Pagdamay
Taunang Training Broadcast ng S&I para sa 2021
Enero 26, 2021
Sumasang-ayon ako sa sinabi ni Brother Wilkinson tungkol sa mga nawalan ng mga mahal sa buhay at nahihirapan sa iba pang paraan sa panahong ito at nais kong malaman ninyo na nakikiramay kami sa inyo.
Gusto ko ring magsimula sa pagpapasalamat para sa lahat ng mga pagsisikap ninyo sa panahon ng malaking pagbabago. Pambihira ang mga pagsisikap ninyo na magturo nang online nang epektibo. Alam kong nakakapanghina ng loob ang ilang mga araw, habang sinusubukan ninyong panatilihing nakikilahok ang inyong mga estudyante. Kaya salamat sa inyong masugid na mga pagsisikap. Nagpapasalamat din kami sa taos-pusong pagtanggap ninyo na mag-adjust sa ibang mahahalagang pagbabago, tulad ng isang bagong curriculum calendar at mga reading requirement. Nagpapasalamat ako sa inyong malaking kakayahan at kahandaan na harapin ang lahat ng ito nang may malaking pananampalataya.
Sa panahon ng pagbabago, may kakayahan, siguro nga’y isang kaloob ng Espiritu, na sa tingin ko ay mahalaga na magkaroon ang bawat isa sa atin. Nagmumula ito sa pananampalataya kay Jesucristo. Ito ang kakayahan na magtiwala sa mga tagumpay ng kahapon habang inaasam ang karagdagang liwanag na nais ibigay ng Panginoon. Ipinaliwanag ito ni Elder Jeffrey R. Holland sa ganitong paraan:
“Dapat matuto sa nakaraan at hindi na buhayin pa ito. … At kapag natutuhan na natin kung ano ang dapat nating matutuhan at napulot na natin ang pinakamaganda sa ating naranasan, magpatuloy tayo at tandaan na ang pananampalataya ay laging nakaturo tungo sa hinaharap. …
“Nakabatay ang pananampalataya sa nakaraan ngunit hinding-hindi nito gustong mamalagi roon. Nagtitiwala ang pananampalataya na maraming bagay ang inilalaan ng Diyos.”1
Habang pinanghahawakan ang lahat ng maganda sa nakaraan, dapat sikapin nating paunlarin ang mga ito sa pamamagitan ng pag-intindi kung ano ang nasi ng Diyos na susunod na gawin natin. Dapat nating tanungin ang ating mga sarili “Ano pa ang kulang sa akin?”2 at magsikap na paunlarin ang ating kaalaman, pag-uugali, katangian, at pagkilos. Iyan ay pagpapakita rin ng pananampalataya.
Maaaring natatandaan niyo na sinabi sa atin ni Elder Kim B. Clark limang taon na ang nakararaan na:
“Anumang antas ng espirituwalidad ang naabot na natin sa ating buhay; gaano man kalakas ang ating pananampalataya kay Jesucristo ngayon; gaano man katibay ang ating katapatang-loob at pagnanais na maglaan, gaano man tayo ka-masunurin, may pag-asa, o may pag-ibig sa kapwa; anumang antas ng propesyunal na kakayahan o abilidad ang natamo na natin, hindi ito magiging sapat para sa gawain sa hinaharap. …
“ … Ang Panginoon ay may dakilang gawain para sa atin kasama ang bagong henerasyon. Higit pa ang gawaing ito sa nagawa na natin dati.”3
Nagpapasalamat ako sa pagtugon ninyo sa kanyang paanyaya. Nakita ko ang marami sa inyo na pinalalim ang inyong espirituwalidad at katapatang-loob at ang inyong mga kakayahan at abilidad. Marami na tayong nakitang dahilan kung bakit mahalaga ito at bakit patuloy na magiging mahalaga ang palalimin ang mga katangiang ito sa hinaharap.
Maaari ba akong magbahagi ng isang halimbawa? Medyo matagal na tayong nagsasalita tungkol sa kung paano natin kailangan na maging mas nakasentro kay Cristo at nakatuon sa mag-aaral. Hindi lamang ito mga salita o isang pamamaraan sa pagtuturo. Ang pagiging nakasentro kay Cristo at nakatuon sa mag-aaral ay isang paraan na magawa nag dalawang dakilang kautusan. Dapat nitong impluwensiyahan ang ating mga pagsisikap na anyayahan ang mas maraming kabataan at young adult na makibahagi. At dapat nitong impluwensiyahan ang ating mga pagsisikap upang madagdagan ang bisa ng ating pagtuturo.
