Marcos 5:21–24, 35–43
Pinagaling ni Jesucristo ang Anak na Babae ni Jairo
Binuhay ni Jesus ang anak na babae ni Jairo. Ang layunin ng lesson na ito ay tulungan kang manampalataya at maniwala kay Cristo sa panahon ng takot at kawalang-katiyakan.
Pananampalataya kay Jesucristo
Sa lesson ngayon, pag-aaralan mo pa ang tungkol sa pananampalataya kay Jesucristo kahit na sa panahon ng kawalang-katiyakan at takot. Isipin ang anumang sitwasyon na maaaring nagdudulot ng kawalang-katiyakan o takot sa sarili mong buhay. Maglista ng isa o dalawa sa mga ito sa iyong study journal.
-
Gaano kalakas ang iyong pananampalataya sa mga sitwasyong ito? Isulat ang mga saloobin mo sa isa hanggang dalawang pangungusap.
Habang pinag-aaralan mo ang lesson na ito, pakinggan ang mga pahiwatig mula sa Espiritu na makahihikayat sa iyo na lalo pang manampalataya kay Jesucristo sa panahon ng kawalang-katiyakan o takot.
Sa Marcos 5, isang pinunong Judio sa sinagoga na nagngangalang Jairo ang naharap sa panahon ng matinding kawalang-katiyakan at takot.
Basahin ang Marcos 5:22–24, at alamin ang naranasan ni Jairo.
-
Sa iyong palagay, bakit hinanap ni Jairo ang Tagapagligtas?
Habang papunta sila sa bahay ni Jairo, isang babaeng dinudugo ang humipo sa damit ng Tagapagligtas at gumaling. Tumigil si Jesus upang kausapin at damayan ang babaeng ito (tingnan sa Marcos 5:25–34).
-
Ano sa palagay mo ang mga naisip at nadama ni Jairo habang minamasdan niya ang Tagapagligtas na kinakausap ang babaeng ito?
Basahin ang Marcos 5:35–36, at alamin ang sumunod na nangyari.
1. Sagutin ang mga sumusunod na tanong sa iyong study journal:
-
Ano ang piniling gawin ni Jairo nang sabihin sa kanya na patay na ang kanyang anak?
-
Sa iyong palagay, paano nakatulong kay Jairo ang mga salita ng Tagapagligtas sa talata 36 upang maharap niya ang kanyang nadaramang takot?
-
Ano ang nalalaman mo tungkol kay Jesucristo na makatutulong sa iyo na maniwala sa Kanya, kahit sa panahong nakadarama ka ng takot?
Tapusin ang natitirang bahagi ng salaysay sa pamamagitan ng pagbabasa ng Marcos 5:37–43, at alamin ang himalang nasaksihan ni Jairo dahil pinili niyang manampalataya.
-
Sa paanong mga paraan mapapalakas ng salaysay na ito ang iyong pananampalataya kay Jesucristo?
Pinapayuhan tayo ng Panginoon na huwag matakot
Sa buong banal na kasulatan, pinayuhan tayo ng Panginoon na “huwag kang matakot, manampalataya ka lamang” (Marcos 5:36). Saliksikin ang mga banal na kasulatan o mensahe sa pangkalahatang kumperensya para sa mga banal na kasulatan o sipi na nagpapayo sa atin na huwag matakot. Maaari mong i-link o i-cross-reference ang mga talatang ito at ang mga mensahe sa kumperensya sa Marcos 5:36.
-
Sa iyong palagay, bakit madalas tayong payuhan ng Panginoon na huwag matakot?
-
Paano ka napagpala sa pagsunod sa paanyaya ng Panginoon na “huwag kang matakot, manampalataya ka lamang”?
2. Sagutin ang mga sumusunod na tanong sa iyong study journal:
-
Ano ang ilang sitwasyon sa buhay mo kung saan maaaring sabihin sa iyo ng Panginoon na, “Huwag kang matakot, manampalataya ka lamang”?
