Ministering
Paglilingkod na Tulad ng Ginagawa ng Tagapagligtas
Araw-araw na Paglilingkod


Paglilingkod na Tulad ng Ginagawa ng Tagapagligtas

Nawa’y ipakita natin ang ating pasasalamat at pagmamahal para sa Diyos sa pamamagitan ng pagmiminister nang may pagmamahal sa ating walang hanggang mga kapatid.

Napakalaking pagpapala ang mabuhay sa panahon ng patuloy na paghahayag mula sa Diyos! Habang inaasam at tinatanggap natin ang “pagsasauli sa dati ng lahat ng bagay,”1 na dumating at darating sa pamamagitan ng mga ipinropesiyang pangyayari sa ating panahon, naihahanda tayo para sa Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas.2

At wala nang mas mahusay na paraan upang maghanda sa pagharap sa kanya kaysa sikaping maging katulad Niya sa pamamagitan ng magiliw na ministering sa bawat isa! Nagturo si Jesucristo sa kanyang mga tagasunod sa simula ng dispensasyong ito, “kung mahal ninyo ako kayo ay maglilingkod sa akin.”3 Ang ating paglilingkod sa iba ay isang pagpapakita ng ating pagkadisipulo at ng ating pasasalamat at pagmamahal sa Diyos at sa Kanyang anak na si Jesucristo.

Kung minsan iniisip natin na kailangang dakila at magiting ang bagay na ating gagawin upang “matanggap” ito na paglilingkod sa ating kapwa. Gayunman, ang mga simpleng paglilingkod ay maaaring magkaroon ng malaking epekto sa iba—pati na rin sa ating sarili. Ano ang ginawa ng Tagapagligtas? Sa pamamagitan ng dakilang kaloob ng Pagbabayad-sala at Pagkabuhay na Mag-uli—na ipinagdiriwang natin ngayong Linggo ng Pagkabuhay— “walang sinuman ang nakapagbigay ng gayong makahulugang impluwensiya sa lahat ng nabuhay na at sa lahat ng mabubuhay pa sa mundo.”4 Pero siya rin ay ngumiti, nakipag-usap, naglakad kasama, nakinig, nag-ukol ng oras, naghikayat, nagturo, nagpakain at nagpatawad. Naglingkod siya sa pamilya at mga kaibigan, kapitbahay at mga dayuhan, at inanyayahan ang mga kakilala niya at mga mahal sa buhay upang tamasahin ang saganang mga pagpapala ng Kanyang ebanghelyo. Ang mga “simpleng” paglilingkod at pagmamahal na iyon ay huwaran para sa ating ministering ngayon.

Kapag mayroon kayong pribilehiyo na katawanin ang Tagapagligtas sa iyong mga pagsisikap na maglingkod sa ministering, tanungin ang inyong sarili, “Paano ko maibabahagi ang liwanag ng ebanghelyo sa tao o pamilyang ito? Ano ang ipinadarama ng Espiritu na gawin ko?”

Ang ministering ay magagawa sa maraming magkakaibang mga paraan. Kung gayon, ano ang mga ito?

Sa ministering, ang mga elders quorum at Relief Society presidency ay mapanalanging nag-uusap tungkol sa mga gawain ng paglilingkod. Sa halip na mamigay lamang ng mga piraso ng papel, pinag-uusapan ang tungkol sa mga indibiduwal at pamilya bago ibigay ang tungkulin sa mga ministering brother at sister. Ito ay ang paglalakad nang magkasama, paglalaro nang magkasama sa game night, pag-aalok ng tulong, o magkasamang paglilingkod. Ito ay ang personal na pagbisita o pakikipag-usap sa telepono o pakikipag-chat online o pagpapadala ng text. Ito ay ang pagbigay ng birthday card at pagcheer sa isang laro ng soccer. Ito ay ang pagbabahagi ng isang talata o sipi mula sa isang mensahe sa kumperensya na makahulugan sa isang indibidwal. Ito ay ang pagtalakay sa isang tanong tungkol sa ebanghelyo at pagbabahagi ng patotoo na nagbibigay linaw at kapayapaan. Ito ay pagiging bahagi ng buhay ng isang tao at pagmamalasakit sa kanya. Kabilang din dito ang interbyu sa ministering kung saan ang mga pangangailangan at kakayahan ay tinatalakay nang buong pag-iingat at sa angkop na paraan. Ito ay ang ward council na nag-oorganisa upang tumugon sa higit na malaking pangangailangan.