Kapag sinisikap talaga nating gamitin ang unang dakilang utos sa ating pagtuturo hindi natin basta binabanggit ang pangalan ng Tagapagligtas sa dulo ng lesson. Kinukuha natin ang bawat pagkakataon na magpatotoo sa Kanya o magpasalamat sa Kanya. Dapat tayong lumayo sa basta lamang pagsasalita tungkol sa Kanya at magsalita tungkol sa kung paanong Siya ang ating personal na Manunubos na nakilala, minamahal at pinagkakatiwalaan natin.
Kapag tunay nating sinusubukan na gamitin ang pangalawang dakilang utos sa ating pagtuturo, hindi tayo nakatuon sa pagtapos sa lesson o paggamit ng mga kasanayan sa pagtuturo para makilahok ang mga estudyante. Nakatuon tayo sa mga indibiduwal at kanilang mga pangangailangan, at hinahangad nating matulungan silang matanggap ang buhay na walang hanggan. Lumalayo tayo sa pagtingin sa mga estudyante bilang mga estudyante tungo sa pagkilala sa bawat mag-aaral bilang minamahal na anak ng Diyos na may banal na potensyal.
Hindi na bagong ideya ang mga iyon. Matagal na nating nais gawin ‘yan. Kaya ang tanong ay, Paano natin gagamitin ang tagumpay ng nakaraan upang magawa ito nang mas epektibo sa hinaharap?
Bagama’t nagsalita na ako tungkol sa mga paksang iyan dati, na umaasang ipagpatuloy ang pag-unlad sa mabuting bagay na nasimulan na, nais ko lang magbahagi ng isa pang kaisipan tungkol sa dalawang bahagi ng pahayag na iyon, mula sa pagiging mas nakasentro kay Cristo. Sinikap kong mas intindihin ang kahulugan niyon at kung paano ito magagawa sa ating mga tahanan at silid-aralan. Siyempre, dapat nating ipagpatuloy ang mga pagsisikap natin na tulungan ang mag estudyante natin na magtuon sa mga titulo, katangian, at halimbawa ni Jesucristo.5 Maaari ba akong magmungkahi ng karagdagang paraan? Katulad ninyo, napaalalahanan din ako ng propeta ng Panginoon, si Pangulong Russell M. Nelson, na “mas mainam na bilangin ang ating mga biyaya kaysa paulit-ulit na mag-alala sa ating mga problema.”6 Natutuhan ko sa kanya ang mga biyayang makukuha ng pinagtipanang Israel at na kapag hinayaan nating manaig ang Diyos, tayo ay mapapagaling, makakahanap ng mga sagot, makakatanggap ng tapang na harapin ang tukso at lakas upang magtagumpay sa ating mga laban. At tulad ng sinabi ni Pangulong Nelson, “mararansan natin para [sa ating sarili] na ang ating Diyos ay isang ‘Diyos ng mga himala’ [Mormon 9:11].”7 Kaya ang isa pang paraan na magtuon sa Tagapagligtas ay tulungan ang ating mga estudyante na matukoy ang paraan na lumalapit Siya nang may pagmamahal at awa sa lahat ng mga anak ng Ama sa Langit.
Kamakailan ay nakilahok ako sa isang virtual na klase. Bilang paghahanda para sa klase, binasa ng mga estudyante ang Eter 2:25: At masdan, inihahanda ko kayo laban sa mga bagay na ito; sapagkat hindi kayo maaaring tumawid sa malawak na kailalimang ito maliban lamang kung ihahanda ko kayo laban sa mga alon ng dagat.”8 Tinalakay ng mga miyembro ng klase ang talatang ito at kung paano inihanda ng Panginoon ang mga Jaredita para sa kanilang paglalakbay. Ibinahagi ng isang estudyante na may pinagdaraanan siyang pagsubok, na inilarawan niya bilang pinakamahirap na bagay na naranasan niya.
