Mga Calling sa Mission
3. Pag-uugali ng Missionary


Christ in a Red Robe [Si Cristo na Nakasuot ng Pulang Bata] ni Minerva Teichert

3

Pag-uugali ng Missionary

3.0

Pambungad

Inilalarawan sa bahaging ito ang mga pamantayan ng pag-uugali ng missionary at ang mga katangiang tulad ng kay Cristo na inaasahang isasabuhay at tataglayin mo sa iyong misyon habang nagiging mas tapat kang disipulo ni Jesucristo. Tulad ng ipinayo ni propetang Moroni, “[Tandaan] ang salita ng Diyos na nagsasabing sa pamamagitan ng kanilang mga gawa inyo silang makikilala; sapagkat kung ang kanilang mga gawa ay mabubuti, kung gayon, sila ay mabubuti rin” (Moroni 7:5).

3.1

Pag-uugali na Tulad ng kay Cristo

Manalangin at magsikap na magkaroon ng mga katangiang tulad ng kay Cristo na inilarawan sa mga banal na kasulatan at sa Mangaral ng Aking Ebanghelyo, kabilang ang pagiging mapagpasalamat, mabait, mapagmahal, mapagpakumbaba, matiyaga, madamayin, at masunurin. Sa tulong ng Tagapagligtas at ng sarili mong tapat na pagsisikap at pagsusumigasig, magkakaroon ka ng mga katangiang tulad ng kay Cristo (tingnan sa Mosias 3:19).

Maging mabait, positibo, at masayahin. Maging maalalahanin sa kalagayan ng bawat tao, itinatanong sa iyong sarili ang ganito:

  • Masyadong gabi na ba o masyadong maaga pa para kontakin ang taong ito? Makagagambala ba ito sa oras ng pamilya o ng indibiduwal?

  • May paraan ba para makatulong ako sa sitwasyong ito?

  • Ito bang gagawin o sasabihin ko ay magpapahiya, magdadala ng takot, o makasasakit sa isang tao?

  • Ano ang angkop para sa kulturang ito?

Ikaw ay isang bisita sa lugar kung saan ka naglilingkod at dapat mong igalang at pahalagahan ang mga tao at lugar. Igalang ang mga kaugalian, paniniwala sa relihiyon at tradisyon, at ang mga sagradong lugar sa iyong area sa lahat ng oras. Maging maingat na hindi makasakit sa sinuman ang iyong ikinikilos. Tandaan, ang sinasabi at ginagawa mo ay maaaring marinig, makita, at mairekord.

Para sa iba pang impormasyon, tingnan ang bahagi 7.3, “Paggalang sa Kapwa,” at sa Pangkalahatang Hanbuk: Paglilingkod sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, 38.6.14, “Panghuhusga nang Walang Katwiran,” sa Gospel Library.

3.2

Pagiging Karapat-dapat sa Templo

Inaanyayahan ka ng Panginoong Jesucristo na “ihanda ang inyong sarili, at pabanalin ang inyong sarili; oo, dalisayin ang inyong mga puso, at linisin ang inyong mga kamay at inyong mga paa sa harapan ko, upang akin kayong gawing malinis” (Doktrina at mga Tipan 88:74). Bahagi ng paghahandang ito ang pagtupad sa iyong mga tipan sa templo.

3.2.1

Mga Tipan sa Templo

Ang pagtupad sa mga tipan sa templo na pagsunod, pagsasakripisyo, at lubos na paglalaan ay magbibigay-lakas sa iyo at tutulong sa iyo na maging higit na katulad ng Tagapagligtas.

Kahit walang templo sa iyong mission, manatiling mayroong current temple recommend na tutulong sa iyo na maalala ang iyong mga tipan. Sabihin sa iyong mission president na magpapainterbyu ka para sa temple recommend bago mag-expire ang iyong recommend.

3.2.2

Pagsamba sa Templo

Kung malapit ang isang templo, maaaring pahintulutan ka at ang iba pang mga missionary ng inyong mission president na pumunta paminsan-minsan kapag preparation day.

Para sa iba pang impormasyon tingnan ang bahagi 7.4, “Pagpunta sa Templo.”

