Isang Pamana ng Pagbabago sa CES
Taunang Training Broadcast ng S&I para sa 2021
Martes, Enero 19, 2021
Nagpapasalamat ako sa inyo at nalulugod ako sa pagkakataon na makasama kayo nang ilang minuto ngayong araw. Nagpapasalamat ako kay Chad at sa kanyang talentado at dedikadong grupo na napakasipag na gumagawa upang makatulong sa gawaing ito ng Panginoon. Isang biyaya na makasama si Sister Jean B. Bingham ngayong araw, at nasasabik ako para sa mensahe niya. Siya ay isang mabisa at nagbibigay-inspirasyon na lider, at nagpapasalamat kami na naglilingkod siya sa Church Board of Education.
Habang pinag-iisipan namin ang mahahalagang pagbabago sa Seminaries and Institutes of Religion (S&I), pinag-isipan ko rin ang mga pagbabago sa buong kasaysayan ng edukasyon sa Simbahan. Noong isang araw, nagsimula akong hanapin ang pagkakahalintulad ng edukasyon sa Simbahan sa aking sariling family history. Naging miyembro ng Simbahan ang mga magulang ng aking ina sa Switzerland noong mga young adult sila, kaya sa angkan na iyon ng pamilya ko, ang henerasyon ng aking ina ang unang nakaranas ng edukasyon sa Simbahan. Ang ilan sa mga ninuno ng ama ko ay mga miyembro na ng Simbahan sa unang bahagi ng dispensasyong ito. Hayaan ninyong magbanggit ako ng ilang impormasyon tungkol sa mga ninunong ito at ng mga pagsisikap sa edukasyon sa Simbahan sa panahon nila. Makikita ninyo ang ilang mga pagbabago—ilan sa mga ito ay malalaking pagbabago.
Si Sarah Jane Angell, ang nanay ng aking lolo sa tuhod, ay isang bata nang tumira sa Kirtland, Missouri, at Nauvoo ang kanyang pamilya. Dumating siya sa Salt Lake Valley noong 1848, na isang 14 anyos na dalagita, at nag-aral siya sa mga paaralan sa komunidad kung saan siya nakatira.
Si Jarvis Johnson, na pinakasalan si Sarah kalaunan, ay tumira sa Nauvoo bilang isang batang tinedyer. Ang edukasyon na natanggap niya ay malamang na mula sa isa sa mga paaralan sa lunsod. Nang nilisan ng mga Banal ang Nauvoo at nagtungo sa kanluran, nagpalista siya bilang miyembro ng Mormon Battalion sa edad na 17. Sa mga taon ng pagiging kabataan at young adult nina Sarah at Jarvis, and Simbahan at ang mga indibiduwal sa kanilang mga komunidad ang pinagmumulan ng edukasyon, ngunit walang Church Educational System na katulad ng alam natin ngayon.
Ang anak nina Sarah at Jarvis na si Rais ang aking lolo sa tuhod. Lumaki siya sa Utah at pumasok sa paaralan sa bayan na tinatawag na Honeyville. Ang gusaling ginamit nila ay ginagamit bilang paaralan at simbahan. Si Charlotte, na kalauna’y pinakasalan si Rais, ay dumalo sa paaralan sa kalapit na Call’s Fort, sa isang maliit na gusaling yari sa bato. Mga tinedyer sila sa huling bahagi ng 1870s at unang bahagi ng 1880s, ilang taon bago binuksan ng Simbahan ang karamihan sa mga paaralan nito. Habang dumarami ang mga paaralan sa mga bayan na naging paaralan ng gobyerno noong 1880s, ipinagbawal ang pagtuturo ng relihiyon sa mga paaralang ito. Dahil dito ay nagsimulang dumami ang mga paaralan na pinatatakbo ng Simbahan matapos makapagtapos ng pag-aaral sina Rais at Charlotte.
Nag-iwan si Rais ng isang tala ng kanyang pag-alok ng kasal kay Charlotte, na tinawag niyang Lottie. Sabi niya:
“Si Lottie ay nagpapatakbo ng bagon na pangkalakal noong una ko siyang makita. May tindahan ang ama niya sa tapat ng bahay nila. Mukha siyang isang mayuming bulaklak. Nakilala ko siya kalaunan sa isang sayawan, at wala pang isang taon nang maging magkasintahan kami ay inalok ko siya ng kasal. Sinabi niya, ‘Hindi mo ako gusto.’ Sinabi ko, ‘Gusto kita.’ Natakda kaming magpakasal sa loob ng tatlong buwan.”1
Sigurado akong hindi magiging mahusay na manunulat ng dayalogo tungkol sa pag-ibig si Rais, ngunit pinakasalan siya ni Charlotte, at nagkaroon sila ng 12 anak.
