Mga Taunang Brodkast
Pagtuturo ng Katotohanan Gamit ang Wika ng Pagmamahal


19:0

Pagtuturo ng Katotohanan Gamit ang Wika ng Pagmamahal

Taunang Training Broadcast ng S&I para sa 2021

Martes, Enero 19, 2021

Mga kapatid, napakagandang pagkakataon ito para makinig at matuto! Hindi ko alam kung ilan sa inyo ang nakasali sa miting, pero gusto kong magpasalamat sa bawat isa sa inyo na 56,000 na tinawag na mga guro sa seminary at institure at sa 2,200 pa na mga empleyadong guro ng CES na nagtuturo sa napakahalagang grupong ito–ang bagong henerasyon! Dahil sa inyong paglilingkod at kabayanihan, marami sa minamahal nating mga kabataan at young adult ang pinipili na maging matapat at manatili sa landas ng tipan. Ang mga espirituwal na tagubilin at karanasan na laan ninyo ay napakahalaga sa pagtatag ng kanilang patotoo. At ibinibigay ko ang espesyal na pagkilala at pagpugay sa inyo na hindi kilalang mga bayani: ang mga asawa ng mga titser na ito. Kung wala ang inyong patuloy na suportang emosyonal, espirituwal, at sa tahanan, ang gawaing ito ay hindi magtatagumpay. Kaya, isang malaking pasasalamat sa bawat isa sa inyo, mula sa kaibuturan, sa gitna, at sa ibabaw ng puso ko!

Sa simula ng bagong taon—na sana ay magdala ng positibong pananaw o maluwag na paghinga mula sa nakaraang taon—maganda na may bagong pananaw sa ginagawa natin. Siyempre, gusto natin maging propesyonal sa ating trabaho, at higit sa lahat hangad nating makagawa ng positibong kaibhan sa buhay ng ating mga estudyante.

Sa pakikipagtulungan ninyo sa bagong henerasyon, gusto ninyong tulungan ang mga estudyante na maunawaan ang kanilang banal na pinagmulan, ang layunin nila sa mortalidad, at kung sino ang kaya nilang maging. Ang pinakanais ninyo ay tulungan silang maabot ang kanilang banal na potensyal. Ang opisyal na ipinahayag na layunin ng Seminaries and Institutes ay kinapapalooban ng pagtulong sa mga estudyante na matutuhan at asahan ang mga turo at Pagbabayad-sala ni Jesucristo at ihanda sila para sa mga ordenansa ng priesthood sa templo at sa buhay na walang-hanggan. Habang tinutupad ninyo ang mga layuning iyon, sinasandatahan ninyo sila laban sa “nag-aapoy na sibat ng kaaway”1 at pinalalakas sila upang maging matatapat ng Banal sa mga Huling Araw na nasasabik sa pagdating ng Tagapagligtas. Tinutulungan ninyo sila na maghanda sa gagampanan nilang tungkulin sa pamilya, sa Simbahan, at komunidad bilang matwid na mga pinuno at halimbawa ng kabutihan.

Habang iniisip ko kung anong paksa ang maaaring makatulong ngayong araw, naisip ko ang napakalaking pagpapala na nakaayon ang kurikulum ng seminary sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin at ang lakas na maibibigay nito sa mga kabataan at pamilya. Naisip ko ang mga young adult na nakatira malayo sa tahanan nila, at paano nila magagamit ang “nakasentro sa tahanan” na paraan ng pag-aaral ng ebanghelyo sa institute. At nag-isip ako ng mga paraan kung paano iaangkop sa mga kabataan at young adult ang pagtuturo. Matapos mag-isip, napagtibay ko na sa paghahangad ng sarili ninyong paghahayag at pagsangguni sa iba pang mga guro at administrator, makakahanap kayo ng mga sagot para maisagawa ang mga ito.

Sa halip, gusto kong magpokus sa dalawang alituntunin. Ang gusto kong talakayin ay nasa kategorya ng “Mga bagay na sana ay alam ko noong titser ako sa seminary.” Ang anim na taong paglilingkod bilang titser sa early-morning seminary ay napakagandang pagkakataon at pagpapala. Ang ward kung saan ako nagturo ay may malaking grupo ng mga estudyante na pumapasok sa 10 magkakaibang high school. Magkakaiba ang lokasyon nila pero nagkakaisa sila sa pagsasamahan. Sana ay higit ako sa karaniwang guro, pero masasabi ko na natuto ako ng ilang bagay sa paglipas ng mga taon, at gusto kong ibahagi sa inyo ang dalawa sa mga ito.

