Mga Taunang Brodkast
Hindi Tayo Umabot Dito para Hanggang Dito Lang Tayo


2:3

Hindi Tayo Umabot Dito para Hanggang Dito na Lang Tayo

Taunang Training Broadcast ng S&I para sa 2020

Martes, Hunyo 9, 2020

Napakagandang makapagsama-sama tayo. Umaasa kami na ang inyong pamilya ay ligtas at nasa mabuting kalagayan. Sa buong taong ito, ginugunita natin ang ika-200 anibersaryo ng Unang Pangitain. Nagpapasalamat ako kay Joseph Smith at para sa kanyang halimbawa ng pananampalataya at pagnanais na malaman ang katotohanan, at nagpapasalamat ako na sapat ang pagmamahal sa atin ng ating Ama sa Langit at ng Kanyang Anak na si Jesucristo para sagutin ang mapagkumbabang dalangin ni Joseph. Nadama na nating lahat ang kapangyarihan ng mga salita nang kumanta tayo ng, “Purihin s’yang kaniig ni Jehova.”1 Idaragdag ko lang, purihin si Jehova sa muling pakikipagniig sa tao. Labis akong nagpapasalamat sa katotohanan ng naranasan ni Joseph sa Sagradong Kakahuyan.

Kasunod ng pangitaing ito, umuwi si Joseph kung saan nakasalubong niya ang kanyang ina at sinabi rito, “Maayos ang lahat … Nalaman ko para sa aking sarili.”2 Ang sinunod na huwaran ni Joseph sa kanyang paghahanap sa katotohanan ay kapareho ng kailangang matutuhan ng ating mga estudyante. At tulad ng nakatulong ang karanasan ni Joseph para matuto siya para sa kanyang sarili, inaasam natin na matutuhan ng lahat ng ating estudyante sa kanilang sarili na kilala at mahal sila ng Ama sa Langit, na si Jesus ang Cristo, at na Siya ang namumuno sa Kanyang Simbahan sa mga huling araw na ito.

Mula nang magsimula ang Seminaries and Institutes, marami nang nasabi tungkol sa pagtuturo at pagkatuto. Mula sa Charted Course hanggang sa kasalukuyang Fundamentals of Teaching and Learning, ang inspiradong patnubay na natanggap natin ay nakatulong sa atin na epektibong ituro ang ipinanumbalik na ebanghelyo ayon sa mga banal na kasulatan at sa mga turo ng mga propeta sa kapangyarihan ng Espiritu Santo. Hindi tayo dapat lumayo sa mga pundasyong ito kailanman. Ngunit hindi rin tayo dapat matakot na matuto ng mga bagong bagay o magdagdag sa ating pagkaunawa kung paano higit na matutulungan ang ating mga estudyante na matuto para sa kanilang sarili.

Nagpapasalamat ako sa pagsulong na nagagawa natin. Sa ilang paraan para tayong umaakyat sa isang bundok nang magkakasama. Hindi tayo aabot nang ganito kalayo kung wala ang karanasan at paghahayag ng nakaraan, ngunit hindi tayo maaaring magpabaya at tumigil sa pag-unlad. Ang naiisip ko ngayon ay ang sinabi ni Elder Jeffrey R. Holland sa kamakailang pangkalahatang kumperensya: “Hindi [tayo] umabot hanggang dito para hanggang dito lang [tayo]” [Judith Mahlangu (multistake conference near Johannesburg, South Africa, Nov. 10, 2019), in Sydney Walker, “Elder Holland Visits Southeast Africa during ‘Remarkable Time of Growth,’Church News, Nov. 27, 2019, thechurchnews.com].3 Nangangalahati na tayo paakyat ng bundok, at handa ang Panginoon na bigyan tayo ng marami pang iba.

Para maisagawa ito, inanyayahan tayo ni Elder Kim B. Clark na isipin hindi lamang kung ano ang ating ituturo at paano tayo nagtuturo kundi maging kung paano tayo higit na makapagtutuon sa mag-aaral at sa proseso at mga resulta ng pag-aaral. Inanyayahan niya tayong itanong sa ating mga sarili, “Ano ang kailangang maranasan ng mga estudyante ko para maragdagan ang kanilang lakas at kakayahang matuto nang lubusan?” Kapag isinama natin ang ating kagila-gilalas na kasaysayan sa kamakailang tagubilin maaari nating itanong, “Ano ang maaari nating gawin para higit na makasentro kay Cristo at makatuon sa mag-aaral?”

