Panel Discussion
Taunang Training Broadcast ng S&I para sa 2021
Martes, Enero 19, 2021
Brother Chad H Webb: Salamat sa pagsama ninyo sa akin. Ito si Brother Rory Bigelow. Siya ang aming associate administrator para sa operations, mga bagay sa Church Office Building tulad ng human resources at finance at physical facilities. Siya naman si Adam Smith, ang aming associate administrator sa instruction, na nagtatrabaho kasama ng aming mga division tulad ng Training and Curriculum at Student Services at iba pa.
Sa pagsisimula namin, gusto ko lang magbigay ng kaunting konteksto at vision sa kung saan natin nais pumunta. Sa Seminaries and Institutes (S&I) ngayon, gumagawa tayo ng kamangha-manghang pagtugon sa pangangailangan ng mga estudyante natin. Ngunit ang realidad ay ang mga dumadalo ay kadalasang mga aktibong miyembro ng Simbahan. Wala itong epekto sa iba, at ang totoo, nababawasan ang pag-enrol sa mga programa ng S&I.
Ang nais natin ay baguhin iyon. Umaasa kami na ang S&I ay magkakaroon ng mas mahalagang papel sa agarang pangangailangan na “magtipon” ng isang buong henerasyon ng mga kabataan at young adult. Matatandaan ninyo na itinuro ni Pangulong Nelson na ang pagtipon sa Israel ay ang pinakamahalagang gawain sa mundo. Syempre pa, kabilang dito ang gawaing misyonero at sa templo, ngunit sinabi rin ni Pangulong Nelson na kabilang dito ang pagpapalakas ng pananampalataya at patotoo sa mga puso ng mga pinaglilingkuran natin. Sinabi niya na tuwing gumagawa tayo ng anumang bagay na tumutulong sa sinoman na gumawa at tuparin ang kanyang mga tipan sa Diyos, tinitipon natin ang Israel.
Nag-aalala kami na naiiwanan natin ang ilan sa ating mga kabataan at mga young adult. Sa halip na pagsasalita gamit ang mga terminong nawala o nahanap, mas madalas ginagamit sa mga banal na kasulatan ang pagkalat at pagtipon. Mayroong ilan na humihina ang pananampalataya. Ngunit alam natin kung nasaan sila; hindi sila nawawala. Ngunit ikinalat sila ng mga impluwensya ng mundo at maaaring lumayo mula sa atin. Mayroon tayong napakagandang pagkakataon at agarang pangangailangan na tumulong sa “pagtipon” ng bahaging ito ng Israel.
Ang paraang magagawa natin ito ay sa pamamagitan ng paglikha ng mga karanasan na nagtutulot sa pagbabalik-loob, pagiging mahalaga, at pagiging kabilang at sa paraang mararanasan ng marami ang mga bagay na ito. At gagawin natin ito nang tapat sa pinagmulan natin. Hindi tayo nagbabago para lang magbago. Patuloy nating ituturo ang ebanghelyo na makikita sa mga banal na kasulatan sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo. Ngunit upang lumikha ng mga karanasan, kailangan natin gumawa ng ilang pagbabago.
Kailangan nating kumilos:
-
Mula sa pagsasalita at pagsabi tungo sa pakikilahok at pag-anyaya.
-
Mula sa pagsabi sa mga estudyante kung saan dapat sila pumunta tungo sa pagpunta sa kanila kung nasaan sila ngayon.
-
Mula sa pagpuri sa ideyal tungo sa paggalang sa paghihirap.
-
Mula sa mga aktibidad ng pakikisalamuha tungo sa makahulugang pakikitungo.
-
Mula sa pagtuon sa class credit at pagtatapos tungo sa pagtuon sa espirituwal na paglago at pagiging.
-
Mula sa mga mag-aaral na naghihintay na may mangyari sa kanila tungo sa mga aktibong nakikilahok na mga kasangkapan ng Espiritu Santo.
Makikipagpulong kami sa mga program administrator, mga seminary principal, mga institute director, at mga coordinator upang mas mabigyang kahulugan ang mga karanasan at inaasahan sa pagtuturo at pagkatuto, upang magbigay ng mga training at mentoring, at upang magbigay ng mga batayan upang malaman natin kung nagtatagumpay tayo.
Ang training at mga resource na matatanggap ninyo at mga pagbabagong gagawin ay gagawin nang may layunin ng pagtipon sa Israel—sa pamamagitan ng paglikha ng mga karanasan na matutugunan ang mga pangangailangan ng lahat ng mga kabataan at young adult at sa pagpapadali ng pagkuha ng mga ito. Magtutuon tayo sa mithiing ito sa loob ng kahit susunod na tatlong taon. Sa puntong iyon, susuriin natin ang ating progreso at gagawa ng karagdagang mga pagbabago.
Ang paanyaya ko sa bawat isa sa inyo ay makisama kayo kay Pangulong Nelson sa pinakadakilang gawain sa mundo—ang agarang pangangailangan at pagkakataon na tipunin ang Israel, tipunin ang mga taong hahayaang manaig ang Diyos sa buhay nila. May mangyayaring kamangha-manghang mga bagay, maging mga himala. Napakalaking biyayang maging bahagi nito.
Bago ko kayo tanungin tungkol sa ilan sa mga pagbabago sa Seminaries and Institutes, puwede ko ba munang maitanong, ano ang hindi magbabago kailanman?
Brother Rory Bigelow: Sa palagay ko, ang isang bagay na hindi magbabago ay ang ating pangkalahatang layunin. Nandito tayo upang tulungan ang mga kabataan at young adult na maunawaan ang at umasa sa mga turo at Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Nais natin silang tulungan na maging karapat-dapat at makapaghanda para sa mga pagpapala na naghihintay sa kanila. At hindi iyon magbabago kailanman. Ang ating pangkalahatang layunin ay nakatuon sa kanila, at mamahalin natin sila. Mahalaga sila. At nais nating tulungan ang bawat isa sa kanila na magkaroon ng magandang karanasan sa Seminaries and Institutes.
Brother Adam Smith: Nais ko ring idagdag na palagi tayong nakatuon sa pangangailangan ng estudyante, tulad ng binanggit mo—na kailangan talaga nating malaman kung ano ang kailangan ng ating mga mag-aaral na maranasan sa klase, na nakasentro sa mga banal na kasulatan ang mga ginagawa natin upang matugunan ang pangangailangang iyon, at nakasentro sa Tagapagligtas ang buong karanasan na iyon.