Isa sa 12 anak na iyon, si Alphalus—na binansagang “Alph”—ay ang aking lolo na nag-aral sa Brigham Young College sa Logan, Utah. Ang lola ko, na nagngangalang Blanche, ay nag-aral din sa Brigham Young College, na isa sa mga paaralan ng Simbahan. Sa panahon na nag-aaral pa sila, para itong high school at junior college na pinagsama. Sa mga paaralang ito, tinuruan ang mga estudyante ng sekular na mga aralin at relihiyon at nagkaroon ng maraming mga aktibidad. Naglaro ang aking lolo sa mga koponan ng baseball at basketball, at pole-vaulter naman ang lola ko.
Ang unang released-time seminary ay nagsimula sa Salt Lake City noong 1912, at mula roon nagsimula itong kumalat sa iba pang mga lunsod. Nang maipakita ng mga seminary na ito na nagbibigay sila ng magandang saligan sa relihiyon sa mga estudyanteng nag-aaral sa mga pampublikong paaralan, pinagdesisyunan ng Simbahan na itigil ang pagpapatakbo sa karamihan sa mga paaralan nito, kabilang ang Brigham Young College. Dahil dito, ang sumunod na henerasyon ng pamilya ko ay nag-aral sa mga pampublikong paaralan at sa seminary.
Isa sa mga anak na lalaki ni Alph at Blanche, si Vere, ay ang aking ama. Natandaan niya ang kanyang mga seminary teacher sa buong buhay niya. Ang aking ina, si Winifred, ay nag-aral sa high school at dumalo rin sa seminary at naaalala rin ang mga guro niya.
Noong 1926, ang programang Institute of Religion ay nagsimula sa Moscow, Idaho, at noong 1928 ay itinatag ang pangalawang institute sa Logan, Utah. Parehong mga magulang ko ay nag-aral sa tinatawag ngayon na Utah State University sa Logan noong 1940s. Noong panahong iyon, maayos na ang sistema ng institute program sa Logan, at nagkakilala ang mga magulang ko sa isa sa mga aktibidad ng institute. Kalauna’y nagpakasal sila, at matapos ikasal sa Logan Utah Temple, ginawa ang kanilang reception sa institute building.
Lumaki ako sa Logan, Utah, at nag-aral sa kaparehong high school at seminary na dinaluhan ng aking ina. Ang high school na iyon ay ang dating Brigham Young College. Nag-aral din ako sandali sa Monticello, Utah, at dumalo sa isang klase sa seminary kasama ang isang kamangha-manghang dalagita na mas bata sa akin ng isang taon. Ang pangalan niya noon ay Jill. Sa totoo lang, Jill pa rin ang pangalan niya ngayon, at kahit na walang kasiguraduhan na mas mahusay ako sa mga usaping pag-ibig kaysa sa lolo ko sa tuhod na si Rais, pinakasalan pa rin niya ako.
Dumalo ako sa seminary sa huling bahagi ng 1960s hanggang sa unang bahagi ng 1970s. Sa panahong ito ay pinasumulan ang seminary at institute sa iba’t ibang bahagi ng mundo. Nagkaroon ng mga karanasan sa mga klase ng early-morning seminary at ilang pag-eeksperimento sa home-study seminary na ginawang posible ang pagpapalawak ng seminary sa iba’t ibang bahagi ng mundo. Ang panahong ito ay puno ng mga hamon para sa mga nasa S&I. Sinusubukan nilang iangkop sa magkakaibang situwasyon sa iba’t ibang panig ng mundo ang mga programa na ginagawa sa isang released-time setting at mga institute sa mga campus ng kolehiyo. Hinarap nila ang mga hamon sa pagsasalin at pagprint sa mga panahong iyon.
Sa totoo lang, noong nasa mission ako sa Norway noong simula ng 1970s, sinimulan ang seminary doon sa taon na dumating ako. Natatandaan kong tinulungan ko ang isang binatilyo, si Tom Rui, sa kanyang mga home-study seminary lesson—isang bagay na bago sa akin. Ito ang unang pagkakataon na natanto ko na ang seminary ay maaaring maging iba sa klase na ginagawa sa normal na araw ng pasok sa isang gusaling katabi ng high school.