Binigyan tayo ni Elder David A. Bednar ng isang pambihirang halimbawa kung paano magtuon sa mag-aaral sa ating pinakahuling Gabi Kasama ang Isang General Authority. Malinaw na ang kanyang layunin ay hindi para sabihin sa atin ang isang bagay kundi para may matutuhan tayo. Nagtanong siya, nagmasid, at nakinig upang matiyak na naunawaan natin. Itinuro din niya sa atin kung paano siya nagtuturo nang sabihin niyang, “Sa halip na isipin kung ‘Ano ang sasabihin ko sa kanila?’ ang tuon ay dapat nasa ‘Ano ang itatanong ko sa kanila?’ At hindi lang ‘Ano ang itatanong ko sa kanila?’ kundi ‘Ano ang paanyayang ibibigay ko sa kanila?’”4

Sinabing minsan ng bantog na si Professor at Rabbi Jacob Neusener, “Ang mahuhusay na guro ay hindi nagtuturo. Tinutulungan nila ang mga estudyante na matuto.” Siyempre, nakikinabang sa isa’t isa ang epektibong pagtuturo at ang pagkatuto. Ngunit sa palagay ko ipinahihiwatig ng pahayag ni Dr. Neusener na dapat nating lawakan ang iniisip nating epektibong pagtuturo at mas magtuon hindi sa pagtalakay kundi sa pagtulong sa ating mga estudyante na magkaroon ng mga karanasan na nag-aanyaya ng pagkatuto. Para sa atin, ito ay pagtulong sa ating mga estudyante na maranasan ang pagsaksi ng Espiritu Santo sa katotohanan at pagmamahal ng Diyos sa kanila. Ang ibig sabihin nito ay lumikha tayo ng isang kapaligiran kung saan magiging panatag silang magtanong, tumuklas ng katotohanan, umugnay sa mga doktrina, makinig sa mga patotoo mula sa mga kaedad nila, at suriin at ipaliwanag ang sarili nilang mga ideya, damdamin, at impresyon tungkol sa mga katotohanang natututuhan nila. Ang ibig sabihin nito ay lumikha tayo ng mga karanasang naghihikayat sa kanila na ipamuhay ang ebanghelyo at alamin kung paano kumilos nang may pananampalataya, matuto sa kanilang mga kamalian, at subukang muli nang may pag-asa kay Cristo. Ganito sila matututo para sa kanilang sarili.

Para mas lubos na maunawaan ang mga kailangang maranasan ng ating mga estudyante habang kasama nila tayo, nagpasiya kami na ang pinakamainam na magagawa natin ay tanungin sila. Kinausap ng isang research team ang libu-libong kabataan sa apat na kontinente. Kinausap nila kapwa ang mga dumadalo sa klase at maging ang maraming hindi kasalukuyang naka-enrol. Nang sikapin naming ibuod ang napakaraming data, iginrupo namin ang mga sagot sa tatlong kategorya.

Ang unang kategorya ay tinawag naming “Pagbabalik-loob.” Sinabi sa amin ng mga kabataan at young adult na nais at kailangan nila ng mga karanasang tutulong sa kanila na madama ang pagmamahal ng Diyos at magpapatatag sa kanilang kaugnayan sa Kanya. Nais nilang palalimin ang kanilang pananampalataya at patotoo kay Jesucristo at sa Kanyang ipinanumbalik na ebanghelyo. Siyempre pa, iyan mismo ang nais natin para sa kanila.

Ang mabuting balita ay ipinapakita sa pananaliksik na nakakatulong ang ating mga klase na mangyari ito. Yaong mga palaging dumadalo at nakikibahagi sa mga oportunidad na matuto ay napapalakas nang husto ang kanilang patotoo at pananampalataya kay Jesucristo. Isa ito sa maraming dahilan kaya nais naming mag-anyaya ng mas maraming kabataan na makibahagi. Habang natututo silang kasabay ninyo, lumalakas ang kanilang pananampalataya at patotoo.