Sa palagay ko, ang dalawa pang bagay na hindi magbabago kailanman ay na palagi tayong magiging tapat sa mga prayoridad ng propeta at mga natatanggap nating tagubilin mula sa mga propeta at apostol. At palagi tayong magsisikap na makasama natin ang Espiritu Santo sa ating mga personal na buhay, kapag naghahanda tayo, at lalo na kapag nasa klase tayo kasama ng mga estudyate.
Brother Webb: Salamat sa sinabi mo. Sa palagay ko, napakahalaga talaga niyon. Ang mga bagay na iyon na pinakamahalaga ay hindi magbabago kailanman. Ang sentro ng pagkakakilanlan natin ay hindi magbabago kailanman.
Tungkol sa mga pagbabago, ang broadcast na ito ay naiiba. Dati, nagkakaroon tayo ng Isang Gabi Kasama ang Isang General Authority sa bahaging ito ng taon pero ngayon, mayroon tayong pandaigdigang training broadcast. Puwede bang sabihin ng isa sa inyo kung bakit ginawa ang pagbabagong iyon?
Brother Bigelow: Maraming dahilan pero sa palagay ko, mayroong dalawang pangunahing dahilan na mahalagang malaman ng lahat. Ang una ay dahil sa loob ng mahabang panahon—mula pa nang simulan ang Granite Seminary noong 1912—ibinatay natin ang iskedyul ng ating training sa pasok ng estudyante sa Estados Unidos. Pero noong 1991, nagbago ang mga bagay-bagay para sa atin. Noong 1991, mas marami na tayong estudyante sa institute sa labas ng Estados Unidos kaysa sa loob ng Estados Unidos.
Kaya habang lumalaki ang bilang ng mga estudyante sa ibang bansa, hindi na angkop para sa atin na patuloy na gumamit ng isang iskedyul na nakabatay sa pasok ng estudyante sa Estados Unidos. Isa nga iyon sa mga dahilan—ang pagnanais na baguhin ang iskedyul at gawin itong mas nakabatay sa taunang iskedyul kaysa sa pasok ng estudyante sa hilagang bahagi ng mundo.
Ang isa pang dahilan—kung maaari kong idagdag—ay ang pagbabago sa ating pilosopiya at paraan ng pagsasagawa ng training. Sa loob ng mahabang panahon, halos tila tumatakbo tayo sa isang relay race na may baton. Ang punong-tanggapan ay naghahanda ng training at mga prayoridad, at sa area director convention, ipapasa namin ang baton sa mga area director. Pagkatapos niyon, ibinibigay naman ito ng mga area director sa kani-kanilang area training.
Pero ngayon, nais natin na sa area director convention o training, sama-samang magsanggunian at magtulungan ang lahat sa paglikha ng direksyon. At sa pamamagitan ng paglipat ng ating area director convention mula Abril papuntang Oktubre, natutulutan tayo na makipagkita sa kanila sa Oktubre at pagkatapos ay makapaghanda para sa pandaigdigang training broadcast—tulad ngayong Enero.
Brother Webb: Alam ninyo, dahil diyan ay naalala ko ang isa pang pagbabago. Sa katunayan, nadagdagan ng halos kalahati ang bilang ng mga area director na mayroon tayo ngayon. Kaya mas marami na sa kanila ang nakakasama sa ating mga council kumpara dati. Ito ay nagtutulot na mas katawanin ang mga pangangailangan ng bawat area sa iba’t ibang panig ng mundo sa mga council na iyon at maging mas madali ang pakikipag-ugnayan, sa diwa ng isang council. Sa palagay ko, mahalagang bagay iyon.
Isa pang pagbabago na itinatanong ng marami—at talagang natutuwa tayo na handa ang lahat na tanggapin ang pagbabagong ito sa pagsulong natin tungo sa bagong kurikulum na nakabatay sa taunang iskedyul ng Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin sa halip na sa iskedyul ng pasok ng estudyante. Adam, nais mo bang magsalita tungkol sa pagbabagong iyon?
Brother Smith: Oo naman, siyempre. Mga Marso ng 2019 nang magpasiya tayong gawin ang panimulang hakbang na iyon na ibatay ang kurikulum ng Seminaries and Institutes sa aklat ng banal na kasulatang pinag-aaralan sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin. Nagdala ako ng kopya ng isang sipi mula kay Elder Clark na nais kong basahin nang eksakto dahil talagang naantig ako nito.
Nang ibalita iyon sa mundo, sinabi ni Elder Clark, “Ang propeta ng Panginoon ay tumayo sa pangkalahatang kumperensya at nagwikang, ‘Kailangan natin ng pagtuturo ng ebanghelyo na nakasentro sa tahanan at sinusuportahan ng simbahan.’1 At dahil sinabi niya iyon, nagbago ang lahat.”
Kaya nagpasiya tayo na noong taglagas ng 2019—kung naaalala ninyo—ang paksa ng pag-aaral ay Bagong Tipan at noong Enero ng 2020, Aklat ni Mormon naman. At noong taglagas ng 2019, nilapitan tayo ng mga released-time na programa ng seminary upang magtanong kung puwede nilang subukan ang isang bagay. Nais nilang subukan na gawing mas nakabatay sa iskedyul ng pagbabasa sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin ang pagtuturo ng kurikulum ng seminary. Naisip natin na baka mayroon tayong matuklasan na mga interesanteng bagay, kaya inanyayahan natin sila na gawin iyon.
At tumawag tayo ng isang grupo ng mga mananaliksik na pupunta at kakausap sa mga estudyante, magulang, titser, at administrator ng seminary upang maikumpara ang kanilang mga resulta at karanasan sa mga nasa programa na mayroong mas tradisyonal na kurikulum—nakabatay pa rin sa aklat ng banal na kasulatan pero tumatagal nang siyam na buwan.
Ang natuklasan natin sa pananaliksik na iyon ay—talagang nakapagbibigay-inspirasyon ito sa akin. At medyo nakakagulat din. Natuklasan natin na hindi naman problema sa mga estudyante ang pag-uulit ng aralin. Natuklasan din natin na pareho lang ang pagkaunawa ng estudyante sa aklat ng banal na kasulatan anuman ang kurikulum.
Inaalala natin noon na kapag sinunod ang iskedyul ng Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin, baka mayroong mga bagay na malaktawan ang mga estudyante sa klase sa Seminary dahil sa bakasyon. Pero napatunayan natin na pareho lang ang pagkaunawa ng mga estudyante sa aklat ng banal na kasulatan.