Pagkatapos ay may nagtanong ng isang tanong na sa tingin ko ay binigyang inspirasyon ng Espiritu Santo. Ano ang ginawa ng Panginoon para ihanda ka sa pagsubok na ito—bago pa ito nangyari? Anong mga karanasan ang ibinigay na Niya sa’yo, at anong mga aral ang itinuro na Niya sa’yo na mapagkukunan mo ng lakas ngayon? Napakagandang tanong na pag-iisipin tayo kung paano lumalapit ang Tagapagligtas sa atin nang may pagmamahal, na paunang iniisip ang ating mga pangangailangan. Ang taong dumadaan sa pagsubok ay nagbanggit ng maraming paraan na inihanda siya ng Panginoon. Natanto niya na may mga karanasan siyang mapagkukunan niya ng lakas at may malalim siyang pagkaunawa at patotoo sa mga alituntuning kailangan niyang malaman upang madaig ang pagsubok na ito nang may malaking pananampalataya. Ilang mga miyembro ng klase ang nagbahagi kung paano sila sinuportahan ng Panginoon sa kanilang mga pagsubok at kung paano nila nalaman na mahal Niya sila at nais na pagpalain sila.
Habang nakikita ninyo at ng inyong mga estudyante ang kamay ng Panginoon sa pagpapala sa mga taong nasa banal na kasulatan, matutulungan din niyo silang tukuyin ang papel na ginagampanan Niya sa kanilang mga buhay ngayon. Tulad ng paghihimok sa Aklat ni Mormon, matutulungan natin silang “maalaala kung paano naging maawain ang Panginoon sa mga anak ng tao.”9
Ngayon, ilang kaisipan sa pangalawang bahagi ng pahayag na iyon: ang pangangailangan na magtuon sa ating mga estudyante. Nabubuhay tayo sa panahon na maraming kabataan at young adult ang nahihirapan dahil sa mga tanong na hindi masagot at naguguluhan dahil sa maraming tinig ng mundo. Upang mabawasan ang ingay kailangan nilang maintindihan ang tunay na doktrina. Tulad noon pa man, kailangan nila tayo na magkaroon ng moral na tapang upang magturo at magpatotoo sa mga walang-hanggang katotohanan. Paano natin mapanghahawakan ito—at pagbubutihin ito— upang matugunan ang kanilang mga pangangailangan sa hinaharap? Paano tayo mas makapagtutuon hindi lang sa pagtuturo ng katotohanan kundi sa pagtulong sa ating mga estudyante na matutuhan ang katotohanan?
Isang paraan upang magawa ito ay sa pamamagitan ng katangian tulad ng kay Cristo na pagdamay. Ang pagdamay ay ang kakayahan na maintindihan at maramdaman ang nadarama ng isa pang tao. Ang tunay na pagdamay ay nagbibigkis sa mga tao; lumilikha ito ng mga ugnayan at tinutulungan ang mga tao na madama na hindi sila nag-iisa. Ito ay mahalaga sa paglikha ng damdamin ng pagiging kabilang. Ang katangian na ito ang susi sa epektibong pagsagot sa isang estudyante na may tanong at sa epektibong pamumuno sa isang talakayan kung saan maraming estudyante ang maingat na nakikinig nang may mga tanong na hindi binabanggit.
Makikita sa ilang pagsasaliksik na ang mga taong nanghihina sa pananampalataya ay hindi umaalis dahil sa doktrina. Umaalis sila dahil nagtatanong sila sa konteksto ng kanilang personal na mga karanasan na nagtutulot sa kanila na tingnan ang mga isyung ito mula sa isang tukoy lamang na pananaw—kadalasa’y mula sa lente ng hindi pagiging kabilang o kalungkutan o hindi natugunang mga inaasahan. Kapag sinagot natin ang kanilang mga tanong nang walang pagdamay, nang hindi inuunawa ang konteksto, hindi natin maibibigay ang tulong na kinakailangan nila. Mas masama pa, kung hindi natin ito seseryosohin, o mapanghusga tayo o depensibo, mawawala sa atin ang kanilang tiwala at pagkakataon na magkaroon ng positibong impluwensiya sa kanilang mga buhay.
Ang Tagapagligtas ang sakdal na halimbawa ng “[nagsasalita] sa katotohanan na may pag-ibig.”10 Ang Kanyang mga kilos ay puno ng pagdamay, laging nakaangkop sa mga indibiduwal na pangangailangan at pag-unawa. Dahil dito, kahit ang mga taong nadamang nagkukulang sila o na malayo sila sa pagiging ulirang disipulo ay nadama pa rin ang Kanyang pagmamahal at nagnais na lumapit sa Kanya. Nadama nila na kailangan nila Siya.