Salamat sa lahat ng ginagawa ninyo para mapalalim ang kanilang pagbabalik-loob. Malayo na ang narating natin nang ginawa natin nang lubos sa ating sarili ang pagtuturo ng mga alituntuning tumutulong sa ating mga estudyante na matuto nang husto. At naniniwala ako na mas marami pang handang ituro sa atin ang Panginoon kapag hiningi natin ang Kanyang patnubay. Habang pinagninilayan ninyo ang mga posibilidad, maaari bang mapanalangin ninyong isipin ang mga kailangang maranasan ng mga estudyante para madagdagan ang kanilang lakas at kakayahang maintindihan ang plano ng Ama sa Langit at ang mga itinuro at Pagbabayad-sala ni Jesucristo? Isipin kung paano kayo maaaring makatulong sa kanila na hangarin ang, tukuyin ang, at kumilos ayon sa impluwensya ng Espiritu Santo at pagkatapos ay kumilos nang may pananampalataya, magsisi, at gumawa at tumupad ng mga sagradong tipan. Sa huli, ang inaasahan natin ay na ang mga mararanasan nila ay tutulong sa kanilang makilala at mahalin si Jesucristo at magsikap na maging katulad Niya.

Ang pangalawang kategoryang nagmumula sa pakikinig sa mga kalahok sa pananaliksik ay tinawag naming “Kahalagahan sa Personal na Espirituwal na Paglago.” Ang mga tinanong ay nagpahayag na nadarama nilang mahalaga ang mga klase kapag kinikilala at pinahahalagahan ng mga guro ang iba-ibang sitwasyon at pinagmulan ng mga estudyante at iniaakma ang mga karanasan sa pagkatuto para matugunan ang mga indibiduwal na pangangailangan. Ipinahayag nila na kailangan nila ng isang lugar kung saan maaari silang magtanong nang taimtim tungkol sa doktrina, kasaysayan ng Simbahan, at mga isyung panlipunan na mahalaga sa kanila. Hindi nila nais makipagtalo tungkol sa mga bagay na ito. May tapat silang mga tanong at kailangan nila ng ligtas, puno ng pananampalataya, at bukas na kapaligiran upang masiyasat ang mga ito. Kailangan nila na sagutin ng mga guro ang kanilang mga tanong hindi lamang nang may pananampalataya kundi nang tapat at may habag din. Nais din nilang matutuhan kung paano matuto at mas espirituwal na makaasa sa sarili. Nais nilang magkaroon ng mga kasanayan na tutulong sa kanila na suriin ang mga konsepto at ipaliwanag ang mga ito sa konteksto ng kawalang-hanggan. Nais nilang tulungan sila na mas magtiwala sa kanilang kakayahang ipaliwanag ang mga alituntunin ng ebanghelyo at mga patakaran ng Simbahan sa iba. At nais nilang magkaroon ng mga kasanayan na gamitin ang mga alituntunin ng ebanghelyo para makatulong sa mga hamon sa araw-araw.

Ang sinabi sa amin ng mga estudyante na nais at kailangan nila ay nakaayon sa direksyong natanggap natin mula kay Elder Jeffrey R. Holland noong isang taon. Ipinaalala niya sa atin na “ang isang estudyante ay hindi isang lalagyang pupunuin; ang isang estudyante ay isang apoy na pagniningasin.”5

Ang ating papel bilang mga guro ay tulungan ang mga estudyanteng magkaroon ng pagnanais na matuto; makatanggap ng paghahayag; at matuklasan, maunawaan, at maipamuhay ang katotohanang nakamtan nila para sa kanilang sarili. Hindi lamang ito para magbahagi ng kaalamang nakuha natin mula sa ating sariling pag-aaral o karanasan. At dapat nating tandaan na ang tila mahalaga sa atin ay maaaring hindi gayon kahalaga sa ating mga estudyante, na nasa ibang yugto ng buhay. Kaya, talagang kailangan nating makinig sa kanila, maging mapagmasid, at manalangin para makaunawa.

Sa kasamaang-palad, nadarama ng maraming kabataan at young adult, lalo na yaong mga hindi dumadalo, na hindi sapat ang kahalagahan ng ating mga klase. Naniniwala sila na mas inaalala nating matalakay ang inihanda nating materyal kaysa matugunan ang kanilang aktuwal na mga pangangailangan. Sabi nila, nakatuon kadalasan ang ating mga lesson sa uliran at hindi natin kinikilala nang sapat ang mga realidad ng kanilang buhay o sinasagot ang kanilang mga tanong.