Ang unang natutuhan ko ay ang bigyan ang mga estudyante ng espirituwal na “pagkain.” Kailangan ng mga kabataan at young adult sa mga huling araw na ito ang espirituwal na “pagkain” ng ebanghelyo upang masagot ang mahihirap na tanong at tulungan silang malabanan ang mga pamimilit na maglalayo sa kanila sa landas ng tipan. Kaya nilang matutuhan ito. Kailangan nila ito! Kailangan nating maglaan ng panahon na ipagdasal at paghandaan—hindi lamang ang mga materyal sa lesson kundi maging ang pagkilala sa mga estudyante para maunawaan natin kung ano ang kailangan nila at malaman kung ano ang magagamit natin mula sa mga inihanda natin. Maaari tayong tumugon sa panawagang: “Sapagkat ako’y nagutom, at binigyan ninyo ako ng makakain.”2 Narito ang ilang halimbawa.

Noong dumadalo ako ng seminary sa kanlurang bahagi ng Estados Unidos, ang mga miyembro ng ward ay nakatira sa iba’t ibang bahagi ng isang malawak na lugar. Dadalawa lang na estudyante sa malaking high school ko ang mga miyembro ng Simbahan bukod sa amin ng mga kapatid ko. Ang mga negatibong impluwensya ng lipunan ay malakas. Panahon iyon ng kaguluhan na dahilan ng pagkawatak-watak, may pagkabahala sa mga lungsod, paglaban sa mga awtoridad, mga riot dahil sa iba-ibang lahi, giyera sa kabilang panig ng mundo, at laban-sa-giyera na mga protesta sa bansa. Ang pamumuhay na may “malayang pag-iibigan” at malayang paggamit ng marijuana at mga drogang nakasisira ng isip ay lumikha ng kapaligiran ng indibiduwalismo at nagpauso sa paglayo sa mga pamantayan ng kabutihang-asal. Dahil sa mga pagpatay sanhi ng pulitika at malawak na mga pagkakaiba sa opinyon kung paano dapat kumilos ang gobyerno, naghiwa-hiwalay ang mga tao at nagpaligsahang maigi sa mga ideya. Ang magulong dekada sa wakas ay nagtapos nang maayos nang unang tumapak ang tao sa buwan.3 Katulad ba ng anuman sa mga ito ang kapaligiran sa lipunan na hinaharap ngayon ng ating mga kabataan at young adult?

Para sa akin, nagsimula sa high school ang panahon ng pagtuklas at paggawa ng mga pagpili sa mas malawak na mundo sa labas ng aking tahanan at pamilya. Nalantad ako sa maraming pilosopiya sa mundo at nagsimulang magduda sa katotohanan ng lahat ng itinuro sa akin ng matatapat kong magulang at titser sa Simbahan noong bata pa ako. Ang una kong seminary teacher ay si Sister Thomander, isang babaeng puti na ang buhok, seryoso, at may malawak na karanasan sa Simbahan at malalim na patotoo sa ebanghelyo. Hinamon niya kaming basahin ang buong Aklat ni Mormon sa taong iyon at pumasok sa klase na handang talakayin ang binasa namin.

Ang pinag-isipan at inspiradong pagtuturo ng doktrina ni Sister Thomander ay may napakalaking epekto sa aking patotoo. Nalaman ko na alam niya na totoo ang Simbahan dahil dumarating siyang handang ipaliwanag nang malinaw ang mga talatang binabasa namin, at nagpatotoo siya tungkol dito. Halatang gumugol siya ng oras para paghandaan ang ibabahagi niya na sa tingin niya ay may malaking epekto. Wala akong naaalalang anumang laro o party o mga pagkain, pero naaalala ko ang espirituwal na hamon at espirituwal akong lumakas at pinakain bawat araw. Ang bawat lesson ay hindi pambihira at kakaiba, pero bawat araw ay nagpapatibay at may katiyakan habang sinasagot niya nang may tiyaga at paghikayat ang mga tanong ng estudyante. Ang tahasan niyang pag-anyaya at matataas na inaasahan sa amin ay gumawa ng kaibhan sa buhay ko. Si Sister Thomander ay isang taong gusto kong makita at pasalamatan kapag nasa kabilang-buhay na ako!

