Ministering
“Makapiling at Palakasin Sila”
Araw-araw na Paglilingkod


“Makapiling at Palakasin Sila”

Ang aming dalangin ngayong araw ay ang bawat lalaki at babae ay uuwi mula sa pangkalahatang kumperensya na ito nang may mas matatag na pangakong taos-pusong aalagaan ang bawat isa.

Upang i-paraphrase ang sinabi ni Ralph Waldo Emerson, ang pinaka-hindi malilimutang mga sandali sa buhay ay ang mga sandali kung kailan nararamdaman natin ang pagbugso ng paghahayag.1 Pangulong Nelson, hindi ko alam ko ilan pang mga “pagbugso” ang kaya naming tanggapin ngayong katapusan ng linggo. Ang ilan sa amin ay may mahihinang mga puso. Ngunit kung iisipin, kaya mo rin naman ito gawan ng paraan. Pambihirang propeta!

Sa diwa ng kagila-gilalas na mga pahayag at patotoo ni Pangulong Russell M. Nelson kagabi at kaninang umaga, pinatototohanan ko na ang mga pagbabagong ito ay mga halimbawa ng paghahayag na gumagabay sa ating Simbahan mula pa noong simula nito. Ang mga ito ay mga ebidensya pa na minamadali ng Diyos ang kanyang gawain sa panahong ito.2

Para sa mga nais pang malaman ang mga detalye ng mga bagay na ito, pagkatapos ng sesyon na ito ng kumperensya, ilang mga bagay ang kaagad na magaganap, ngunit hindi sa ganitong pagkakasunud-sunod, na kinabibilangan ng pagpapadala ng isang liham mula sa Unang Panguluhan sa bawat miyembro ng Simbahan na may may email address sa kanilang mga rekord sa Simbahan. Isang dokumento na may pitong pahina na naglalaman ng mga tanong at sagot ay ilalakip para sa lahat ng mga lider ng priesthood at mga auxiliary. Panghuli, ang mga bagay na ito ay ipopost kaagad sa ministering.lds.org. “Magsihingi kayo, at kayo’y bibigyan; magsihanap kayo, at kayo’y mangakakasumpong.”3

At ngayon at ibabahagi ko sa inyo ang assignment na ibinigay ni Pangulong Russell M. Nelson sa amin ni Sister Jean B. Bingham. Mga kapatid, habang patuloy na lumalago ang gawain ng mga korum at auxiliary bilang institusyon, tayo rin dapat ay personal na lumalago—paitaas mula sa mekanikal, hindi taos-pusong gawain patungo sa taos-pusong pagkadisipulo na ipinahayag ng Tagapagligtas sa pagtatapos ng kanyang ministeryo sa lupa. Sa paghahanda Niya sa Kanyang paglisan mula sa kanyang mga inosente pa at medyo nalilitong grupo ng mga tagasunod, hindi Siya naglista ng isang dosenang gawaing administratibo na kailangan nilang gawin o binigyan sila ng sandakot na papeles na kailangang sagutan ng tatlong beses ang bawat isa. Hindi, ibinuod Niya ang kanilang gawain sa isang pangunahing kautusan: “Kayo’y mangagibigan sa isa’t isa; na kung paanong iniibig ko kayo. … Sa ganito’y mangakikilala ng lahat ng mga tao na kayo ay aking mga alagad, kung kayo’y may pagibig sa isa’t isa.”4

Sa pagsisikap na ilapit tayo sa ulirang turo na iyon ng ebanghelyo, kami ay nalulugod na ang bagong anunsyo na konsepto sa ministering ng priesthood at Relief Society ay kinabibilangan ng mga sumusunod, na ang ilan ay matagumpay nang sinimulan ng Relief Society.5

  • Hindi na natin gagamitin ang mga katagang home teaching at visiting teaching. Iyan ay dahil sa malaking bahagi ng ating pagtuon sa ministering ay gagawin na sa ibang lugar bukod sa bahay at ang ating pagkontak ay hindi nangangahulugan na magtuturo tayo ng isang inihandang lesson, bagama’t maaaring magbahagi ng lesson kung kinakailangan. Ang magiging pangunahing layunin ng ministering na ito, tulad ng ginawa ng mga tao noong panahon ni Alma, ay “[pangalagaan] ang kanilang mga tao, at [pagyamanin] sila sa mga bagay na may kinalaman sa kabutihan.”6

