Mga Kasanayan para sa Pag-unlad ng Guro
Bigyang-diin ang halimbawa ni Jesucristo.


“Bigyang-diin ang halimbawa ni Jesucristo,” Mga Kasanayan para sa Pag-unlad ng Guro: Magtuon kay Jesucristo (2022)

“Bigyang-diin ang halimbawa ni Jesucristo,” Mga Kasanayan para sa Pag-unlad ng Guro: Magtuon kay Jesucristo

Magtuon kay Jesucristo: Magturo tungkol kay Jesucristo Anuman ang Itinuturo Mo

Bigyang-diin ang halimbawa ni Jesucristo.

Kasanayan

Tulungan ang mga estudyante na maiugnay ang natututuhan nila sa kung paano ipinapakita ni Cristo ang alituntunin.

Ipaliwanag

Ang pagtulong sa mga estudyante na ilagay si Jesucristo sa sentro ng kanilang pag-aaral ay tutulong sa kanila na magkaroon ng mas personal at mabisang karanasan sa pagkatuto. Ang isang paraan na magagawa natin ito ay sa pagtulong sa mga estudyante na maiugnay ang natututuhan nila sa buhay at halimbawa ni Jesucristo. Magagawa mo ito sa pamamagitan ng paggamit ng mga tanong sa kabuuan ng lesson. Ang mga tanong na ito ay tumutulong sa mga estudyante na maiugnay ang buhay at halimbawa ni Jesucristo sa

  • mga detalye ng isang kuwento sa banal na kasulatan,

  • mga alituntunin sa mga banal na kasulatan, at

  • mga karanasan sa sarili nilang buhay.

Ang mga ipinakita at mga praktis sa ibaba ay pangkalahatang mga halimbawa. Ang training ay magiging mas epektibo kung ang mga ipinakita at mga praktis ay nauugnay sa susunod na mga lesson na tatalakayin sa kurikulum.

Ipakita

Narito ang ilang halimbawa kung paano mo matutulungan ang mga estudyante na maiugnay ang kanilang sarili sa buhay at halimbawa ni Jesucristo:

  • Matapos basahin ang isang kuwento sa banal na kasulatan at talakayin ang mga detalye nito, maaari mong itanong, “Ano sa kuwentong ito ang nagpapaalala sa inyo tungkol sa buhay at halimbawa ni Jesucristo?”

  • Matapos matukoy ang isang alituntunin, maaari mong itanong, “Saan ipinakita ni Jesus sa mga banal na kasulatan ang alituntuning ito?”

  • Matapos suriin ang isang alituntunin, maaari mong itanong, “Kailan ninyo nakitang ipinakita ni Jesus ang alituntuning ito sa inyong buhay o para sa inyo?”

  • Kapag tinatalakay ang pagsasabuhay ng isang alituntunin, maaari mong itanong, “Ano mula sa halimbawa ni Jesus ang nakatutulong sa inyo na ipamuhay nang mas lubusan ang alituntuning ito?”

  • Maaari mo ring itanong, “Paano makatutulong sa inyo ang pamumuhay ng alituntuning ito para matularan ninyo ang halimbawa ni Jesucristo at maging higit na katulad Niya?”

Mag-klik dito upang mapanood ang video tungkol dito.

3:40

Magpraktis

Gamitin ang isa o mahigit pa sa mga sumusunod upang mapahusay ang kakayahan mong tulungan ang mga estudyante na umugnay sa buhay at halimbawa ni Jesucristo:

  • Isipin ang alituntunin: “Kung tayo ay masunurin, sa kabila ng mga pagsubok, tutulungan tayo ng Diyos.” Sa iyong paghahanda, praktisin ang pag-uugnay ng alituntuning ito sa isa o dalawang halimbawa mula sa buhay ni Jesus sa mga banal na kasulatan.

  • Tingnan ang susunod na lesson plan. Pumili ng isang alituntunin na plano mong tulungan ang mga estudyante na tukuyin. Magpraktis sa pagsulat ng dalawa o tatlong simpleng tanong para matulungan ang mga estudyante na maiugnay ang alituntuning iyon sa halimbawa ni Jesucristo.

  • Humanap ng pagkakataon sa susunod na lesson plan kung kailan ka magtutuon sa pagsasabuhay ng alituntunin. Magpraktis sa pagsulat ng dalawa o tatlong paanyaya na tutulong sa mga estudyante na pag-isipan kung paano makatutulong sa kanila ang halimbawa ni Jesucristo upang maipamuhay nila ang isang alituntunin.

