Mga Hanbuk at Calling
2: Pagiging: Pagtupad ng mga Tipan at Layunin ng Buhay Ko


2

Pagiging: Pagtupad ng mga Tipan at Layunin ng Buhay Ko

Report:Ibahagi (o itala sa iyong journal) ang isang bagay na nagawa mo sa linggong ito para maipakita ang iyong pagkamatapat.

Ano ang Aking Kahihinatnan?

Basahin:Kung sinimulan mo ang Aking Plano sa iyong misyon, alalahanin na bilang returned missionary, mas malaki ngayon kaysa rati ang pagkakataon mong lumikha ng isang masaya at nakasentro sa ebanghelyo na buhay. Sinabi ni Elder Dallin H. Oaks: “Kabaligtaran ng mga institusyon sa daigdig, na nagtuturo sa atin na alamin ang isang bagay, ang ebanghelyo ni Jesucristo ay naghihikayat sa atin na maging natatangi sa isang bagay. … Hindi sapat para sa sinuman na basta gumawa lang. … Ang [mahalaga ay] kung ano ang kinahinatnan natin sa bandang huli [dahil sa ating mga paggawa]” (“Ang Hamon na Magkaroon ng Kahihinatnan,” Ensign, Nob. 2000, 32, 34)

Talakayin:Paano pinalawak ng iyong misyon ang iyong pananaw tungkol sa maaari mong kahinatnan?

Lumikha ng Pananaw: Ano ang Layunin ng Diyos para sa Akin?

Basahin:Itinuro ni Elder Richard G. Scott, “May layunin ang Panginoon para sa inyo, sa bawat isa” (“Learning to Succeed in Life” [Brigham Young University devotional, Set. 15, 1998], speeches.byu.edu). Bilang anak ng Diyos, mayroon kang potensiyal na matanggap ang “lahat ng mayroon ang Ama” (D at T 84:38). Kasama sa mga tanong na kailangan mong sagutin ang “Ano ang gagawin ko sa aking potensyal? Paano ko mauunawaan at maisasakatuparan ang layunin ng Diyos para sa buhay ko?” Una kailangang mayroon ka ng pananaw, at mga mithiin, na susundan ng isang plano.

Pag-isipang mabuti:Ano sa palagay mo ang kaya mong maabot sa espirituwal at temporal?

Larawan
pakikihalubilo

Ang mga Tipan ay Mahalagang Bahagi ng Iyong Misyon at Layunin sa Buhay

Basahin:Ang mga tao ng Diyos ay mga taong gumagawa ng tipan. Kumikilos ang Ama sa atin sa pamamagitan ng ginagawa nating mga tipan sa Kanya. Si Lorenzo Snow, propeta at Pangulo ng Simbahan, ay nagturo: “Naniniwala ako na noong kayo at ako ay nasa [ating premortal] na buhay, gumawa tayo ng ilang tipan sa mga mayroong kontrol, na sa buhay na ito … gagawin natin kung ano ang ginawa natin sa [premortal na] buhay na iyon—alamin ang kalooban ng Diyos at sundin ito” (Teachings of Lorenzo Snow [1984], 118–19).

Itinuro rin ni Elder LeGrand Richards: “Nakatanggap ako ng patriarchal blessing noong walong taong gulang lamang ako. Kabilang sa mga sinabi ang, ‘Hindi nagkataon lamang na naparito ka sa lupa, kundi bilang katuparan ng mga utos ng Makapangyarihang Diyos upang maisakatuparan ang isang dakilang gawain.’ Pagkatapos ay nagpatuloy ito nang detalyado tungkol sa kung ano ang maaari kong gawin. Buong buhay ko noong bata pa ako, dalangin ko na kung hindi nagkataon lang na naparito ako ay tulungan ako ng Panginoon na mamuhay sa paraang hindi ako pagkakaitan ng pribilehiyo na gawin ang isinugo Niyang gawin ko. Hindi ko maisip na may iba pang bagay na magiging mas nakapanghihina ng loob kaysa bumalik pagkatapos ng buhay na ito at sabihin ng Panginoon, ‘LeGrand, ito ang dapat na ginawa mo kaya ka namin ipinadala, kaya lang ayaw mong gawin ito. Bumaba ka sa isang palikong landas, at kinailangan naming magbangon o kumuha ng isang tao na gagawa ng gawain para sa iyo’ (“A Constructive Life,” New Era, Hunyo 1976, 8).

Pag-isipang mabuti:Itanong sa iyong sarili, “Ano ang tunay na tagumpay sa buhay?” Ano ang alam mo ngayon tungkol sa layunin ng iyong buhay?

Basahin:Habang pinagninilayan at ipinagdarasal mo ang iyong misyon dito sa lupa, pagpapalain ka ng Panginoon ng higit na pang-unawa. Biniyayaan ka Niya ng ilang resources, kabilang na ang mga banal na kasulatan at ang iyong patriarchal blessing, para gabayan at tulungan kang maunawaan ang layunin ng iyong buhay.

