Lucas 10:38–42
Pagsesentro ng Ating Buhay kay Jesucristo
Nang magturo si Jesus sa tahanan ni Marta, nagkaroon siya ng pagkakataong ituro ang kahalagahan ng pagbibigay-priyoridad sa Kanyang mga turo sa ating buhay. Ang lesson na ito ay makatutulong sa iyo na matukoy ang mga pagpili at aktibidad na tutulong sa iyo na gawing sentro ng iyong buhay si Jesucristo at ang Kanyang ebanghelyo.
Mga Priyoridad
Bawat araw ay gumagawa tayo ng maraming pagpapasiya kung paano gagamitin ang ating oras.
Itinuro ni Pangulong Dallin H. Oaks ng Unang Panguluhan:
Karamihan sa atin ay inaasahang gagawa ng mas maraming bagay kaysa kaya nating gawin. … Nahaharap tayo sa maraming pagpapasiya kung ano ang gagawin natin sa ating panahon at iba pang kabuhayan.
(Dallin H. Oaks, “Maganda, Mas Maganda, Pinakamaganda,” Ensign o Liahona, Nob. 2007, 104)
Isipin kung alin sa mga sumusunod na pahayag ang naglalarawan sa iyo (maaari kang pumili ng mahigit sa isa).
-
Naglalaan ako ng oras para sa mga espirituwal at temporal na aktibidad.
-
Gusto kong sundin ang Tagapagligtas ngunit kadalasan ay masyado akong abala sa iba pang gawain.
-
Ang aking buhay ay nakasentro kay Jesucristo.
-
Hindi ako interesadong maglaan ng oras para mas mapalapit kay Jesucristo.
Sa lesson na ito, malalaman mo ang tungkol sa isang salaysay sa banal na kasulatan na nagtuturo ng kahalagahan ng pagsesentro ng ating buhay kay Jesucristo. Pagtuunan ng pansin ang mga pahiwatig ng Espiritu Santo na makatutulong sa iyo na maunawaan kung paano mo gagawing pinakamataas na priyoridad mo si Jesucristo.
Tinuturuan ng Tagapagligtas sina Maria at Marta
Nang maglakbay ang Tagapagligtas patungong Betania, binisita Niya ang tahanan ng isang babaeng nagngangalang Marta, isang matapat at tapat na disipulo.
Basahin ang Lucas 10:38–42, at pagtuunan ng pansin ang natutuhan mo mula sa halimbawa at mga salita ng Tagapagligtas. Maaaring makatulong na malaman na ang salitang naaabala ay nangangahulugang nag-aalala o nababagabag.
-
Ano ang itinuturo sa iyo ng salaysay na ito tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang mga hangarin para sa atin?
-
Sa paanong paraan naaangkop ang pinili ni Maria sa sitwasyong ito?
Ang isang katotohanang matututuhan natin mula sa salaysay na ito ay dapat bigyan ng pinakamataas na priyoridad sa ating buhay ang mga pagpiling mas naglalapit sa atin kay Jesucristo.
-
Sa iyong palagay, bakit nais ng Ama sa Langit na isentro natin sa ating buhay ang Kanyang Anak na si Jesucristo?
Bagama’t maaaring naglilingkod si Maria sa iba, pinili niyang matuto kay Jesucristo, na pinakamahalagang bagay na magagawa niya noong panahong iyon (tingnan sa Lucas 10:42).
Ipinaliwanag ni Pangulong Dallin H. Oaks kung paano tayo nahaharap sa gayon ding mga pagpili:
Hindi sapat na dahilan ang pagiging maganda ng isang bagay para gawin ito. Ang magagandang bagay na magagawa natin ay higit pa ang dami kaysa libreng oras natin para magawa ang mga ito. May ilang bagay na mas maganda kaysa iba, at ito ang mga bagay na dapat nating unahin sa ating buhay.
(Dallin H. Oaks, “Maganda, Mas Maganda, Pinakamaganda,” Ensign o Liahona, Nob. 2007, 104)
-
Ano ang ilan sa hindi gaanong mahahalagang bagay sa iyong buhay na maaaring maglayo sa iyo kay Jesucristo?
-
Ano ang ilang pagpiling magagawa mo na mas maglalapit sa iyo kay Jesucristo?
-
Ano ang makatutulong sa iyo na gawing pinakamataas na priyoridad mo ang pinakamahahalagang pagpili?
-
Anong mga pagpapala ang naranasan mo dahil sa mga pagsisikap mo na isentro ang iyong buhay kay Jesucristo?
Gumawa ng plano
1. Itala sa iyong study journal ang sumusunod:
Gumawa ng listahan ng iyong mga karaniwang aktibidad sa araw-araw, at alamin kung aling mga aktibidad ang tumutulong sa iyo na mas mapalapit sa Tagapagligtas. Isipin ang anumang bagay na maaari mong idagdag o alisin batay sa natutuhan at nadama mo ngayon. Gumawa ng isang partikular na plano para sa gagawin mo upang mas lubos na maisentro ang iyong buhay sa Tagapagligtas.
