“Pagtatamo ng Espirituwal na Kaalaman,” Doctrinal Mastery Core Document (2021)
“Pagtatamo ng Espirituwal na Kaalaman,” Doctrinal Mastery Core Document
Pagtatamo ng Espirituwal na Kaalaman
Ang Diyos ang Pinagmumulan ng Lahat ng Katotohanan
-
Nalalaman ng Diyos ang lahat ng bagay at Siya ang pinagmumulan ng lahat ng katotohanan. Dahil mahal tayo ng ating Ama sa Langit at nais Niya tayong umunlad hanggang sa maging katulad Niya, hinikayat Niya tayong “maghangad na matuto, maging sa pamamagitan ng pag-aaral at gayon din sa pamamagitan ng pananampalataya” (Doktrina at mga Tipan 88:118). Sa paghahanap natin sa katotohanan, mapagkakatiwalaan natin Siya nang lubos, na umaasa sa Kanyang karunungan, Kanyang pagmamahal, at Kanyang kapangyarihan na turuan at pagpalain tayo. Nangako ang Diyos na ihahayag Niya ang katotohanan sa ating puso’t isipan sa pamamagitan ng Espiritu Santo kung masigasig natin Siyang hahanapin.
-
Para matulungan tayo, itinuro sa atin ng Ama sa Langit kung paano magtamo ng espirituwal na kaalaman. Nagtakda Siya ng mga kondisyon na kailangan nating sundin para matamo ang gayong kaalaman. Sa itinakdang huwaran ng Diyos, hinihingi sa atin na magkaroon tayo ng tapat na hangaring malaman ang katotohanan at maging handang mamuhay ayon sa Kanyang inihayag. Ang ating tapat na hangarin ang aakay sa ating maghangad ng katotohanan sa pamamagitan ng panalangin at masigasig na pag-aaral sa salita ng Diyos.
-
Minsan ay may matutuklasan tayong mga bagong impormasyon o magkakaroon ng mga tanong tungkol sa doktrina, gawain, o kasaysayan ng Simbahan na tila mahirap unawain.
Ang pagtatanong at paghahanap ng mga sagot ay mahalagang bahagi ng ating pagsisikap na malaman ang katotohanan. Ang ilang tanong na maiisip natin ay maaaring binigyang-inspirasyon ng Espiritu Santo. Ang mga tanong na binigyang-inspirasyon ay dapat ituring na mga kaloob mula sa Diyos na nagbibigay ng mga pagkakataong maragdagan ang ating pang-unawa at lumakas ang ating pagtitiwala na handa tayong turuan ng Panginoon. Anuman ang pinagmumulan ng ating mga tanong, nabiyayaan tayo ng kakayahang mag-isip at mangatwiran at ng impluwensya ng Panginoon na nagpapalawak ng ating isipan at nagpapalalim ng ating pang-unawa. Ang saloobin at layunin ng ating pagtatanong at paghahanap ng mga sagot ay malaki ang epekto sa kakayahan nating matuto sa pamamagitan ng Espiritu Santo.
-
Ang sumusunod na tatlong alituntunin ay maaaring gumabay sa atin sa paghahangad nating matuto at maunawaan ang walang-hanggang katotohanan at malutas ang mga tanong o problema:
-
Kumilos nang may pananampalataya.
-
Suriin ang mga konsepto at mga tanong nang may walang-hanggang pananaw.
-
Hangaring mas makaunawa sa pamamagitan ng sources na itinalaga ng Diyos.
-
Alituntunin 1: Kumilos nang may Pananampalataya
-
Kumikilos tayo nang may pananampalataya kapag pinipili nating magtiwala sa Diyos at lumapit sa Kanya sa pamamagitan ng taimtim na panalangin, pag-aaral ng Kanyang mga turo, at pagsunod sa Kanyang mga utos.
