Mga Hanbuk at Calling
32. Pagsisisi at mga Church Membership Council


“32. Pagsisisi at mga Church Membership Council,” Mga Seleksyon mula sa Pangkalahatang Hanbuk (2023).

“32. Pagsisisi at mga Church Membership Council,” Mga Seleksyon mula sa Pangkalahatang Hanbuk

mga lalaking nag-uusap

32.

Pagsisisi at mga Church Membership Council

32.0

Pambungad

Kadalasan, ang ginagawang pagsisisi ay nagaganap sa pagitan ng indibiduwal, ng Diyos, at ng mga taong naapektuhan ng mga kasalanan ng isang tao. Gayunpaman, kung minsan ay kailangang tulungan ng bishop o stake president ang mga miyembro ng Simbahan sa kanilang mga pagsisikap na magsisi.

Sa pagtulong nila sa mga miyembro na magsisi, ang mga bishop at stake president ay dapat na maging mapagmahal at mapagmalasakit. Sinusunod nila ang halimbawa ng Tagapagligtas, na tumulong sa mga indibiduwal na maging mas mabuti at talikuran ang kasalanan at bumaling sa Diyos (tingnan sa Mateo 9:10–13; Juan 8:3–11).

32.1

Pagsisisi at Kapatawaran

Upang maisakatuparan ang Kanyang plano ng awa, isinugo ng Ama sa Langit ang Kanyang Bugtong na Anak na si Jesucristo upang magbayad-sala para sa ating mga kasalanan (tingnan sa Alma 42:15). Pinagdusahan ni Jesus ang kaparusahang hinihingi ng batas ng katarungan para sa ating mga kasalanan (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 19:15–19; tingnan din sa Alma 42:24–25). Sa pamamagitan ng sakripisyong ito, ipinakita ng Ama at ng Anak ang Kanilang walang-hanggang pagmamahal sa atin (tingnan sa Juan 3:16).

Kapag tayo ay nagkaroon ng “pananampalataya tungo sa pagsisisi,” patatawarin tayo ng Ama sa Langit, na nagkakaloob ng awa sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo (Alma 34:15; tingnan din sa Alma 42:13). Kapag tayo ay nalinis at napatawad, sa huli ay maaari nating manahin ang kaharian ng Diyos (tingnan sa Isaias 1:18; Doktrina at mga Tipan 58:42).

Ang pagsisisi ay higit pa sa pagbabago ng pag-uugali. Ito ay pagtalikod sa kasalanan at pagbaling sa Ama sa Langit at kay Jesucristo. Humahantong ito sa pagbabago ng puso at isipan (tingnan sa Mosias 5:2; Alma 5:12–14; Helaman 15:7). Sa pamamagitan ng pagsisisi, tayo ay nagiging mga bagong tao na nakipagkasundo sa Diyos (tingnan sa 2 Corinto 5:17–18; Mosias 27:25–26).

Ang pagkakataong makapagsisi ay isa sa mga pinakadakilang pagpapalang ibinigay sa atin ng Ama sa Langit sa pamamagitan ng kaloob na Kanyang Anak.

32.2

Mga Layunin ng mga Restriksyon o Pagbawi sa Pagkamiyembro sa Simbahan

Kapag ang isang miyembro ay nakagawa ng mabigat na kasalanan, siya ay tinutulungan ng bishop o stake president na magsisi. Bilang bahagi ng prosesong ito, maaari niyang lagyan ng restriksyon o limitahan ang ilang mga pribilehiyo ng pagiging miyembro ng Simbahan sa loob ng ilang panahon. Sa ilang mga sitwasyon, maaaring kailanganin niyang bawiin ang pagkamiyembro ng isang tao sa loob ng ilang panahon.

Ang pagbibigay ng restriksyon o pagbawi sa pagkamiyembro ng isang tao ay hindi nilayong maging parusa. Sa halip, ang mga aksyon na ito ay kinakailangan kung minsan upang matulungan ang isang tao na makapagsisi at magkaroon ng pagbabago ng puso. Binibigyan din ng mga ito ang isang tao ng panahon para makapaghanda sa espirituwal upang panibaguhin at tuparing muli ang kanyang mga tipan.

Ang tatlong layunin ng mga restriksyon o pagbawi sa pagkamiyembro ay ang sumusunod.