Ngayon ay pag-usapan natin ang nangyayari ngayon. Ang mga anak namin ay dumalo sa seminary sa mga released-time program, maliban sa ilang anak namin na dumalo sa early-morning seminary habang naglilingkod kami sa Chile. Nagbago na ang kurikulum simula nang dumalo kami ni Jill sa seminary. Isa akong batang seminary teacher nang sinimulan ang sequential scripture teaching. Nagkaroon ng mga hamon sa kung paano pinakamainam na makapagtuturo gamit ang paraang ito. Hindi naging awtomatiko ang paglipat dito. Ngunit ang mga resulta nito ang kinailangan para sa henerasyong tinuruan gamit nito. Naging mas pamilyar sila sa mga banal na kasulatan, at dahil dito natural silang naimpluwensiyahan ng mga banal na kasulatan at nagtiwala sila sa mga ito. Mayroon kaming ilang mga recording ng mga magulang ko ilang taon bago sila namatay, at nagkuwento ang aking ina tungkol sa pagkakaiba na nakita niya.
Pakinggan siya:
Hindi kami naturuan sa seminary katulad ng mga kabataan ngayon, at hindi nakagawian na basahin ang mga banal na kasulatan sa paraang ginagawa nila ngayon. May maliliit na aklat ang aking ina—Tales from the Scriptures—at binabasa niya ang mga iyon. Ngunit hindi ko natatandaang binabasa namin ang mga banal na kasulatan. Ang mga anak namin, at apo, marahil ay may mas matatag sila na patotoo dahil mas naiintindihan nila ang ebanghelyo, ay mayroon silang— Sinisimulan nilang basahin ito nang mas bata pa sila, at talagang binabasa nila ang mga banal na kasulatan. At sa tingin ko’y pinalakas sila nito.”2
Ilan sa mga apo ko ay nasa edad na para magseminary, at ang pinakamatatanda ay nasa edad na para mag-institute. Nakakakita pa rin sila ng mga pagbabago sa S&I, tulad ng pag-angkop sa mga itinuturo sa seminary sa pinag-aaralan sa tahanan sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin. Dahil sa kasalukuyang pandemya, marami tayong kailangang matutuhan sa pagtuturo nang hindi pisikal na magkakasama. Nais kong palakasin ang inyong loob habang ginagawa natin ang mga pagbabago na magiging angkop sa “mga kalagayan ng” bagong salinlahi.3 Mas malakas ang boses ko habang ginagawa ito dahil ang bagong salinlahi na ito ay kinabibilangan ng ating mga apo.
Ang paggawa ng mahahalagang pagbabago ay kadalasang mahirap. Minsan, malinaw kung ano ang dapat mangyari pero mahirap ang paggawa nito. Isipin ang mga anak na lalaki ni Mosias. Malinaw ang layunin nila na “ipahayag ang kaligtasan sa bawat nilikha”4 at “baka sakaling mailigtas [nila] ang ilan[g] … kaluluwa.”5 Napakadaling pagtuunan ng pansin ang kanilang mahimalang tagumpay at kalimutan kung gaano ito kahirap. Ginawa nila ang lahat. Ginawa nila ito sa loob ng 14 na taon, at ang mga pinagdaanan nila ay kinabilangan ng lahat ng uri ng kalupitan; pagtuturo sa mga lansangan, bahay, templo, at sinagoga; at itinaboy, kinutya, dinuraan, sinampal sa pisngi, binato, dinakip, at itinapon sa bilangguan.6 Ngunit nagsikap sila, nanatiling nakatuon, at natanggap ang kapangyarihan ng Panginoon upang magawa ang kanilang misyon.
Kamakailan ay muli kong binasa ang mga karanasan ng noo’y si Elder Russell M. Nelson sa Europa—sa Eastern Europe—kung saan siya naging responsable para rito mula 1985 hanggang 1990. Sa panahong iyon, naglilingkod siya sa Korum ng Labindalawang Apostol. Noong 1985, nang binigyan siya ng responsibilidad para sa Europa at Africa, binigyan siya ng espesyal na takdang-gawain na buksan ang mga bansa sa Eastern Europe (na dati ay nasa ilalim ng komunismo) para sa pagtuturo ng ebanghelyo.7 Ang takdang-gawain na iyon ay ibinigay apat na taon bago bumagsak ang Berlin Wall at anim na taon bago opisyal na nagwakas ang Soviet Union.
