Mga Kabataan
Lumakad sa liwanag ng Diyos


“Lumakad sa liwanag ng Diyos,” Para sa Lakas ng mga Kabataan: Isang Gabay sa Pagpili (2022)

“Lumakad sa liwanag ng Diyos,” Para sa Lakas ng mga Kabataan

Sikat ng araw na tumatagos sa pagitan ng mga punong redwood.

Lumakad sa liwanag ng Diyos

Galacia 5:25

icon ng mga taong naglalakad papunta sa liwanag

Gumagawa ka ng mas mabubuting pagpili ang pasiya kapag malinaw mong nakikita ang mga bagay-bagay. Kaya nga napakahalaga ng liwanag: pinadadali ng liwanag na makita ang tamang landas. Binigyan na kayo ng Ama sa Langit ng access sa liwanag ng langit—ang kaloob na Espiritu Santo—para tulungan kayong makita nang malinaw kung ano ang mabuti at masama, tama at mali.

Mga walang-hanggang katotohanan

Isang dalagitang kumukuha ng tubig sa oras ng sakramento.

Sa binyag pumapasok kayo sa isang masayang pakikipagtipan sa Ama sa Langit at kay Jesucristo. Sa templo, gagawa kayo ng mga karagdagang tipan na magpapatatag sa relasyong iyon. Bawat linggo sa oras ng sakramento, pinaninibago ninyo ang inyong mga tipan. Ipinapakita ninyo ang inyong kahandaang sundin ang mga kautusan, at binibiyayaan kayo ng Panginoon ng pagkakataong makasama palagi ang Banal na Espiritu. Isa ito sa Kanyang pinakadakilang mga kaloob sa inyo.

Ang paggawa ng mabubuting pagpili ay nagpapabuti sa inyong kakayahang madama ang Espiritu. Maraming mabubuti at makabuluhang mga bagay sa mundong ito. Tulad ng ang inyong katawan ay naaapektuhan ng inyong kinakain at iniinom, ang inyong isipan at espiritu ay lubos na naaapektuhan ng inyong binabasa, pinanonood, at pinakikinggan.

Mga paanyaya

Maglaan ng oras para sa Panginoon araw-araw. Alamin ang tungkol sa Kanya. Lagi Siyang alalahanin. Manalangin sa inyong Ama sa Langit. Pag-aralan ang mga banal na kasulatan at mga salita ng mga buhay na propeta. Pagkatapos ay sikaping ipamuhay ang natututuhan ninyo.

Tatlong kabataan sa isang hardin malapit sa isang templo.

Hangarin ang bagay na nagpapasigla, nagbibigay-inspirasyon, at nag-aanyaya sa Espiritu. Habang nagpapasiya kayo kung ano ang panonoorin, babasahin, pakikinggan, o sasalihan, isipin kung ano ang ipinadarama nito sa inyo. Nag-aanyaya ba ito ng magagandang kaisipan? Lumayo sa anumang bagay na kumukutya sa mga sagradong bagay o sa anumang imoral. Huwag makilahok sa anumang bagay na nagpapapurol sa inyong paghatol o pagiging sensitibo sa Espiritu, tulad ng karahasan, alak, at nakapipinsalang droga. Magkaroon ng lakas-ng-loob na patayin ang isang video o laro, lumabas ng sinehan o sayawan, baguhin ang pinakikinggan ninyong musika, o talikuran ang anumang bagay na hindi naaayon sa Espiritu.

icon ng puso sa social media

Gamitin ang social media para magpasigla. Ang social media ay maaaring maging mabisang kasangkapan sa komunikasyon. Kung gagamitin ninyo ito, magpokus sa liwanag, pananampalataya, at katotohanan. Huwag ikumpara ang inyong buhay sa parang nararanasan ng ibang tao. Tandaan na ang inyong kahalagahan ay nagmumula sa pagiging anak ng mga magulang sa langit, hindi mula sa social media.