32.2.1

Tulungang Maprotektahan ang Iba

Ang unang layunin ay tulungang maprotektahan ang iba. Kung minsan ang isang tao ay maaaring makapagdulot ng pisikal o espirituwal na panganib. Ang mga mapagsamantalang pagkilos, mga pisikal na panganib, seksuwal na pang-aabuso, pag-abuso sa droga, panlilinlang, at apostasiya ay ilan sa mga paraan na maaaring mangyari ito. Sa pamamagitan ng inspirasyon, ang bishop o stake president ay kumikilos upang maprotektahan ang ibang tao kapag ang isang tao ay maaaring makapagdulot ng ganitong mga panganib at iba pang mabibigat na banta (tingnan sa Alma 5:59–60).

32.2.2

Tulungan ang Isang Tao na Matanggap ang Nakatutubos na Kapangyarihan ni Jesucristo sa Pamamagitan ng Pagsisisi

Ang pangalawang layunin ay tulungan ang isang tao na matanggap ang nakatutubos na kapangyarihan ni Jesucristo sa pamamagitan ng pagsisisi. Sa prosesong ito, siya ay maaaring muling maging malinis at karapat-dapat na tumanggap ng lahat ng mga pagpapala ng Diyos.

32.2.3

Protektahan ang Integridad ng Simbahan

Ang pangatlong layunin ay protektahan ang integridad ng Simbahan. Ang pagbibigay ng restriksyon o pagbawi sa pagkamiyembro sa Simbahan ng isang tao ay maaaring kailanganin kung ang kanyang pagkilos ay lubhang nakapipinsala sa Simbahan (tingnan sa Alma 39:11). Ang integridad ng Simbahan ay hindi pinoprotektahan sa pamamagitan ng paglilihim o pagpapagaan sa mabibigat na kasalanan—kundi sa pagtugon sa mga ito.

32.3

Ang Papel na Ginagampanan ng mga Hukom sa Israel

Ang mga bishop at stake president ay tinawag at na-set apart na maging mga hukom sa Israel (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 107:72–74). Taglay nila ang mga susi ng priesthood para katawanin ang Panginoon sa pagtulong sa mga miyembro ng Simbahan na makapagsisi (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 13:1; 107:16–18).

Ang mga bishop at stake president ay kadalasang tumutulong sa pagsisisi sa pamamagitan ng personal na pagpapayo. Maaaring kabilang sa tulong na ito ang pagbibigay ng ilang restriksyon sa pagkamiyembro sa Simbahan sa loob ng ilang panahon.

Para sa ilang mabibigat na kasalanan, ang mga lider ay tumutulong sa pagsisisi sa pamamagitan ng pagdaraos ng isang membership council (tingnan sa 32.6). Maaaring kabilang sa tulong na ito ang pormal na pagbibigay ng restriksyon sa ilang mga pribilehiyo sa pagiging miyembro ng Simbahan o pagbawi sa pagkamiyembro ng isang tao sa loob ng ilang panahon.

Ang mga bishop at stake president ay mapagmahal at mapagmalasakit sa pagtulong sa mga miyembro na magsisi. Ang pakikipag-ugnayan ng Tagapagligtas sa babaeng nahuli sa pangangalunya ay isang gabay (tingnan sa Juan 8:3–11). Bagama’t hindi Niya sinabing napatawad na ang mga kasalanan nito, hindi Niya ito hinatulan. Sa halip, sinabi Niya rito na “huwag ka nang magkasala”—na ibig sabihin ay magsisi at baguhin ang kanyang buhay.

Itinuturo ng mga lider na ito na “magkakaroon ng higit na kagalakan sa langit dahil sa isang makasalanang nagsisisi” (Lucas 15:7). Sila ay mapagpasensya, matulungin, at may positibong pananaw. Nagbibigay sila ng pag-asa. Sila ay nagtuturo at nagpapatotoo na dahil sa nagbabayad-salang sakripisyo ng Tagapagligtas, lahat ng tao ay maaaring magsisi at maging malinis.