-
Ano ang mga maaari mong gawin upang sundin ang paanyaya ng Tagapagligtas na “huwag kang matakot, manampalataya ka lamang”? Paano makatutulong sa iyo ang mga gagawin mong iyon upang maharap ang iyong mga takot?
3. Gawin ang mga sumusunod:
Gumawa ng isang larawan na may pariralang “Huwag kang matakot, manampalataya ka lamang.” Maaari mo ring isama ang iba pang parirala mula sa mga banal na kasulatan o sipi na nakita mo. Ilagay ang larawang ito sa isang lugar kung saan makatutulong ito sa iyo na maalala na manampalataya kay Jesucristo at huwag matakot.
Opsiyonal: Gusto Mo Bang May Matutuhan Pa?
Ano ang pananampalataya kay Jesucristo?
Ang sumusunod na sipi mula sa Mga Paksa ng Ebanghelyo ay nagtuturo tungkol sa pananampalataya kay Jesucristo:
Ibig sabihin ng pagkakaroon ng pananampalataya kay Jesucristo ay lubos na pag-asa sa Kanya—pagtitiwala sa Kanyang walang-hanggang kapangyarihan, katalinuhan, at pagmamahal. Kasama rito ang paniniwala sa Kanyang mga turo. Ibig sabihin nito ay pananalig na kahit hindi natin nauunawaan ang lahat ng bagay, nauunawaan Niya ang mga iyon. Dahil naranasan Niya ang lahat ng ating pasakit, paghihirap, at sakit, alam Niya kung paano tayo tutulungan na makayanan ang ating mga problema sa araw-araw.
(Mga Paksa ng Ebanghelyo, “Pananampalataya kay Jesucristo,” topics.ChurchofJesusChrist.org)
Ano ang makatutulong sa atin na manampalataya at huwag matakot?
Itinuro ni Elder Neil L. Andersen ng Korum ng Labindalawang Apostol:
Sinabi ni Jesus sa pinuno ng sinagoga, “Huwag kang matakot, manampalataya ka lamang.” [Marcos 5:36]. Ang pagkadisipulo ay paniniwala sa Kanya sa mga panahon ng kapayapaan at sa mga panahon ng kahirapan, sa panahong ang ating pasakit at takot ay pinapayapa lamang ng paniniwala na mahal Niya tayo at tinutupad ang Kanyang mga pangako.
(Neil L. Andersen, “Ano ang Iniisip ni Cristo Tungkol sa Akin?,” Ensign o Liahona, Mayo 2012, 113)
Mga hamon, paghihirap, pagtatanong, pagdududa—[ang mga] ito ay bahagi ng buhay natin sa lupa. Ngunit di tayo nag-iisa. Bilang mga disipulo ng Panginoong Jesucristo, mayroon tayong mapagkukunang napakalaking espirituwal na [imbakan ng] liwanag at katotohanan. Hindi maaaring magsabay ang takot at pananampalataya sa ating puso. Sa panahong nahihirapan tayo, pinipili natin ang landas ng pananampalataya. Sabi ni Jesus, “Huwag kang matakot, manampalataya ka lamang” [Marcos 5:36].
(Neil L. Andersen, “Sapat na ang Alam Ninyo,” Ensign o Liahona, Nob. 2008, 14)
Sa anong mga paraan tayo mapapagaling ng Panginoon?
Itinuro ni Pangulong Dallin H. Oaks ng Unang Panguluhan:
Ang mga nagpapagaling na basbas ay dumarating sa maraming paraan, ang bawat isa ay akma sa ating mga indibiduwal na pangangailangan, na batid Niya na lubos na nagmamahal sa atin. Kung minsan, ang “pagpapagaling” ay nakagagamot sa ating sakit o nakapagpapagaan sa ating pasanin. Ngunit kung minsan, “gumagaling” tayo sa pamamagitan ng lakas o pang-unawa o tiyaga na ibinibigay sa atin para makayanan ang mga pasaning ipinataw sa atin.
(Dallin H. Oaks, “Pinapagaling Niya ang Nangabibigatang Lubha,” Ensign o Liahona, Nob. 2006, 7–8)