Kabanata 21
Magsisilbing ilaw sa mga Gentil ang Mesiyas at palalayain ang mga bihag—Sa kapangyarihan titipunin ang Israel sa mga huling araw—Mga hari ang kanilang magiging mga tagakandiling ama—Ihambing sa Isaias 49. Mga 588–570 B.C.
1 At muli: Makinig, O kayong sambahayan ni Israel, lahat kayong nakahiwalay at itinaboy dahil sa kasamaan ng mga mangangaral ng aking mga tao; oo, lahat kayong nahiwalay, na ikinalat sa lahat ng dako, na kabilang sa aking mga tao, O sambahayan ni Israel. Makinig, O mga pulo, sa akin, at makinig kayong mga tao sa malayo; tinawag ako ng Panginoon mula sa sinapupunan; mula sa tiyan ng aking ina ay binanggit niya ang aking pangalan.
2 At kanyang ginawa ang aking bibig na parang matalas na espada; sa lilim ng kanyang kamay ay ikinubli niya ako, at ginawa akong makinang na palaso; sa kanyang lalagyan ng palaso ay ikinubli niya ako;
3 At sinabi sa akin: Ikaw ay aking tagapaglingkod, O Israel, na siyang aking ikaluluwalhati.
4 Pagkatapos ay sinabi ko, ako po ay gumawa ng walang kabuluhan, aking ginugol ang aking lakas sa wala at sa walang kabuluhan; tunay na ang aking kahatulan ay nasa Panginoon, at ang aking gawain ay nasa aking Diyos.
5 At ngayon, wika ng Panginoon—na siyang nag-anyo sa akin mula sa sinapupunan na maging kanyang tagapaglingkod, upang dalhin muli si Jacob sa kanya—kahit na ang Israel ay hindi matipon, gayunpaman ay magiging maluwalhati ako sa mga mata ng Panginoon, at ang aking Diyos ang aking magiging lakas.
6 At sinabi niya: Ito ay magaang na bagay na ikaw ay aking maging tagapaglingkod upang ibangon ang mga lipi ni Jacob, at ipanumbalik ang mga labi ng Israel. Ibibigay rin kita bilang pinaka-ilaw sa mga Gentil, upang ikaw ay maging aking kaligtasan hanggang sa mga kadulu-duluhan ng mundo.
7 Ganito ang wika ng Panginoon, ang Manunubos ng Israel, na kanyang Banal, sa kanya na hinahamak ng tao, sa kanya na kinapopootan ng mga bansa, sa tagapaglingkod ng mga namamahala: Ang mga hari ay makakikita at magsisibangon, ang mga prinsipe rin ay magsisisamba, dahil sa Panginoong tapat.
8 Ganito ang wika ng Panginoon: Sa kalugud-lugod na panahon ay napakinggan kita, O mga pulo ng dagat, at sa araw ng kaligtasan ay tinulungan kita; at aking pangangalagaan ka, at ibinibigay sa iyo ang aking tagapaglingkod bilang pinaka-tipan sa mga tao, upang itatag ang mundo, upang ipamana ang mga mapanglaw na mana;
9 Nang masabi mo sa mga bilanggo: Kayo ay magsilabas; sa kanila na mga nakaupo sa kadiliman: Magpakita kayo. Sila ay magsisikain sa mga daan, at ang kanilang pastulan ay magiging sa lahat ng mataas na dako.
10 Sila ay hindi mangagugutom ni mangauuhaw man, ni hindi sila mangapapaso ng init ni ng araw man; sapagkat siya na may awa sa kanila ang papatnubay sa kanila, maging sa mga bukal ng tubig ay papatnubayan niya sila.
11 At aking gagawing daan ang lahat ng aking mga bundok, at ang aking mga lansangan ay patataasin.
12 At pagkatapos, O sambahayan ni Israel, dinggin, ang mga ito ay manggagaling sa malayo; at narito, ang mga ito na nagmula sa hilaga at mula sa kanluran; at ang mga ito na mula sa lupain ng Sinim.