3.3

Ang Batas ng Kalinisang-Puri

Ang isang tipan sa templo na ginawa mo ay sundin ang batas ng kalinisang-puri. Gawin ang lahat ng makakaya mo para protektahan ang iyong sarili, ang iyong kompanyon, at iba pa mula sa tuksong seksuwal na hahantong sa paglabag sa sagradong tipang ito. Ang paggawa ng mga bagay na labag sa batas ng kalinisang-puri ay maituturing na krimen sa ilang lugar.

Dapat mong iwasan ang anumang kaisipan o kilos na maghihiwalay sa iyo mula sa Espiritu ng Diyos. Kabilang dito ngunit hindi limitado sa pakikiapid; pangangalunya; seksuwal na aktibidad ng babae sa babae o lalaki sa lalaki; oral sex; pagpukaw ng damdaming seksuwal; hindi angkop na paghawak; pagpapadala o pagtanggap ng mga mensahe, larawan o video na imoral o seksuwal; masturbation; at panonood o paggamit ng pornograpiya (tingnan sa 7.5.3). Tingnan ang Para sa Lakas ng mga Kabataan, “Ang inyong katawan ay sagrado,” 22–29, para sa karagdagang impormasyon.

Itinuro ng Panginoon, “Si Satanas ay naghahangad na mangwasak” (Doktrina at mga Tipan 132:57) at gagawin kang “kaaba-abang katulad ng kanyang sarili” (2 Nephi 2:27). Gagamit siya ng mga tao, di-angkop na media, at iba pang mga tukso para linlangin, bitagin, takutin, at ipahiya ka. Halimbawa, mag-ingat lalo na sa mga taong maaaring humingi ng bayad bilang kapalit sa hindi pagbubunyag sa malalaswa o di-angkop na mga larawan at mensaheng maaaring naipadala mo sa kanila.

Kung nahihirapan kang sundin ang mga pamantayang ito o kung may nagbabanta sa iyo, humingi ng tulong sa Panginoon at kausapin kaagad ang iyong mission president.

3.4

Katapatan

Ang pagiging karapat-dapat sa templo ay kinabibilangan ng pagiging matapat sa lahat ng pakikitungo mo sa mga tao. Sa paglilingkod ng missionary, kabilang dito ang:

  • Pagsasabi ng katotohanan, lalo na sa iyong mission president tungkol sa iyong pag-uugali, patotoo, mga gawi sa paggawa, at emosyonal at pisikal na kalusugan.

  • Pagbibigay ng tumpak na mga ulat tungkol sa iyong ginawa at kung paano mo ginugol ang iyong oras sa buong linggo sa iyong lingguhang report.

  • Responsableng paggamit ng mga pondo ng mission at pagbibigay ng tamang resibo.

  • Pagiging mapagkakatiwalaan at hindi kailanman nagbibigay ng maling ulat o maling impormasyon tungkol sa sinumang tao, pati sa iyong kompanyon.

  • Paggalang sa kapwa sa pamamagitan ng hindi paghihiram, pagkuha, o paggamit ng personal na gamit (kabilang ang mga damit, aklat, electronic device, at alahas) ng isang tao nang walang pahintulot.

3.5

Pakikipag-ugnayan sa mga Tao

Itinuro ng Tagapagligtas, “Ito ang aking utos, na kayo’y magmahalan sa isa’t isa, gaya ng pagmamahal ko sa inyo” (Juan 15:12). Piliing tularan ang halimbawa ng Tagapagligtas at kumilos sa paraang magalang, maingat, at akma sa sitwasyon.

3.5.1

Mga Pangkalahatang Pamantayan para sa Pakikipag-ugnayan sa mga Adult

Kunin ang tiwala ng mga pinaglilingkuran ninyo at bumuo ng makabuluhang ugnayan sa kanila, pati sa mga taong tinuturuan ninyo, sa iba pang mga missionary, at mga miyembro sa lugar. Maging propesyonal at mabait, at sundin ang mga pamantayang ito:

  • Palaging manatili sa tabi ng iyong kompanyon.