Halimbawa, kunwari ay may isang guro sa institute na tinatalakay ang doktrina ng selestiyal na kasal dahil nadarama niya na napakahalaga ng paksa sa mga young single adult. Naniniwala na ang mga estudyante sa klase sa kahalagahan ng kasal sa templo, ngunit hindi tiyak ng ilan kung paano iaangkop ang doktrinang ito sa buhay nila. Natatakot ang ilan dahil nagmula sila sa watak-watak na pamilya at hindi nila tiyak kung magkakasundo sila ng kanilang mapapangasawa. Maaaring iniisip naman ng iba sa klase kung sapat ba ang pera nila para magpakasal at magpalaki ng pamilya. Maaaring nagdududa ang iba kung magkakaroon ba sila ng gayong oportunidad. Ang iba ay nahihirapan sa pagkaakit sa kapareho nila ang kasarian at iniisip kung saan ang kanilang lugar sa Simbahan. Ang ganitong lesson ay ginagawa ayon sa plano ngunit hindi nagtutulot ng makabuluhang partisipasyon ng mga estudyante. Nadarama ng guro na dahil sa paksa, nakaugnay siya sa mga estudyante sa mahahalagang paraan. Ngunit ang totoo, kahit itinuro ang doktrina, hindi iyon ginawa sa paraan na nabigyang-pansin ang mga kawalang-katiyakan ng mga estudyante, tumugon sa kanilang mga pangangailangan, o konektado sa mga realidad ng kanilang buhay. Lumagpas ang isang pagkakataon na tulungan silang makita ang kahalagahan ng doktrina sa kanilang mga partikular na sitwasyon.

Ang isang gurong maingat tungkol sa espirituwal na pag-unlad ng kanyang mga estudyante ay handang tumugon sa kanilang kasalukuyang mga pangangailangan. Binibigyan niya sila ng pag-asa at tinutulungan silang makita kung paano sila mapagpapala at matutulungan ng pamumuhay ng ebanghelyo na umunlad tungo sa kanilang mga pinakamataas na mithiin. Tinutulungan niya silang magkaroon ng tiwala na ang mga banal na kasulatan at mga turo ng mga propeta sa mga huling araw ay talagang sumasagot sa mga tanong ng kanilang kaluluwa.

Para matulungan ang ating mga estudyante na kilalanin ang kahalagahan at kaugnayan ng ebanghelyo sa kanilang buhay, mapanalangin ba ninyong iisipin kung paano hihikayatin ang inyong mga estudyante na tapat na magtanong at magbahagi ng kanilang mga kabatiran at pananaw? Kailangan nilang magtiwala na kilala at nauunawaan ninyo sila at na handa kayong umangkop para matugunan ang kanilang pangangailangan. Magbigay ng mga karanasang maghihikayat sa kanila na pag-aralan ang mga banal na kasulatan araw-araw at bumaling sa mga banal na kasulatan at sa mga turo ng mga propeta para sa patnubay. Tulungan silang matutuhan ang mga kasanayan at huwaran sa pagtatamo ng espirituwal na kaalaman upang matuklasan nila mismo ang mga sagot.

Ang pangatlong kategorya na naunawaan natin mula sa pakikinig sa ating mga estudyante, at lalo na sa mga hindi dumadalo sa klase, ay nagpapahiwatig na gusto at kailangan nilang lumikha tayo ng damdaming sila ay kabilang. Ang pagiging kabilang ay nalilikha sa pamamagitan ng mga kaugnayan at koneksyon sa ating Ama sa Langit, sa guro, at sa iba pang mga estudyante sa klase. Ang damdamin ng pagiging kabilang ay dumarating kapag may kapaligiran kung saan nadarama ng lahat na sila ay tanggap, suportado, kailangan, at pinahahalagahan. Nadaragdagan din ang damdaming kabilang sila kapag nadarama ng mga estudyante na sila ay bahagi ng makabuluhang layunin.

Nais ko kayong pasalamatang muli. Labis kong pinasasalamatan ang inyong tugon sa “See the One” training at sa pagsisikap ng bawat isa sa inyo na maipadama sa bawat estudyante na sila ay minamahal at iginagalang. Kailangan nating ipagpatuloy ang mga pagsisikap na ito dahil ramdam pa rin ng marami sa mga hindi naka-enrol sa kasalukuyan na hindi sila kabilang. Inireport ng marami sa kanila na ang mga klase sa seminary at institute ay para lamang sa nakikita nilang perpektong mga Banal sa mga Huling Araw na hindi nagkaroon ng mga problema o tanong kailanman. Ang maling pananaw na ito ang dahilan kaya naniniwala sila na hindi sila nababagay. Nadarama pa ng ilan na kung tapat silang magtatanong o magbabahagi ng taos-pusong pananaw, huhusgahan sila o ituturing na hindi nananampalataya. Sabi rin nila, mas malamang na dumalo sila kung isang lugar iyon kung saan lahat ay tanggap anuman ang pananampalataya nila o kanilang hitsura.