13 Magsiawit, O kalangitan; at magalak, O mundo; sapagkat ang mga paa niyaong mga nasa silangan ay itatatag; at magsiawitan, O mga bundok; sapagkat hindi na sila parurusahan pa; sapagkat aaluin ng Panginoon ang kanyang mga tao, at maaawa sa kanya na naghihirap.
14 Subalit, dinggin, sinabi ng Sion: Pinabayaan ako ng Panginoon, at kinalimutan ako ng aking Panginoon—subalit ipakikita niya na hindi gayon.
15 Sapagkat malilimutan ba ng isang ina ang kanyang anak na pinasususo, na hindi siya maaawa sa anak ng kanyang sinapupunan? Oo, maaaring makalimot sila, gayunpaman ay hindi kita malilimutan, O sambahayan ni Israel.
16 Dinggin, aking inanyuan ka sa mga palad ng aking mga kamay; ang iyong mga muog ay laging nasa harapan ko.
17 Ang iyong mga anak ay magsisipagdali laban sa iyong mga mangwawasak; at sila na sumisira sa iyo ay aalisin mula sa iyo.
18 Itingin mo ang iyong mga mata sa palibot, at masdan; lahat ng ito ay sama-samang nagtitipun-tipon, at paparito sila sa iyo. At yamang ako ay buhay, wika ng Panginoon, ikaw ay tiyak na mabibihisan nitong lahat, na parang pinaka-gayak, at mabibigkisan ka ng mga yaon na tulad ng isang kasintahang babae.
19 Sapagkat ang iyong mga sira at ang iyong mapapanglaw na dako, at ang iyong lupaing nawasak, maging ngayon ay napakakipot dahil sa mga naninirahan; at silang nagsisakmal sa iyo ay mangalalayo.
20 Ang iyong mga magiging anak, matapos mong mawala ang una, ay muling magsasabi sa iyong mga tainga: Ang lugar ay labis na makipot para sa akin; bigyan mo ako ng lugar upang aking matirahan.
21 Pagkatapos ay sasabihin mo sa iyong puso: Sino ang nagbigay sa akin sa mga ito, nalalamang ako ay nawalan ng mga anak, at nag-iisa, isang bihag, at lumalaboy na paroo’t parito? At sinong nagpalaki sa mga ito? Dinggin, ako ay naiwang nag-iisa; ang mga ito, saan sila nanggaling?
22 Ganito ang wika ng Panginoong Diyos: Dinggin, ikakaway ko ang aking kamay sa mga Gentil, at itatayo ko ang aking sagisag sa mga tao; at kakalungin nila ang iyong mga anak na lalaki sa kanilang mga bisig, at ang iyong mga anak na babae ay papasanin ng kanilang mga balikat.
23 At mga hari ang iyong magiging mga tagakandiling ama, at ang kanilang mga reyna ang iyong mga tagakandiling ina; magsisiyukod sila sa iyo na ang kanilang mga mukha ay nasa lupa, at hihimurin ang alikabok ng iyong mga paa; at iyong makikilala na ako ang Panginoon; sapagkat ang mga naghihintay sa akin ay hindi mahihiya.
24 Sapagkat makukuha ba sa makapangyarihan ang kanyang huli, o ang makatuwirang nabihag ay makalalaya?
25 Subalit ganito ang wika ng Panginoon, maging ang mga bihag ng makapangyarihan ay kukunin, at ang huli ng kakila-kilabot ay makalalaya; sapagkat makikipaglaban ako sa kanya na nakikipaglaban sa iyo, at ililigtas ko ang iyong mga anak.
26 At pakakainin ko sila na nang-aapi sa iyo ng kanilang sariling laman; at malalango sila ng kanilang sariling dugo gaya ng matamis na alak; at makikilala ng lahat ng tao na ako, ang Panginoon, ang iyong Tagapagligtas at iyong Manunubos, ang Makapangyarihan ni Jacob.