Opsiyonal: Gusto Mo Bang May Matutuhan Pa?
Paano tinatangka ni Satanas na hadlangan tayo sa matalinong paggamit natin ng ating oras?
Sinabi ni Pangulong Steven W. Owen, dating Young Men General President:
Sisikapin ng kalaban na paniwalain kayo na hindi ninyo kailangan ng espirituwal na pangangalaga o, mas tuso pa riyan, na makapaghihintay iyon. Siya ang amo ng panggugulo at may-akda ng pagpapaliban. Itutuon niya ang inyong pansin sa mga bagay na tila apurahan ngunit ang totoo ay hindi ito mahalaga. Sisikapin niyang “[bagabagin kayo] tungkol sa maraming bagay” kaya nakakaligtaan ninyo ang “isang bagay na kinakailangan” [Lucas 10:41–42].
(Steven W. Owen, “Manampalataya, Huwag Mawalan ng Pananampalataya,” Ensign o Liahona, Nob. 2019, 13)
Sinabi ni Elder Richard G. Scott (1928–2015) ng Korum ng Labindalawang Apostol:
Napakarami bang [nakamamangha at nakasasabik na bagay na dapat gawin o napakarami bang] hamong kailangang harapin na nahihirapan kayong manatiling nakatuon sa bagay na siyang mahalaga? [Kapag bumabagabag sa isip ang maraming bagay sa mundo], kadalasan ay mga maling bagay ang nabibigyan ng [pinakamataas] na priyoridad. Kung magkagayo’y madaling malimutan ang pinakamahalagang layunin sa buhay. May makapangyarihang sandatang magagamit si Satanas laban sa mabubuting tao. Ito ay ang [panggugulo sa isipan ng tao]. Tutuksuhin [niya ang mabubuting tao na punuin] ang kanilang buhay ng “magagandang bagay” upang mawalan ng paglalagyan [para sa mahahalagang bagay]. Nabihag ba kayo ng patibong na ito nang hindi ninyo napupuna?
(Richard G. Scott, “Unahin ang Mas Mahahalagang Bagay,” Liahona, Hulyo 2001, 7)
Ano ang ilang panganib ng paghatol sa mga pagpili ng iba?
Sinabi ni Pangulong Bonnie D. Parkin, dating General Relief Society President:
Sa paghingi ng tulong ni Marta ay naroon ang di nabigkas ngunit malinaw na paghatol: “Tama ako; mali siya.”
Hinahatulan ba natin ang isa’t isa? Pinipintasan ba natin ang pagpili ng bawat isa, dahil iniisip na mas marunong tayo, ngunit bihira naman nating maunawaan ang kakaibang kalagayan o inspirasyon ng ibang tao? … Ang gayong mga paghatol … ang nag-aalis sa atin ng magaling na bahagi, ang dalisay na pag-ibig ni Cristo.
[Hindi rin natin nakikita ang magandang bahaging iyon kapag ikinumpara] natin ang ating sarili sa iba. Mas maganda ang buhok niya, mas mataba ang binti ko, mas matalino ang mga anak niya, mas mabunga ang hardin niya—mga kapatid, alam n’yo na ang sinasabi ko. Huwag nating gawin ‘yon. Huwag isiping may pagkukulang tayo dahil sa mga katangian ng iba sa halip [magtuon sa] kung sino tayo!
(Bonnie D. Parkin, “Piliing Ibigin ang Kapwa: Ang Magaling na Bahaging Iyon,” Ensign o Liahona, Nob. 2003, 105)
Paano ako makapipili sa dalawang pagpipilian na hindi talaga masama?
Sinabi ni Pangulong Dallin H. Oaks ng Unang Panguluhan:
Habang iniisip natin ang iba’t ibang pagpipilian, dapat nating tandaan na hindi sapat na maganda ang isang bagay. Ang ibang mga pagpipilian ay mas maganda, at may iba pang pinakamaganda. …
Pag-isipan kung paano natin ginagamit ang ating oras sa pagpili ng panonoorin sa telebisyon, lalaruing mga video game, hahanapin sa Internet, o babasahing mga aklat o magasin. Siyempre pa magandang panoorin ang makabuluhang palabas o makakuha ng nakawiwiling impormasyon. Ngunit hindi lahat ng ganitong uri ng bagay ay nararapat pag-ukulan ng ating panahon para makamtan. May ilang bagay na mas maganda, at may ibang pinakamaganda. …
… Dapat nating talikuran ang ilang magagandang bagay para mapili ang iba pang mas maganda o pinakamaganda dahil ang mga ito ay nagpapalakas sa pananampalataya sa Panginoong Jesucristo at nagpapatatag sa ating mga pamilya.
(Dallin H. Oaks, “Maganda, Mas Maganda, Pinakamaganda,” Ensign o Liahona, Nob. 2007, 104–5, 107)