“Sikaping makilala sila—unawain ang kanilang mga kalagayan, pangangailangan, at kalakasan,” Mga Kasanayan para sa Pag-unlad ng Guro: Mahalin ang mga Tinuturuan Mo (2023)
“Sikaping makilala sila—unawain ang kanilang mga kalagayan, pangangailangan, at kalakasan,” Mga Kasanayan para sa Pag-unlad ng Guro: Mahalin ang mga Tinuturuan Mo
Mga Alituntunin ng Pagtuturo na Tulad ng kay Cristo: Mahalin ang mga Tinuturuan Mo
Sikaping makilala sila—unawain ang kanilang mga kalagayan, pangangailangan, at kalakasan.
Kasanayan
Mag-obserba at magtanong tungkol sa mga interes ng mga estudyante.
Ipaliwanag
Matututuhan ng mga guro ang tungkol sa mga kalagayan ng kanilang mga estudyante at matutukoy ang ilan sa kanilang mga pangangailangan sa pag-aaral sa pamamagitan ng pag-obserba at pagtatanong tungkol sa kanilang mga interes. Madalas, pinakamadaling pag-usapan ang mga ito bago at pagkatapos ng klase, pero maaari din itong mangyari habang nagkaklase. May iba’t ibang paraan na magagawa ito ng mga guro. Maaaring mapansin ng isang guro ang isang aklat, proyekto, sticker, kagamitan sa isports, o iba pang bagay na dala ng isang estudyante sa klase. O maaaring maalala ng isang guro ang isang event o kaganapan kung saan nakibahagi ang mga estudyante at tanungin sila tungkol dito. Ang mga tanong natin ay tutulong sa atin na makilala ang mga estudyante at ang kanilang mga interes at isama ang mga pariralang tulad ng:
-
“Ikuwento mo pa nga sa akin ang tungkol sa …”
-
“Ano ang nagustuhan mo sa …”
-
“Gusto kong malaman …”
Kapag ang mga guro ay tapat na nagtatanong, marami silang malalaman tungkol sa mga kalagayan at kinakailangan sa pagkatuto ng kanilang mga estudyante, at madarama ng mga estudyante na talagang nagmamalasakit ang kanilang guro. Kapag nadarama ng mga estudyante na talagang nagmamalasakit sa kanila ang kanilang guro, mas malamang na pumunta sila sa klase na handang matuto at ibahagi ang kanilang mga ideya at karanasan sa kanilang guro at sa iba pa sa klase.
Ipakita
-
Naalala ni Hermana Muñoz na may malaking laro sa soccer si Rosa na dahilan kung bakit kinakabahan siya. Nang makita niya si Rosa, tumigil si Hermana Muñoz at tinanong siya kung kumusta ang kanyang paglalaro.
-
Nakapatong ang mga susi ni Auro sa mesa. Nang mapadaan ka, napansin mo ang isang watawat mula sa ibang bansa sa kanyang key chain. Gusto mong malaman ang tungkol dito at sinabi mong, “Auro, maaari mo bang sabihin sa akin ang tungkol sa watawat na nasa key chain mo?” Ibinahagi ni Auro na nagpunta ang kanyang kapatid na babae sa Brazil para magmisyon, at sumama siya sa kanyang pamilya para sunduin siya sa pagtatapos ng misyon nito. Patuloy kang nakipag-usap, at itinanong, “Ano ang nagustuhan mo sa pagpunta mo sa kapatid mo sa kanyang misyon?
Mag-klik dito upang mapanood ang video tungkol dito.
Magpraktis
Praktis #1: Sa bawat isa sa mga sumusunod na larawan, ano ang nakikita mo na makatutulong sa iyo na malaman ang tungkol sa mga sitwasyon o kinakailangan sa pagkatuto ng mga estudyanteng ito?
Praktis #2: Ano ang mga maaari mong itanong para malaman pa ang tungkol sa mga interes ng iyong mga estudyante?
Talakayin o Pagnilayan
-
Ano ang natutuhan mo nang magpraktis kang mag-obserba at magtanong tungkol sa mga interes ng mga estudyante?
