“Banggitin ang kanilang pangalan kapag ipinagdarasal sila,” Mga Kasanayan para sa Pag-unlad ng Guro: Mahalin ang mga Tinuturuan Mo (2023)
“Banggitin ang kanilang pangalan kapag ipinagdarasal sila,” Mga Kasanayan para sa Pag-unlad ng Guro: Mahalin ang mga Tinuturuan Mo
Mga Alituntunin ng Pagtuturo na Tulad ng kay Cristo: Mahalin ang mga Tinuturuan Mo
Banggitin ang kanilang pangalan kapag ipinagdarasal sila.
Kasanayan
Manalangin at magtanong kung paano mo matutulungan ang iyong mga estudyante at sundin ang mga pahiwatig mula sa Espiritu Santo.
Ipaliwanag
Ang palagiang pagdarasal para sa iyong mga estudyante ay makatutulong sa iyo na mas madama ang pagmamahal ng Diyos para sa kanila at madagdagan ang iyong hangaring maglaan ng ligtas at nakagaganyak na lugar kung saan sila maaaring matuto. Maaari din itong magtulot sa Ama sa Langit na tulungan kang mas maunawaan ang kanilang mga kalagayan at pangangailangan. Bagama’t hindi natin mapipilit ang mga espirituwal na bagay o sagot sa mga panalangin, ang pagdarasal para sa ating mga estudyante ay nag-aanyaya sa patnubay ng Espiritu Santo at makadaragdag sa kakayahan nating tulungan sila. Ang pagkilos ayon sa inspirasyong natatanggap mo ay makatutulong sa iyo na mapaganda ang pag-aaral ng bawat estudyante. Ang isang paraan na mapag-iibayo ng mga guro ang pagmamahal sa kanilang mga estudyante ay sa pamamagitan ng pag-iisip kung ano ang nalalaman na nila tungkol sa isang estudyante at pagkatapos ay mapanalanging pagninilay at pagtatanong kung paano sila makapagpapakita ng higit na pagmamahal sa estudyanteng iyon. Habang nagdarasal sila na nasasaisip ang mga bagay na ito, dapat sikapin ng mga guro na tukuyin ang mga pahiwatig at kumilos ayon sa mga pahiwatig ng Espiritu.
Ipakita
Ang sumusunod ay ilang halimbawa kung paano ka maaaring manalangin at magtanong kung paano mo matutulungan ang isang estudyante at masusunod ang mga pahiwatig ng Espiritu Santo:
-
Napansin mo na hindi na masyadong nakikibahagi sa klase si John. Tinatanong mo sa Ama sa Langit kung paano mo siya pinakamainam na matutulungan. Nadama mo na dapat mo siyang kausapin sa pagpasok niya sa klase. Nadama mo na dapat mo siyang tanungin pa tungkol sa kanyang mga kasalukuyang interes sa halip na tanungin lang siya kung bakit hindi siya gaanong nakikilahok. Nagplano kang kausapin siya bago magklase bukas.
-
Regular na nagbabahagi si Maria ng kanyang mga ideya at patotoo nitong mga nakaraang linggo. Bago ang susunod na klase, itinatanong mo sa Ama sa Langit kung paano mo siya matutulungang patuloy na sumulong. Naisip mo na isama siya sa ilan sa kanyang mga kaklase na hindi madalas magbahagi o nahihirapang ibahagi nang hayagan ang nadarama nila. Sa iyong lesson planning para bukas, nagdagdag ka ng pagkakataong magbahagi ang magkakaklase.
Mag-klik dito upang mapanood ang video tungkol dito.
Mahalin ang mga Tinuturuan Mo—Pagdarasal para sa mga Estudyante
Magpraktis
Gamitin ang isa o mahigit pa sa mga sumusunod upang mapahusay ang kakayahan mong manalangin para sa mga estudyante at kumilos ayon sa natatanggap na mga pahiwatig:
-
Pumili ng isang estudyante na sa palagay mo ay walang malapit na kaibigan sa klase. Ipagdasal kung paano siya pinakamainam na matutulungan. Gumawa ng plano na kumilos ayon sa mga pahiwatig na matatanggap mo.
-
Pumili ng isang estudyante na maraming ibinabahagi sa klase. Ipagdasal siya at kung paano patuloy na mapagbubuti ang pag-aaral ng estudyanteng iyon. Kumilos ayon sa mga impresyon na matatanggap mo.
-
Pumili ng isang estudyanteng hindi mo nakikita sa klase kamakailan. Ipagdasal siya, at itanong sa Panginoon kung paano pinakamainam na makakausap ang estudyanteng ito at matutulungan siya na madama na minamahal at kailangan sila. Magplano batay sa mga impresyong matatanggap mo, magpasiya kung kailan mo isasagawa ang plano, at gawin ito.
Talakayin o Pagnilayan
Pagnilayan ang natutuhan mo mula sa karanasang ito. Marahil ay maaari mong isulat ang ilan sa mga ideyang ito sa isang study journal. Pag-isipan ang mga sumusunod na tanong:
-
Anong mga pagsisikap ang nagawa ko na noon para ipagdasal ang aking mga estudyante?