Ang talagang nakatawag sa ating pansin ay ang kaibhan. Nagkaroon ng pagtaas—ng napakalaking pagtaas—sa bilang ng mga estudyante na pumapasok sa klase na handang matutuhan ang aralin para sa araw na iyon—napakalaking pagtaas sa bilang ng mga estudyante na nagbibigay ng mga makabuluhang komento at nakikibahagi sa klase.
At ang talagang ikinatuwa ko ay ang napakalaking pagtaas sa bilang ng mga estudyante na nagbabasa ng kanilang mga banal na kasulatan sa bahay—sa labas ng seminary. Kaya nang makita natin ang resulta ng pananaliksik na iyon at nakita ang mga paghahambing, napagtanto natin na sa pamamagitan ng pagbabagong ito, mapagpapala ang mga estudyante at ang kanilang mga pamilya. Binigyang-diin din nito ang kahalagahan ng isang bagay na palaging itinuturo sa atin ni Elder Clark noong siya ang ating commissioner.
Itinuro niya sa atin na tulungan ang mga estudyante na magkaroon ng malalim na pagkatuto at nakapagpapabalik-loob na karanasan kapag kasama natin sila. At sa palagay ko, ang pagbatay sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin ay nakatutulong na mabawasan ang pasanin ng lawak ng kailangang maituro sa klase. Ngayon, magtutuon tayo lagi sa mga banal na kasulatan; ito ang palaging magiging sentro. At ang Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin ay nagtutulot sa atin na mapag-aralan ang isang aklat ng banal na kasulatan mula simula hanggang dulo. Pero alam natin na hindi natin ito dapat iturong lahat upang makapagtuon tayo sa mga pangangailangan ng mag-aaral at maiugnay natin sila sa Tagapagligtas, sa pamamagitan ng mga banal na kasulatan at ng Espiritu Santo.
At hindi natin nais balewalain ang isyu na sa kahit anong iskedyul sa paaralan, saanmang panig ng mundo, palaging mayroong bakasyon kung kailan hindi sila pumapasok sa loob ng dalawa hanggang tatlong buwan. Dalawa hanggang tatlong buwan na aralin tungkol sa banal na kasulatan ang hindi nila mapag-aaralan sa seminary. Bilang mga titser ng banal na kasulatan, nagdudulot iyon ng pag-aalala sa atin.
Mula nang ipakilala ang Doctrinal Mastery, mahalaga na talaga ito. At sa palagay ko, lalo pang makikita at madaragdagan ang kahalagahan nito dahil sa nabanggit na pagbabago. Kung magtutuon ang mga titser sa pagtuturo ng Doctrinal Mastery kada linggo, anuman ang sinusunod na iskedyul ng paaralan saanmang panig ng mundo, matututuhan ng mga estudyante ang pinakamahahalagang bagay. Sa palagay ko, kung minsan, dahil napakahusay ng mga titser at nais nilang maituro ang lahat ng banal na kasulatan, ang Doctrinal Mastery ay naiiwan sa dulo “kung mayroon pang oras,” pero kadalasan ay wala na. Napakaraming dapat ituro.
At kung minsan, ang Doctrinal Mastery ay nakikita bilang hindi masyadong mahalagang bahagi ng seminary. Pero ang Doctrinal Mastery ay napakahalagang bahagi nito. Tinutulungan tayo nitong maisakatuparan ang ating layunin at masunod ang ipinagagawa sa atin ng mga propeta. Kaya sa pamamagitan ng pagtutuon sa Doctrinal Mastery, nagagawa talaga nating matalakay ang mga aralin na hindi naisasama sa iskedyul ng paaralan, at nakahahanay tayo sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin sa paraang nagpapala sa mga estudyante at pamilya.
Brother Webb: Naaalala ko noong ipinakita natin kay Elder Johnson ang resulta ng pananaliksik at pinag-usapan natin ang posibilidad na ito. Simula pa lang, nais na niya itong ihanay sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin dahil sa paraan kung paano ito nagpapala sa mga pamilya at nag-uugnay sa kanilang pag-aaral sa bahay. Tulad natin, nag-alala rin siya tungkol sa ilang aralin na malalaktawan sa ilang panig ng mundo dahil sa bakasyon sa paaralan. Maaaring hindi maituro ang tungkol sa huling linggo ng buhay ng Tagapagligtas, o ang Unang Pangitain, o anumang napakahalagang pangyayari o alituntunin ng ebanghelyo.
Kaya, tulad ng sinabi mo, tinalakay natin ang posibilidad ng pagtutuon at pagdagdag sa mga aralin sa Doctrinal Mastery—kahit na nalaktawan ang mga ito sa bakasyon—at maging sa mga buod ng aralin na tutulong sa kanila na makahabol sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin kung galing sila sa bakasyon. Maaari silang magsimula sa mga buod ng aralin na nalaktawan nila, at pagkatapos ay humabol sa iskedyul ng pagbabasa para sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin. Sa ganitong paraan, matatamasa pa rin natin ang mga inilarawan mong benepisyo ng paghanay sa iskedyul ng Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin at mawawala ang ating mga alalahanin tungkol sa mga araling maaari nilang malaktawan. At kailangan din nating magtiwala na ang mga pamilya at indibiduwal na mag-aaral ng mga bahaging iyon nang hindi natin kasama ay magkakaroon ng makabuluhang karanasan at matututo ng mga bagay na kailangan nilang matutuhan sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Napakaganda ng paliwanag na iyon. Salamat.
Alam mo, isa pa sa mga madalas itanong ay ang pagbabago sa mga requirement sa pagbabasa—mula sa requirement na basahin ang teksto para sa kurso tungo sa araw-araw na pagbabasa ng mga banal na mga kasulatan. Ano ang nais mong sabihin tungkol sa pasiyang iyon?
Brother Smith: Alam naman natin ang mga kinakailangan para sa seminary completion at seminary diploma: kaya sinusubaybayan natin ang pagdalo nila at inaanyayahan natin sila na basahin ang teksto para sa kurso. Pagkatapos ay mayroon tayong learning assessment. At mayroon ding kaunting pagbabago sa kinakailangang basahin. Kung dati kinakailangan lang nilang tapusin ang apat na pamantayang aklat habang nasa seminary sila, ngayon ay inaanyayahan natin sila na basahin ang banal na kasulatan araw-araw.