Hinihingi ng mga bishop at stake president ang patnubay ng Espiritu Santo para malaman kung paano nila matutulungan ang bawat tao na magsisi. Tanging sa lubhang mabibigat na kasalanan lamang nagtatakda ang Simbahan ng pamantayan kung anong mga hakbang ang gagawin ng mga lider na ito (tingnan sa 32.6). Walang dalawang sitwasyon na magkapareho. Ang payo na ibinibigay ng mga lider at ang proseso ng pagsisisi na pinangangasiwaan nila ay dapat gawin nang may inspirasyon at maaaring magkakaiba para sa bawat tao.

6:18

32.4

Pagtatapat, Kumpidensyalidad, at Pagsusumbong sa mga Awtoridad ng Pamahalaan

32.4.1

Pagtatapat

Ang pagsisisi ay nangangailangan ng pagtatapat ng kasalanan sa Ama sa Langit. Sinabi ni Jesucristo, “Sa pamamagitan nito inyong malalaman kung ang isang tao ay nagsisi ng kanyang mga kasalanan—masdan, kanyang aaminin ang mga yaon at tatalikdan ang mga yaon” (Doktrina at mga Tipan 58:43; tingnan din sa Mosias 26:29).

Kapag nakagawa ng mabibigat na kasalanan ang mga miyembro ng Simbahan, bahagi rin ng kanilang pagsisisi ang pagtatapat sa kanilang bishop o stake president. Pagkatapos ay magagamit niya ang mga susi ng ebanghelyo ng pagsisisi para sa kanila (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 13:1; 84:26–27; 107:18, 20). Tinutulungan sila nito na gumaling at bumalik sa landas ng ebanghelyo sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas.

Ang layunin ng pagtatapat ay hikayatin ang mga miyembro na bawasan ang kanilang mga pasanin nang sa gayon ay lubos silang makapagtuon sa paghingi ng tulong sa Panginoon para sa pagbabago at pagpapagaling. Nakatutulong ang pagtatapat sa pagkakaroon ng “bagbag na puso at nagsisising espiritu” (2 Nephi 2:7). Ipinakikita ng boluntaryong pagtatapat na nais ng isang tao na magsisi.

Kapag nagtapat ang isang miyembro, sinusunod ng bishop o stake president ang mga tuntunin sa pagpapayo na matatagpuan sa 32.8. Mapanalangin siyang naghahangad ng patnubay para malaman kung ano ang nararapat na paraan upang matulungan ang miyembro na magsisi. Isinasaalang-alang niya kung makatutulong ang isang membership council. Kung ayon sa patakaran ng Simbahan ay kailangang magdaos ng isang membership council, ipinapaliwanag niya ito (tingnan sa 32.6).

Kung minsan ay nagkakasala ang isang miyembro sa isang asawa o sa isa pang adult. Bilang bahagi ng pagsisisi, kadalasan ay dapat siyang magtapat sa taong iyon at humingi ng tawad. Ang isang kabataang nakagawa ng isang mabigat na kasalanan ay kadalasang hinihikayat na sumangguni sa kanyang mga magulang.

32.4.4

Kumpidensyalidad

Ang mga bishop, stake president, at kanilang mga counselor ay may sagradong tungkulin na protektahan ang lahat ng kumpidensyal na impormasyong ibinahagi sa kanila. Ang mga impormasyong ito ay maaaring matanggap sa mga interbyu, pagpapayo, at pagtatapat. Ang gayong tungkulin sa kumpidensyalidad ay angkop din sa lahat ng nakikibahagi sa mga membership council. Ang kumpidensyalidad ay napakahalaga dahil ang mga miyembro ay hindi magtatapat ng mga kasalanan o hihingi ng gabay kung ang mga ibabahagi nila ay hindi pananatilihing kumpidensyal. Ang pagbabahagi ng kumpidensyal na impormasyon sa mga hindi dapat makaalam ay pagtataksil sa pagtitiwala ng mga miyembro at magiging dahilan ito para mawalan sila ng tiwala sa kanilang mga lider.

Alinsunod sa kanilang tungkulin sa pagiging kumpidensyal, ang bishop, stake president, o kanilang mga counselor ay maaari lamang magbahagi ng gayong mga impormasyon ayon sa sumusunod:

  • Kailangan nilang sumangguni sa stake president, mission president, o bishop ng miyembro tungkol sa pagdaraos ng isang membership council o kaugnay na mga bagay.

  • Ang tao ay lilipat sa isang bagong ward (o ire-release ang priesthood leader) habang mayroong hindi pa nalulutas na aksyon ukol sa pagkamiyembro o iba pang mabibigat na problema.

