Ministering
Pagiging Isang Pastol
Araw-araw na Paglilingkod


12:30

Pagiging Isang Pastol

Sana’y ituring kayong kaibigan ng mga pinaglilingkuran ninyo at matanto nila na, sa inyo, mayroon silang kakampi at mapagtatapatan.

Isang taon na ang nakalipas, napangiti ako ng isang batang Primary na nakilala ko sa Chile. “Hello po,” sabi nito, “Ako po si David. Babanggitin n’yo po ba ako sa pangkalahatang kumperensya?”

Sa tahimik na mga sandali, napagnilayan ko ang di-inaasahang pagbati ni David. Gusto nating lahat na makilala. Gusto nating magkaroon ng halaga, maalala, at madama na minamahal tayo.

Mga kapatid, bawat isa sa inyo ay mahalaga. Kahit hindi kayo mabanggit sa pangkalahatang kumperensya, kilala at mahal kayo ng Tagapagligtas. Kung iniisip ninyo kung totoo iyan, kailangan lang ninyong pagnilayan na Kanyang “inanyuan [kayo] sa mga palad ng [Kanyang] mga kamay.”1

Batid na mahal tayo ng Tagapagligtas, maaaring isipin natin, paano natin pinakamainam na maipapakita ang pagmamahal natin sa Kanya?

Tinanong ng Tagapagligtas si Pedro, “Iniibig mo baga ako … ?”

Sumagot si Pedro, “Oo, Panginoon; nalalaman mo na kita’y iniibig. Sinabi niya sa kaniya, Pakanin mo ang aking mga kordero.”

Nang itanong sa kanya ito sa ikalawa at ikatlong pagkakataon, “Iniibig mo baga ako?” Nalungkot si Pedro subalit pinagtibay ang kanyang pagmamahal: “Panginoon, nalalaman mo ang lahat ng mga bagay; nalalaman mo na kita’y iniibig. Sinabi sa kaniya ni Jesus, Pakanin mo ang aking mga tupa.2

Hindi ba napatunayan na ni Pedro na isa siyang mapagmahal na alagad ni Cristo? Sa unang pagkikita pa lang nila sa dalampasigan, “pagdaka’y” iniwan na niya ang kanyang mga lambat para sumunod sa Tagapagligtas.3 Si Pedro ay naging tunay na mamamalakaya ng mga tao. Sinamahan niya ang Tagapagligtas sa Kanyang personal na ministeryo at tumulong na ituro sa iba ang ebanghelyo ni Jesucristo.

Ngunit ngayo’y alam na ng nabuhay na mag-uling Panginoon na wala na Siya sa tabi ni Pedro, at ipinakita rito kung paano at kailan siya nararapat maglingkod. Sa pagkawala ng Tagapagligtas, kakailanganin ni Pedro na humingi ng patnubay mula sa Espiritu, mag-isang tumanggap ng paghahayag, at magkaroon ng pananampalataya at tapang na kumilos. Nakatuon sa Kanyang mga tupa, hangad ng Tagapagligtas na gawin ni Pedro ang gagawin Niya kung Siya ay narito. Hiniling niya kay Pedro na maging isang pastol.

Noong Abril, inanyayahan din tayo ni Pangulong Russell M. Nelson na pakainin ang mga tupa ng ating Ama sa mas banal na paraan at gawin ito sa pamamagitan ng ministering.4

Para magbunga ang pagtanggap sa paanyayang ito, kailangang magkaroon tayo ng puso ng isang pastol at maunawaan natin ang mga pangangailangan ng mga tupa ng Panginoon. Paano tayo magiging mga pastol na kailangan ng Panginoon at ng Kanyang propeta?

Tulad sa lahat ng tanong, makakaasa tayo sa ating Tagapagligtas na si Jesucristo—ang Mabuting Pastol. Kilala at bilang noon ng Tagapagligtas ang Kanyang mga tupa, binantayan sila, at tinipon sila sa kawan ng Diyos.

Kilala at Bilang

Sa pagsisikap nating sundan ang halimbawa ng Tagapagligtas, kailangan muna nating kilalanin at bilangin ang Kanyang mga tupa. Inatasan na tayo ng partikular na mga indibiduwal at pamilyang aalagaan kaya sigurado tayo na bilang ang buong kawan ng Panginoon at walang nakalimutan. Gayunman, ang pagbilang ay hindi talaga tungkol sa dami; ito ay pagtiyak na nadarama ng bawat tao ang pagmamahal ng Tagapagligtas sa pamamagitan ng isang taong naglilingkod para sa Kanya. Sa gayong paraan, malalaman ng lahat na kilala sila ng mapagmahal na Ama sa Langit.