-
Ano ang natutuhan ko sa prosesong ito na maaaring magpabuti sa kakayahan kong manalangin para sa aking mga estudyante at tulungan silang pagbutihin pa ang kanilang karanasan sa pag-aaral?
-
Ano ang gagawin ko para patuloy na humusay?
Isama
Gumawa ng plano na magdasal at magtanong kung paano mo matutulungan ang iyong mga estudyante at masusunod ang mga pahiwatig mula sa Espiritu Santo. Maaari mong isaalang-alang ang sumusunod na iminungkahing mga hakbang habang gumagawa ka ng plano sa pagkilos:
-
Pumili at magtuon ng pansin sa isa sa mga papraktisin sa itaas.
-
Planuhin kung paano mo ito isasama o gagawin.
-
Mag-iskedyul ng oras para isama o gawin ito.
-
Hilingin sa Ama sa Langit na tulungan ka.
Gusto Mo Bang May Matutuhan Pa?
-
Neil L. Andersen, “A Classroom of Faith, Hope, and Charity” (evening with a General Authority, Peb. 28, 2014), broadcasts.ChurchofJesusChrist.org
-
Chad H Webb, “Above All Things” (Seminaries and Institutes of Religion annual training broadcast, Hunyo 12, 2019), broadcasts.ChurchofJesusChrist.org
-
“Love Those You Teach,” Teaching in the Savior’s Way (2016), 6
Kasanayan
Anyayahan ang mga estudyante na ipagdasal ang iba pang mga estudyante.
Ipaliwanag
Ang mga pagkakataong manalangin sa Ama sa Langit para sa ibang tao ay pagkilos nang may pananampalataya na tumatawag sa mga kapangyarihan ng langit, bumubuo ng mas matibay na pagkakaibigan, at nagpapalakas sa bigkis ng pagmamahal sa mga estudyante at guro. Maaaring anyayahan ng guro ang mga estudyante na alalahanin ang kanilang mga kaklase sa kanilang personal na mga panalangin at sa pambungad o pangwakas na panalangin ng klase. Sa ilang pagkakataon, isasama sa paanyaya ang mga partikular na detalye tungkol sa taong ipagdarasal. Sa iba pang mga pagkakataon, sapat na ang simpleng pagsasabi ng kanilang pangalan sa panalangin. Ang mga paanyaya ay maaaring ibigay bilang mga paalala bago magsimula ang klase, bigyang-diin sa mga angkop na oras sa buong lesson, at bago ang pangwakas na panalangin.
(Paalala: Depende sa estudyante o sa pagiging kumpidensyal ng isang sitwasyon, maaaring mahalagang humingi ng pahintulot na ipagdasal ang mga partikular na estudyante sa pangalan.)
Ipakita
-
Bago ang pangwakas na panalangin, pinaalalahanan ni Sister Gordon ang mga estudyante na ipagdasal ang kanilang mga kaklase na kumukuha ng college entrance exams sa pagsasabing, “Dahil marami sa mga kaklase natin ang kumukuha ng college entrance exams ngayong linggo, malaking tulong sa kanila na alalahanin sila sa inyong mga panalangin.”
-
Nagpadala si David ng mensahe kay Brother Sanchez na hindi siya makakadalo sa klase ngayong linggo dahil sa pagpanaw ng isang mahal sa buhay. Sa pahintulot ni David ay sinimulan ni Brother Sanchez ang klase sa pagsasabing, “Nitong nakaraang linggo ay pumanaw ang Lola ni David. Maaari bang alalahanin ninyo si David at ang kanyang pamilya sa inyong mga panalangin sa panahong ito ng kagipitan?”
Mag-klik dito upang mapanood ang video tungkol dito.
Love Those you Teach- Invite Students to Pray for Others
Magpraktis
Gamitin ang isa o mahigit pa sa mga sumusunod na praktis para mapagbuti ang kakayahan mong anyayahan ang mga estudyante na manalangin para sa kanilang mga kaklase:
-
Ilang estudyante ang nag-aalala sa isang paparating na kaganapan. Sumulat ng isang paanyaya na maibibigay mo para hikayatin ang mga estudyante na manalangin para sa mga alalahaning iyon tungkol sa kaganapang ito.
-
Isipin ang isang estudyanteng kilala mo na nangangailangan ng dagdag na tulong mula sa Panginoon. Isulat kung paano mo maanyayahan ang mga estudyante na manalangin para sa estudyanteng iyon.
Talakayin o Pagnilayan
-
Habang nagpapraktis ka, ano pang mga bagay ang naisip mo na makatutulong sa iyo na maipaabot ang mga paanyayang ito?
-
Kailan napagpala ang isang kakilala mo dahil sa panalanging inialay ng ibang tao?
Isama
-
Sa susunod na ilang linggo, humanap ng mga pagkakataon na magbigay ng paanyaya sa mga estudyante na ipagdasal ang kanilang mga kaklase. Pagkatapos ay mag-anyaya.
Gusto Mo Bang May Matutuhan Pa?
-
“Nanalangin ang Tagapagligtas para sa mga Tinuruan Niya,” sa “Mahalin ang mga Tinuturuan Mo,” Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas (2022), Gospel Library
-
David A. Bednar, “Alituntunin #3,” sa “Laging Manalangin,” Liahona, Nob. 2008, 43–44