Naggugol tayo ng maraming oras kasama ang ating mga area director—at maging ang maraming region director—sa iba’t ibang panig ng mundo upang talakayin kung ano talaga ang nais nating mangyari sa mga buhay, isipan, at puso ng mga estudyante dahil sa kanilang mga karanasan kapwa sa seminary at sa institute.
Habang nag-uusap kami tungkol sa karanasan sa seminary at kung ano ang inaasahan nating mangyari sa mga buhay ng mga estudyante, nag-usap kami tungkol sa pagbabalik ng kinakailangang basahin na banal na kasulatan sa seminary. Pero napagtanto namin na ang bagay na nais naming bigyang-diin, ang bagay na pinakamahalaga, ay ang kakayahan natin na tulungan ang isang estudyante na makagawian ang pag-aaral ng banal na kasulatan buong buhay niya.
Muli, mayroon akong dalang kopya ng isa pang sipi. Mula ito sa hanbuk na Pagtuturo at Pag-aaral ng Ebanghelyo pero sa palagay ko, maganda ang pagbubuod nito tungkol doon. Sabi nito, “Iilang bagay lamang ang magagawa ng mga titser na magkakaroon ng mas malakas at matagalang impluwensya para sa ikabubuti ng buhay ng kanilang mga estudyante na hihigit pa sa tulungan sila na matutunang mahalin ang mga banal na kasulatan at pag-aralan ang mga ito araw-araw.”3 Kaya kung nais nating kumatawan ang seminary diploma sa makabuluhan, malalim, at nakapagpapabalik-loob na karanasan sa loob ng apat na taon, kailangan maging bahagi niyon ang pag-aaral ng banal na kasulatan.
At napakaraming paraan upang masukat natin kung gaano karaming banal na kasulatan ang nababasa ng estudyante, pero nais nating magtuon sa pagsukat ng pinakamahalaga, at iyon ay ang pagtulong sa mga estudyante na makagawian ang pag-aaral ng banal na kasulatan araw-araw. Kaya sinamahan natin ito ng magagandang in-service leader resources at umaasa kaming gagamitin ang mga ito ng mga titser at in-service leader. Dahil ang mga iyon ay talagang sumusuporta sa kinakailangang gawin sa pamamagitan ng pagtulong sa mga estudyante na magkaroon ng mga kasanayan, gumawa ng mga mithiin, at matuto kung paano makipag-ugnayan sa kanilang Ama sa Langit at Tagapagligtas sa pamamagitan ng Espiritu Santo sa mga banal na kasulatan. Ngunit sa palagay natin, talagang nakatuon ito sa pinakamahalaga at sa kung ano ang nais nating katawanin ng diploma.
Brother Webb: Kaya hihikayatin pa rin natin sila na basahin ang teksto para sa kurso. Sa katunayan, ang kinakailangang basahin araw-araw, o ang inaasahan, ay dapat bahagi ng kursong pinag-aaralan.
Kaya sana basahin pa rin ng lahat ng estudyante sa seminary ang kursong pinag-aaralan. Sana magtakda pa rin sila ng mga mithiin at gawin nila itong makabuluhan tulad ng sinabi mo. Pero ang kinakailangan para sa credit ay magbasa sila sa 75 porsiyento ng mga araw sa semestreng iyon. Hindi natin ididikta kung ano ang ibig sabihin ng magbasa araw-araw. Pero habang nakikibahagi sila sa pag-aaral ng banal na kasulatan para sa kurso araw-araw sa anumang paraan, sa 75 porsiyento ng lahat ng pagkakataon, magiging motibasyon iyon upang mahikayat sila na gawing bahagi ng kanilang oras sa seminary ang karanasang iyon.
Brother Bigelow: Talagang natutuwa ako na binanggit mo na magkakaiba man ang mithiin at inaasahang resulta para sa mga indibiduwal—ang mahalaga ay nag-aaral sila ng mga banal na kasulatan araw-araw. Sa ilang panig ng mundo kung saan mayroon tayong seminary, ni wala nga silang banal na kasulatan na nakalimbag na maaari nilang basahin. Kaya ang paglikha ng isang pamantayan na angkop sa buong mundo ay tinutulutan tayong magawa ito. Tinutulutan tayo nitong sabihin na, “Nais naming mapatibay ninyo ang inyong ugnayan sa Ama sa Langit sa pamamagitan ng salita.” At mangyayari iyon kung makakagawiang pag-aralan ang salita ng Diyos araw-araw.
Brother Webb: Kaya samantalahin ang pagkakataon na pakinggan ang Kanyang tinig araw-araw.
Brother Bigelow: Tumpak.
Brother Webb: At nagpapakita rin ito ng pagtitiwala sa mga titser, hindi ba? Na makipagtulungan sa bawat estudyante upang maiakma ang kanilang karanasan ayon sa kanilang mga pangangailangan at kakayahan. At nagtitiwala kami sa inyo. Kaya nga hindi namin idinidikta kung ano ang ibig sabihin nito nang higit pa sa nasabi namin.
Brother Bigelow: Tumpak.
Brother Webb: Salamat. Ang mga pagbabagong iyon ay naipahayag at ipinatutupad na, at nagpapasalamat kami para sa lahat ng inyong mga pagsisikap na gamitin ang mga ito sa pinakamainam na paraan upang mapagpala ang mga estudyante. Isa pang pagbabago, o maaaring iniiwasang talakayan, ay ang pandemya at ano ang mga nangyari nitong mga nakaraang buwan sa ating mga klase kasabay ng napakaraming pagkaantala at pagbabago sa online na pag-aaral at iba pang pagbabago na lumitaw dahil sa pandemya. Rory, ano ang masasabi mong natutuhan natin mula sa pandemya, at ano ang magbabago sa hinaharap dahil dito?
Brother Bigelow: Sa palagay ko, una sa lahat—tulad ng binanggit mo kanina sa iyong mga komento—napagtanto natin na mayroong mga kamangha-manghang tao na nagtatrabaho at naglilingkod kasama natin. At kung isasama mo ang mga paaralan ng Simbahan, lahat ng missionary, tinawag na titser, full-time na empleyado, at part-time na empleyado, higit pa ito sa 60 libong katao sa mundo. At lahat sila ay mahuhusay. Pero sa palagay ko, dahil sa pandemya, namulat ang ating mga mata sa kasanayan na maaaring wala pa tayo.