Maghangad ng makabuluhang mga karanasan at tunay at nagtatagal na mga relasyon. Mag-ingat para hindi pumalit ang paggamit ninyo ng teknolohiya at media sa personal na pag-uukol ng oras sa pamilya at mga kaibigan. Maaaring oras ninyo ang uubusin ng social media at ng iba pang teknolohiya nang wala kayong gaanong mapapakinabangan. Tumigil sandali sa pagkonekta sa virtual na mundo, at makipag-ugnayan sa mga tao sa tunay na buhay.

Mga ipinangakong pagpapala

Maaaring mapasainyo palagi ang Espiritu. Patototohanan sa inyo ng Espiritu Santo ang Ama sa Langit at si Jesucristo. Papanatagin, gagabayan, bibigyan ng babala, at pababanalin Niya kayo. Tutulungan Niya kayong makilala ang katotohanan at makita ang kabutihan sa mundo.

icon ng mga tanong at mga sagot

Mga Tanong at mga Sagot

Paano ko malalaman kung nadarama ko ang Espiritu Santo? Ang matutong mamalayan ang Espiritu ay nangangailangan ng panahon, pagsasanay, at tiyaga. Nangungusap Siya sa iba’t ibang tao sa iba’t ibang paraan. Huwag balewalain ang mga simpleng bagay—ang payapang pakiramdam mo kapag naririnig mo ang patotoo ng isang tao o ang balisang pakiramdam mo matapos makagawa ng maling pasiya o pagpili. Saliksikin sa mga banal na kasulatan ang iba’t ibang paraan na nakikipag-ugnayan ang Espiritu, ipagdasal ito, at patuloy na maghanap ng mga pagkakataong madama ang Espiritu.

Isang dalagitang nagdarasal habang nakaluhod sa tabi ng kanyang kama.

Ano ang pornograpiya? Bakit ko iyon dapat iwasan? Ang pornograpiya ay representasyon, sa mga larawan o salita, na dinisenyo para pukawin ang mga damdaming seksuwal. Ang pornograpiya ay dumarating sa maraming anyo, kabilang na sa mga video, larawan, aklat, at musika. Maaari din itong maging mga mensahe o larawang ipinadadala ng mga kaibigan. Tinatrato nang walang paggalang ng pornograpiya ang mga bagay na sagrado—ang ating pisikal na katawan at damdaming seksuwal. Maaari kang makakita ng pornograpiya nang hindi mo sinasadya. Makakita ka man ng pornograpiya nang sadya o hindi, layuan ito kaagad. Maaari mo ring kausapin ang isang magulang o iba pang mapagkakatiwalaang adult. Ang sadyang panonood ng pornograpiya ay makasalanan at nakapipinsala sa kakayahan mong madama ang Espiritu. Pinahihina nito ang pagpipigil mo sa sarili at binabaluktot ang paraan ng pagtingin mo sa iyong sarili at sa iba. Si Jesucristo ay may kapangyarihan na tulungan kang labanan ang pornograpiya at magsisi. Lumapit sa Kanya; talikuran ang kadiliman. Matutulungan ka ng bishop mo na magkaroon ng lakas at kapatawaran sa pamamagitan ng Tagapagligtas.

Tingnan sa Amos 5:14 (maghangad ng kabutihan); Galacia 5:22–23 (ang mga bunga ng Espiritu); Moroni 7:18–19 (ang liwanag ni Cristo); Doktrina at mga Tipan 6:23 (nangungusap ng kapayapaan ang Panginoon); 20:77, 79 (ang mga panalangin sa sakramento).

icon ng templo

Mga tanong para sa temple recommend

Sinabi na ng Panginoon na lahat ng bagay ay dapat “gawin sa kalinisan” sa Kanyang harapan (Doktrina at mga Tipan 42:41). Sinisikap mo bang gawing malinis ang iyong kaisipan at asal? Sinusunod mo ba ang batas ng kalinisang-puri?

Sinisikap mo bang panatilihing banal ang araw ng Sabbath, kapwa sa tahanan at sa simbahan; dumalo sa iyong mga miting; maghanda para sa at marapat na tumatanggap ng sakramento; at mamuhay nang naaayon sa mga batas at kautusan ng ebanghelyo?