Isa pang magandang halimbawa ay mula sa pag-aaral ngayong taon ng Doktrina at mga Tipan. Nakatala sa Bahagi 88 ang mga tagubilin ng Panginoon para sa Paaralan ng mga Propeta. Dapat na dumating ang guro bago ang mga estudyante at ihanda ang kanyang sarili at ang silid. Tinagubilinan din siyang batiin ang mga estudyante ng mga salitang ito:
“Binabati kita sa pangalan ng Panginoong Jesucristo, bilang patunay o alaala ng walang hanggang tipan, na kung aling tipan ay tinatanggap kita upang makipagkapatiran, sa isang hangaring matatag, hindi matitinag, at hindi mababago, upang iyong maging kaibigan at kapatid sa pamamagitan ng biyaya ng Diyos sa mga bigkis ng pagmamahal.”11
Bagama’t hindi angkop na umpisahan ang bawat klase sa seminary o institute sa paraang ito, ang pagbati na ito ay puno ng mga tagubilin at pakahulugan. Tulad ng itinanong ni Sister Virginia Pearce: “Naiisip ba ninyo ang isang kapaligiran sa pagkatuto na isinalig sa pahayag ng pagmamahal at katapatang-loob mula at patungo sa iyong kapwa mga mag-aaral? Naiisip ba ninyo ang personal na kaligtasan na nadama nila—at ang enerhiya na ginamit sana upang dumepensa at protektahan ang kanilang sarili ay ginagamit upang sila ay matuto, lumago, at magbago? Naiisip ba ninyo ang kapangyarihan ng Espiritu Santo sa isang silid kung saan ang bawat kalahok ay nangangakong maging kaibigan at kapatid sa pamamagitan ng biyaya ng Diyos sa bigkis ng pagmamahal?”12
Isipin kung paano nito babaguhin ang ating mga klase at kung paano nito pagpapalain ang indibiduwal na mga estudyante. Isipin, halimbawa, ang isang binatang nangngangalang Alex, na nagtanong, “Ano ang gagawin ko kung hindi ako sang-ayon sa bawat patakaran ng Simbahan?” Paano ka sasagot sa paraang maipapakita mo ang iyong pagmamahal at pagdamay? Siyempre, kailangan niyang maunawaan ang papel ng mga propeta at kahalagahan ng pagsunod. Ngunit maaaring hindi ito ang pinakaangkop na agarang sagot, at maaaring hindi ito sapat sa isang taong tapat na nagnanais na malaman ang sagot sa tanong na ito. Bago tayo sumagot sa isang tanong o mamuno ng isang talakayan, magandang sikaping intindihin muna ang taong nagtatanong o ang grupong nagtatalakayan. Kaya, kung may pagkakataon kang talagang makipag-usap kay Alex, ano pa ang kailangan mong malaman, at ano ang kailangan niya mula sa’yo?
Bilang panimula, maaari tayong makinig, at maaari tayong manalangin para sa abilidad na ilagay ang sarili natin sa puwesto niya at masubukang isipin ang nadarama niya. Malamang ay hindi nagtatanong si Alex upang masagot ang isang simpleng palaisipan o basta maunawaan lamang ang doktrina. May pinagdaanan si Alex. Mayroon siyang mga karanasan at ugnayan, na ang ilan ay positibo at ilan ay hindi. Sa totoo lang, sa kasong ito, nadarama ni Alex na hindi siya kabilang kapag pumupunta siya sa simbahan at institute. Sa mga talakayan tungkol sa ebanghelyo, iba ang nadarama niya kaysa sa karamihan ng mga taong nagsasalita. Nag-iisip siya kung may iba pa na kapareho niya ang nadarama, ngunit tila walang ibang nagtatanong ng mga tanong na mayroon siya. Ang mga karanasang ito ay nagtulot sa kanya na madamang nag-iisa siya sa simbahan. Nang subukan niyang ibahagi ang kanyang pananaw, hindi niya nadamang pinakinggan siya o inintindi. Sa isang okasyon, nagkomento ang guro tungkol sa kanyang balbas. Kalaunan, isang kapwa mag-aaral ang kumutya sa isang isyu na sa tingin ni Alex ay mahalaga. Nakadama siya ng panghuhusga at minsan, pati pagkagalit.