-
Paano maipapakita ng pag-obserba at pagtatanong tungkol sa mga interes ng mga estudyante na mahal mo ang iyong mga estudyante?
Isama
-
Sa klase sa linggong ito, maghanap ng mga pagkakataong itanong sa mga estudyante ang kanilang mga interes, gagawin, o kalagayan. Talagang ipakita na mahalaga sa iyo ang nalaman mo mula sa kanila. Alamin kung paano ito nakakaapekto sa karanasan sa pagkatuto ng estudyante. Mag-ukol ng limang minuto pagkatapos ng klase na isulat ang nalaman mo tungkol sa iyong mga estudyante at kung paano ito makatutulong sa iyo na lumikha ng mga karanasan sa pagkatuto na hahantong sa pagbabalik-loob, pagiging nauugnay, at pagiging kabilang.
Gusto Mo Bang May Matutuhan Pa?
-
Lori Newbold, “Makita ang Isang Tao” (taunang training broadcast ng Seminaries and Institutes of Religion, Hunyo 13, 2017), broadcasts.ChurchofJesusChrist.org
-
Chad H Webb, “Hindi Tayo Umabot Dito para Hanggang Dito na Lang Tayo” (taunang training broadcast ng Seminaries and Institutes, Hunyo 9, 2020), broadcasts.ChurchofJesusChrist.org
-
“Reaching the Individual” (video), ChurchofJesusChrist.org
Kasanayan
Tumigil sandali, magnilay, at sagutin ang mga tanong natin sa ating sarili na nag-aanyaya ng diwa ni Cristo na pagkilala, pagmamahal, at pagdamay sa ating mga pakikipag-ugnayan sa iba.
Ipaliwanag
Bawat estudyante ay pumapasok sa klase na may iba’t ibang karanasan sa buhay at mga ugnayan na humuhubog sa paraan ng kanilang pag-iisip at nadarama tungkol sa mga katotohanan ng ebanghelyo. Ang mga ito ay lumilikha ng pundasyon, na kadalasang tinatawag na pananaw, para sa pag-iisip ng isang tao. Ang kakayahang matukoy ang pananaw ng isang tao ay makatutulong sa atin na ituro ang katotohanan nang may pagdamay at pagmamahal, tulad ng ginagawa ni Jesucristo. Hindi binabago ng iba’t ibang pananaw ang doktrina; sa halip, tinutulutan tayo nitong makita ang pananaw ng ibang tao sa paraang makatutulong para madagdagan ang ating pang-unawa sa mga pangangailangan ng bawat mag-aaral na palakasin ang kanilang pananampalataya kay Jesucristo.
Sa paghahanda ng lesson, maaaring isaalang-alang ng mga guro ang mga walang-hanggang katotohanan habang tumitigil, nagninilay, at sinasagot nila ang mga sumusunod na tanong:
-
Paano nahuhubog ng mga karanasan at ugnayan ng aking mga estudyante ang paraan ng pag-iisip, nadarama, at pamumuhay nila ng mga katotohanang ito?
-
Sa pag-aaral namin ng katotohanang ito, madarama ba ng sinuman sa aking mga estudyante na sila ay hindi kabilang, naguguluhan, o nasasaktan dahil sa kanilang kalagayan?
Habang nakapokus sa komento o tanong ng isang estudyante sa oras ng klase o sa pakikipag-uusap, maaaring itanong ng mga titser sa kanilang sarili:
-
“Anong mga karanasan at ugnayan ang maaaring mayroon ang estudyanteng ito na magiging dahilan para mag-isip siya nang naiiba kaysa sa akin?”
-
“Ano pa ang kailangan kong malaman para lubos na maunawaan ang pananaw niya?”
Ang mga tanong na ito ay maaaring mag-anyaya sa Espiritu Santo at mag-anyaya ng paghiwatig, pagmamahal, at pagdamay sa ating mga pakikipag-ugnayan. Matutulungan din tayo ng mga ito na maiwasan ang pagtugon sa mga estudyante nang walang pagpapahalaga, may panghuhusga, o pagiging defensive. Matutulungan tayo ng mga ito na ituro ang katotohanan sa paraang mapagpapala ang klase at matutulungan ang iba na magkaroon ng pananampalataya kay Jesucristo.