  • Huwag magpayo sa mga matatanda tungkol sa mga personal na problema. Sabihin sa mga miyembro na kausapin ang kanilang bishop kung kinakailangan nila ng payo. Kung sa palagay mo ay nangangailangan ng tulong ang isang taong kasapi ng ibang relihiyon sa kanyang mga personal na problema, kausapin ang iyong mission president.

  • Iwasan ang mga sitwasyon na maaaring maging panganib sa pisikal o espirituwal o magbibigay ng maling pagkaunawa.

  • Huwag makipaglandian o makipag-ugnayan nang di-angkop sa sinuman. Limitahan sa pakikipagkamay ang pisikal na paghawak sa sinuman na iba ang kasarian.

  • Laging tiyakin na may kasama kayo ng kompanyon mo na isa pang adult na kapareho ninyo ang kasarian kapag personal kayong bumibisita, nagtuturo, nagbibiyahe, o kumakain na kasama ang isang tao na iba ang kasarian. Humingi ng pahintulot mula sa iyong mission president para sa anumang mga eksepsyon.

  • Panatilihing may dignidad ang iyong pananalita at iwasan ang paggamit ng salitang-lansangan. Gumamit ng angkop na titulo kapag kinakausap o tinatawag ang isang tao. Halimbawa, gamitin ang titulong “Elder” o “Sister” kapag binabanggit o tinatawag ang ibang mga missionary para maipakita ang paggalang sa kanilang calling.

3.5.2

Mga Pangkalahatang Pamantayan para sa Pakikipag-ugnayan sa mga Bata

Para sa proteksyon mo at ng mga bata, mahigpit na sundin ang mga sumusunod na tagubilin:

  • Palaging manatili sa tabi ng iyong kompanyon.

  • Huwag kailanman maiwang mag-isa kasama ang sinumang bata na wala pang edad 18.

  • Maging maingat tungkol sa pakikipaglaro sa mga grupo ng mga bata, tulad ng pagsali sa soccer o iba pang laro. Huwag gumawa ng anumang bagay kung saan maaaring mabigyan ng maling kahulugan ang mga ikinikilos mo.

  • Hangga’t maaari, humingi ng pahintulot sa magulang na kausapin ang bata.

  • Huwag mangiliti ng mga bata, huwag magpalit ng lampin o diaper, huwag yapusin o yakapin ang mga bata, o hayaang kumandong sa iyo ang mga bata. Ang mga kilos na ito ay maaaring magmukhang hindi angkop o mabigyan ng maling kahulugan.

  • Magalang na tumanggi na mag-alaga ng mga bata anuman ang edad nila.

  • Huwag makibahagi sa paglilingkod kung saan mapag-iisa ka kasama ng mga bata (tingnan sa 7.2.2).

3.6

Libangan

Mas lubos mong matututuhang mahalin ang mga taong pinaglilingkuran mo sa pagiging interesado sa kanilang kultura, kasaysayan, bansa, at mga tradisyon sa pamamagitan ng pagpunta sa mga kaaya-ayang lugar sa preparation day (tingnan sa 2.5).

Hilingin sa mga kakilala mo na magrekomenda ng mga angkop at ligtas na lugar na mapupuntahan. Pumili ng mga aktibidad na nagpapasigla at tumutulong sa iyo na makapagrelaks. Maaaring kabilang (ngunit hindi limitado) sa mga angkop na lugar na mapupuntahan ang mga sumusunod:

  • Mga lugar na may kaugnayan sa kasaysayan at kultura

  • Mga museo at galerya

  • Mga zoo at parke

3.6.1

Mga Pangkalahatang Pamantayan sa Paglilibang

Iwasang magtipon sa malalaking grupo ng mga missionary sa mga pampublikong lugar. Kadalasan, ang ibig sabihin nito ay hindi kayo dapat magtipun-tipon sa mga grupong mas malaki pa sa inyong district. Ang paggawa nito ay makatatawag ng pansin o maaaring makabahala sa mga tao.

Gamitin lamang ang sasakyan ng mission para sa mga aktibidad na pinahintulutan ng inyong mission president.

Mag-ehersisyo at maging aktibo para mapanatiling malakas ang iyong katawan para sa gawaing misyonero. Maglaro sa mga paraang hindi ka masasaktan at hindi mapapagod nang sobra.