Ang Tagapagligtas na may kasamang tupa

Kamakailan ay nakilala ko ang isang dalaga na naatasang maglingkod sa isang sister na halos limang beses ang tanda sa kanya. Magkasama nilang natuklasan na pareho silang mahilig sa musika. Kapag bumibisita ang dalagang ito, sabay silang kumakanta at nagbabahaginan ng mga paborito nilang awitin. Pinatitibay nila ang isang pagkakaibigan na nagpapala sa buhay nilang dalawa.

Sana’y ituring kayong kaibigan ng mga pinaglilingkuran ninyo at matanto nila na, sa inyo, mayroon silang kakampi at mapagtatapatan—isang taong nababatid ang kanilang sitwasyon at sinusuportahan ang kanilang mga inaasam at pangarap.

Kailan lang ay tumanggap ako ng atas na maglingkod sa isang sister na pareho naming hindi kilala ng kompanyon ko. Nang makausap ko si Jess, ang 16-anyos na ministering companion ko, matalino nitong iminungkahi, “Kailangan po natin siyang kilalanin.”

Si Sister Cordon at ang kanyang kompanyon sa ministering

Kaagad kaming nagpasiya na tama lang na magpadala kami ng selfie at magpakilala sa text. Hawak ko ang telepono, at si Jess ang pumindot para kumuha ng larawan. Pareho kaming nagtrabaho sa unang pagkakataon naming maglingkod.

Noong una naming pagbisita, tinanong namin ang aming sister kung may gusto siyang ipagdasal namin para sa kanya. Nagsabi siya ng isang personal na problema at nagsabing pasasalamatan niya kung ipagdarasal namin siya. Nagkalapit agad ang aming kalooban dahil sa kanyang katapatan at tiwala. Napakatamis na pribilehiyo ang alalahanin siya sa aking araw-araw na mga dalangin.

Habang nagdarasal kayo, madarama ninyo ang pagmamahal ni Jesucristo para sa inyong mga pinaglilingkuran. Ibahagi ang pagmamahal na iyon sa kanila. May mas mainam pa bang paraan para mapakain ang Kanyang mga tupa kaysa tulungan silang madama ang Kanyang pagmamahal—sa pamamagitan ninyo?

Binabantayan

Ang ikalawang paraan para magkaroon ng puso ng isang pastol ay bantayan ang Kanyang mga tupa. Bilang mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, kaya nating kumilos, mag-ayos, magkumpuni, at muling magtayo ng halos kahit anong bagay. Mabilis tayong tumutugon sa isang pangangailangan sa pamamagitan ng pagtulong o sa isang plato ng cookies. Pero may iba pa ba?

Alam ba ng ating mga tupa na binabantayan natin sila nang may pagmamahal at tutulong tayo?

Sa Mateo 25 mababasa natin:

“Magsiparito kayo, mga pinagpala ng aking Ama, manahin ninyo ang kahariang nakahanda sa inyo … :

“Sapagkaʼt akoʼy nagutom, at akoʼy inyong pinakain; akoʼy nauhaw, at akoʼy inyong pinainom; akoʼy naging taga ibang bayan, at inyo akong pinatuloy. …

“Kung magkagayoʼy sasagutin siya ng mga matuwid, na mangagsasabi, Panginoon, kailan ka namin nakitang nagutom, at pinakain ka namin? o nauuhaw, at pinainom ka?

“Kailan ka namin nakitang isang taga ibang bayan, at pinatuloy ka?”5

Mga kapatid, ang mahalagang salita ay nakita. Nakita ng mabubuti ang mga nangangailangan dahil nakabantay sila at napapansin nila. Tayo man ay maaaring maging mapagbantay para tumulong at umaliw, para ipagdiwang at makita ang potensyal ng iba. At sa ating pagkilos, makatitiyak tayo sa pangako sa Mateo: “Yamang inyong ginawa sa isa … sa pinakamaliit na ito, ay sa akin ninyo ginawa.”6

Inaalagaan ng Tagapagligtas ang isang tupa

Ibinahagi ng isang kaibigan—tatawagin natin siyang John—ang maaaring mangyari kapag nakita natin ang di-gaanong napapansing pangangailangan ng iba: “Isang sister sa ward ko ang nagtangkang magpakamatay. Makalipas ang dalawang buwan, natuklasan ko na walang isa man sa korum ko ang lumapit sa asawa niya para tugunan ang masakit na karanasang ito. Ang malungkot, hindi rin ako kumilos. Sa huli, niyaya kong mananghalian ang asawa niya. Mahiyain ito, madalas ay tahimik. Gayunman nang sabihin kong, ‘Nagtangkang magpakamatay ang asawa mo. Mabigat siguro iyan para sa iyo. Gusto mo bang ikuwento ang tungkol dito?’ hayagan siyang tumangis. Magiliw at matalik ang naging pag-uusap namin at ilang minuto lang ay naging malapit na kami at nagtiwala sa isa’t isa.”