Ikukumpara ko ang taon na iyon sa taon na nasa mas mataas na klase ako. Masayahin at palakaibigan ang seminary teacher namin pero hindi ako masyadong makaugnay. Lumipas ang mga linggo na itinuturo niya ang mga materyal sa kaswal na paraan. Halatang hindi siya sineseryoso ng mga estudyante; ang mga babae ay naglalagay ng kyutiks sa kuko nila habang nakaupo sa likuran, ang mga lalaki ay nagbibiruan, at ang iba pa ay nagpapasahan ng maiikling sulat para aliwin ang aming sarili. Bagama’t sigurado kami na mayroon siyang patotoo sa ebanghelyo dahil returned missionary siya, hindi namin natutuhan na magtanong tungkol sa doktrina dahil ang mga sagot niya ay basta-basta o malabo, at hindi kami sigurado kung makakaya o magagawa niyang sagutin ang mga ito. Naisagawa ng seminary ang mga layunin nito na makisalamuha kami pero hindi ito espirituwal na karanasan.

Pamilyar kayo sa tanong ni Pablo sa 1 Corinto: “Sapagkat kung ang trumpeta ay magbigay ng di-malinaw na tunog, sino ang maghahanda para sa digmaan?”4 Bilang mga guro ng ebanghelyo ng bagong henerasyon, kailangan nating “magbigay ng malinaw na tunog.” Sa Lumang Tipan, ang trumpeta ay isang shofar, na sungay ng lalaking tupa, na may simple at hindi maipagkakamaling tunog. Ginamit ito upang tawagin ang mga tao ng Panginoon na magtipon sa pagsamba, magbabala para sa parating na panganib, at hudyat ng mga tagubilin sa oras ng digmaan. Sa mga labanan noon, ang mga ingay at sigawan sa digmaan ay lumilikha ng kaguluhan. Kung hindi malinaw na makakausap ng pinuno ang mga tropa, tiyak na matatalo ang hukbo. Kaya nalikha ang “maliwanag na tunog.” Ang bawat sundalo ay sinanay na makilala ang tunog, upang kahit sa oras ng kalituhan, malalaman ng bawat isa kung susulong o aatras, kung aatake sa kaliwa o sa kanan.5

Si Sister Thomander ay ganoong klase ng trumpeta para sa akin. Dapat tayong maging gayong trumpeta, ang pinagtitiwalaang tinig ng katiyakan ng walang-hanggang katotohanan sa mundong napakabilis magpalit at nagbabago ang pinapahalagahan. Kailangan nating sabihin sa mga estudyante ang katotohanan at tulungan silang maunawaan kung bakit nag-aaral gaya ng pagkaunawa nila sa ano ang pinag-aaralan. Magagawa natin iyon “sa kahinahunan at kaamuan,”6 ngunit kailangan natin itong gawin. Tulad ng sinabi ng isang seminary teacher, “Hindi tayo malakas na nagpapatunog sa tainga ng isang tao, pero hindi rin natin binibigkas ang mensahe nang mahina; sa halip, ang panawagan ay dapat na magiliw at tiyak at malinaw ang tunog.”7 Sa pagtuturo ng sarili kong mga klase sa seminary, nalaman ko na oo, nasisiyahan ang kabataan sa masasayang gawain ng pagkatuto at kailangan nilang makisalamuha sa mga kabarkada nila, pero nagugutom din sila sa tunay na mga sagot sa mga tanong sa ebanghelyo at praktikal na mga ideya kung paano ipamuhay ang ebanghelyo.

Ang pangalawang alituntuning natuklasan kong kailangan ay ang makipag-ugnayan nang may tunay na malasakit. Paano tayo makikipag-ugnayan sa ating mga estudyante sa angkop at makabuluhang paraan? Ang wika ay tiyak na makagagawa ng kaibhan. Halimbawa, kung susubukan kong magsalita ng Q’eqchi’ sa mga estudyanteng Tagalog lang ang alam, hindi ako magtatagumpay sa paghahatid ng mensahe. Buti na lang at may dalawang pandaigdigang wika na nauunawaan ng lahat ng kabataan at young adult: ang wika ng Espiritu at ng pagmamahal.