Malinaw ang layunin ni Elder Nelson, ngunit napakahirap ng gawain. Nagsumigasig siya sa espesyal na takdang-gawain na ito. Binisita niya ang “dating USSR nang dalawampu’t pitong beses at … iba pang mga bansa sa eastern bloc nang maraming ulit.”8 Sa kanyang libro na Insights from a Prophet’s Life: Russell M. Nelson, inilarawan ni Sheri Dew ang ginawa niya sa ganitong paraan:
“Hindi siya nais ng mga tao at bihirang tinanggap. Maraming mga pinuno sa gobyerno ang hindi man lang nagbigay ng pagkakataong makipagkita sa isang lalaking nagsasabing nananampalataya siya sa Diyos. Sa pagdaan ng panahon, siya ay kapwa pinahirapan at tinulungan sa kanyang mga pagsisikap, tinrato nang masama at mabuti sa iba pang pagkakataon; tiniktikan ng secret police at kalauna’y binati ng mga opisyal na nakilala siya; at tinrato nang may paghihinala ng ilan habang hiningan ng medikal na payo ng iba pa. Ang ilang mga paglalakbay ay walang kinalabasan, ngunit sa iba, may mga pintong bumukas na hindi niya inasahan o pinlano.”9
Pagkatapos magbago ang kanyang takdang-gawain sa Europa, siya at si Elder Oaks—na humalili sa kanya—ay nag-ulat sa Pangulo ng Simbahan na si Pangulong Ezra Taft Benson na ang Simbahan ay makikita na sa bawat bansa sa Eastern Europe.10 Pagdaragdag pa ni Sister Dew sa karanasan ni Pangulong Nelson:
“Nang tinanong kalaunan kung ano ang natutuhan niya mula sa takdang-gawain na buksan ang mga bansa sa Eastern Europe para sa pagtuturo ng ebanghelyo, lalo sa maraming paghinto at pagsisimula, pumalyang mga miting, at tagumpay at paghihirap, sinabi ni Elder Nelson nang simple: ‘Gusto ng Panginoon ang pagsisikap. Maaari niyang sabihin kay Moises, “Magkita tayo sa gitna.” Ngunit kinailangan akyatin ni Moises ang tuktok ng Bundok Sinai. Ninais Niyang magsikap sina Moises at Josue at Joseph Smith at ang lahat ng sumunod na mga Pangulo ng Simbahan. … Handa ka bang gumawa ng mahihirap na bagay? Kapag ipinakita mong handa kang gawin ang parte mo, tutulungan ka Niya.’”11
Ang mabubuting mga pagsisikap ni Pangulong Nelson ay napakahalaga sa pagbabagong nagbunga na malaman ng milyun-milyong mga anak ng Diyos ang ebanghelyo.
Kailangang maghirap para magkaroon ng himala. Ang mga himalang nais natin ay mangangailangan ng matinding pagsisikap natin.
Minsan matagal bago makita ang buong resulta ng ating mga pagsisikap na lumikha ng kinakailangang mga pagbabago. Sa ilang mga pagkakataon, maaari pa ngang hindi natin makita ang lahat ng mga bunga ng ating mga pagsisikap kasama ng kapangyarihan ng Diyos. Ngunit ang pag-unlad natin ay napakahalaga, at kaya at gagawin natin ang mga pagbabago na magpapala sa buhay ng mga pinaglilingkuran natin. Ilalatag din nito ang saligan para sa susunod na salinlahi—ang ating mga apo sa tuhod. Wala pa kami ni Jill ng mga ito, ngunit di-magtatagal darating sila dito sa mundo, at nang hindi natin napapansin, magsisimula silang dumalo sa inyong mga klase.
Malinaw ang layunin natin sa S&I—hindi ito nagbabago. Ang ating layunin ay patuloy na pagpalain ang mga kabataan at young adult at tulungan sila na “maunawaan ang mga turo at Pagbabayad-sala ni Jesucristo at umasa rito, maging karapat-dapat sa mga pagpapala ng templo, at ihanda ang kanilang sarili, kanilang pamilya, at iba pa para sa buhay na walang hanggan sa piling ng kanilang Ama sa Langit.”12 Ito ang nais nating makamit kaya bukas tayo sa mga pagbabago sa ating mga programa, sa paghahanap ng pinakamahusay na paraan ng pagtuturo, sa pagpapahusay ng institute, at iba pang mga pagsisikap na maging mas mabuti. Dahil mahal natin ang mga kabataan at mga young adult, handa tayong magsipag, sumubok ng mga bagong bagay, at hilingin ang patnubay at kapangyarihan ng Panginoon sa lahat ng ating mga pagsisikap.
Sa inyong mga pagsisikap na pagpalain ang bagong salinlahi, nawa’y pagpalain din kayo ng Panginoon sa mga hamon na kinakaharap ninyo sa inyong personal na buhay. Mahal ko kayo at pinatototohanan ko ang ating Ama sa Langit at ang Kanyang Anak na si Jesucristo. Sila ay buhay.
Sa pangalan ni Jesucristo, amen.