Kamakailan, nakita ni Brother Linford ang isang dalaga na nakatayo sa harap ng isa sa ating mga gusali. Nagpakilala siya at tinanong kung naka-enrol ba siya sa isang klase. Sumagot ito na isa siyang miyembro ng Simbahan at alam niya ang tungkol sa institute ngunit hindi siya dumadalo. Dagdag pa nito, “Kung kilala mo ako at alam mo ang nakaraan ko, malalaman mo na hindi ako kabilang doon. Hindi ako nababagay.” Sa kabutihang palad, tinanggap ng dalagang ito ang paanyaya ni Brother Lindford na pumasok sa loob,kung saan siya ay malugod na binati. Nag-enroll siya sa isang klase at nagsimula kaagad na dumalo. Ngunit naisip ko kung ilang daan, o mga ilang libo pa nga, sa mga kabataan ang tumayo na sa labas ng ating mga gusali, na kailangan mismo ang inaalok ng ating mga klase, ngunit nadarama na hindi talaga sila kabilang.

Hindi lamang nila kailangan ang inaalok natin, kundi kailangan din natin sila. Ang mga gurong lumilikha ng damdamin ng pagiging kabilang ay tunay na kinikilala na ang bawat estudyante ay makakatulong na gawing mas magandang karanasan ang klase.

Nakita ko ang isang magandang halimbawa nito nang makilala ko ang isang binatilyo sa klase ni Brother Andre. Umuwi na si Michael nang maaga mula sa kanyang misyon dahil sa kanyang kalusugan. Habang naghahandang umuwi, nabundol siya ng isang kotse, nabalian ng maraming buto, at nagtagal sa ospital. Nang lisanin niya ang ospital, kinalimutan na niya ang kanyang pangarap na tapusin ang kanyang misyon. Tumutok siya sa extreme sports at lumayo sa Simbahan. Isang araw, siya ay nag-iisa at nagpasiya na tawiring mag-isa ang isang slackline sa bangin nang walang safety net. Nang makatawid na siya, naisip niyang sumigaw at magdiwang, ngunit tumingin siya sa ibaba at natanto na kung nahulog siya, maaaring naging katapusan na ito ng buhay niya.

Sa puntong iyon, naisip niya ang kanyang ina at nakababatang kapatid na babae at kung gaano sila magdadalamhati kapag namatay siya. Ang sumunod niyang naisip ay ang Tagapagligtas at ang lahat ng ginawa Niya para sa kanya, at napuspos ng Espiritu ang kanyang puso. Bumaba siya ng talampas at sinimulan ang kanyang paglalakbay pabalik sa Simbahan. Naunawaan niya, sa pambihirang mga paraan, ang awa, pagmamahal, at kapangyarihan ng Tagapagligtas na tubusin tayo.

Kalaunan, nasa beach si Michael at naalala na dumalo siya sa institute bago siya nagmisyon. Dumiretso siya mula sa dalampasigan at pumasok sa gusali ng institute ilang minuto bago nagsimula ang klase. Sa sandaling iyon, hindi alam ni Brother Andre ang karamihan sa kakukuwento ko pa lang sa inyo. Ang alam niya ay kailangang naroon si Michael at na marami itong maiaambag. Inanyayahan ni Brother Andre si Michael na manatili, ngunit nadama ni Michael na malamang na hindi siya tanggapin ng mga tao. Naka-swimsuit at tank top siya at lantad ang kanyang mga braso, na nagpapakita na puno siya ng tato mula sa kanyang mga balikat hanggang sa kanyang mga pulso. Sabi niya, mas gusto niyang magbihis muna at magpolo na may mahabang manggas bago pumunta sa klase. Ang sagot ni Brother Andre ay, “Walang papansin diyan.” Nanatili si Michael. Ngunit pagdating ng iba pang mga estudyante, walang tumabi sa kanya. Pagkatapos ng debosyonal, pinapunta ni Brother Andre si Michael sa harap ng klase, at ipinakilala siya. Sinabi niya sa iba pang mga estudyante na mahal niya si Michael, na maraming maiaambag si Michael, na dakila ang puso niya. Pagkatapos ay tinanong niya si Michael kung gusto niyang magbahagi ng kanyang patotoo. Nang may luha sa kanyang mga mata, nagsalita si Michael tungkol sa pagmamahal ng Diyos, sa Kanyang kabaitan at habag at kahandaang magpatawad. Bawat isa sa amin na naroon noong araw na iyon ay napagpala ng patotoo ni Michael.