  • Patuloy tayong bibisita sa mga bahay hangga’t maaari, ngunit ang mga lokal na sitwasyon tulad ng dami ng miyembro, layo ng distansya, personal na kaligtasan, at iba pang mga hamon ay maaaring humadlang sa buwanang pagbisita sa tahanan. Tulad ng payo ng Unang Panguluhan ilang taon na ang nakararaan, gawin ninyo ang lahat ng inyong makakaya.7 Bukod sa iskedyul na gagawin ninyo para sa mga personal na pagbisita, maaari ninyo itong dagdagan ng mga tawag sa telepono, maiikling sulat, text, email, video chat, pakikipag-usap sa mga miting sa Simbahan, magkakasamang ginagawa na service project, social activities, at iba pang mga pamamaraan na maaaring gawin gamit ang lumalawak na sakop ng social media. Gayunman, nais kong bigyang-diin na ang mas maraming paraan ng pakikisalamuha na ito ay hindi kinabibilangan ng kahiya-hiyang pag-uugali na nabasa ko kamakailan sa bumper sticker ng isang sasakyan. Nakasulat dito, “Kapag nabusinahan na kita, na-home teach ka na.” Pakiusap, mga kapatid (hindi iyan magagawa ng mga kababaihan—ito ay para sa kalalakihan ng Simbahan), sa mga pagbabagong ito nais namin ng mas maiging pag-aaruga at pagmamalasakit.

  • Sa mas bago at mas nakaayon sa ebanghelyo na konseptong ito ng paglilingkod, nararamdaman kong kinakabahan na kayo kung ano ang isusulat sa report. Wag kayong mag-alala, dahil walang report—hindi na iyong ginagawa lamang sa katapusan ng buwan at “naihabol-ko-lang” na uri ng report. Sinisikap din nating maging mas mahusay sa bahaging ito. Ang tanging report na gagawin ay ang bilang ng interbyu na ginawa ng mga lider sa mga ministering companionship sa ward kada tatlong buwan. Kahit na simpleng pakinggan, ang mga interbyu na ito ay lubhang mahalaga. Kung wala ang impormasyong ito, walang paraan ang bishop na matanggap ang impormasyong kailangan niya tungkol sa espirituwal at temporal na kondisyon ng kanyang mga miyembro. Tandaan: ang mga ministering brother ay kumakatawan sa bishopric at sa elders quorum presidency, hindi nila pinapalitan ang mga ito. Ang mga susi ng bishop at ng quorum president ay higit pa sa konseptong ito ng ministering.

  • Dahil ang report na ito ay naiiba sa ginagawa ninyo dati, hayaan niyong bigyang-diin ko na kami sa Church headquarters ay hindi nangangailangan na malaman kung paano o saan o kailan ninyo kinokontak ang mga miyembro ninyo, ang nais namin malaman ay na ginagawa ninyo ito at pinagpapala sila sa bawat paraan na kaya ninyong gawin.

Mga kapatid, mayroon tayong isang hulog-ng-langit na pagkakataon na maipakita “ang dalisay na relihion [na] walang dungis sa harapan ng ating Dios”8—“magpasan ng pasanin ng isa’t isa, nang ang mga yaon ay gumaan” at “aliwin yaong mga nangangailangan ng aliw,”9 paglingkuran ang balo at walang ama, ang may asawa at nag-iisa, ang malakas at balisa, ang naaapi at matibay, ang masaya at malungkot—sa madaling salita, tayong lahat, bawat isa sa atin, dahil kailangan nating lahat na madama ang kapanatagang dala ng pagkakaibigan at makarinig ng matibay na pagpapahayag ng pananampalataya. Gayunman, nais ko kayong balaan, na ang bagong pangalan, bagong kaluwagan, at mas kaunting mga report ay hindi gagawa ng kahit katiting na pagkakaiba sa ating paglilingkod maliban na lamang kung titingnan natin ang mga ito bilang isang imbitasyon sa pag-aalaga sa bawat isa sa mas matapang, bago, at banal na paraan, tulad ng kasasabi lamang ni Pangulong Nelson. Kapag binuksan natin ang ating espirituwal na mga mata at ipinamuhay ang batas ng pag-ibig nang walang itinatangi, nagbibigay-pugay tayo sa mga henerasyon ng mga tao na naglingkod sa gayong paraan sa loob ng maraming taon. Hayaan ninyong ibahagi ko ang isang halimbawa ng gayong debosyon na nangyari kamakailan lamang sa paghahangad na marami pa ang makaiintindi sa utos ng Panginoon na “makapiling at palakasin”10 and ating mga kapatid.

Noong nakaraang ika-14 ng Enero, ilang minuto pagkatapos ng alas-5 n.h., ang mga nakababatang kaibigan ko na sina Brett at Kristin Hamblin ay nag-uusap sa kanilang bahay sa Tempe, Arizona, matapos ang isang araw ng paglilingkod ni Brett sa bishopric at abalang pangangalaga ni Kristin sa kanilang limang anak.

Nang biglang si Kristin, na tila isang matagumpay na survivor ng breast cancer noong nakaraang taon, ay hinimatay. Isa tawag sa 911 ang nagdala ng isang emergency team na pinilit gisingin ang kanyang diwa. Habang si Brett ay sumasamong nagdasal, mabilis siyang gumawa ng dalawang tawag: isa sa kanyang ina na humihingi ng tulong para sa mga bata, at isa kay Edwin Potter, ang kanyang home teacher. Ganito ang kanilang naging pag-uusap:

Si Edwin, na napansin kung sino ang tumatawag sa pamamagitan ng kanyang caller ID, ay sumagot, “O, Brett, kamusta?”

