“10: Paano ko mapaglalabanan ang pag-iisip na magpakamatay?” Kalusugang Pangkaisipan: Tulong Para sa Akin (2019)
“Pag-iisip na Magpakamatay,” Kalusugang Pangkaisipan: Tulong Para sa Akin
Paano ko mapaglalabanan ang pag-iisip na magpakamatay?
Ang pag-iisip na magpakamatay ay hindi nangangahulugan na mahina o masamang tao ka; ibig sabihin nito ay napakabigat ng sakit na dinadala mo at kailangan mo ng tulong upang malutas ang krisis na iyong pinagdaraanan. Kapag hindi mo na kayang kontrolin ang buhay mo o nag-iisip kang magpakamatay, subukan ang ilan sa mga mungkahi sa ibaba o bisitahin ang PreventingSuicide.ChurchofJesusChrist.org para sa iba pang mga ideya.
-
Sabihin sa isang tao. Kung pakiramdam mo ay hindi ka ligtas o nasa panganib ang buhay mo, kaagad na kontakin ang mga emergency service. Kung wala sa panganib ang buhay mo, kausapin ang isang kaibigan, isang kapamilya o lider ng Simbahan, o tumawag sa isang suicide prevention helpline (tingnan ang resources sa ibaba). Ang pagsasabi ng mga nasa isip mo ay makakabawas ng maraming tensyon.
-
Magtiwala sa Tagapagligtas. Kahit hindi mo nadarama ang pagmamahal o presensya ni Jesucristo sa buhay mo sa panahong ito, naising madama ito. Maaari kang lumuhod para magdasal, magdasal nang malakas, humiling ng priesthood blessing, o makipag-usap sa inyong bishop.
-
Gawing ligtas ang inyong tahanan. Kung may mga bagay ka na iniisip mong gamitin para saktan ang iyong sarili, alisin ang mga ito o ipaalis ang mga ito sa isang tao. Bawasan ang oras na mapag-iisa ka at makipag-usap sa kasama mo sa bahay o sa taong pinagkakatiwalaan. Kausapin ang taong ito tungkol sa mga pag-iingat na makakatulong sa iyo o sa sitwasyon mo.
-
Magtakda ng mga mithiing madaling magawa. Bawat araw magsulat ng kahit isang gawain o mithiin para sa susunod na araw. Panatilihin itong simple at kayang magawa. Ang pagtatakda at pagsasagawa ng simpleng mga mithiin ay makakatulong sa iyo na magkaroon ng kontrol kapag tila magulo na ang lahat.