“3. Napapagod ako sa sobrang pag-aalala sa napakaraming bagay tungkol sa aking mahal sa buhay. Paano ko mas mapapangalagaan ang aking sarili at makatulong pa rin sa iba?” Kalusugang Pangkaisipan: Tulong para sa mga Magulang at Pamilya (2019)
“Napapagod ako sa Pag-aalala,” Kalusugang Pangkaisipan: Tulong para sa mga Magulang at Pamilya
Napapagod ako sa sobrang pag-aalala sa napakaraming bagay tungkol sa aking mahal sa buhay. Paano ko mas mapapangalagaan ang aking sarili at makatulong pa rin sa iba?
Maaari mong madama na tumutugon ka sa panawagan ng Tagapagligtas na “magpasan ng pasanin ng isa’t isa” at “aliwin yaong mga nangangailangan ng aliw,” (Mosias 18:8–9), ngunit itinuro din Niya sa atin na hindi kailangan na tayo ay “tumakbo nang higit na mabilis kaysa sa [ating] lakas” (Mosias 4:27). Balansehin ang makabuluhang pakikipag-ugnayan sa ibang tao at ang angkop na mga limitasyon sa sarili mong buhay. Kailangang magkaroon ng oras at lugar upang malutas ang mga problema ng isang mahal sa buhay, ngunit hindi makakabuti na ang mga alalahaning iyon na lamang ang laging iniisip at pinagsisikapan mong lutasin. Maaari mong subukan ang isa o mahigit pa sa mga mungkahing ito upang masimulan mong mabalanse ang iyong buhay ngayon.
-
Makipag-usap sa iba. Gawin ang lahat ng makakaya para makausap ang iyong pamilya, bishop, o isang mental health professional. Sa pakikipag-usap sa iba, maging sensitibo sa pinagbabahagian mo ng impormasyon. Maraming magandang paraan para humingi ng suporta na nakakatulong at nagpapagaling. Pag-isipang mabuti na magawa ang mga makakatulong na mungkahi.
-
Panatilihin ang iyong kalusugan. Ugaliin na magkaroon ng magandang gawi sa pagtulog, nutrisyon, ehersisyo, at personal na pagsamba.
-
Pangalagaan ang sarili. Pag-isipan mo ring baguhin ang karaniwang ginagawa mo araw-araw o gumawa ng bagay na palagi mong gagawin. Maging masaya sa maliliit at simpleng bagay tulad ng pagpansin sa bulaklak, sa lasa ng paboritong pagkain, o sa magandang pag-awit ng ibon. Magmuni-muni o gumamit ng ibang relaxation technique o paraan sa pamamahinga. Ituon ang iyong isipan sa Diyos habang binibigyan mo ng panahong makapagpahinga ang iyong isipan at katawan.
-
Humingi ng tulong. May pagkakataon na hindi mo kayang gawing lahat ang mga bagay na nais mong gawin para sa iyong mahal sa buhay. Hindi inaasahan ng Ama sa Langit na gawin mo ang lahat. Itinuro niya na “bawa’t bagay ay may kapanahunan, at panahon sa bawa’t panukala sa silong ng langit” (Eclesiastes 3:1). Matutong humingi at tumanggap ng suporta mula sa iyong pamilya, mga kaibigan, komunidad ng Simbahan, at sa Ama sa Langit.