Ang unang wika, ang sa Espiritu, ay nakikilala ng lahat ng naghahanap ng katotohanan. Itinuro ni Elder Joseph B. Wirthlin: “Walang mga nakahahadlang na wika sa Simbahan. May malakas na kapangyarihan na nangingibabaw sa lahat ng mga mensaheng ipinararating gamit lamang ang mga salita, at ito ang kapangyarihan ng mga mensaheng ipinararating ng Espiritu sa ating puso. … , anuman ang wika o dayalekto. Ito ay pangkalahatang wika para sa bawat bukas na puso.”8

Ang Espiritu ay nakikipag-ugnayan sa mga kagila-gilalas na paraan. Gaya ng ipinaalala ni Pablo sa mga Banal sa Roma, “Ang Espiritu mismo ang nagpapatotoo kasama ng ating espiritu na tayo’y mga anak ng Diyos.”9 Kapag hinahangad, pinakikinggan, at sinusunod natin ang mga pahiwatig ng Espiritu Santo, tatanggap tayo ng inspirasyon ukol sa paraan ng pagsasalita sa ating mga estudyante sa pamamagitan ng Espiritu na mauunawaan nila. Ang paghahandang mabuti at paggamit ng mga materyal sa lesson na idinisenyo ng mga inspiradong manunulat ng kurikulum ay tutulong sa atin na manatiling nakasandig sa pangunahing doktrina, na alam natin na may kapangyarihang baguhin ang mga puso at buhay. Pinakamahalaga ang maghangad ng personal na paghahayag tungkol sa kung ano ang ibabahagi at paano ibahagi ang inihanda mo. Ang wika ng Espiritu ang magpaparating ng higit pa sa kaya mong sabihin.

Ang isa pang wika na tutulong sa inyo na makaugnay sa mga estudyante ay ang wika ng pagmamahal. Dahil banal ang pinagmulan nito, ang pagmamahal ay nagsasalita rin ng puso-sa-puso. Ibinahagi ni Apostol Juan, isang saksi ng Tagapagligtas, ang simpleng katotohanang ito: “Tayo’y umiibig sapagkat siya ang unang umibig sa atin.”10 Totoo rin ito sa mga ugnayan sa kapwa-tao. Narinig na ninyo ang kasabihan na “magiging interesado lang ang mga tao sa dami ng nalalaman mo kung alam nila kung gaano ka kainteresado sa kanila.”11 Bilang mga guro, ang pagmamahal na tulad ng kay Cristo na maibibigay natin sa mga estudyante ay may direktang impluwensiya sa pangmatagalan nating epekto.

Maaaring pamilyar kayo sa konsepto ng “mga wika ng pagmamahal.”12 Ito ang paraan ng pagpapakita ng pagmamahal na mauunawaan at tatanggapin ng iba, batay sa personalidad nila at impluwensya ng mga naging karanasan nila. Ang iba’t ibang tao ay maaaring mas tumugon sa isang uri ng wika ng pagmamahal kaysa sa iba, ngunit makikilala ng lahat ng estudyante ang inyong tunay na malasakit sa isa sa tatlong paraan na ito.

Ang isang uri ng wika ng pagmamahal ay mga salita ng pagsuporta. Ang mga ito ay mga linya na humihikayat at nagpapalakas, tulad ng “Kaya mo ‘yan” o “Talagang umuunlad ka” o “Natutuwa ako na nagsisikap ka.” Ipinararating ng mga salitang ito sa mga estudyante na sila ay pinahahalagahan at may kakayahan. Ang magiliw na pagsuporta ng Tagapagligtas kay George Miller, na nakatala sa Doktrina at mga Tipan, ay kagila-gilalas na halimbawa ng wika ng pagmamahal. Inilalarawan siya bilang isang lalaki na “walang pandaraya,” sinabi pa ni Jesus na “siya ay maaaring pagkatiwalaan dahil sa katapatan ng kanyang puso; at dahil sa pagmamahal na mayroon siya sa aking patotoo ako, ang Panginoon, ay mahal siya.”13 Karamihan sa atin ay hindi maaalala ang pangalan ng naunang convert na ito, pero nailalarawan ko sa isip ko kung gaano nagpalakas ang mga salita ng pagsuporta sa patotoo ni George sa ipinanumbalik na ebanghelyo at sa pagmamahal niya sa Tagapagligtas.