Hayaan ninyong magbahagi ako ng isang personal na karanasan. Mga pitong taon na ang nakararaan, tinawag kami ng asawa ko bilang mga mission leader sa isang mission sa Brazil. At pumunta kami roon na nakapag-aral ng Portugues—naglingkod din ako dati sa isang lugar kung saan Espanyol ang gamit na wika, kaya bagama’t bago ang wikang ito para sa amin, naisip namin na sapat na ang kaalaman namin sa pagsasalita ng Portuges.
At naaalala ko noong pinakaunang araw na dumating kami sa mission, isinama kami ng papalitan namin na mission president sa mission home. Naroon ang FM manager, at habang papasok kami sa kusina, sabi niya, “Naku, mukhang kailangan ninyong umorder ng tubig.” Ipinatong niya ang kamay niya sa water jug doon, at sinabing, “Kailangan ninyong umorder ng bagong bote ng tubig dito.” Nataranta ako dahil napagtanto ko na hindi ko alam kung paano sabihin ang bote ng tubig sa Portuges. Alam ninyo, marami akong alam na ibang salita. Nag-aral kami kaya akala namin alam na namin. Sabi ko sa kanya, “Puwede mo ba iyong gawin para sa akin? Puwede ba?” At sabi niya, “Oo naman.”
Hindi niya nakita na noong tumawag siya, ako ay tumalikod sa kanya at kumuha ng kapirasong papel at isinulat ko ang bawat salitang sinabi niya upang makaorder ng tubig. Naisip ko noon na maaaring mamatay kami ng pamilya ko pagkaraan ng dalawang linggo dahil baka hindi ako makaorder ng tubig.
Nilinaw at ipinakita sa akin ng karanasang iyon na hindi ko alam ang akala kong alam ko na. At sa palagay ko, gayon din ang ginawa ng pandemya para sa atin. Ang ating antas, o husay—Ang antas ng ating kahusayan sa online na pagtuturo ng relihiyon ay hindi pa sapat. Mabilis lang nakaangkop ang ilan, at tila likas na ang kasanayan sa kanila kaya nagawa nila ito kaagad. Pero maaaring ang iba ay hindi.
Kaya sa palagay ko, ang isa sa mga bagay na kailangan nating matutuhan at ipagpatuloy ay ang pagpapahusay ng ating mga kasanayan. Kailangan nating maghanap ng mga paraan upang madagdagan ang ating kakayahan.
Mayroon kang binanggit sa iyong pambungad na mensahe. At sa palagay ko, napakahalaga nito kaya palagi ko itong binabalikan. Isa itong sipi mula kay Elder Clark, nang sabihin niyang, “Gaano man kalakas ang ating … pagsunod o pag-asa o pag-ibig sa kapwa; anuman ang kasanayan at kakayahang natamo natin, hindi ito sasapat para sa gawain sa hinaharap.”4
At ang isa sa mga bagay na personal kong nakuha mula sa pandemya ay ang masidhing hangarin na maging mas mahusay, na tiyaking naaabot ko ang mga tumitinding inaasahan ng Panginoon sa talagang kakaibang mundo na mayroon tayo ngayon. Ano ang kinalaman nito sa online na pagtuturo? Hindi ko alam. Adam, ano nga ba ang kinalaman nito sa ating online na pagtuturo? Siguro mas maganda kung ikaw ang sasagot sa tanong na ito.
Brother Smith: Sige, uulitin ko lang ang sinabi mo. Sa palagay ko, mayroon tayong natutuhan na dalawang napakahalagang bagay mula sa pandemya na magagamit natin sa hinaharap. Una, tulad ng binanggit mo, napakahuhusay ng mga kasama natin sa trabaho. Ang ating mga full-time na titser at boluntaryong titser ay talagang handa, kamangha-mangha, at mayroong dedikasyon. Bagama’t napunta sila sa mahirap na sitwasyon, napakahusay pa rin ng ginawa nila.
Nagkaroon din tayo ng mga pagkakataon na paghusayin ang ating mga sarili. At sa palagay ko, mas natutuhan natin kung ano ang mga bagay na kailangan nating itanong upang malaman ang mga sagot na kailangan nating malaman.
Ang isa sa mga bagay na ginawa natin sa Church Office Building ay bumuo tayo ng pangkat para sa Digital Learning Management. Tumutukoy iyon sa pangkat ng mga bihasang tao na tutulong sa atin na mapahusay ang online na pagtuturo ng Seminaries and Institutes. Tinawag natin ito na Digital Learning Management dahil ang salitang online ay maaaring tumukoy sa napakaraming bagay. Ang ibig nating sabihin ay anumang uri ng pagtuturo sa labas ng silid-aralan na gumagamit ng teknolohiya, hybrid man ito o video conferencing o asynchronous—napakaraming paraan upang magawa ito.
Pero sa palagay ko, ang natutuhan talaga natin ay, ano ang mga bagay na kailangan nating itanong? At sinisimulan nating itanong ang mga bagay na iyon upang makabuo tayo ng resources, pasilidad, at programa na tutulong sa pagsuporta sa lumalawak na digital na pagtuturo ng mga klase kapwa sa seminary at sa institute.
Siguradong kapag nawala ang COVID, na ipinagdarasal nating lahat na mangyari sa lalong madaling panahon, hindi na magiging kasintaas ang pangangailangan dito pero magiging mas mataas pa rin ito kaysa dati dahil mayroon tayong naabot na mga estudyante na hindi pa natin naabot dati. Napagpala natin ang mga buhay at pamilya na hindi natin napagpala dati dahil, sa isang banda, napuwersa tayo sa paraan ng pagtuturo na ito, at ngayon ay nakikita na natin ang mga benepisyo nito. Ngayon, alam na natin ang mga bagay na dapat itanong upang mapahusay ito, at sama-sama tayong nagsisikap upang malaman ang mga sagot. Kaya sa palagay ko, mayroong mga kapana-panabik na bagay na darating.
Brother Webb: Alam ninyo, mayroong ilang taong nagtatanong, “Darating ba ang panahon na magkakaroon tayo ng pangkat na nakalaan para sa online na pagtuturo?” Ang masasabi ko lang ay pinag-iisipan pa rin natin ang mga tanong na iyon. Malaki ang posibilidad na darating ang panahon na magkakaroon ng mga full-time na titser sa seminary na nakatuon lang sa online na pagtuturo. Kaya mahalaga rin na tayong lahat ay magkaroon ng pangunahing pagkaunawa kung paano makapagtuturo nang epektibo online. Balang araw, tayong lahat ay maaaring tawagin upang gawin iyon. At kapag tinawag tayo, siyempre nais nating gawin iyon sa abot ng ating makakaya. Nakakita tayo ng ilang titser na nagawa iyon nang napakahusay. Nakakita tayo ng mga titser na dumami nang apat na beses ang mga estudyante sa mga programa ng institute dahil talagang epektibo ang kanilang online na pagtuturo. Ang mas mahalaga kaysa sa organisadong kaayusan ay, kaya ba nating matutuhan ang mga kinakailangang kasanayan upang makapagturo nang epektibo online at talagang mapagpala ang mga tao sa paraang iyon?