May nakita si Brother Andre kay Michael na maaaring hindi nakita ng iba. Bilang guro, pinahahalagahan niya ang iba-ibang pinagmulan at sitwasyon at nauunawaan niya na lahat ay may maiaambag. Kaya lumilikha siya ng mga karanasan na nagtutulot sa kanyang mga estudyante na makahugot ng lakas mula sa isa’t isa at mula sa iisang hangarin nilang matamo ang kapayapaan, pagpapagaling, at biyaya ng Tagapagligtas. Ang isa pang mahalagang nangyari pagkatapos ng klase ay nang makita ko na pinaligiran ng ilang estudyante si Michael para tanggapin siya at tiyaking alam niya na siya ay kailangan.

Tulad ng binanggit ko kanina, ang isa pang bahagi ng paglikha ng damdamin ng pagiging kabilang ay ang maging abala sa isang makabuluhang layunin. Ang ating mga estudyante ay may pagnanais na makilahok sa mga pangkakawanggawa at iahon ang iba tungo sa buhay na may dangal, pagkakapantay-pantay, at oportunidad. Karaniwan, hindi nila iniuugnay ang natututuhan nila o ang mga oportunidad na ibinibigay sa kanila sa gayong layunin. At kahit ang pinakadakilang layunin sa lupa ay ang layunin ni Cristo at pagtitipon ng Israel sa magkabilang panig ng tabing, karamihan ay hindi iniuugnay ang kanilang mga karanasan sa seminary at institute sa layuning iyon.

Iisipin ba ninyo ang mga pagbabagong magagawa ninyo sa inyong pagtuturo, inyong mga pakikihalubilo, at mga tagpo sa inyong klase para maging mas kaakit-akit ito sa lahat ng anak ng Ama sa Langit? Minsan, maaari pa nga kayong magsuot ng asul na polo. Ngunit, ang mas mahalaga pa, mapanalangin ba ninyong hahangaring magbigay ng mga karanasang tutulong sa mga estudyante na madama ang pagmamahal ng Ama sa Langit at kilalanin ang kanilang banal na pagkatao at potensyal? Ipaalam sa kanila na nagmamalasakit kayo sa kanila at kinikilala ninyo ang kanilang kahalagahan. Tulungan silang kumonekta sa mga miyembro ng klase at madama na sila ay ligtas at kailangan. Hikayatin silang makibahagi sa layunin ni Cristo sa pagtulong sa iba na sumulong sa landas ng tipan. Kapag pinag-ibayo ninyo ang ganoong uri ng mga karanasan, malalaman nila na sila ay kabilang.

Nauunawaan kong hindi natin magagawa ang lahat ng ito araw-araw. Ngunit maaari nating alalahanin ang mga ito sa ating paghahanda, ating pagtuturo, at ating mga pakikihalubilo sa ating mga estudyante. Hindi mahalaga kung nagtuturo kayo sa seminary o institute, nang harapan o online, sa madaling araw o sa gabi; ang pagsasama ng mga alituntuning ito ay magpapala sa inyong mga estudyante at tutulong na magbigay ng mga karanasang kailangan nila.

Napakaraming mabubuting mangyayari, at mas marami pang mas mabuting mangyayari. Tandaan, hindi tayo umabot dito para hanggang dito na lang tayo. Alam ko na kapag taos-puso tayong naghangad ng paghahayag, ipapaalam sa atin ng Panginoon kung paano pagpalain ang Kanyang mga anak. Bilang indibiduwal at bilang isang grupo, handa Siyang tulungan tayo na magbigay ng mga karanasang nagpapalalim sa pagbabalik-loob, mahalaga sa personal na espirituwal na paglago, at lumilikha ng damdamin ng pagiging kabilang. Handa Siyang bigyan tayo ng higit pa. Nawa’y patuloy tayong bumaling sa Kanya nang may pananampalataya upang malaman natin kung paano matutulungan ang ating mga estudyante na talagang matuto para sa kanilang sarili ang aking dalangin, sa pangalan ni Jesucristo, amen.