Ngunit may isa ka pang bagay na dapat malaman at tandaan tungkol kay Alex. Narito pa rin siya. Pumasok siya sa klase. Pumupunta siya dahil mahal niya ang ebanghelyo at ang Simbahan. Sinisikap niyang kumapit sa kanyang pananampalataya, at sinisikap na gumawa ng tama. Sinisikap din niyang piliin, sa lahat ng narinig at naransan niya sa Simbahan, kung aling mga bahagi ang tunay na doktrina at alin ang mga kultural na nakasanayan na o maging ang mga pagkakamali na naipasa na ng mga miyembro sa tagal ng panahon. Nasa gitna siya ng isang emosyonal na pagsubok, at sinisikap niyang alamin ang nais ng Panginoon. Paano mo malalaman ang mga ito tungkol kay Alex kung hindi ka nakinig at nagsikap na makiramay? Ngayong mas nakilala mo na si Alex, natanto mo na ang tanong niya ay hindi lamang tungkol sa mga patakaran ng Simbahan. Ang tanong niya ay hindi lamang “Totoo ba ang Simbahan?” Ang nais niyang malaman ay, “Mabuti ba ang Simbahan?” “May puwang ba para sa akin?” at “Paano ako magiging kabilang kung tila ako lang ang may mga pagdududa at mga tanong?”
Matutulungan mo si Alex na pag-isipan pa ang kanyang mga tanong at muling itanong ito nang may walang-hanggang pananaw. Minsan, ang pagtatanong ng mga tamang tanong ay mahalagang bahagi ng pagtanggap ng mga sagot mula sa ating Ama sa Langit. Ngunit ang pagkakaroon ng sapat na pagmamahal at pagdamay upang maintindihan siya at maunawaan ang konteksto ng kanyang tanong ay matutulungan kang ibigay ang suporta at paggabay na kailangan niya. Hindi ito madali at maaaring nakakatakot pa nga. Ngunit hindi ko hinihiling na pamunuan ninyo ang bawat talakayan o sagutin ninyo ang bawat tanong nang perpekto. Hinihiling ko sa inyo na makinig, makiramay, at na tulungan silang madama ang pagmamahal ng Ama sa Langit para sa kanila. Naiisip ba ninyo ang personal na kaligtasan na madarama ni Alex at ng kanyang mga kapwa mag-aaral at ang enerhiya na dating ginagamit upang dumepensa at protektahan ang kanilang sarili ay magagamit na ngayon upang sila ay matuto, lumago, at magbago? Naiisip ba ninyo ang kapangyarihan ng Espiritu Santo sa isang silid-aralan na puno ng pagkakaibigan at ng bigkis ng pagmamahal?
Natatandaan ba ninyo ang payo ni Elder Dale G. Renlund sa nakaraang pangkalahatang kumperensya? Nagkuwento siya tungkol sa isang pasyente na maraming beses nang naospital noon upang magpagamot ng sakit na may kaugnayan sa pag-inom ng alak. Isang doktor na kasalukuyang in-training ang nagkomento na pakiramdam niya ay hindi patas na kailangan niyang maglaan ng napakaraming oras sa paggamot sa pasyenteng ito dahil ang sakit na ito ay idinulot niya sa kanyang sarili.
Narinig ni Elder Renlund ang isa pang doktor na nagsabing, “Naging doktor ka para alagaan ang mga tao at sikaping magamot sila. Hindi ka naging doktor para husgahan sila. Kung hindi mo nauunawaan ang pagkakaiba, wala kang karapatang magsanay sa institusyong ito.”13
Ikaw at ako ay hindi naging mga guro ng ebanghelyo ni Jesucristo upang husgahan ang ating mga estudyante. Naging mga guro tayo dahil nais nating gabayan sila patungo sa Dakilang Manggagamot. Tanging si Jesucristo lang ang may karapatang humusga, at Siya lang ang makapagpapagaling. Matutulungan natin silang malaman ang paggaling at direksiyon na kailangan nila sa pamamagitan lamang ng pagtuon araw-araw sa Kanya—sa Kanyang mga halimbawa, mga turo, at mga pangako. Anupaman ang mga pagbabago sa estilo ng ating pagtuturo at pagkonekta sa ating mga estudyante, may isang bagay ang hindi magbabago. Ang kaisa-isang pinakamahalagang paraan na matutulungan nating lumago ang pananampalataya ng bagong henerasyon ay ang mas isentro kay Jesucristo ang ating pagtuturo at pagkatuto sa pamamagitan ng pagtulong sa kanila na makilala Siya, matuto mula sa Kanya, at sadyang sikaping maging katulad Niya. Kapag ang alab ng inyong patotoo ay isinama ninyo sa inyong malalim na pagmamahal para sa inyong mga estudyante, mapupunta kayo sa pinakamainam na puwesto upang matulungan silang maunawaan at umasa sa Kanyang mga turo at Kanyang Pagbabayad-sala at maging karapat-dapat sa Kanyang ipinangakong mga biyaya. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.
Ngayon ay nais kong pumunta at samahan sina Brother Bigelow at Brother Smith.