  • Nalaman ng bishop o stake president na ang isang miyembro ng Simbahan na naninirahan sa labas ng ward o stake ay nasangkot sa mabigat na kasalanan.

  • Kailangang magbigay ng impormasyon sa isang membership council.

  • Pinili ng miyembro na magbigay ng pahintulot sa lider na ibahagi ang impormasyon sa partikular na mga tao.

  • Maaaring kailangang magbahagi ng limitadong impormasyon tungkol sa desisyon ng isang membership council.

Para matulungan ang mga lider sa pagprotekta sa ibang tao at pagsunod sa batas, ang Simbahan ay naglalaan ng tulong mula sa mga bihasang propesyonal. Para matanggap ang patnubay na ito, kaagad tumatawag ang mga lider sa abuse help line ng Simbahan kung saan mayroon nito (tingnan sa 38.6.2.1). Kung wala ito, kokontakin ng stake president ang area legal counsel sa area office.

Sa isang sitwasyon lamang maaaring magbahagi ng kumpidensyal na impormasyon ang bishop o stake president nang hindi muna humihingi ng gayong patnubay. Iyan ay kapag ang pagbabahagi ng impormasyon ay kinakailangan upang mapigilan ang banta sa buhay o matinding pinsala at wala nang oras para humingi ng patnubay. Sa gayong mga sitwasyon, ang tungkuling protektahan ang iba ay mas mahalaga sa tungkulin sa kumpidensyalidad. Dapat kaagad na kontakin ng mga lider ang mga awtoridad ng pamahalaan.

32.6

Bigat ng Kasalanan at Patakaran ng Simbahan

Ang bigat ng isang kasalanan ay mahalagang bagay na dapat isaalang-alang sa pagtukoy kung anong paraan ang (1) tutulong para maprotektahan ang iba at (2) tutulong sa isang tao na makapagsisi. Sinabi ng Panginoon na siya “ay hindi makatitingin sa kasalanan nang may pinakamaliit na antas ng pagsasaalang-alang” (Doktrina at mga Tipan 1:31; tingnan din sa Mosias 26:29). Hindi dapat ipagwalang-bahala ng Kanyang mga lingkod ang katibayan ng mabigat na kasalanan.

Ang mabibigat na kasalanan ay sadya at malaking paglabag sa mga batas ng Diyos. Ang mga kategorya ng mabibigat na kasalanan ay nakalista sa ibaba.

  • Marahas na kilos at pang-aabuso

  • Seksuwal na imoralidad

  • Mapanlinlang na mga gawa

  • Mga paglabag sa pagtitiwala

  • Iba pang mga gawa

Kailan Kailangan o Maaaring Kailanganin ang Membership Council

Uri ng Kasalanan

Kailangan ang Membership Council

Maaaring Kailanganin ang Membership Council

Uri ng Kasalanan

Marahas na Kilos at Pang-aabuso

Kailangan ang Membership Council

  • Pagpatay ng Tao

  • Panggagahasa

  • Nahatulang maysala sa sexual assault o panghahalay

  • Pang-aabuso sa bata o kabataan

  • Marahas na mapagsamantalang pagkilos

Maaaring Kailanganin ang Membership Council

  • Tangkang pagpatay ng tao

  • Seksuwal na pang-aabuso, kabilang na ang sexual assault o panghahalay at panliligalig o harassment (tingnan ang 38.6.18 para malaman kung kailan kailangang magdaos ng isang membership council)

  • Pang-aabuso sa asawa o sa isa pang adult (tingnan ang 38.6.2.4 para malaman kung kailan kailangang magdaos ng isang membership council)

Uri ng Kasalanan

Seksuwal na Imoralidad

Kailangan ang Membership Council

  • Incest o Pagtatalik ng Malapit na Magkamag-anak

  • Pornograpiyang gumagamit ng mga bata

  • Pag-aasawa nang higit sa isa

  • Seksuwal na mapagsamantalang pagkilos

Maaaring Kailanganin ang Membership Council

  • Pangangalunya, pakikipagtalik nang hindi kasal, same-sex relations, at iba pang seksuwal na relasyon sa labas ng legal na kasal sa pagitan ng isang lalaki at isang babae, kabilang na ang seksuwal na aktibidad online o sa telepono