Ang ilan sa pinakamabibisang salita ay “salamat” at ang iba pang mga pagpapakita ng pagpapahalaga. Bilang mapagmasid at mapagmahal na guro ng mga kabataan at young adult, maaari ninyong pansinin ang mga simpleng bagay na ginagawa ng estudyante para sa inyo o sa iba na nasa klase, o pakinggan ang mabubuting bagay na naririnig ninyong ginagawa nila sa paaralan o komunidad, at pahalagahan ang mga ito. Ang pagpapadala ng maikling sulat sa magulang ng isang estudyante tungkol sa positibong bagay na napansin ninyo sa anak nila ay nagdaragdag din ng nadaramang tagumpay at pagpapahalaga sa sarili ng estudyante. Ang lahat ng ganitong uri ng mabuting puna ay nagpapatatag at nagpapalakas ng mga ugnayan, nagdaragdag ng pagdama sa tunay na malasakit ng guro sa estudyante, na nagpapalakas ng impluwensya ng Espiritu sa kanilang buhay.

Ang isa pang uri ng wika ng pagmamahal ay mga gawa ng paglilingkod. Ang paghahanda ng mga materyal na espirituwal na nagpapalakas at nagbibigay-liwanag sa bawat araw ay napakalaking paglilingkod at pagmamahal. Ang inyong mga kaloob na oras at pagsisikap ay maaaring hindi palaging napapansin ng kabataan araw-araw, ngunit sa paglipas ng panahon ang pagiging sensitibo nila sa mga espirituwal na bagay ay lalago at kayo ay “[tatawaging] mapalad,”14 na siyang tawag ko kay Sister Thomander.

Ibabahagi ko kung paano ipinakita ng dalawang guro ang pagmamahal nila sa pamamagitan ng paglilingkod. Isang seminary teacher sa Zimbabwe ang tinawag bago nagkaroon ng pandemya. Ang mga estudyante ay sabik na magkita bago pumasok sa paaralan bawat araw at nasasanay na noon sa iskedyul nang hindi na sila pinayagang magtipon nang personal. Nagkaroon ng problema ang guro: karamihan sa mga estudyante ay walang internet sa bahay, kaya hindi posible na magkaroon ng online class. Kaya, para masiguro na tatanggap ng espirituwal na pagkain ang kanyang mga estudyante araw-araw, nagsimula siyang gumawa ng mga lesson gamit ang banal na kasulatan, nakakapukaw sa isip na mga tanong, mga meme, at video na ipinadadala niya sa araw-araw sa WhatsApp, isang social platform na gamit ng kanyang mga estudyante. Ang kanyang mga estudyante ay “[n]apangalagaan ng mabuting salita ng Diyos”15 kahit sa panahong ito ng social distancing.16 Napansin at pinahalagahan nila ang mga gawaing ito ng paglilingkod bilang pagpapakita ng kanyang pagmamahal. Tumugon sila nang may espirituwal na impresyon at nasabik sa kanilang araw-araw na espirituwal na paggabay at pagpapalakas na batay sa mga banal na kasulatan.

Kabaligtaran naman ang hamon sa isang guro sa Norway. Ang kanyang mga klase ay online lamang dahil ang mga estudyante niya ay nakatira sa iba’t ibang bahagi ng bansa. Gayunman, saan man siya bumibiyahe sa mundo o anuman ang oras sa kanyang lokasyon, handa siyang magturo sa mga early-morning na estudyante nang may pagmamahal at tunay na interes. Sa kabila ng distansya sa pagitan niya at ng mga estudyante—bihira silang magkita nang harapan—may alam siya tungkol sa mga personalidad at interes ng bawat isa. Nakikita man niya ang mukha nila sa kamera o hindi, malugod niya silang tinatanggap at hinihiling na magbahagi sila. Naglalaan siya ng magiliw at ligtas na lugar kung saan makapagtatanong ang mga estudyante nang walang pangamba. Binibigyan niya sila ng nagpapalusog na espirituwal na pagkain, madalas na nagbabahagi ng kanyang patotoo sa mga alituntunin ng ebanghelyo, at inaanyayahan niya sila na magbahagi ng sarili nilang mga natututuhan.17 Tulad ninyo, ang mga gurong ito ay nagsasalita ng wika ng pagmamahal sa kanilang mga gawa ng mapagmahal na paglilingkod.

