“Mahalin ang Diyos, mahalin ang inyong kapwa,” Para sa Lakas ng mga Kabataan: Isang Gabay sa Pagpili (2022)
“Mahalin ang Diyos, mahalin ang inyong kapwa,” Para sa Lakas ng mga Kabataan
Mahalin ang Diyos, mahalin ang inyong kapwa
Mateo 22:37–40
Para matulungan kayong gumawa ng mabubuting pagpili, nagbibigay ng mga utos ang Diyos. Ginagawa Niya ito dahil mahal Niya kayo. At ang pinakamainam na dahilan para sundin ang mga utos ng Diyos ay na mahal ninyo Siya. Pagmamahal ang nasa sentro ng mga utos ng Diyos.
Mga walang-hanggang katotohanan
Mahal kayo ng Diyos. Siya ang inyong Ama. Ang Kanyang sakdal na pagmamahal ay maaaring magbigay-inspirasyon sa inyo na mahalin Siya. Kapag ang pagmamahal ninyo sa Ama sa Langit ang pinakamahalagang impluwensya sa inyong buhay, maraming desisyon ang nagiging mas madali.
Ang dalawang pinakadakila sa lahat ng kautusan, pagtuturo ni Jesus, ay mahalin ang Diyos at mahalin ang inyong kapwa. At sino ang inyong kapwa? Lahat! Lahat ng iba pang itinuturo sa mga banal na kasulatan at ng mga propeta ay may kaugnayan sa dalawang kautusang ito.
Lahat ng tao ay inyong mga kapatid—kabilang na, siyempre pa, ang mga taong naiiba sa inyo o hindi ninyo kasundo. Nais ng Ama sa Langit na magmahalan ang Kanyang mga anak. Kapag pinaglilingkuran ninyo ang Kanyang mga anak, pinaglilingkuran ninyo Siya.
Mga paanyaya
Magpakita ng pagmamahal sa Diyos sa pamamagitan ng pagsunod sa Kanyang mga utos. Halimbawa, sa pagpapanatiling banal ng araw ng Sabbath, kabilang na ang matapat na paghahanda para sa at pagtanggap ng sakramento, ipinapakita ninyo sa Diyos na handa kayong maglaan sa Kanya ng isang araw sa isang linggo. Habang nag-aayuno at nagbabayad kayo ng mga ikapu at handog, ipinapakita ninyo sa Diyos na mas mahalaga sa inyo ang Kanyang gawain kaysa sa mga materyal na bagay. Kapag ginagamit ninyo ang mga pangalan ng Diyos at ni Cristo nang may pagpipitagan, hindi kailanman sa walang kabuluhan o kaswal na paraan, ipinapakita ninyo na nagpapasalamat kayo sa lahat ng Kanilang nagawa para sa inyo.
Tratuhin ang lahat bilang anak ng Diyos. Bilang disipulo ni Jesucristo, maaari kayong maging halimbawa sa pagtrato sa mga tao sa lahat ng lahi at relihiyon at sa iba pang mga grupo nang may pagmamahal, paggalang, at pagsasali—lalo na sa mga biktima kung minsan ng masasakit na salita at gawa. Tulungan ang mga taong nalulungkot, nag-iisa, o walang magawa. Ipadama sa kanila ang pagmamahal ng Ama sa Langit sa pamamagitan ninyo.
Tiyaking nakikita sa inyong pananalita ang pagmamahal sa Diyos at sa ibang tao—personal man kayong nakikipag-usap o sa virtual na paraan. Magsabi ng mga bagay na nagpapasigla—na hindi nagpapawatak-watak, nakakasakit, o nakakasama-ng-loob, kahit pabiro. Maaaring maging mabisa ang inyong mga salita. Hayaang maging mabisa ang mga iyon para sa kabutihan.
Ang pagmamahal sa lahat ng anak ng Diyos ay nagsisimula sa tahanan. Gawin ang inyong bahagi para ang inyong tahanan ay maging lugar kung saan madarama ng lahat ang pagmamahal ng Tagapagligtas.
Mga ipinangakong pagpapala
Ang inyong kaugnayan sa Diyos ay lalalim kapag ipinakita ninyo ang inyong pagmamahal sa pagsunod sa Kanyang mga utos at pagtupad sa inyong mga tipan sa Kanya.