At habang natututuhan natin iyon, mas maibabahagi natin iyon sa mga traning upang ang mga tao ay makapaghatid ng epektibong karanasan sa pag-aaral ng relihiyon sa abot ng kanilang makakaya. Sa palagay ko, magaganda ang mga komentong iyon. Salamat.
Brother Bigelow: Ang pagbabago na ito sa online na pagtuturo ay hindi naman pag-abandona sa ginagawa na natin dati. Pero kailangan nating gumawa ng pagbabago. Marahil kailangan nga nating kumuha ng mga karagdagang part-time na titser sa institute at sa seminary. Ang online na pagtuturo ay nagbibigay sa mga tao ng pagkakataon na magturo sa oras lang na kaya nila.
Brother Webb: Pero hindi ipipilit ang mga pagbabagong iyon sa sinuman. Gagawin lang natin ang mga pagbabagong iyon habang sumusulong tayo at habang mayroong dumarating na mga bagong pagkakataon. Nais kong banggitin sandali ang isa sa mga dahilan sa likod niyon. Lumalaki ang bilang ng mga kababaihan sa ating pangkat. At talagang nagpapasalamat tayo para sa kontribusyon na ginagawa nila. At pinipili ng ilan sa kanila, dahil sa mga kalagayan ng pamilya, na magturo nang part-time o online sa anumang dahilan.
Alam ninyo, dahil mas marami nang kababaihan sa ating pangkat, dumarami na rin ang mga pagkakataon para sa kanila na mamuno. Nais ko lang banggitin na mayroon tayong 10 division director sa Church Office Building, at ang tatlo sa kanila ay babae. Hindi ibinigay sa kanila ang mga posisyong iyon dahil babae sila. Sadyang sila ang pinakakwalipikadong kandidato para sa mga posisyong iyon at napakalaki ng kontribusyon nila sa gawaing ginagawa natin.
Pero halimbawa palang ito na, habang lumalaki ang ating organisasyon, nangyayari din ito sa mga region director, faculty, o program administrator. At nais ko ring banggitin na kailangan natin itong malaman dahil isa itong mahalagang pagbabago sa ating pangkat. At ang mga program administrator ay kailangang magkaroon ng kamalayan sa iba’t ibang pananaw at magsanggunian. Kailangan nilang gamitin ang karanasan ng mga tao at matuto mula sa kanilang mga pananaw.
Sa palagay ko, isa itong bagay na kailangan nating malaman upang mapakinabangan natin ang pagkakaiba-iba ng mga miyembro ng ating pangkat. At alam ko na partikular ito sa mga empleyado, pero angkop din ito sa mundong puno ng mga titser, na lalaki at babae, na magkakaiba ng pinanggalingan, na tinawag na mga titser, at mayroong napakaraming ideya na kailangan nating pakinggan at pananaw at karanasan na kailangan nating unawain upang mapagpala natin ang mga estudyante sa ating organisasyon.
Brother Bigelow: Marahil hindi ito alam ng marami, pero nagsisimula na kaming bumuo ng mga field team. Magtutulot ito sa inyo na magkaroon ng mga manunulat ng kurikulum na mula sa iba’t ibang panig ng mundo at ng mga training services individual at team na mula rin sa iba’t ibang panig ng mundo. At tinutulutan tayo nito na magkaroon ng mas malawak na pananaw tungkol sa nangyayari sa mundo sa halip na magkaroon ng napakakitid na pananaw.
Brother Webb: Salamat. Adam, puwede ba tayong bumalik sa iyo? Maraming nangyayari sa Innovate Institute; at maraming tao ang interesado doon at nagkaroon ng kontribusyon sa pagsisikap na iyon. Ano ang maibibigay mo sa amin na update tungkol sa Innovate Institute?
Brother Smith: Sa totoo lang, naglaan tayo ng napakaraming oras at resources, at mga kamangha-manghang institute director at titser para rito upang magsaliksik tungkol sa mga bagay na tulad ng pagbabago ng pisikal na kapaligiran o paghahanda ng mga bagong kurso, o maging simpleng pagpapalit ng pamagat ng mga kurso. At ang lahat ng ito ay kamangha-mangha. Sa palagay ko, ang pinakamahalagang bagay na ginagawa natin ay nakikinig tayo sa ating mga estudyante sa institute, lalo na sa mga maaari sana nating makasama ngunit hindi natin nakakasama. Marahil dumalo sila nang isang beses at hindi na bumalik, o marahil hindi pa talaga sila nakadadalo sa institute. Kaya nga talagang nakatuon tayo sa pakikinig sa kanila.
Sa palagay ko, ang pinakamahalagang pagbabago na magagawa natin ay ang baguhin nang kaunti ang paraan ng ating pagtuturo. Tulad ng sinabi mo, Rory, hindi naman ito pag-abandona sa ginagawa natin dati. Maliliit na pagbabago lang ito sa mga bagay na palagi nating ginagawa. At sa palagay ko, Brother Webb, ang iyong mensahe sa amin noong nakaraang Hunyo kung saan binigyang-diin mo ang paglikha ng mga klase ng pagbabalik-loob, kahalagahan, at pagiging kabilang ang siyang paraan kung paano natin pinahuhusay ang institute.
Hayaan ninyong magbahagi ako ng salaysay na ikinuwento sa akin ng isang area director ng isang titser sa institute. Naghahanda siyang magturo sa kanyang unang klase sa Zoom para sa kursong Ang Walang Hanggang Pamilya. Bilang paghahanda, inanyayahan niya ang bawat isa sa kanyang mga estudyante na gumawa ng maikling video upang maipakilala ang kanilang mga sarili.