Ang mga ipinakita at mga praktis sa ibaba ay pangkalahatang mga halimbawa. Ang training ay magiging mas epektibo kung ang mga ipinakita at mga praktis ay nauugnay sa susunod na mga lesson na tatalakayin sa kurikulum.
Ipakita (habang naghahanda ng lesson)
Habang naghahanda ng lesson tungkol sa pagsunod sa mga pahiwatig ng Espiritu Santo, pinagninilayan ko ang mga sumusunod na tanong: “Paano mahuhubog ng mga karanasan at ugnayan ng aking mga estudyante ang paraan ng kanilang pag-iisip, nadarama, at pamumuhay ng mga katotohanang ito?” at “Sa pag-aaral namin ng katotohanang ito, mahihirapan ba ang sinuman sa aking mga estudyante o madarama nila na hindi sila kabilang, naguguluhan, o nasasaktan dahil hindi kasiya-siya ang kanilang sitwasyon na may kaugnayan sa doktrinang ito?”
Pagkatapos ay sumasagot ako: “Maaaring may mga estudyante ako na hindi pa nakakatanggap ng pahiwatig, o na hindi nila nadarama na nangungusap sa kanila ang Espiritu Santo. Maaaring may ilang estudyante ako na nakadarama na hindi sila karapat-dapat. Maaaring may mga pagkakataon na hindi sigurado ang mga estudyante ko kung ang pahiwatig ay nagmula sa Espiritu Santo. Maaaring may mga estudyante na nagsasawa nang makarinig ng mga kuwento mula sa iba tungkol sa pagsunod sa Espiritu dahil parang malaking himala ang mga ito at ang mga bagay na iyon ay hindi nangyayari sa kanila.”
Magpraktis (habang naghahanda ng lesson)
Habang naghahanda ng lesson tungkol sa 1 Nephi 3:7, “Hahayo ako at gagawin ang mga bagay na ipinag-uutos ng Panginoon”:
-
Magnilay at sagutin: “Paano mahuhubog ng mga karanasan at ugnayan ng aking mga estudyante ang paraan ng kanilang pag-iisip, nadarama, at pamumuhay ng mga katotohanang ito?” at “Sa pag-aaral namin ng katotohanang ito, mahihirapan ba ang sinuman sa aking mga estudyante o madarama ba nila na hindi sila kabilang, naguguluhan, o nasasaktan dahil hindi kasiya-siya ang kanilang sitwasyon na may kaugnayan sa doktrinang ito?”
Habang naghahanda ng lesson tungkol sa kasarian bilang mahalagang katangian ng ating walang-hanggang pagkakakilanlan at layunin sa lesson na may pamagat na “Kasarian at Walang Hanggang Pagkakakilanlan”:
-
Magnilay at sagutin: “Paano mahuhubog ng mga karanasan at ugnayan ng aking mga estudyante ang paraan ng kanilang pag-iisip, nadarama, at pamumuhay ng mga katotohanang ito?” at “Sa pag-aaral namin ng katotohanang ito, mahihirapan ba ang sinuman sa aking mga estudyante o madarama ba nila na hindi sila kabilang, naguguluhan, o nasasaktan dahil hindi kasiya-siya ang kanilang sitwasyon na may kaugnayan sa doktrinang ito?”
Ipakita (sa oras ng klase)
-
Habang tinatalakay ang doktrina ng araw ng Sabbath, sinabi ng isang estudyante, “Nasisiyahan ang pamilya ko sa panonood ng isports sa araw ng Linggo.” Habang nagpopokus ka sa mga komento ng iyong estudyante, naisip mo, “Anong mga karanasan at ugnayan ang maaaring mayroon ang estudyanteng ito na magiging dahilan para mag-isip siya nang naiiba kaysa sa akin?” o “Ano pa ang dapat kong malaman para lubos na maunawaan ang pananaw niya?”
Mag-klik dito upang mapanood ang video tungkol dito.