3.6.2

Mga Hindi Awtorisadong Aktibidad

Laging maging ligtas at matalinong magpasiya kapag nakikibahagi sa mga aktibidad sa paglilibang. Dahil ang mga missionary ay malubhang napipinsala habang nakikibahagi sa mga peligrosong aktibidad, hindi ka dapat sumali sa ganitong mga aktibidad na masyadong peligroso habang nasa misyon ka. Kabilang, ngunit hindi limitado sa mga aktibidad na ito ang mga sumusunod:

  • Contact, gymnastic, winter, at water sports (kabilang ang paglangoy)

  • Pag-akyat sa bundok at pag-rock climbing

  • Pagsakay sa mga motorsiklo at kabayo

  • Pagsakay sa mga pribadong bangka o eroplano

  • Paghawak ng mga baril

  • Paggamit ng anumang uri ng mga paputok o pampasabog

Panoorin ang video na ito para sa iba pang impormasyon tungkol sa kaligtasan sa paglilibang.

16:40

3.6.3

Media

Piliin ang inaprubahan at angkop na media para maanyayahan ang Espiritu at matulungan kang isakatuparan ang iyong layunin bilang missionary. Ang karaniwang kahulugan nito ay:

  • Gumamit ng social media, mobile apps, at online media na inaprubahan para sa inyong mission sa pagtuturo ng ebanghelyo at pakikipag-ugnayan sa iyong pamilya at mga kaibigan (tingnan sa 3.9).

  • Iwasan ang telebisyon, mga sine, mga video game, at mga di-awtorisadong video.

  • Pumili ng mga audiobook, musika, at babasahin na magpapalakas ng iyong pananampalataya kay Jesucristo. Ang mga ito ay dapat maging sagrado, nag-aanyaya sa Espiritu, at nagpapasigla (tingnan sa Pangkalahatang Hanbuk, 19.1).

Sumangguni sa mga pamantayan ng missionary para sa teknolohiya para sa iba pang impormasyon (tingnan sa 7.5). Talakayin ang mga tanong tungkol sa media sa iyong mga mission leader.

3.6.4

Mga Instrumento sa Musika

Kung inaprubahan ng iyong mission president, maaari kang magdala ng isang instrumento sa musika sa mission field. Ito ay dapat na mura, madaling i-biyahe, at matutugunan ang mga requirement sa bagahe. Ang uri ng instrumento ay dapat angkop sa mga miting tuwing Linggo (tingnan sa Pangkalahatang Hanbuk, 19.3.6).

Maaari kang magpraktis ng instrumento sa preparation day at sa mga panahong itinalaga ng iyong mission president. Kapag tumutugtog, isaalang-alang ang inyong mga kapitbahay at iba pang mga missionary at kung paano sila maaapektuhan. Ang uri ng musikang tinutugtog mo sa instrumento ay dapat na sagrado, marangal, at angkop para sa gawaing misyonero.

3.7

Mga Retrato at mga Video

Ang mga retrato ay makatutulong sa pagbabahagi mo ng iyong karanasan sa misyon sa mga tao sa iyong sariling bayan at maaaring maging mga magandang paalala ng iyong misyon. Kapag kumukuha ng retrato o nagrerekord ng mga video, mag-ingat na hindi mo pahiyain ang sinuman, pati na ang iba pang mga missionary at ang mga taong may problema sa kabuhayan, pakikisalamuha, o may mga pisikal na kapansanan. May mga taong ayaw ipakita at ibahagi sa iyo o sa ibang tao ang retrato, o ayaw nilang maalala ang nakikita nila sa retrato. Humingi ng pahintulot bago kumuha at magbahagi ng mga retrato o video. Sa ilang mission, maaaring hindi kayo pahintulutan na ipakita sa mga tao ang mga retrato ng sinumang tinuturuan ninyo dahil sa mga local privacy law.

Ang pagkuha ng mga retrato ay maaaring labag o ilegal sa ilang kultura at lugar. Kabilang sa ilang halimbawa ang pagkuha ng retrato ng:

  • Ilang gusali ng pamahalaan at militar.