-
Kapag hinahangad natin na pagbutihin ang ating pang-unawa at malutas ang mga problema, mahalagang umasa tayo sa ating patotoo kay Jesucristo, sa Panunumbalik ng Kanyang ebanghelyo, at sa mga turo ng Kanyang inordenan na mga propeta. Itinuro ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Pagdating ng mga sandaling iyon at magkaroon ng mga problema, at hindi ito malutas kaagad, manangan nang mahigpit sa nalalaman na ninyo at manindigan hanggang sa dumating ang karagdagang kaalaman” (“Panginoon, Nananampalataya Ako,” Liahona, Mayo 2013, 94). Ang Panginoon mismo ang nag-anyaya sa atin na “isaalang-alang [Siya] sa bawat pag-iisip; huwag mag-alinlangan, huwag matakot” (Doktrina at mga Tipan 6:36).
-
Sa mga oras na maaaring hindi natin agad mahanap ang mga sagot sa ating mga tanong, makabubuting tandaan na kahit inihayag ng Ama sa Langit ang lahat ng kailangan para sa ating kaligtasan, hindi pa Niya inihahayag ang lahat ng katotohanan. Kapag patuloy nating hinahanap ang mga sagot, dapat tayong mamuhay nang may pananampalataya—nagtitiwala na kalaunan ay matatanggap natin ang mga sagot na hinahanap natin. Kapag tayo ay tapat sa katotohanan at liwanag na natanggap na natin, mas makatatanggap pa tayo. Ang mga sagot sa ating mga tanong at panalangin ay madalas dumating nang “taludtod sa taludtod, ng tuntunin sa tuntunin” (2 Nephi 28:30).
Alituntunin 2: Suriin ang mga Konsepto at Tanong nang may Walang-hanggang Pananaw
-
Para masuri ang mga doktrinal na konsepto, tanong, at isyung panlipunan nang may walang-hanggang pananaw, isinasaalang-alang natin ang mga ito sa konteksto ng plano ng kaligtasan at sa mga turo ng Tagapagligtas. Hinahangad natin ang tulong ng Espiritu Santo para makita ang mga bagay-bagay tulad sa kung paano nakikita ng Panginoon ang mga ito. Tinutulutan tayo nitong iangkop ang tanong (makita ang tanong sa ibang paraan) at tingnan ang mga ideya ayon sa pamantayan ng katotohanan ng Panginoon sa halip na tanggapin ang mga ideya o palagay ng mundo. Magagawa natin ito sa pamamagitan ng pagtatanong ng tulad ng “Ano na ba ang alam ko tungkol sa Ama sa Langit, sa Kanyang plano, at kung paano Siya nakikitungo sa Kanyang mga anak?” at “Anong mga turo ng ebanghelyo ang nauugnay o naglilinaw sa konsepto o isyung ito?”
-
Kahit ang mga tanong na nauugnay sa kasaysayan ay maaaring kailangang suriin nang may walang-hanggang pananaw. Kapag nanatili tayong matatag na nagtitiwala sa ating Ama sa Langit at sa Kanyang plano ng kaligtasan, makikita natin nang mas malinaw ang mga problema. Maaari ding makatulong na suriin ang mga tanong tungkol sa kasaysayan sa wastong konteksto ng kasaysayan sa pamamagitan ng pagsasaalang-alang sa kultura at mga pamantayan sa panahon nito kaysa igiit ang mga kasalukuyang pananaw at saloobin.
-
Mahalagang tandaan na ang mga detalye ng kasaysayan ay hindi nagtataglay ng nakapagliligtas na kapangyarihan na taglay ng mga tipan, mga ordenansa, at doktrina. Ang pagkalito dahil sa di-gaanong mahahalagang detalye na magbubunga ng hindi pagkaunawa sa unti-unting paglalahad ng himala ng Panunumbalik ay parang pagsasayang ng oras sa pagsuri sa isang kahon ng regalo at hindi pagpansin sa kagandahan mismo ng regalo.