Magpraktis (sa oras ng klase)
Habang tinatalakay ang gawaing misyonero, itinanong ng isang estudyante, “Bakit ba napakahalaga ng pagmimisyon ng bawat kabataang lalaki?”
-
Tahimik na isipin, “Anong mga karanasan at ugnayan ang maaaring mayroon ang estudyanteng ito na magiging dahilan para mag-isip siya nang naiiba kaysa sa akin?” at “Ano pa ang dapat kong malaman para lubos na maunawaan ang pananaw niya?”
Sa isang talakayan tungkol sa mga propeta at paghahayag, itinanong ng isang estudyante, “Kailan babaguhin ng Simbahan ang mga patakaran nito para mapantayan ang mga patakaran ng mundo?”
-
Tahimik na isipin, “Anong mga karanasan at ugnayan ang maaaring mayroon ang estudyanteng ito na magiging dahilan para mag-isip siya nang naiiba kaysa sa akin?” at “Ano pa ang dapat kong malaman para lubos na maunawaan ang pananaw niya?”
Talakayin o Pagnilayan
-
Ano ang natututuhan mo tungkol sa pagtuturo ng katotohanan nang may pagdamay habang nagpapraktis kang matukoy ang pananaw ng mga estudyante bago magklase at sa oras ng klase?
-
Paano ka matutulungan ng pagpapraktis na ito na magturo nang higit na katulad ni Jesucristo?
Isama
Pumili ng isa sa mga pinapraktis sa itaas na pagtutuunan mo sa susunod na dalawang linggo. Planuhin kung paano mo patuloy na papraktisin ang mga kasanayang ito. Halimbawa:
-
Sa bawat katotohanang inihahanda mo, maaari kang gumugol ng limang minuto para tumigil sandali, pagnilayan, at sagutin ang mga tanong na tutulong sa iyo na matukoy ang pananaw ng isang estudyante.
-
Bago magklase, mag-isip ng isang estudyante at isipin ang isang komento o tanong na maaaring mayroon siya tungkol sa bawat katotohanan. Pagkatapos ay tahimik na isipin, “Anong mga karanasan at ugnayan ang maaaring mayroon ang estudyanteng ito na magiging dahilan para mag-isip siya nang naiiba kaysa sa akin?” at “Ano pa ang dapat kong malaman para lubos na maunawaan ang pananaw niya?” Ihahanda ka nitong gawin ito sa klase habang nagpopokus ka sa mga komento at tanong ng estudyante.
Gusto Mo Bang May Matutuhan Pa?
-
Chad H Webb, “Pagdamay” (taunang training broadcast ng Seminaries and Institutes of Religion, Ene. 26, 2021), broadcasts.ChurchofJesusChrist.org
-
Jean B. Bingham, “Pagtuturo ng Katotohanan Gamit ang Wika ng Pagmamahal” (taunang training broadcast ng Seminaries and Institutes of Religion, Ene. 19, 2021), broadcasts.ChurchofJesusChrist.org
Kasanayan
Sikaping linawin at unawain ang tunay na layunin ng mga tanong, damdamin, at paniniwala ng mga estudyante.
Ipaliwanag
Ang pagsisikap na linawin at unawain ang tunay na layunin ng mga tanong, damdamin, at paniniwala ng isang estudyante ay kinapapalooban ng pag-alam pa tungkol sa karanasan, sitwasyon, o damdamin na nag-udyok sa tanong. Matapos magbahagi ang isang estudyante ng tanong, damdamin, o paniniwala, maaari mo siyang pasalamatan sa ibinahagi niya at pagkatapos ay itanong kung nais ng estudyante na sagutin ang mga follow-up na tanong. Kung hindi ang sagot ng estudyante, sabihin sa kanya na OK lang iyon at sagutin ang orihinal na tanong o pahayag. Kung oo ang sagot ng estudyante, magbigay ng follow-up na tanong na nag-aanyaya sa estudyante na magbahagi pa kung ano ang nag-udyok sa tanong o pahayag. Ang paggawa nito ay makatutulong sa iyo at sa iba sa iyong klase na mas maunawaan ang isa’t isa at tumugon nang may pagdamay at pagmamahal.