Ang ganitong uri ng ministering ay nagpalakas sa isang sister na lumipat nang malayo sa kanilang tahanan nang nagsimula sa graduate school ang asawa niya. Nang walang gumaganang telepono at may isang batang sanggol na inaalagaan, nakadama siya ng pagkataranta sa kanilang bagong lokasyon, nalulumbay at nag-iisa. Nang walang paunang abiso, dumating ang isang Relief Society sister na may dalang isang maliit na pares ng sapatos para sa sanggol, isinakay silang dalawa sa kanyang kotse, tinulungan sila maghanap ng isang grocery store. Iniulat ng nagpapasalamat na sister, “Siya ang nagligtas sa akin!”

Ang tunay na ministering ay ipinakita ng isang nakatatandang sister sa Africa na may tungkulin na hanapin ang isang sister na matagal nang hindi nakakapagsimba. Nang pumunta siya sa bahay ng sister, natagpuan niya na ang babaeng ito ay binugbog at ninakawan, may kaunti lamang na pagkain, at walang damit na sa palagay niya ay angkop para sa mga pulong ng Simbahan tuwing Linggo. Ang babaeng itinalaga para magminister sa kanya ay nakinig sa babaeng ito, nagdala ng mga bunga mula sa kanyang halamanan at mga banal na kasulatan, at nakipagkaibigan sa kanya. Muling nagbalik sa Simbahan ang “nawawalang” sister at ngayon ay may tungkulin na dahil alam niya na siya ay minamahal at pinahahalagahan.

Ang pagsasama ng pagsisikap na ito ng Relief Society sa binagong elders quorum ay magdadala ng pagkakaisa na magbibigay ng pambihirang mga resulta. Ang ministering ay nagiging isang pinag-isang pagsisikap na magampanan ang mga tungkulin sa priesthood na “dumalaw sa bahay ng bawat kasapi” at na “pangalagaan ang simbahan tuwina, at makapiling at palakasin sila,”5 at upang makamit ang mga layunin ng Relief Society na tulungan ang isa’t isa na maghanda para sa mga pagpapala ng buhay na walang hanggan.6 Sa pagtutulungan sa ilalim ng pamamahala ng bishop, ang elders quorum at ang Relief Society presidency ay makatatanggap ng inspirasyon kapag hinangad nila ang mga pinakamahusay na paraan upang pangalagaan at kalingain ang bawat tao at pamilya.

Bibigyan ko kayo ng isang halimbawa. Ang isang ina ay nasuring may kanser. Hindi nagtagal matapos niyang simulan ang pagpapagamot, kumilos kaagad ang Relief Society, nagplano kung paano pinakainam na makatutulong sa pagkain, transportasyon papunta sa doktor, at iba pang suporta. Dumalaw sila nang regular, at nagbigay saya at ng taong makakasama niya. Kasabay nito, kaagad na kumilos ang korum ng Melchizedek Priesthood quorum. Tumulong sila sa pagdaragdag ng isang binagong kuwarto at banyo upang maging mas madali ang pangangalaga sa may sakit na sister. Ang mga kabataang lalaki ay tumulong sa makabuluhang pagsisikap na iyon. At nakibahagi rin ang mga kabataang babae: malugod nilang ipinasyal ang kanyang aso araw-araw. Sa paglipas ng panahon, patuloy na naglingkod ang ward, dinadagdagan at iniaangkop ang kanilang paglilingkod kung kinakailangan. Malinaw na isa itong gawain ng pagmamahal, kung saan ibinahagi ng bawat miyembro ang kanyang sarili, nagkakaisang nangalaga sa mga paraan na nagpala hindi lamang sa babaeng dumaranas ng sakit kundi sa bawat miyembro ng kanyang pamilya.