Alituntunin 3: Hangaring Mas Makaunawa sa pamamagitan ng Sources na Itinalaga ng Diyos
-
Bilang bahagi ng paraang itinakda ng Panginoon sa pagtatamo ng espirituwal na kaalaman, naglaan Siya ng sources kung saan naghahayag Siya ng katotohanan at patnubay sa Kanyang mga anak. Kabilang sa sources na ito ang liwanag ni Cristo, ang Espiritu Santo, mga banal na kasulatan, mga magulang, at mga lider ng Simbahan. Ang Unang Panguluhan at ang Korum ng Labindalawang Apostol—ang mga propeta ng Panginoon sa lupa ngayon—ay isang mahalagang source o pinagmumulan ng katotohanan. Pinili at inordenan ng Panginoon ang mga taong ito na magsalita para sa Kanya.
-
Matututuhan din natin ang katotohanan sa pamamagitan ng iba pang mapagkakatiwalaang sources. Gayunman, ang mga tapat na naghahanap ng katotohanan ay dapat mag-ingat sa mga di-mapagkakatiwalaang pinagkukunan ng impormasyon. Nabubuhay tayo sa panahon na “[tatawagin ng marami] na mabuti ang masama, at ang masama ay mabuti” (Isaias 5:20). Si Satanas ang ama ng kasinungalingan at hangad niyang baluktutin ang katotohanan at udyukan tayong talikuran ang Panginoon at ang Kanyang hinirang na mga lingkod. Ang matutong matukoy at maiwasan ang di-mapagkakatiwalaang sources ay maaaring magprotekta sa atin laban sa mga maling impormasyon at mula sa mga naghahangad na sirain ang ating pananampalataya. Kapag humingi tayo ng tulong sa Espiritu Santo at bumaling sa sources na itinalaga ng Panginoon para sa mga sagot at patnubay, mabibiyayaan tayo na matukoy ang tama at ang mali. Mapagtitiwalaan natin ang pangako ng Panginoon na “sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo, malalaman ninyo ang katotohanan ng lahat ng bagay” (Moroni 10:5).
Pagtulong sa Iba na Magtamo ng Espirituwal na Kaalaman
-
Kapag lumapit sa atin ang iba na nagtatanong o nagsisiyasat sa doktrina, mga gawain, o kasaysayan ng Simbahan, paano natin sila higit na matutulungan sa kanilang paghahanap ng katotohanan? Ang sumusunod ay ilan sa mga paraan na matutulungan natin sila:
-
Makinig nang mabuti at nang may panalangin. Makinig nang mabuti bago ka tumugon, na hangad na linawin at maunawaan ang talagang itinatanong nila. Hangaring maunawaang mabuti ang tunay na layunin ng kanilang mga tanong at ng kanilang mga nadarama at paniniwala. Manalangin na mapatnubayan ka tungkol sa kung paano mo higit na matutulungan ang mga nagtatanong.
-
Magturo at magpatotoo tungkol sa mga katotohanan ng ebanghelyo. Magbahagi ng mga angkop na turo mula sa mga banal na kasulatan at mula sa mga propeta ngayon at kung paano sila nakagawa ng kaibahan sa buhay mo. Tulungan ang mga kinakausap mo na suriin o iangkop ang kanilang mga tanong sa konteksto ng ebanghelyo at ng plano ng kaligtasan.
-
Anyayahan silang kumilos nang may pananampalataya. Tandaan na iniutos sa atin ng Panginoon na magtamo ng espirituwal na kaalaman para sa ating sarili. Samakatwid, kailangan nating anyayahan ang iba na kumilos nang may pananampalataya sa pamamagitan ng panalangin, pagsunod sa mga kautusan, at masigasig na pag-aaral ng salita ng Diyos, na ginagamit ang mga itinalagang sources, lalo na ang Aklat ni Mormon. Kung naaangkop, anyayahan silang alalahanin ang kanilang mga karanasan kung kailan nadama nila ang Espiritu Santo at na mahigpit na kumapit sa mga walang-hanggang katotohanang nalaman nila hanggang sa dumating ang karagdagang kaalaman.
-
Mag-follow-up. Sabihin na tutulong ka sa pagsasaliksik ng mga sagot, at pagkatapos ay sundan ito ng pagbabahagi ng nalaman mo. Maaari din ninyong saliksikin ang mga sagot nang magkasama. Magpakita ng tiwala sa pangako ng Panginoon na magbibigay Siya ng personal na paghahayag.