Ang inyong kaugnayan sa iba ay lalalim kapag ipinakita ninyo ang inyong pagmamahal sa paglilingkod na katulad ng paglilingkod ni Cristo. Magagalak kayo kapag ginagawa ninyong mas mapagmahal na lugar ang mundo.
Mga Tanong at mga Sagot
Paano ko madarama ang pagmamahal ng Diyos? Ang pagmamahal ng Ama sa Langit ay laging nariyan. Kausapin Siya nang madalas sa panalangin. Sabihin sa Kanya ang nadarama mo, at pakinggan ang mga impresyong nagmumula sa Kanya. Basahin ang Kanyang mga salita sa mga banal na kasulatan Isipin ang lahat ng nagawa Niya para sa iyo. Gumugol ng oras sa mga lugar at aktibidad kung saan naroon ang Kanyang Espiritu.
Inaasahan ba ng Panginoon na mahalin ko ang lahat, kahit ang mga taong masama ang trato sa akin? Inaasahan ng Panginoon na mahalin mo ang iyong mga kaaway at ipagdasal ang mga nagmamaltrato sa iyo. Gayunman, hindi ibig sabihin niyan na dapat kang manatili sa isang sitwasyon na nagdudulot sa iyo ng emosyonal, pisikal, o espirituwal na kapahamakan. Magtakda ng mabubuting hangganan para manatili kang ligtas. Kung binu-bully ka o inaabuso—o kung alam mo na nangyayari ito sa ibang tao—kausapin ang isang mapagkakatiwalaang adult.
Kailan at paano ako dapat makipagkilala sa mga miyembrong iba ang kasarian? Ang pinakamagandang paraan upang makilala ang iba ay sa pamamagitan ng tunay na pakikipagkaibigan. Habang bata ka pa, bumuo ng mabubuting pakikipagkaibigan sa maraming tao. Sa ilang kultura, nakikilala ng mga kabataan ang mga miyembrong iba ang kasarian sa pamamagitan ng makabuluhang mga aktibidad sa grupo. Para sa iyong emosyonal at espirituwal na pag-unlad at kaligtasan, dapat ipagpaliban ang mga aktibidad na one-by-one o sarilinan hanggang sa nasa hustong gulang ka na—magandang pamantayan ang edad na 16 anyos. Sumangguni sa iyong mga magulang at lider. Ipagpaliban ang mga eksklusibong relasyon at gawin ito kapag mas matanda ka na. Gumugol ng oras sa mga taong tumutulong sa iyo na tuparin ang iyong mga pangako kay Jesucristo.
Ano ang magagawa ko kung walang pagmamahalan sa aking tahanan? Alam ng iyong Tagapagligtas ang iyong sitwasyon, at mahal Ka Niya. Maging mapagpasensya, patuloy na sundin ang mga utos ng Diyos, at maging mabuting halimbawa sa iyong pamilya. Bumuo ng mga relasyon sa sarili mong ward. Maghanda ngayon na bumuo ng sarili mong pamilya na nakatatag sa mga turo ni Jesucristo.
Tingnan sa Isaias 58:3–11 (mga layunin ng pag-aayuno); 58:13–14 (mga pagpapala ng pagpapanatiling banal ng araw ng Sabbath); Malakias 3:8–10 (mga pagpapala ng pagbabayad ng ikapu); Lucas 6:27–28 (mahalin ang iyong mga kaaway); 10:25–37 (sino ang aking kapwa?); Juan 3:16–17 (mahal tayo ng Diyos, kaya Niya isinugo ang Kanyang Anak); 14:15 (sinusunod natin ang mga kautusan dahil mahal natin ang Diyos); 1 Juan 4:19 (mahal natin ang Diyos dahil mahal Niya tayo); Mosias 2:17 (kapag pinaglilingkuran natin ang iba, pinaglilingkuran natin ang Diyos).
Mga tanong para sa temple recommend
Sinusunod mo ba ang mga turo ng Simbahan ni Jesucristo sa mga ikinikilos mo sa pribado at sa publiko kasama ang mga miyembro ng iyong pamilya at ibang tao?
Sinisikap mo bang panatilihing banal ang araw ng Sabbath, kapwa sa tahanan at sa simbahan; dumadalo sa iyong mga miting; naghahanda para sa at marapat na tumatanggap ng sakramento; at namumuhay nang naaayon sa mga batas at kautusan ng ebanghelyo?
Nagbabayad ka ba ng buong ikapu?