Matapos ang magiting na pagsisikap, ang sister na ito ay bumigay na sa kanser at yumao. Huminga ba nang maluwag ang ward at sinabing tapos na ang gawain? Hindi, patuloy na ipinasyal ng mga kabataang babae araw-araw ang kanyang aso, patuloy na naglingkod ang mga priesthood quorum sa ama at sa kanyang pamilya, at ang mga kababaihan ng Relief Society ay patuloy na tumulong para matukoy ang mga abilidad at pangangailangan ng pamilya. Mga kapatid, ito ay ang ministering—ito ay ang pagmamahal na tulad ng Tagapagligtas!

Isa pang pagpapala ng mga inspiradong pahayag na ito ay ang pagkakataon para sa mga kabataang babae edad 14 hanggang 18 na makibahagi sa ministering bilang kompanyon sa mga kababaihan ng Relief Society, tulad ng mga kabataang lalaki na naglilingkod bilang mga ministering companion kasama ang mga kalalakihan ng Melchizedek Priesthood. Ang mga kabataan ay maaaring maibahagi ang kanilang natatanging mga kaloob at paunlarin ang kanilang espirituwalidad habang naglilingkod sila kasama ang mga mas nakatatanda sa gawain ng kaligtasan. Ang pakikilahok ng mga kabataan sa assignment sa ministering ay maaari ding magpalawak sa naaabot ng Relief Society at ng elders quorum sa pangangalaga sa iba sa pamamagitan ng pagdami ng mga miyembro na nakikibahagi.

Kapag iniisip ko ang mga mahuhusay na young women na nakilala ko, nasasabik ako para sa mga kababaihan ng Relief Society na may pribilehiyong mapagpala ng sigla, talento, at espirituwalidad ng isang young woman habang sila ay magkasamang naglilingkod o tuwing sila ay mapaglilingkuran nila. At nalulugod rin ako para sa pagkakataon ng mga young women na maturuan at palakasin ng kanilang mga kapatid sa Relief Society. Ang pagkakataong ito na makibahagi sa pagtatayo ng kaharian ng Diyos ay magiging isang malaking kapakinabangan sa mga young women, na tutulong sa kanila na maging handa para magampanan ang kanilang tungkulin bilang mga lider sa Simbahan at komunidad at bilang kapaki-pakinabang na katuwang sa kanilang pamilya. Tulad ng ibinahagi ni Sister Bonnie L. Oscarson kahapon, “gusto ng mga young women na maglingkod. Kailangan nilang malaman na sila ay pinahahalagahan at kailangan sa gawain ng kaligtasan.”7

Sa katunayan, ang mga young women ay nagmiminister na sa iba, kahit na walang ibinibigay na tungkulin o pagkilala sa kanilang paglilingkod. Isang pamilya na kakilala ko ang lumipat ng daan-daang milya ang layo papunta sa ibang lugar kung saan wala silang kilala. Sa unang linggo, isang 14-na-taong-gulang na batang babae mula sa bago nilang ward ang pumunta sa bahay nila na may dalang isang plato ng cookies bilang pagsalubong sa kanila. Ang kanyang ina na naghatid sa kanya ay tahimik na nakangiti sa kanyang likuran, sinusuportahan ang hangad ng kanyang anak na magminister.

Isa pang ina ang nag-alala isang araw nang ang kanyang 16-na-taong-gulang na anak na babae ay hindi umuwi sa kinagawiang oras nito. Nang dumating sa wakas ang batang babae, tinanong siya ng kanyang ina kung saan siya nagpunta. Marahang sumagot ang 16-na-taong-gulang na nagdala siya ng bulaklak sa isang balong nakatira malapit sa kanila. Napansin niyang mukhang nalulumbay ang matanda at naramdaman na dapat niyang bisitahin ito. Nang may pahintulot ng kanyang ina, patuloy na binisita ng young woman na ito ang matandang babae. Naging mabuti silang magkaibigan at ang kanilang matamis na pagkakaibigan ay nagpatuloy ng maraming taon.

Ang bawat isa sa mga young women na ito, at marami pang tulad nila, ay napansin ang mga pangangailangan ng isang tao at nagsikap na matugunan ang mga ito. Ang young women ay may likas na hangaring mangalaga at magbahagi na maaaring mahusay na maipamalas sa pamamagitan ng paglilingkod kasama ng isang babaeng nasa hustong gulang.