  • Mga security area sa mga airport, passport check, border crossing, consulate, at embassy.

  • Pulis o opisyal ng military.

  • Mga tao, gusali, o aktibidad ng ibang mga relihiyon.

  • Mga sensitibong bagay na may kaugnayan sa kultura, kabilang ang mga taong nakasuot ng kanilang tradisyunal na kasuotan.

  • Mga taong maralita, may karamdaman, o may kapansanan.

Bilang pangkalahatang tuntunin, huwag kunan ng retrato ang mga bagay, lugar, o mga taong nakalista sa itaas. Itanong ang anumang katanungan mo sa iyong mga mission leader.

Ang Simbahan ay mayroon ding partikular na patakaran tungkol sa pagkuha ng mga retrato sa mga meetinghouse:

  • Huwag kumuha ng retrato o magrekord ng video sa mga chapel ng meetinghouse.

  • Huwag retratuhan, ipadala, o irekord ang mga sagradong ordenansa, kabilang ang sakramento at mga binyag at kumpirmasyon.

Panoorin ang video na ito para sa iba pang impormasyon tungkol sa mga tagubilin para sa pagkuha ng mga retrato at video.

5:24

3.8

Paggamit ng Teknolohiya

Ipinahayag ng Panginoon, “Masdan, aking mamadaliin ang aking gawain sa panahon nito” (Doktrina at mga Tipan 88:73). Maaaring gamitin ang teknolohiya sa pagbabahagi ng mga turo ng ebanghelyo ni Jesucristo at dapat gamitin nang tama.

Para sa iba pang impormasyon tingnan ang bahagi 7.5, “Teknolohiya.”

3.9

Pakikipag-ugnayan sa Pamilya, mga Mission Leader, at mga Kaibigan

Ang iyong pamilya, mga mission leader, at kaibigan ay magiging malaking suporta sa iyong misyon. Makipag-ugnayan sa preparation day sa iyong pamilya at sa mga tao sa iba pang mga lugar, kabilang na ang mga miyembro at ang mga naturuan mo. Palakasin sila habang nagbabahagi ka ng mga espirituwal na karanasan at patotoo.

Kapag nakikipag-ugnayan ka sa ibang mga tao (bukod pa sa iyong pamilya), dapat mong ilimita sa email o liham ang iyong pakikipag-ugnayan at hindi sa telepono o video chat, maliban kung inaprubahan iyon ng iyong mission president.

Unahin sa iyong preparation day ang pakikipag-ugnayan sa iyong mga magulang at isunod ang iyong mission president.

Maging matalino sa pagpapasiya kung gaano katagal ka makikipag-usap. Sa paggawa ng mga pasiyang ito, isaalang-alang ang iyong kompanyon at isaisip ang layunin ng iyong paglilingkod bilang missionary.

Maaari mong basahin ang anumang komunikasyon na natanggap mo sa buong isang linggo kapag may angkop na oras na gawin ito. Sasagot ka lamang sa mga mensahe sa iyo sa preparation day maliban kung emergency ito (tingnan sa 3.9.7).

3.9.1

Pamilya

Maaari kang makipag-ugnayan sa iyong pamilya tuwing preparation day sa pamamagitan ng liham, email, text message, online messaging, phone call, at video chat.

Gamitin ang inaprubahang paraan ng pakikipag-ugnayan na pinakaepektibo para sa iyo at sa iyong pamilya at hindi magastos para hindi maubos ang iyong buwanang budget. Ito ay iba-iba depende sa mga kalagayan, lokasyon, at iskedyul.

Kung nakatira ang iyong mga magulang sa magkaibang lugar, maaari mong kontakin nang magkahiwalay ang bawat isa sa iyong mga magulang sa preparation day.

Hinihikayat ka rin na kontakin ang iyong pamilya sa iba pang espesyal na okasyon, gaya ng Pasko, Mother’s Day, Father’s Day, kaarawan ng iyong mga magulang, at iba pang mga pista-opisyal na mahalaga sa iyong bansa o kultura.

