanatang iyon. Talakayin ang mga talatang isinulat nila.
Ituro ang Doktrina
Ang mga himala ni Jesucristo ay “ipinahayag ang kanyang kaluwalhatian.”
-
Iminumungkahi sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya na basahin ang Juan 2:1–11 mula sa pananaw ng isang taong naroroon nang gawing alak ni Jesus ang tubig. Marahil ay maaaring magbahagi ang mga miyembro ng klase ng mga kabatirang natamo nila sa paggawa nito. Ano ang matututuhan natin tungkol sa Tagapagligtas mula sa mga talatang ito? Paano ipinakita ng himalang ito ang kaluwalhatian ng Diyos? (tingnan sa talata 11).
Maaari nating ipagtanggol ang mga sagradong lugar at bagay.
-
Para matulungan ang mga miyembro ng klase na matuto mula sa salaysay ng pagtataboy ni Jesus sa mga nagpapalit ng pera sa templo, maaari mong hilingin sa kanila na mag-isip ng iba pang mga bagay, bukod sa mga templo, na itinuturing ng Panginoon na sagrado. Paano tayo makakatulong na mapanatili ang kabanalan ng mga sagradong bagay na ito?
Kailangan tayong ipanganak na muli para makapasok sa kaharian ng Diyos.
-
Paano kaya natin maipaliliwanag sa isang tao ang ibig sabihin ng ipanganak na muli? Isiping anyayahan ang mga miyembro ng klase na praktisin kung paano nila sasagutin ang tanong na ito sa taong katabi nila. Habang ginagawa nila ito, maaari nilang talakayin ang mga tanong na tulad nito: Ano ang matututuhan natin mula sa mga salita ni Jesus sa Juan 3:3–7? Paano tayo natutulungan ng pagsisisi, binyag, at kumpirmasyon na maipanganak na muli? Ang mga pahayag sa “Karagdagang Resources” ay maaaring makatulong sa talakayang ito.
-
Naniniwala ang ilang tao na hindi talaga kayang magbago ng isang tao. Si Nicodemo, gayunman, ay halimbawa ng isang taong nagbago dahil sa pagsunod sa ebanghelyo ni Jesucristo. Para maipakita ito sa mga miyembro ng klase, maaari mo silang anyayahang saliksikin ang Juan 3:1–2; Juan 7:45–52; at Juan 19:38–40. Ano ang matututuhan natin mula sa mga siping ito tungkol sa mga saloobin at paniniwala ni Nicodemo? Paano siya nagbago sa paglipas ng panahon? Anong mga halimbawa ang maibabahagi natin tungkol sa mga taong nagbago dahil sa ebanghelyo?
Inaalok tayo ni Jesucristo ng “tubig na buhay” at “pagkain” ng paggawa ng gawain ng Diyos.
-
Ang ating katawan ay nangangailangan ng pagkain at tubig araw-araw. Tinukoy ni Jesus ang mga pangangailangang ito ng lahat nang turuan Niya kapwa ang Samaritana at ang Kanyang mga disipulo (tingnan sa Juan 4:5–34). Para maipaunawa sa mga miyembro ng klase ang itinuturo noon ng Tagapagligtas, maaari mong ipaskil sa pisara ang mga larawan ng pagkain at tubig at anyayahan ang mga miyembro ng klase na isulat sa ilalim ng bawat larawan ang mga katotohanang itinuro ni Jesus tungkol sa espirituwal na pagkain at tubig. Paano pinapawi ng Tagapagligtas ang ating espirituwal na pagkagutom at espirituwal na pagkauhaw?
-
Ang pagbubulay tungkol sa paglago ng patotoo ng Samaritana tungkol kay Jesucristo ay makakatulong sa mga miyembro ng klase mo na pagnilayan kung paano nila nalaman na Siya ang Mesiyas. Bilang isang klase, hanapin ang mga katagang ginamit ng Samaritana sa pagtukoy sa Tagapagligtas sa Juan 4:6–30. Ano ang ipinahihiwatig ng mga katagang ito tungkol sa kanyang kaalaman kung sino si Jesus? Paano tayo lumago sa ating patotoo na Siya ang ating Tagapagligtas?
Karagdagang Resources
Ang ibig sabihin ng ipanganak na muli.
Itinuro ni Elder David A. Bednar: “Ang pagbabalik-loob … ay malaki, hindi maliit—isang espirituwal na pagsilang na muli at mahalagang pagbabago sa nadarama at hangarin natin, sa iniisip at ginagawa natin, at kung ano tayo. Sa katunayan, kaakibat ng pinakadiwa ng ebanghelyo ni Jesucristo ang isang pangunahin at permanenteng pagbabago ng ating likas na pagkatao na ginawang posible ng ating pag-asa sa ‘kabutihan, at awa, at biyaya ng Banal na Mesiyas’ (2 Nephi 2:8). Sa pagpili nating sundin ang Guro, pinipili nating magbago—na espirituwal na isilang na muli” (“Kinakailangan Ngang Kayo’y Ipanganak na Muli,” Liahona, Mayo 2007, 20).
Itinuro ni Pangulong Dallin H. Oaks: “Tayo ay isinilang na muli kapag pumasok tayo sa isang pakikipagtipan sa ating Tagapagligtas sa pamamagitan ng pagsilang sa tubig at sa Espiritu at pagtataglay sa atin ng pangalan ni Jesucristo. Mapapanibago natin ang muling pagsilang na iyon tuwing Sabbath kapag tumanggap tayo ng sakramento. Pinagtitibay ng mga Banal sa mga Huling Araw na ang mga isinilang na muli sa ganitong paraan ay mga espirituwal na anak na lalaki at anak na babae ni Jesucristo (tingnan sa Mosias 5:7; 15:9–13; 27:25). Gayon pa man, upang makamit ang nakalaang mga pagpapala ng kalagayang ito ng pagsilang na muli, kailangan pa rin nating tuparin ang ating mga tipan at magtiis hanggang wakas” (“Have You Been Saved?,” Ensign, Mayo 1998, 56).