Ang huling wika ng pagmamahal na ibabahagi ko ay ang pagbibigay ng de-kalidad na oras. Ang gawing mahalagang oras ang oras ng klase sa abot-kaya ninyo—na nakatuon sa mga espirituwal na karanasan—ay regalo na patuloy na naibabahagi sa iba pang tao. Sa halip na maglaan ng oras sa mga laro na para lang makisalamuha ang mga estudyante o gamitin ang mahalagang oras ng paghahanda sa paggawa ng detalyadong handout na maaaring maiwan sa sahig pag-alis ng mga estudyante, ang pagtutuon ninyo ng pansin na palahukin ang mga estudanye sa pag-aaral kung paano makilala ang Espiritu at ipamuhay nila ang ebanghelyo ang magbibigay ng pinakamalaking pakinabang. Kapag makabuluhan at pinag-isipan ang sagot ninyo sa mga tanong, maipadarama ninyo ang pagmamahal sa napakalinaw na paraan. Ang pagpapahalaga sa kontribusyon ng mga estudyante—ang magalang na pakikinig sa kanilang puna at tanong at pagtugon nang may nakahihikayat na komento—ay tumutulong sa mga estudyante na malaman na may malasakit kayo sa kanilang mga alalahanin at pangangailangan sa halip na nakatuon sa paglalahad ng materyal na kailangan lamang ninyong tapusin sa araw na iyon. Ang kahandaan na lumihis sa plano para sagutin ang hindi karaniwang tanong o ulitin ang simpleng sagot sa ibang paraan hanggang sa maunawaan ang konsepto ay nagpapahayag ng inyong tapat na hangarin para sa kanilang espirituwal at personal na pag-unlad—ibig sabihin, ipinakikita nito ang inyong pagmamahal na tulad ng kay Cristo.

Sa kabilang banda, bilang seminary teacher, ang isa sa pinakamalalaking pagpapala para sa akin ay ang makapag-aral at matuto pa tungkol sa ebanghelyo mula sa napakahuhusay na materyal mula sa Church Educational System. Gayunman, ang dahilan ng pag-aaral na iyon ay upang lubos na maging handa na ibigay sa mga estudyante ang pangangailangan nila at hindi para masigasig na ipaliwanag ang mga personal kong pagtuklas. Kayo ay pinagpala na at patuloy na pagpapalain ng inyong pagkakataon na matuto at ituro ang ebanghelyo sa seminary at institute, ngunit ang inyong mga estudyante ay higit na pagpapalain ng inyong pagtutuon sa kanilang pagkatuto sa halip na sa inyong pagkatuto.

Mula sa isang early morning seminary teacher, sinasabi ko sa lahat na nauunawaan ko ang hirap ng pagbalanse ng mga pangangailangan ng inyong mga tungkulin sa pamilya, trabaho, o komunidad. Nauunawaan ko ang hamon ng paghanap ng sapat na oras na maghanda—at paghanap ng sapat na oras na matulog—habang marami pang ibang gagawin! Pinatototohanan ko na tutulungan kayo ng Panginoon kung kayo ay hihingi, maghahanap, at kakatok. Kapag kayo ay nagdarasal, nag-aaral, at kumikilos ayon sa pahiwatig na natatanggap ninyo, maibibigay ninyo sa mga minamahal na estudyante ang nakabubusog na ebanghelyo—ang espirituwal na sustento na kailangan nila para maging mga lider, ama, at ina na gusto nilang maging at kailangan nilang maging sa mga huling araw na ito. Buti na lang at may dalawang pandaigdigang wika na nauunawaan ng lahat ng kabataan at young adult: ang wika ng Espiritu, at wika ng pagmamahal. Makakaugnay kayo nang may tunay na malasakit, at maipapakita ang pagmamahal ng Ama sa Langit at ni Jesucristo para sa kanila sa inyong mga salita ng pasuporta, gawain ng paglilingkod, at de-kalidad na oras sa pakikinig at pagsagot ninyo sa kanilang mga tanong.

Nawa’y patuloy kayong magturo ng katotohanan at magbigay ng pagmamahal para mapatatag ang patotoo sa ebanghelyo ni Jesucristo ng bagong henerasyon. Nawa’y hangarin ninyong maihanda sila na maabot ang kanilang banal na potensyal habang tinitipon nila ang Israel sa huling araw na ito ang aking taimtim na dalangin at paanyaya sa pangalan ni Jesucristo, amen.