“Tulungan ang mga mag-aaral na patibayin ang kanilang ugnayan sa Ama sa Langit at kay Jesucristo,” Mga Kasanayan para sa Pag-unlad ng Guro: Magtuon kay Jesucristo (2023)
“Tulungan ang mga mag-aaral na patibayin ang kanilang ugnayan sa Ama sa Langit at kay Jesucristo,” Mga Kasanayan para sa Pag-unlad ng Guro: Magtuon kay Jesucristo
Magtuon kay Jesucristo: Tulungan ang mga Mag-aaral na Lumapit kay Jesucristo
Tulungan ang mga mag-aaral na patibayin ang kanilang ugnayan sa Ama sa Langit at kay Jesucristo.
Kasanayan
Mga pahayag na nakatutulong sa mga estudyante na malaman at madama ang pagmamahal ng Ama sa Langit at ni Jesucristo.
Ipaliwanag
Sa bawat lesson, maraming pagkakataon para matulungan ang mga mag-aaral na patibayin ang kanilang ugnayan sa Ama sa Langit at kay Jesucristo. Ilan sa pinakamagagandang pagkakataon ang kusang darating matapos maibahagi ng mga estudyante ang kanilang mga ideya o damdamin. Sa sandaling iyon, ang mga guro ay makagagawa ng mga pahayag na nakatuon sa pagmamahal at mga katangian ng Ama sa Langit at ni Jesucristo.
Ang ganitong mga uri ng mga pahayag ay tutulong sa mga mag-aaral na maunawaan kung ano ang nadarama ng Ama sa Langit at ni Jesucristo tungkol sa kanila, kung ano ang nadarama nila tungkol sa Ama sa Langit at kay Jesucristo, o ang dalawang ito. Sa pahayag maaari mong markahan, patotohanan, o iugnay ang ibinahagi ng estudyante sa isang katangian o katotohanan tungkol sa pagmamahal, katangian, at damdamin ng Diyos para sa Kanyang mga anak. Ang mga pahayag na ito ay lumilikha ng mga karagdagang oportunidad para mapatotohanan ng Espiritu Santo sa mga estudyante ang kanilang kahalagahan sa kanilang Ama sa Langit at sa Kanyang Anak.
Mga Ipapakita
-
Ibinahagi ni Maggie na nakatanggap siya ng sagot sa kanyang panalangin. Pagkatapos ay sinundan ito ng guro ng pahayag na, “Ang karanasang iyan ay katibayan na kilala ka ng Ama sa Langit.”
-
Ibinahagi ni Jade na nadama niyang pinagsabihan siya ng Espiritu sa kumperensya dahil hindi niya gaanong binabasa ang kanyang mga banal na kasulatan. Pagkatapos ay sumagot ang guro, “Salamat sa pagpapaalala sa ating lahat na nais Niyang maging bahagi Siya ng ating buhay.”
-
Ibinahagi ni Hae Soo ang isang ideyang naisip niya habang nagbabasa ng kanyang mga banal na kasulatan. Sagot ng guro, “Itinuro sa amin ng mga sinabi mo kung gaano lubos na mabait at magiliw ang Diyos.”
-
Ipinahayag ni Brigham kung gaano siya nalungkot dahil wala siyang sapat na oras para basahin ang kanyang mga banal na kasulatan. Pagkatapos ay sumagot ang guro, “Masasabi namin kung gaano mo Siya kamahal dahil sa hangarin mong sumunod sa Kanya.”
-
Ibinahagi ni Adaline ang kanyang nadarama matapos basahin ang Doktrina at mga Tipan 18:10. Pagkatapos ay sinabi ng guro, “Alam ko rin na ang iyong kaluluwa ay napakahalaga sa Kanya.”
Magpraktis
Gumawa ng isang pahayag na makatutulong sa bawat estudyante na madama ang pagmamahal ng Ama sa Langit at ni Jesucristo.
-
Ibinahagi ni Brooklyn na isa sa mga paborito niyang linya mula sa “Buhay ang Aking Manunubos” ay “Luha ko’t pangamba, sa t’wina’y pinapawi N’ya.”
-
Ibinahagi ni Thomas na bago magdiborsyo ang kanyang mga magulang, madalas na may pagtatalo sa loob ng kanilang tahanan. Kapag nagdarasal siya, iyon lamang ang pagkakataon na makadarama siya ng kapayapaan at kapanatagan.
-
Matapos basahin ang tungkol sa paghati ng Dagat na Pula, sinabi ni Priscilla, “Palagay ko kamangha-mangha na ginawa iyon ng Diyos para kay Moises at sa mga Anak ni Israel.”
Talakayin o Pagnilayan
-
Ano ang kahalagahan ng paggawa ng mga pahayag na makatutulong sa mga mag-aaral na madama ang pagmamahal ng Ama sa Langit at ni Jesucristo?
-
Bakit nais ng Ama sa Langit na gawin natin ang ganitong mga uri ng mga pahayag bilang bahagi ng karanasan sa pagkatuto?
