Tulong sa Buhay
Paghahanda ng Plano


“Paghahanda ng Plano,” Kaligtasan sa Media (2020)

“Paghahanda ng Plano,” Kaligtasan sa Media

Paghahanda ng Plano

mag-iina na gumagamit ng tablet

Hayaang espirituwal na lumago ang iyong pamilya sa mabuting paggamit ng teknolohiya sa pamamagitan ng paghahanda ng plano sa media. Kahit mag-isa ka lamang, ang paghahanda ng plano ay isang mahalagang hakbang. “Isaayos ang inyong sarili; ihanda ang lahat ng kinakailangang bagay, at magtayo ng isang bahay, maging isang bahay ng panalanginan, isang bahay ng pag-aayuno, isang bahay ng pananampalataya, isang bahay ng pag-aaral, isang bahay ng kaluwalhatian, isang bahay ng kaayusan, isang bahay ng Diyos” (Doktrina at mga Tipan 109:8).

“Anuman ang pangangailangan ng ating pamilya, turuan natin ang bawat isa sa pamilya natin na gamitin nang matalino at positibo ang teknolohiya sa simula pa lamang—para magkaroon ng moral na huwaran ng pag-iisip. Turuan natin ang mga bata sa positibong paraan para magamit nila sa kabutihan ang teknolohiya. Maaari nating ituro sa kanila na suriin ang sarili sa pagtatanong ng, ‘Makakabuti ba ang paggamit nito?’ Ang mga pipiliin nating paraan ng pagtuturo sa ating mga pamilya ngayon ay makakaimpluwensya sa mga darating na henerasyon” (Joy D. Jones, “It Starts with Us” [mensaheng ibinigay sa kumperensya ng Utah Coalition against Pornography, Mar. 10, 2018], newsroom.ChurchofJesusChrist.org).

Bagama’t mahalaga ang mga nakapahayag na limitasyon, ibinigay ni Elder Bednar ang sumusunod na payo: “Maging maingat na hindi maging masyadong mahigpit sa paggamit ng teknolohiya o magpatupad ng napakahabang listahan ng mga patakaran at pagbabawal. Ang mga hinahangad na katangian at matwid na pag-uugali ay hindi lalago sa lupang palaging pinupuwersang kontrolin at pilitin. Ang inyong pagmamahal, pagtitiyaga, pagtuturo, at paglilingkod ay magbibigay ng mahalagang espirituwal na suporta habang nagpapatuloy sila sa paglakad sa makipot at makitid na landas” (“They Should Proclaim These Things unto the World” [mensaheng ibinigay sa seminar para sa mga bagong mission president, Hunyo 24, 2016], ChurchofJesusChrist.org). Iminungkahi rin ni Elder Bednar na pag-isipan ang mga sumusunod na alituntunin:

  • Pagtuturo sa mga bata na “gamitin nang matwid ang kalayaang moral at maging mga kinatawan na kumikilos ayon sa doktrina ni Cristo sa halip na mga bagay na pinakikilos lamang.”

  • Pagtulong sa mga bata na “malaman na ang tanging filter na matagumpay na makadadaig at makaiiwas sa kasamaan ay nananahan sa puso’t isipan ng isang tapat na disipulo ni Cristo. Tanging ang patnubay ng Espiritu Santo lamang ang makapagbibigay nang sapat na katatagan laban sa ‘nag-aapoy na palaso ng masama’ [Efeso 6:16].”

  • Pagtulong sa mga bata na “[matuklasan] sa pamamagitan ng inspirasyon ang maraming paraan kung paano magagamit ang mga kasangkapang ito para maisulong ang gawain ng kaligtasan.”

Ang ideya ng paggawa ng plano ay maaaring magmukhang napakabigat. Huwag mong sarilinin ang lahat ng pasanin. Gawin ang planong ito kasama ang iyong mga mahal sa buhay. Narito ang ilang tanong na maaaring talakayin:

  • Kailan angkop ang paggamit ng teknolohiya, at gaano katagal?

  • Ano ang katanggap-tanggap at ano ang hindi?

  • Ano ang antas ng pagsubaybay na ipatutupad?

  • Ano ang mga kaparusahan kapag ang mga patakaran ay kusang nilabag?

  • Ano ang plano nating gawin kapag hindi sinasadyang naharap tayo sa masamang media?

  • Paano natin itatala ang ating plano?

Maging sensitibo sa mga espirituwal na pahiwatig. Makatutulong ang mga filter para maprotektahan ang iyong pamilya laban sa hindi angkop na nilalaman, ngunit hindi epektibo ang mga ito sa lahat ng oras. Ang pinakamainam na filter ay ang sariling kalayaan at hangarin ng isang indibiduwal na gumawa ng mabubuting pagpili, sa tulong ng kaloob na Espiritu Santo.