At pinili ng isa sa kanyang mga lalaking estudyante na ipakilala ang kanyang sarili sa klase sa institute bilang isang bakla at ibinahagi na hindi siya gaanong sang-ayon sa pananaw ng Simbahan tungkol sa pamilya at kasal. Alam ng titser na ito na ituturo niya ang doktrina at mga alituntunin tungkol sa pamilya. Kaya nagpasiya siyang mag-isip nang mabuti, maging maingat, at manalangin tungkol dito. Taos-puso niyang kinausap ang lalaking ito at ipinaalam niya na nais niya na ang klase sa institute ay maging isang lugar kung saan hindi lang niya maituturo nang malinaw ang doktrina at ang mga itinuro ng mga propeta at apostol, kundi mararamdaman din ng mga estudyante na sila ay ligtas at hindi hinuhusgahan at maibabahagi nila ang kanilang mga alalahanin, isyu, at tanong.
Sa pamamagitan ng pagkausap sa binatang ito, ibinahagi niya sa kanyang titser na balak sana niyang manahimik na lang buong klase dahil iyon naman talaga ang karaniwan niyang ginagawa. Kapag mayroong sinumang nagsisimulang magturo tungkol sa pamilya sa anumang pulong sa Simbahan, siya ay hindi masyadong nakikinig o nananahimik na lang. Pero dahil kinausap ng titser na ito ang estudyante sa gayong paraan, nagpasiya ang estudyante na dumalo at makibahagi. At ang klase ay nagkaroon ng napakagandang karanasan dahil malaki ang naging kontribusyon ng lalaking ito. Ang kanyang mga alalahanin at tanong ay nakatulong talaga na magkaroon sila ng makabuluhang talakayan dahil isa iyong klase na puno ng pananampalataya, kung saan itinuturo ang katotohanan at maaaring magtanong ng matatapat at taos-pusong tanong.
Pagkatapos ng karanasan sa klase, nagsulat ang estudyante ng maikling liham para sa titser, na ibinahagi naman sa akin. At sa palagay ko, ipinahahayag talaga nito kung ano ang nais nating gawin upang mapahusay ang institute. Sinabi niya:
“Nais ko lang po kayong pasalamatan para sa naging takbo ng ating klase. Medyo kinakabahan po ako tungkol dito at ayaw ko po sanang magsalita, pero sa dulo ng klase, muntikan na po akong mapasigaw ng ‘salamat po.’ Napakaganda po ng klase na iyon. Maikukumpara ko po iyon sa isang klase na dinaluhan ko matapos kong ibunyag na bakla ako sa aking titser sa seminary noong nasa hayskul ako, na nagpakita ng suporta matapos kong sabihin sa kanya kung ano ang nangyari sa akin sa isa pang klase. Ang klase po ninyong dalawa ay puno ng pagmamahal at suporta at nabago po nito ang buong buhay ko. Muli po akong nakaramdam ng pagnanais na manatili sa ebanghelyo at gumawa ng bagong pangako na mamuhay sa ganitong huwaran sa abot ng aking makakaya. Nabago po nito ang aking buhay. Salamat po. At salamat po sa pagsagot ng aking mga tanong, pagnanais na mas makilala pa ako, at pagpapakita ng suporta. Isinulat ko po ang mga naramdaman ko tungkol sa lahat ng bagay dahil naramdaman ko po ang Espiritu … nang husto. Isinulat ko po sa aking scripture journal na ako ay lubos na nagpapasalamat at nagagalak. Naluluha po ako ngayon sa sobrang tuwa. Salamat po, ang kapatid ninyo at anak ng Diyos.”
Makikita natin na ang titser na ito ay nakagawa ng makabuluhang ugnayan sa estudyante, sa paraang nagbigay sa kanya ng pag-asa at lakas ng loob na lumapit sa Tagapagligtas at magpatuloy sa kanyang landas ng tipan. At dahil iyon sa klase ng titser na ito na naging isang lugar ng pagbabalik-loob, kahalagahan, at pagiging kabilang.
Brother Webb: Gusto ko ang pagsagot mo sa tanong na iyon. Gagawa tayo ng mga pagbabago sa kapaligiran at outline ng kurso at marami pang iba. At maghahanap tayo ng mga bago at praktikal na paraan upang mapahusay ang institute nang sa gayon ay makapag-anyaya tayo ng mas marami pang estudyante na hindi nakikibahagi sa kasalukuyan. Pagkatapos, kapag dumalo sila at nagkaroon sila ng karanasan na tulad niyon, mahihikayat silang patuloy na dumalo at magkaroon ng ugnayan sa Ama sa Langit, at iyon mismo ang layunin ng lahat ng inisyatibong ito, kaya salamat.
Hayaan ninyong magbigay ako ng huling tanong at anyayahan ko kayong dalawa na tumugon dito. Marami na tayong napag-usapan tungkol sa mga bagay na alam na ng mga tao, pero maaaring hindi pa nila alam na ang ilang pagbabago ay darating sa isang hanbuk, ang hanbuk na Pagtuturo at Pag-aaral, at iba pang bagay na kaugnay ng training na isasama sa ating mga bagong hanbuk. Ano ang nais ninyong sabihin sa kanila tungkol sa mga bagong bagay na darating kaugnay ng ating training?
Brother Smith: Talagang pinatitindi natin ang ating mga pagsisikap na magtuon, magpasimple, at magkaisa. At talagang nasasabik tayo sa pagkakataon natin na makipagtulungan sa general Sunday School Presidency sa Priesthood and Family Department upang magkaroon ng isang hanbuk para sa mga titser sa Simbahan. Ang Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas at Pagtuturo at Pag-aaral ng Ebanghelyo ay pagsasamahin at gagawing mas simple, malinaw, at nagkakaisa upang mabigyan tayo ng maliwanag na kahulugan ng pagtuturo, ng dapat maging karanasan sa klase, at ng dapat maramdaman ng mag-aaral kapag kasama nila tayo. Ngayon ay magiging pangkalahatan ito sa mga tinawag na titser at sa mga titser sa Seminaries and Institutes.
Kaya upang suportahan iyon, nagsisimula tayo sa pagbuo ng tinatawag na Training Resource Library para kapag mayroong nabasa ang titser na kahulugan ng isang kasanayan, alam niya na mayroon siyang lugar na mapupuntahan kung saan mailalarawan at maipapaliwanag ang kasanayan na iyon, makatatanggap siya ng training tungkol doon, at maaanyayahan siyang gamitin at isagawa iyon. Umaasa talaga tayo na matulungan ang ating mga titser na matukoy ang kasanayan na nais nilang paghusayin at magkaroon ng resources na magagamit nila. Kasabay niyon, nais din nating makahanap ng mga paraan upang masukat kung nagagawa ba natin ang mga bagay na nais nating maisakatuparan. Naisasakatuparan ba natin ang ating layunin sa mga buhay ng mga kabataan?