Ang mga ipinakita at mga praktis sa ibaba ay pangkalahatang mga halimbawa. Ang training ay magiging mas epektibo kung ang mga ipinakita at mga praktis ay nauugnay sa susunod na mga lesson na tatalakayin sa kurikulum.
Ipakita
-
Itinuturo ni Sister Garnier ang tungkol sa priesthood sa mga banal na kasulatan nang itanong ng isa sa kanyang mga estudyante, “Bakit hindi pinahintulutan ang mga Itim na kalalakihan na magkaroon ng priesthood hanggang 1978?”
-
Sister Garnier: Salamat sa pagtatanong. Ito ay isang tanong na pinag-isipan ng marami sa atin. Puwede ba kitang tanungin ng ilang follow-up na tanong?
-
Estudyante: Sige po!
-
Sister Garnier: Ano ang dahilan kung bakit naitanong mo ito?
-
-
Itinuturo ni Brother Monet ang tungkol sa priesthood sa mga banal na kasulatan nang itanong ng isa sa kanyang mga estudyante, “Bakit hindi pinahintulutan ang mga Itim na kalalakihan na magkaroon ng priesthood hanggang 1978?”
-
Brother Monet: Salamat sa pagtatanong. Ito ay isang tanong na pinag-isipan ng marami sa atin. Puwede ba kitang tanungin ng ilang follow-up na tanong?
-
Estudyante: Hindi po.
-
Brother Monet: Okey lang iyan. Natutuwa ako’t nagtanong ka. Pag-usapan natin ang tanong na iyan.
-
Ang iba pang mga halimbawa ng isang follow-up na tanong na maaari mong itanong:
-
Salamat at ninais mong ibahagi iyan sa amin. Mayroon bang karanasan o sitwasyon na nagtulak sa iyo sa [tanong, ideya, paniniwala] na iyan?
-
Salamat sa pagtatanong. Maaari mo bang sabihin pa sa akin kung bakit mo naisip ang tanong na ito?
-
Salamat sa pagtatanong. Matutulungan mo ba akong maunawaan kung ano ang nagtulak sa iyo na itanong iyan o ipasiyang malaman iyan?
Mag-klik dito upang mapanood ang video tungkol dito.
Magpraktis
Sikaping unawain at linawin ang nagtulak sa tanong, damdamin, at paniniwala sa mga sumusunod na sitwasyon:
-
Sa isang lesson tungkol sa kasal sa pagitan ng isang lalaki at isang babae na inorden ng Diyos, nagtanong ang isang estudyante, “Bakit hindi natin gusto ang mga taong bahagi ng komunidad ng LGBTQ? Bakit hindi sila dapat magpakasal kung mahal nila ang isa’t isa?”
-
Sa isang talakayan tungkol sa gawaing misyonero, ibinahagi ng isang estudyante, “Naisip ko na obligado ang mga kabataang lalaki na magmisyon pero ang mga kabataang babae ay hindi.”
Talakayin o Pagnilayan
-
Sa iyong palagay, bakit kailangan nating mag-ukol ng oras na maunawaan nang malinaw ang ibinabahagi? Sa iyong palagay, paano nakakaapekto sa karanasan sa klase ang pagsisikap nating maunawaan nang malinaw ang tunay na layunin ng estudyante? Paano makatutulong sa atin na nauunawaan natin ang tunay na layunin ng estudyante para maiugnay sila kay Cristo?
Isama
-
Sa klase, pakinggang mabuti ang ibinabahagi at masusing pag-isipan kung saang bahagi ang gusto mong mas malinaw pa. Matapos pasalamatan ang estudyanteng nagtanong, magbigay ng follow-up na tanong na magtutulot sa estudyante na linawin ang kanyang sinabi.
Gusto Mo Bang May Matutuhan Pa?
-
“Asking Follow-Up Questions” (video), ChurchofJesusChrist.org
-
Randall L. Ridd, “Pamumuhay nang may Layunin: Ang Kahalagahan ng “Tunay na Layunin”,” Liahona, Okt. 2015, 12–15