Isama
-
Maglaan ng 5 minuto pagkatapos ng bawat klase na tinuturuan mo sa susunod na linggo at magsulat ng mga pahayag na maaari mong sabihin batay sa ibinahagi ng mga estudyante. Para sa susunod na linggo, subukang gumawa ng gayon ding mga pahayag sa oras ng lesson.
Gusto Mo Bang May Matutuhan Pa?
-
“Magtuon kay Jesucristo,” Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas (2022), 5–9
-
Chad H Webb, “Above All Things” (Seminaries and Institutes of Religion annual training broadcast, Hunyo 12, 2019), broadcasts.ChurchofJesusChrist.org.
Kasanayan
Magtanong ng mga bagay na tutulong sa mga estudyante na makahanap ng mga halimbawa ng pagmamahal ng Ama sa Langit sa scripture passage.
Ipaliwanag
Sa pangkalahatang kumperensya noong Oktubre 2021, sinabi ni Elder D. Todd Christofferson, “Malalim at sakdal ang pagmamahal sa atin ng ating Ama sa Langit. … Taglay Niya ang dalisay na pag-ibig ng isang Ama—para sa lahat ngunit nadarama ng bawat isa” (“Ang Pagmamahal ng Diyos,” Liahona, Nob. 2021, 16). Ang isang paraan para matulungan ang mga estudyante na makilala at madama ang pagmamahal ng Ama sa Langit ay anyayahan sila na maghanap ng mga halimbawa nito sa mga scripture passage na pinag-aaralan. Magagawa mo ito sa pamamagitan ng pagtatanong ng tulad ng mga sumusunod bago o pagkatapos basahin ang isang scripture passage sa klase.
-
Anong mga halimbawa ng pagmamahal ng Ama sa Langit ang nakikita ninyo sa mga talatang ito?
-
Paano napagpala [ang taong ito] ng pagmamahal ng Ama sa Langit?
-
Ano ang itinuturo sa inyo ng kuwento o pangyayaring ito tungkol sa pagmamahal ng Ama sa Langit sa Kanyang mga anak?
Ang maipatukoy sa mga estudyante ang mga halimbawa ng pagmamahal ng Ama sa Langit sa ganitong paraan ay makatutulong sa kanila na mas mahiwatigan ang Kanyang pagmamahal sa kanilang buhay, mas malalim na madama ang Kanyang personal at perpektong pagmamahal sa kanila, at mapalakas ang kanilang tiwala sa pagbaling sa Kanya sa mga panahon ng pagsubok.
Ang mga ipinakita at mga praktis sa ibaba ay pangkalahatang mga halimbawa. Ang training ay magiging mas epektibo kung ang mga ipinakita at mga praktis ay nauugnay sa susunod na mga lesson na tatalakayin sa kurikulum.
Ipakita
-
Matapos talakayin ang Doktrina at mga Tipan 19:16–19, kung saan inilarawan ng Tagapagligtas ang Kanyang pagdurusa nang isagawa Niya ang Pagbabayad-sala, itinanong ni Sister Abara sa kanyang mga estudyante, “Dahil nalaman natin na tinulutan ng Ama sa Langit na magdusa ang Kanyang Anak para sa atin, ano ang natutuhan ninyo tungkol sa Kanyang pagmamahal para sa lahat ng Kanyang anak?”
Mag-klik dito upang mapanood ang video tungkol dito.
Magpraktis
Para sa bawat isa sa sumusunod, sumulat ng maitatanong mo sa iyong mga estudyante na tutulong sa kanila na matukoy ang mga halimbawa ng pagmamahal ng Ama sa Langit sa scripture passage na iyon:
-
Exodo 20:3–17 (Ang Sampung Utos)
-
Isang scripture passage o ibang bahagi sa susunod na lesson mo
Talakayin o Pagnilayan
-
Ano sa palagay mo ang mararamdaman o mauunawaan ng iyong mga estudyante pagkatapos mong itanong sa kanila ang mga tanong na isinulat mo?
Isama
-
Para sa bawat lesson na inihahanda mo sa darating na linggo, tumukoy ng isang resource kung saan maaari mong itanong sa mga estudyante ang isang bagay na tutulong sa kanila na makahanap ng mga halimbawa ng pagmamahal ng Ama sa Langit. Sumulat ng tanong na tutulong sa kanila na gawin ito.
-
Alin sa susunod mong mga lesson ang sa palagay mo ay magbibigay ng napakagandang pagkakataon para tulungan ang iyong mga estudyante na makahanap ng mga halimbawa ng pagmamahal ng Ama sa Langit?
Gusto Mo Bang May Matutuhan Pa?
-
D. Todd Christofferson, “Ang Pagmamahal ng Diyos,” Liahona, Nob. 2021, 16–18
-
“Tulungan ang mga Mag-aaral na Patibayin ang Kanilang Ugnayan sa Ama sa Langit at kay Jesucristo,” sa “Tulungan ang mga Mag-aaral na Lumapit kay Jesucristo,” Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas (2022), Gospel Library