Paggamit sa Iyong Patriarchal Blessing Bilang Gabay

Basahin:Si Pangulong Thomas S. Monson ay nagbigay ng instruksyon tungkol sa pag-alam sa personal na mga misyon mula sa mga patriarchal blessing: “Ang Panginoon na siyang nagbigay ng Liahona para kay Lehi ay nagbibigay din sa inyo at sa akin ngayon ng isang natatangi at mahalagang kaloob na nagbibigay ng direksyon sa ating buhay, para matukoy ang mga panganib sa ating kaligtasan, at maghanda ng daan, maging ng ligtas na daan—hindi tungo sa isang lupang pangako, kundi sa ating tahanan sa langit. Ang kaloob na tinutukoy ko ay ang inyong patriarchal blessing. Bawat karapat-dapat na miyembro ng Simbahan ay may karapatang tumanggap ng napakahalaga at walang katumbas na personal na kayamanan” (“Your Patriarchal Blessing: A Liahona of Light,” Ensign, Nob. 1986, 65).

Talakayin:Paano ako ginabayan ng aking patriarchal blessing sa aking misyon?

Activity:Upang mas maunawaan ang kalooban ng Panginoon para sa iyo, gumawa ng kopya ng iyong patriarchal blessing. Pagkatapos ay gawin ang sumusunod:

  • Hakbang 1. Bilugan ang lahat ng salita sa iyong patriarchal blessing na naglalarawan sa iyo (halimbawa, “mapagpakumbaba” o “matapat”). Sa iyong journal, ilista ang mga salitang ito sa ilalim ng heading na may pamagat na “Ako ay.”

  • Hakbang 2. Salungguhitan ang lahat ng pariralang naglalarawan ng mga hakbang na gagawin (halimbawa, “buong sigasig na pag-aralan ang mga banal na kasulatan” o “hangarin ang mas mataas na edukasyon”). Sa iyong journal, ilista ang mga kataga sa ilalim ng heading na may pamagat na “Gagawin ko.”

  • Step 3: Tingnan ang isinulat mong listahan. Itanong sa iyong sarili, “Ano ang inihahayag ng aking patriarchal blessing sa akin tungkol sa layunin ng Diyos para sa buhay ko?”

  • Hakbang 4. Magsulat ng deskripsyon ng taong sa palagay mo ay nais ng Ama sa Langit na kahinatnan mo.

Personal na Paghahayag sa Pamamagitan ng Aklat ni Mormon

Basahin:Nagpatotoo si Elder M. Russell Ballard na “ang Aklat ni Mormon, sa lahat ng alam kong aklat, ang pinakamainam na mapagkukunan natin ng mga kasagutan sa mga problema sa tunay na buhay” (“We Add Our Witness,” Ensign, Mar. 1989, 8–9). Binigyang-diin ni Elder David A. Bednar ang kahalagahan ng “pagbabasa, pag-aaral, pagsasaliksik, at pagninilay ng mga banal na kasulatan sa pangkalahatan at lalo na ang Aklat ni Mormon” (“Lehi’s Dream: Holding Fast to the Rod,” Ensign, Okt. 2011, 33). Sa paggamit ng Aklat ni Mormon araw-araw, pagpapalain tayo ng higit na patnubay, layunin, proteksyon, at kapanatagan. Gagabayan tayo ng Panginoon sa mga bagay na kapwa temporal at espirituwal. Sinabi ni Elder Richard G. Scott: “Pinatototohanan ko na ang [Aklat ni Mormon] ay maaaring maging personal na ‘Urim at Tummim’ sa inyong buhay” (“The Power of the Book of Mormon in My Life,” Ensign, Okt. 1984, 65).

Talakayin:Ano ang ibig sabihin ng ang mga banal na kasulatan ay isang Urim at Tummim? Paano nakatulong sa iyong misyon ang Aklat ni Mormon? Paano ito patuloy na magiging gabay habang sumusulong ka?

    Mangakong Gawin:
  • Sa iyong misyon, inanyayahan mo ang iba na basahin ang Aklat ni Mormon at hanapin ang mga sagot. Sa linggong ito, pag-aralan ang Aklat ni Mormon araw-araw, na naghahangad na matuto tungkol sa gawain na isinugo sa iyo ng Ama sa Langit na isakatuparan mo. Isulat ang iyong mga impresyon sa iyong study journal.

  • Pumunta sa templo, o maghanap ng tahimik na lugar, at manalangin para mas maunawaan kung ano ang inihandang gawin mo sa buhay na ito.

  • Ibahagi ang natutuhan mo ngayon sa isa pang returned missionary, young single adult, o sa miyembro ng iyong pamilya.

Print