Dagdag pa ni John, “Palagay ko mahilig lang tayong magdala ng brownies sa halip na mag-isip kung paano harapin ang sandaling iyon nang may katapatan at pagmamahal.”7

Maaaring nasasaktan, nawawala, o sadya pang gumagala ang ating mga tupa; bilang kanilang pastol, maaari tayong mapabilang sa mga unang makakakita sa kanilang pangangailangan. Maaari tayong makinig at magmahal nang hindi nanghuhusga at magbigay ng pag-asa at tulong sa patnubay ng Espiritu Santo.

Mga kapatid, ang mundo ay mas puno ng pag-asa at galak dahil sa mumunting inspiradong kabaitang ipinapakita ninyo. Habang hinahangad ninyo ang patnubay ng Panginoon kung paano ipadama ang Kanyang pagmamahal at tugunan ang mga pangangailangan ng mga taong inyong pinaglilingkuran, mabubuksan ang inyong mga mata. Ang sagradong tungkulin ninyo sa ministering ay nagbibigay sa inyo ng banal na karapatan para sa inspirasyon. Maaari ninyong hangarin ang inspirasyong iyon nang may tiwala.

Nakatipon sa Kawan ng Diyos

Ikatlo, gusto nating tipunin ang ating mga tupa sa kawan ng Diyos. Para magawa ito, alamin natin ang kanilang espirituwal na paglago at sabayan sila sa pagtahak sa landas ng pananampalataya. Sagradong pribilehiyo natin ang malaman ang nilalaman ng kanilang puso at ituro sila sa kanilang Tagapagligtas.

Tupa na sumusunod sa Mabuting Pastol

Si Sister Josivini sa Fiji ay nahirapang makita ang kanyang daan sa landas ng tipan—nang literal. Nakita ng kaibigan niya na nahihirapan si Josivini na makita nang malinaw ang mga banal na kasulatan para mabasa ito. Binigyan niya si Josivini ng bagong salamin sa mata at ng lapis na matingkad na dilaw ang sulat para markahan ang bawat pagbanggit kay Jesucristo sa Aklat ni Mormon. Ang nagsimula bilang simpleng hangaring maglingkod at tumulong sa pag-aaral ng banal na kasulatan ay humantong sa pagdalo ni Josivini sa templo sa unang pagkakataon 28 taon matapos siyang mabinyagan.

Sister Josivini
Si Sister Josivini sa templo

Malakas man ang ating mga tupa o mahina, masaya o malungkot, matitiyak natin na walang sinumang nag-iisa. Maaari natin silang mahalin anuman ang kanilang espirituwalidad at suportahan at hikayatin para sa kanilang pag-unlad. Kapag nanalangin at nagsikap tayong unawain ang nilalaman ng kanilang puso, pinatototohanan ko na gagabayan tayo ng Ama sa Langit at papatnubayan tayo ng Kanyang Espiritu. May pagkakataon tayong maging “mga anghel [sa] paligid [nila]” habang Siya ay nagpapauna sa kanilang harapan.8

Ang Mabuting Pastol kasama ang Kanyang mga tupa

Inaanyayahan tayo ng Tagapagligtas na pakainin ang Kanyang mga tupa, na alagaan ang Kanyang kawan tulad ng gagawin Niya. Inaanyayahan Niya tayong maging mga pastol sa bawat bansa, bawat bayan. (At oo, Elder Uchtdorf, mahal at kailangan natin ang mga German shepherd.) At nais Niyang makiisa ang Kanyang mga kabataan sa adhikain.

Maaaring ang ating mga kabataan ay ilan sa pinakamalalakas nating mga pastol. Ayon kay Pangulong Russell M. Nelson, sila ay “kabilang sa pinakamahuhusay na naisugo ng Panginoon sa mundong ito.” Sila ay “magigiting na espiritu,” ang ating “pinakamagagaling na manlalaro,” na sumusunod sa Tagapagligtas.9 Nakikinita ba ninyo ang kapangyarihang dadalhin ng gayong mga pastol kapag inalagaan nila ang Kanyang mga tupa? Sa paglilingkod na kasama ang mga kabataang ito, nakakakita tayo ng mga hiwaga.

Mga kabataang babae at lalaki, kailangan namin kayo! Kung wala kayong tungkulin sa ministering, kausapin ang inyong Relief Society o elders quorum president. Matutuwa sila sa kahandaan ninyong tiyakin na ang Kanyang mga tupa ay kilala at bilang, binabantayan, at nakatipon sa kawan ng Diyos.

Pagdating ng araw na luluhod tayo sa paanan ng ating pinakamamahal na Tagapagligtas, na naaruga ang Kanyang kawan, dalangin ko na makasagot tayo gaya ni Pedro ng: “Oo, Panginoon; nalalaman mo na kita’y iniibig.”10 Sila, na Inyong mga tupa, ay minamahal, sila ay ligtas, at sila ay nasa kawan. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.