Ikaw ang dapat maunang mag-text, mag-online messaging, tumawag, at mag-video chat. Kung kinakailangang kontakin ka ng iyong pamilya, dapat muna nilang kontakin ang mission president.

Kapag kausap ang iyong pamilya sa telepono o video chat, matalinong pagpasiyahan kung gaano katagal ka makikipag-usap. Sa paggawa ng mga pasiyang ito, isaalang-alang ang iyong kompanyon at isaisip ang layunin ng iyong paglilingkod bilang missionary.

3.9.2

Mission President

Sumulat ng liham sa iyong mission president linggu-linggo kapag preparation day. Karaniwan, ipapadala mo sa kanya ang iyong liham gamit ang Missionary Portal.

Ang mission president mo lamang ang magbabasa ng iyong lingguhang liham. Maging tuwiran at tapat upang maunawaan niya ang anumang alalahanin mo at makapagbigay siya ng angkop na payo at feedback. Dapat mong malaman na babasahin niya ngunit hindi masasagot ang bawat liham.

Kung nakatanggap ka ng mahalagang balita mula sa pamilya na kinakailangang agarang bigyan ng pansin, ipaalam ito sa iyong mission president at magpaalam sa kanya bago kontakin ang iyong pamilya sa mga araw maliban sa preparation day o sa mga espesyal na okasyon.

3.9.3

Pakikipag-ugnayan sa mga Tao sa Iyong Mission

Sa pakikipag-ugnayan mo sa mga tao mula sa iba pang area sa inyong mission, tiyaking nakatuon ang iyong komunikasyon sa pagtupad ng iyong layunin bilang missionary. Sundin ang mga pamantayan sa bahagi 3.5.1, “Mga Pangkalahatang Pamantayan para sa Pakikipag-ugnayan sa mga Adult,” at sa Mga Pag-iingat sa Paggamit ng Teknolohiya, at tandaang isama ang iyong kompanyon habang lumalahok ka sa mga pag-uusap na ito.

3.9.4

Mga Package at mga Liham

Maaaring gamitin ng ilang mission ang mission office address sa pagtanggap ng mga liham at mga package at bilang return address mo. Ang gawaing ito ay poprotekta sa iyo at tutulong para hindi manakaw at mawala ang liham dahil sa pag-transfer. Sundin lamang ang lahat ng tagubiling natatanggap mo sa gayong mga sitwasyon.

3.9.5

Mga Karanasan ng Missionary sa mga Tao mula sa Kanyang Sariling Bayan

Maaaring may kilala kang tao sa iyong sariling bayan na ang personal na karanasan ay maaaring makatulong sa isang taong tinuturuan mo sa iyong misyon. Dapat kang humingi ng pahintulot sa iyong mission president para maibahagi ng taong iyon ang kanyang karanasan at patotoo. Kausapin ang tao tungkol sa pinakaepektibong komunikasyon na gagamitin.

Kung may kapamilya ka o mga kaibigan sa inyong lugar na gustong matuto pa tungkol sa ebanghelyo ni Jesucristo, maaari kang pahintulutan ng iyong mission president na turuan sila gamit ang teknolohiya (tingnan sa 7.5.4).

3.9.6

Personal na Pagbisita ng Pamilya at mga Kaibigan

Kadalasan, hindi ka dapat bisitahin ng iyong pamilya at mga kaibigan sa iyong misyon. Gayunman, sa mga natatanging sitwasyon, maaaring payagan ng iyong mission president ang isang eksepsyon. Dapat ay sandali lamang ang mga pagbisitang ito at hindi dapat makagambala sa iyong mga tungkulin bilang missionary. Hindi dapat makaabala ang pagbisita sa iyong kompanyon, iba pang mga missionary, o sa mga tinuturuan ninyo. Mag-ingat na hindi maging dahilan ang pagbisitang ito para mawala ang pokus mo sa iyong paglilingkod o magdulot ng pinansyal na problema sa iyong pamilya.

3.9.7

Mga Emergency

Kung ibinalita ng iyong pamilya na may emergency sa iyong pamilya, ipaalam ito sa iyong mga mission leader para masuportahan ka nila. Kokontakin ng mga mission leader ang iyong pamilya kung mayroong emergency sa inyo.