Anuman ang ating edad, kapag iniisip natin kung paano mas mabisang makapaglilingkod, itanong natin, “Ano ba ang kailangan niya?” Sa pagtatanong niyon nang may taos na hangaring maglingkod, tayo ay gagabayan ng Espiritu na gawin ang mga bagay na magpapasigla at magpapalakas ng indibiduwal. Marami na akong narinig na kuwento ng mga miyembro na napagpala sa pamamagitan ng isang simpleng pagsalubong sa simbahan, isang email o mensahe sa text, pakikipag-ugnayan sa panahon ng pagsubok, isang paanyaya na makibahagi sa isang group activity, o isang alok ng tulong sa mahirap na sitwasyon. Ang mga solo na magulang, bagong binyag, hindi gaanong aktibong miyembro, balo, o mga kabataang may espesyal na hamon, ay maaaring kailangan ng dagdag na atensyon at prayoridad mula sa mga ministering brother at sister. Ang ugnayan sa pagitan ng elders quorum at Relief Society presidency ay nagbibigay-daan para makapagbigay ng tama at angkop na mga assignment.

Sa huli, ang tunay na ministering ay maisasakatuparan nang paisa-isa nang pag-ibig ang motibo. Ang kahalagahan at kabuluhan ng tapat na ministering ay na talagang binabago nito ang maraming buhay! Kung bukas ang ating mga puso at handa itong magmahal at magsama, maghikayat at mag-aliw, ang bisa ng ating ministering ay hindi mapaglalabanan. Kung pagmamahal ang ating motibo, may mga himalang mangyayari, at makahahanap tayo ng mga paraan para ibalik ang ating “nawawalang” mga kapatid sa ebanghelyo ni Jesucristo.

Ang Tagapagligtas ang ating halimbawa sa lahat ng bagay—hindi lang sa kung ano ang dapat nating gawin kundi pati na rin sa kung bakit dapat nating gawin ito.8 “Ang kanyang buhay sa lupa ay [isang] paanyaya sa atin na itaas ang ating tingin nang mas mataas, na kalimutan ang ating sariling mga problema at tumulong sa iba.”9 Sa pagtanggap natin sa pagkakataon na buong puso na magminister sa ating mga kapatid, mabibiyayaan tayo ng dagdag na espirituwalidad, mas maaayon tayo sa kalooban ng Diyos, at mas maiintindihan natin ang Kanyang plano na tulungan ang bawat isa na makabalik sa Kanya. Mas madali nating makikilala ang Kanyang mga pagpapala at magiging sabik na ibahagi ang mga biyayang ito sa iba. Ang ating mga puso ay sabay na aawit sa ating mga tinig:

Kapatid, nawa’y ibigin

Gaya ng pag-ibig N’yo,

Ang lakas Ninyo’t patnubay,

Laging aasahan ko.

O, aking Panginoon—

Kayo’y laging susundin.10

Nawa’y ipakita natin ang ating pasasalamat at pagmamahal para sa Diyos sa pamamagitan ng pagmiminister nang may pagmamahal sa ating walang hanggang mga kapatid.11 Ang resulta ay ang pakiramdam ng pagkakaisa tulad ng nadama ng mga tao sa lumang Amerika 100 taon matapos ang pagpapakita ng Tagapagligtas sa kanilang lupain.

“At ito ay nangyari na, na hindi nagkaroon ng alitan … dahil sa pag-ibig sa Diyos na nananahan sa mga puso ng tao.

“… Walang mga inggitan, ni sigalutan, … at tunay na wala nang mas maliligayang tao pa sa lahat ng tao na nilikha ng kamay ng Diyos.”12

Masaya kong ibinabahagi ang aking personal na patotoo na ang mga bagong paghahayag na ito ay binigyang-inspirasyon ng Diyos at, kung tatanggapin natin ito nang buong puso, tayo ay magiging mas handang harapin ang Kanyang anak na si Jesucristo sa Kanyang pagparito. Tayo ay mapapalapit sa pagiging tao ng Sion at magagalak kasama ang mga taong natulungan natin sa landas ng pagkadisipulo. Nawa’y gawin natin ito ang aking mataimtim at mapagkumbabang dalangin sa pangalan ni Jesucristo, amen.