Talakayin o Pagnilayan

Pagnilayan ang natutuhan mo mula sa karanasang ito. Marahil ay maaari mong isulat ang ilan sa mga ideyang ito sa isang study journal. Pag-isipan ang mga sumusunod na tanong:

  • Ano ang nagawa ko na noon para maiugnay ang natututuhan ng mga estudyante sa mga banal na kasulatan sa buhay at halimbawa ni Jesucristo?

  • Ano ang natutuhan ko mula sa karanasang ito na maaaring magpabuti sa kakayahan kong tulungan ang mga estudyante na maiugnay ang mga ito kay Jesucristo?

  • Ano ang gagawin ko para patuloy na humusay?

Isama

  • Gawin ang nagawa mo na dati upang matulungan ang mga estudyante na maiugnay ang natututuhan nila kay Jesucristo at mabigyang-diin ang Kanyang halimbawa. Sa susunod na linggo, pumili ng isang alituntunin sa bawat lesson na gagamitin mo para matulungan ang mga estudyante na maiugnay ang natututuhan nila kay Jesucristo at sa Kanyang halimbawa.

Gusto Mo Bang May Matutuhan Pa?

  • Neil L. Andersen, “Nangungusap Tayo tungkol kay Cristo,” Liahona, Nob. 2020, 88–91

  • Section 3.1, “Unit 3: Teach the One,” Inservice Leaders’ Resources

Kasanayan

Gumamit ng mga larawan at video ni Jesucristo upang ilarawan ang isang alituntunin ng ebanghelyo.

video packet at ipad

Ipaliwanag

Ang isang paraan para bigyang-diin ang halimbawa ni Jesucristo ay sa pamamagitan ng media. Halimbawa, matapos matukoy ang isang alituntunin ng ebanghelyo, maaaring anyayahan ng guro ang mga estudyante na gamitin ang Videos and Images collection ng Gospel Library at maghanap ng video o larawan na nagpapakita kung paano naging halimbawa si Jesucristo ng alituntuning iyon. Kasama sa paanyaya kung saan maghahanap (Gospel Library, sa silid-aralan, Google, at iba pa), at kung ano ang hahanapin (larawan o video kung paano ipinakita ni Jesucristo ang alituntunin). Ang mga paanyayang ito ay makatutulong sa mga estudyante na magtuon kay Jesucristo at magbigay ng mga pagkakataon para sa Espiritu Santo na magpatotoo tungkol sa Kanya.

Ang mga ipinakita at mga praktis sa ibaba ay pangkalahatang mga halimbawa. Ang training ay magiging mas epektibo kung ang mga ipinakita at mga praktis ay nauugnay sa susunod na mga lesson na tatalakayin sa kurikulum.

Ipakita

  • Sa isang lesson na nauugnay sa Eter 12:27, natukoy ang alituntunin ng pagpapakumbaba. Ibinigay ni Sister Gomez ang sumusunod na paanyaya: “Sa Gospel Library sa ilalim ng Videos and Images, makakahanap ba kayo ng isang larawan na nagpapakita kung paano ipinapakita ni Jesucristo ang pagpapakumbaba?”

  • Nang magtuon sa biyaya ni Jesucristo, itinanong ni Brother Santos: “Makakahanap ba kayo ng isang larawan ni Jesucristo sa inyong mga telepono na nagpapakita ng Kanyang biyaya tulad ng tinalakay natin ngayon?”

Mag-klik dito upang mapanood ang video tungkol dito.

1:2

Magpraktis

Magsulat ng isang paanyaya para sa mga estudyante na maghanap ng larawan o video ni Jesucristo na nagpapakita ng mga sumusunod na alituntunin:

  • Kung palagi tayong mananalangin, ilalaan ng Diyos ang ating pagganap para sa kapakanan ng ating mga kaluluwa.

  • Si Jesucristo ay napuspos ng pagkahabag sa akin.

  • Isang sandali sa susunod mong lesson kung saan maaari mong ipahanap sa mga estudyante ang isang larawan o video kung paano ipinakita ni Jesucristo ang alituntunin.

Talakayin at Pagnilayan

  • Ano ang natututuhan mo habang isinasagawa mo ang kasanayang ito?

  • Ano ang mga idudulot na kapakinabangan ng pagpapahanap sa mga estudyante ng isang larawan o video ni Jesucristo na nagpapakita ng alituntunin?

Isama

  • Paano mo patuloy na mailalakip ang kasanayang ito sa mga lesson plan sa hinaharap?

Gusto Mo Bang May Matutuhan Pa?

  • 1 Nephi 11:7–33 (para matulungan siyang maunawaan ang misyon ng Tagapagligtas, ipinakita kay Nephi ang mga tagpo sa buhay ng Tagapagligtas)