Ang halos pasigaw na tugon ni Brett ay: “Kailangan kita dito—ngayon na!”

Sa lalong madaling panahon ay nasa tabi na ni Brett ang kanyang kasama sa priesthood, tumutulong sa mga bata at ipinagmamaneho si Brother Hamblin papuntang ospital sa likod ng ambulansyang may sakay sa kanyang asawa. Doon, wala pang 40 minuto matapos niyang ipikit ang kanyang mga mata, idineklara ng mga doktor na patay na si Kristin.

Habang umiiyak si Brett, inakbayan siya ni Edwin at umiyak kasama niya—sa loob ng maraming oras. Pagkatapos niyang iwanan si Brett upang magdalamhati kasama ang ibang miyembro ng kanyang pamilya, pumunta si Edwin sa bahay ng bishop upang sabihin sa kanya ang nangyari. Mabilis na tumungo ang bishop sa ospital habang pumunta naman si Edwin sa bahay ng mga Hamblin. Doon, siya at ang asawa niya, si Charlotte, na mabilis ding pumunta para tumulong, ay nakipaglaro sa ngayon ay ulila-na-sa-ina na mga batang Hamblin, edad 3 hanggang 12. Pinakain nila ang mga ito ng hapunan, nagdaos ng biglaang musikal na pagtatanghal, at tinulungan silang maghandang matulog.

Sabi ni Brett sa akin, “Ang kahanga-hangang bahagi ng kuwentong ito ay hindi na dumating si Edwin nang ako ay tumawag. Sa oras ng emergency, laging may mga taong handang tumulong. Hindi, ang kahanga-hangang bahagi ng kuwentong ito ay na siya ang unang kong naisip. May mga ibang tao sa paligid. Si Kristin ay may kapatid na lalaki at babae na nakatira ng hindi pa aabot sa tatlong milya ang layo mula sa amin. Mayroon kaming mahusay na bishop, ang pinakamahusay na bishop. Ngunit ang ugnayan sa pagitan namin ni Edwin ay nasa ganoong antas na siya ang naisip kong tawagan nang nangailangan ako ng tulong. Ang Simbahan ay nagbibigay sa atin ng nakabalangkas na paraan na ipamuhay nang mas mabuti ang pangalawang utos—na mahalin, paglingkuran, at magkaroon ng kaugnayan sa ating mga kapatid na tutulong sa atin na mas mapalapit sa Diyos.”11

Sinabi ni Edwin tungkol sa karanasang ito, “Elder Holland, ang kakatwa sa lahat ng ito ay mas matagal pa na home teacher ng pamilya namin si Brett kaysa sa home teacher ako sa kanila. Sa mga panahong iyon, siya ay dumadalaw sa amin bilang kaibigan hindi dahil sa tungkulin. Siya ay isang mabuting halimbawa, isang ehemplo ng isang aktibo at nakikibahaging mayhawak ng priesthood. Kami ng aking asawa at mga anak na lalaki ay hindi siya nakikita bilang isang tao na obligadong magbahagi sa amin ng mensahe sa katapusan ng bawat buwan; nakikita namin siya bilang isang kaibigan na nakatira sa may kanto sa dulo ng kalye, na gagawin ang anumang bagay sa mundong ito upang pagpalain kami. Masaya ako na nakabayad ako nang kahit kaunti lang sa utang ko sa kanya.”12

Mga kapatid, nakikisama ako sa inyo sa pagsaludo sa bawat block teacher at ward teacher at home teacher at visiting teacher na nagmahal at naglingkod sa ganitong paraan sa ating kasaysayan. Ang dalangin namin ngayon ay ang bawat lalaki at babae—at ang ating mga nakatatandang young men at young women—ay umuwi mula sa pangkalahatang kumperensyang ito nang may mas malalim na pangako na taos-pusong pangangalagaan ang bawat isa, ginaganyak ng dalisay na pag-ibig ni Cristo na gawin ito. Sa kabila ng mga nararamdaman natin na mga limitasyon at pagkukulang natin—lahat tayo ay may mga pagsubok—gayunpaman, nawa’y gumawa tayo na kasama ang Panginoon ng ubasan,13 na tinutulungan ang ating Diyos at Ama sa mabigat na gawain Niya ng pagsagot sa mga panalangin, pagbigay ng alo, pagtuyo ng mga luha, at pagpapalakas ng mga nanghihina.14 Kapag ginawa natin ito, tayo ay magiging mas tunay na dispulo ni Cristo na siyang dapat tayo maging. Nawa’y mahalin natin ang isa’t isa tulad ng pagmamahal Niya sa atin,15 ang dalangin ko sa pangalan ni Jesucristo, amen.