  • Pagsasama nang hindi kasal, mga civil union at mga civil partnership, at pagpapakasal sa kaparehong kasarian (same-sex marriage)

  • Sobra-sobra o pagkalulong sa paggamit ng pornograpiya na nagdulot ng malaking pinsala sa kasal o pamilya ng isang miyembro

Uri ng Kasalanan

Mapanlinlang na mga Gawa

Kailangan ang Membership Council

  • Mapanlinlang na mga gawa sa pananalapi, tulad ng panlilinlang at katulad na mga gawain (tingnan ang 32.6.3.3 kung ang isang miyembro ay nasangkot sa pagdispalko ng pondo o ari-arian ng Simbahan)

Maaaring Kailanganin ang Membership Council

  • Pagnanakaw, panloloob, o pagdispalko (tingnan ang 32.6.3.3 kung ang isang miyembro ay nasangkot sa pagdispalko ng pondo o ari-arian ng Simbahan)

  • Perjury

Uri ng Kasalanan

Mga Paglabag sa Pagtitiwala

Kailangan ang Membership Council

  • Mabigat na kasalanan habang humahawak ng mahalagang katungkulan sa Simbahan

Maaaring Kailanganin ang Membership Council

  • Mabigat na kasalanan habang humahawak ng isang katungkulan na may awtoridad o may pagtitiwala sa Simbahan o sa komunidad (tingnan ang 32.6.3.3 kung ang isang miyembro ay nasangkot sa pagdispalko ng mga pondo o ari-arian ng Simbahan)

  • Mabigat na kasalanan na alam ng marami

Uri ng Kasalanan

Iba Pang mga Gawa

Kailangan ang Membership Council

  • Karamihan sa mga nahatulang maysala sa paggawa ng felony o mabigat na krimen

Maaaring Kailanganin ang Membership Council

  • Pagpapalaglag (maliban kung angkop ang eksepsyon sa 38.6.1)

  • Paulit-ulit na paggawa ng mabibigat na kasalanan

  • Sadyang pagpapabaya sa mga responsibilidad sa pamilya, kabilang na ang hindi pagbibigay ng sustento at alimony (sustentong itinakda ng korte) sa mga anak

  • Pagbebenta ng ilegal na droga

  • Iba pang mabibigat na krimen

32.6.3

Kapag Sumangguni ang Stake President sa Area Presidency Kung Kailangan o Hindi ang Isang Membership Council o Iba Pang mga Aksyon

Ang ilang mga bagay ay nangangailangan ng karagdagang pag-iingat at patnubay. Para malaman kung paano pinakamainam na makakatulong, ang stake president ay dapat sumangguni sa Area Presidency tungkol sa mga sitwasyon sa bahaging ito.

32.6.3.2

Apostasiya

Ang mga isyu ng apostasiya ay kadalasang mayroong epekto maging sa labas ng mga hangganan ng ward o stake. Ang mga ito ay kailangang matugunan kaagad upang maprotektahan ang ibang tao.

Sumasangguni ang bishop sa stake president kung nadarama niya na ang ginagawa ng isang miyembro ay maituturing na apostasiya.

Sa paggamit dito, ang apostasiya ay tumutukoy sa paggawa ng isang miyembro ng alinman sa mga sumusunod:

  • Paulit-ulit na malinaw at sinasadya na hayagang pagsalungat sa Simbahan, sa doktrina nito, sa mga patakaran nito, o sa mga lider nito

  • Pilit na itinuturo bilang doktrina ng Simbahan ang mga bagay na hindi naman talaga doktrina ng Simbahan matapos na maituwid ng bishop o stake president

  • Patuloy na sadyang nagsisikap na pahinain ang pananampalataya at pagiging aktibo ng mga miyembro ng Simbahan

  • Patuloy na sinusunod ang mga turo ng nag-apostasiyang mga sekta matapos na maituwid ng bishop o stake president

  • Pormal na sumapi sa isa pang simbahan at itinataguyod ang mga itinuturo nito

32.6.3.3

Pagdispalko sa mga Pondo ng Simbahan

Kung ang isang miyembro ay nagdispalko ng mga pondo ng Simbahan o nagnakaw ng mahahalagang ari-arian ng Simbahan, sumasangguni ang stake president sa Area Presidency kung kailangan ang isang membership council o iba pang aksyon.