Naghahanap tayo ng ilang epektibo at makabuluhang paraan upang masukat at masuri ng titser ang kanyang sarili, mapahusay kung paano nagbibigay ng suporta sa titser ang supervisor na maaaring tumulong sa kanya na lumago, umunlad, at maging mas mahusay, at matanong ang ating mga estudyante tungkol sa kanilang karanasan at kung ano ang nangyayari sa kanilang mga buhay. Umaasa tayo na ang lahat ng ito ay magagawa sa diwa ng panghihikayat, pag-unlad, at paglago at magiging pagkakataon para sa atin na gamitin ang anumang resource na maaaring gamitin upang maging mas mahuhusay na titser.
Alam nating lahat na nabubuhay tayo sa panahon bago ang Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas, at ang mga kabataang iyon sa ating mga klase ay ilan sa pinakamahuhusay na ipinanganak sa mundong ito. At dahil napakahusay nila, kailangan nating maging mahusay. Nais nating maging mas mahusay pa.
Brother Bigelow: Sa palagay ko, interesante ang binanggit ni Adam; ito ang ideya na matutukoy ba natin kung ano ang inaasahan nating mangyari? Makatutulong ba ang training upang maisakatuparan natin iyon? At ang pagsukat na ito ay napakahalaga. Tinalakay pa nga natin ang mga paraan kung paano maipakikita ang pagsukat na iyon at makapagtatakda ng ilang mithiin batay sa kasalukuyang kalagayan at inaasahan nilang kahinatnan nito.
Brother Webb: Alam ninyo, kapag pinag-uusapan natin ang tungkol sa performance management, ginagamit natin ang propesyonal na terminong ito, at iniisip ng mga tao, “Nagtuturo ako ng ebanghelyo, at pinakakaba ako niyon.” Mahal ninyong lahat ang inyong mga estudyante; nais ninyong lahat na mapagpala sila. Kaya mahalagang magkaroon kayo ng katuwang na tutulong sa inyo sa pag-unlad na iyon, sa hangarin na mapagpala ang mga estudyante, at sasalamin sa nangyayari sa klase at tutulong sa inyo sa inyong hangarin na umunlad at mapagpala ang mga estudyante—hindi dahil nais ninyong lahat na maging mga perpektong titser, kundi dahil nais ninyong mabigyan ng pinakamagandang karanasan ang inyong mga estudyante.
Sa palagay ko, talagang nakasasabik ang bagay na ito, at kapag nakita ninyo ito—kung ano ang paparating, ang hanbuk, ang Training Resource Library, at maging ang tinutukoy naming mga panukat, masasabik kayo dahil ang lahat ng ito ay positibo at makatutulong. Iyon ang inaasahan natin, hindi ba?
Brother Smith: Oo.
Brother Webb: Ngayon, mayroon ka bang nais sabihin bago magtapos—
Brother Bigelow: Oo, mayroon pang isang aspeto na sa palagay ko ay mahalaga, at ito iyon. Kadalasan ay nagtutuon tayo sa pagtuturo at pagpapahusay ng pagtuturo at nakakaligtaan natin ang aspeto ng pamumuno o pangangasiwa bilang seminary principal, coordinator, region director, area director, o anupamang posisyon. Pero sinusubukan nating huwag na iyong makaligtaan ngayon. Nakatuon tayo sa ideya ng pagbibigay ng dokumento tungkol sa tungkulin na tutulong sa principal na malaman kung ano ang inaasahan sa kanya. Nang sa gayon, kapag pinag-uusapan natin ang tungkol sa pagsukat, hindi lang iyon tumutukoy sa pagsukat sa pagtuturo; kundi pati na rin sa pagsukat sa inyong pamumuno. Kung nalaman ko ang pinag-uusapan natin noong tinawag ako na maging principal ilang taon na ang nakararaan, malamang tatanggapin ko ito.
Malamang sasabihin ko sa mga empleyado, indibiduwal sa aking faculty, at administrative assistant, “Tulungan ninyo akong malaman kung ano ang kalagayan ng aking ginagawa,” batay sa isang pamantayan, “at tulungan ninyo akong malaman kung ano ang maaari kong gawin upang mapahusay ito.” Nais kong maging pinakamahusay na lider sa abot ng aking makakaya, at mangyayari lang iyon kung alam ko ang aking kasalukuyang kalagayan, ang kalagayan na kailangan kong maabot, at ang maaari kong gawin upang maabot iyon. Ang lahat ng pinag-usapan natin ay umiikot sa ideya ng pagtulong sa higit pang kabataan at young adult na magkaroon ng magandang karanasan, at angkop din iyon sa aking pamumuno.
Brother Webb: Mahalagang alalahanin na ang ilan sa mga pagbabagong ito ay mangyayari nang mabilisan—sa mga susunod na buwan—at ang iba ay matatagalan pa.
Salamat. Bago natin tapusin ang bahaging ito ng broadcast, mayroon lang akong nais sabihin na isang pang bagay tungkol sa pagbabago sa pangkalahatan. Maaari tayong gumawa ng mga bagong programa at resources sa mundo, pero walang halaga at hindi magtatagumpay ang mga iyon kung hindi tayo nagkakaisa at nakaayon sa kalooban ng Ama sa Langit. Kakailanganin nating gawin ang lahat ng makakaya natin. Kakailanganin nating hayaang manaig ang Diyos sa ating mga buhay. Kakailanganin nating maging handa na tanggapin ang mga pagbabago at tumugon dito nang mayroong kagalakan. Upang magkaroon ng kapangyarihang makapagpabago ng mga buhay, kakailanganin nating magturo at magpatotoo nang mayroong nagbagong puso.
Nawa’y pagkaisahin natin ang ating mga puso sa lubos na pakikibahagi sa layunin ni Cristo. At nawa’y mas lubusan tayong umasa sa Kanya. Kapag ginawa natin iyon, magagawa nating makibagay sa anumang pagbabago na maaaring dumating. Tutulungan tayo ng Espiritu Santo na makita at baguhin ang mga bagay na kailangan nating baguhin sa ating mga personal na buhay at sa ating pagtuturo. At mararanasan natin sa ating mga sarili na ang ating Diyos ay isang Diyos ng mga himala. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.