Pakikinig sa Kanyang Tinig sa Magugulong Panahon
Taunang Training Broadcast ng S&I para sa 2020
Martes, Hunyo 09, 2020
Isang malaking pribilehiyo ang makasama kayo ngayon. Matindi ang aking pagmamahal para sa inyong lahat na masigasig na nagtatrabaho sa Seminaries and Institutes of Religion (S&I). Una akong nagturo nang full-time sa seminary 42 taon na ang nakararaan mula ngayong taon, at tila napakabilis ng panahon. Pinahahalagahan ko ang aking mga alaala kasama ang aking mga estudyante, kapwa guro, at iba pang katrabaho sa loob ng maraming taon sa iba’t ibang tungkulin. Hinahangaan ko ang libu-libong tinawag na guro na naglalaan ng napakaraming oras at napakatinding dedikasyon sa pagpapala ng mga buhay ng mga kabataan. Nakadalo na ako sa ilan sa kanilang mga klase sa iba’t ibang panig ng mundo at talagang naantig ako ng mga kaganapan sa loob ng mga klaseng iyon. Kami ni Jill ay nasa yugto na ng buhay kung saan ang ilan sa aming mga apo ay nasa hustong gulang na para dumalo sa seminary at institute, at nagpapasalamat kami para sa inyo na umiimpluwensya sa kanila. Salamat sa inyong lahat na nakikibahagi sa dakilang gawain na ito.
Noong Pebrero, naglabas si Pangulong Russell M. Nelson ng isang video na pinamagatang “How Do You #HearHim?”1 Sa video na iyon, sabi niya, “Sa natatanging taon na ito, habang ginugunita natin ang ika-200 anibersaryo ng Unang Pangitain, inaanyayahan ko kayong pagnilayan nang malalim at madalas ang mahalagang tanong na ito: Paano ninyo Siya pinakikinggan?” Inaanyayahan ko rin kayong gumawa ng mga hakbang para mapakinggan Siya nang mas mabuti at mas madalas.” Pinagnilayan ko ang paanyayang ito, lalo na ngayong nahaharap tayo sa pandemya ng COVID-19 na nagsimulang kumalat sa mundo noong panahon na inilabas ang video at ang mga epekto nito.
Naisip ko na ang nakaraang ilang buwan ay naging natatanging pagkakataon para pagbutihin kung paano ko Siya pinakikinggan. Maraming tao ang nawalan ng mahal sa buhay dahil sa malubhang sakit na ito. Binago ng pandemya ang ating mga buhay at iskedyul at tinanggal nito ang karamihan sa mga bagay na nakasanayan na nating gawin araw-araw. Binago rin nito ang paraan ng ating pagtuturo, pagsamba, at paglilibang. Napilitan tayong gawin ang mga bagay-bagay sa ibang paraan. Ito ay nagbibigay sa amin, sa S&I, ng panahon para suriin kung ano ang ginagawa namin at paano namin ito ginagawa at tingnan kung mayroong nais ipabago sa amin ang Panginoon. Gagabayan Niya tayo kung pakikinggan natin Siya.
Tila ang mga panahon ng hamon at paghihirap ay kadalasang nagiging mga natatanging panahon ng patnubay mula sa langit para sa mga yaong bukas dito. Isipin kung ano ang nagbigay-daan sa Unang Pangitain. Iyon ay panahon ng “hindi maliit na kaguluhan at pagkakahati ng mga tao”2 at panahon ng “malaking kaguluhan at masamang damdamin.”3 Sabi ni Pangulong Joseph Smith na ang kanyang “pag-iisip ay natawag sa matamang pagmumuni-muni at malaking pagkabahala.”4 Nadama niyang “dapat [siyang] magdalamhati para sa sarili [niyang] mga kasalanan at para sa mga kasalanan ng sanlibutan.”5 Sa panahong iyon ng hamon para sa kanya, nagtungo siya sa kakahuyan at nabuksan ang kalangitan.
Paano naman ang panahong ibinilanggo siya sa Piitan ng Liberty? Kalunus-lunos ang kanyang kalagayan doon, at malamang ay talagang nag-alala rin siya nang pinalayas ang mga Banal sa Missouri habang nasa piitan siya. Ngunit sa kabila ng mahirap na kalagayang iyon, pinalawak ng Panginoon ang kanyang pang-unawa.
Noong ang Nakatatandang Alma ay naharap sa hamon ng paglutas ng mga problema sa Simbahan kung saan maraming miyembro ang gumagawa ng kasalanan, siya “ay naligalig sa kanyang espiritu”6 at nagnilay kung ano ang gagawin sa mga miyembrong lumabag sa mga batas ng Diyos. Siya “ay [natakot] na makagawa ng mali sa paningin ng Diyos,”7 kaya “[ibinuhos niya] ang kanyang buong kaluluwa sa Diyos,”8 at itinuro sa kanya ng Panginoon kung ano ang gagawin sa mga lumabag.
Pagnilayan ang mga kakila-kilabot na kalagayan dahil sa laganap na pagkamatay at pagkalipol sa kanlurang bahagi ng mundo kasabay ng Pagpapako sa Tagapagligtas. Sa gitna ng matinding kadiliman, narinig at naunawaan nilang lahat ang tinig ng Tagapagligtas.9 Kalaunan, nang magtipon ang mga tao sa paligid ng templo, narinig nila ang tinig ng Ama ngunit naunawaan lang nila ito noong pangatlong beses, nang “binuksan [nila] ang kanilang mga tainga upang marinig ito; at ang kanilang mga mata ay tumingin sa pinanggagalingan ng tunog niyon.”10 Noon nila narinig ang pagpapakilala ng Ama sa Anak at ang mga salitang “pakinggan ninyo siya.”11 Ito ang naging simula ng mga kahanga-hangang pangyayari sa ministeryo ng Tagapagligtas sa mga tao na nagkaroon ng pribilehiyong mapakinggan Siya.
Sa bawat isa sa mga halimbawang ito, mayroong pagbuhos ng paghahayag na isang pagpapala sa Simbahan at sa mundo—para sa mga tao kapwa noon at sa mga darating pang panahon. Ang mga indibiduwal na sangkot ay nakatanggap din ng ilang personal na paghahayag at pagpapala.
Sa karanasan ni Joseph sa Sagradong Kakahuyan—bukod pa sa kaalaman na hindi siya dapat sumapi sa alinman sa mga simbahan—“marami pang ibang bagay” na itinuro sa kanya.12 Sinabi rin sa kanya ng Panginoon na napatawad na ang kanyang mga kasalanan.13
Sa Piitan ng Liberty, ipinangako kay Joseph na “ang dalisay ang puso, at ang marurunong, at ang mararangal, at ang malilinis, ay maghahangad ng payo, at kapangyarihan, at mga pagpapala tuwina mula sa iyong kamay.”14
Ang Nakatatandang Alma ay hindi lang tinuruan kung ano ang gagawin sa mga lumabag, kundi nakatanggap din siya ng isang personal na mensahe. Sinabi sa kanya na magkakaroon siya ng buhay na walang hanggan.15
Ang mga taong nakinig sa Tagapagligtas noong bumisita siya sa lupaing Masagana ay hindi lang natuto tungkol sa doktrina ni Cristo at iba pang napakahahalagang turo, kundi pinahintulutan din ang bawat isa sa kanila na hawakan ang mga sugat sa Kanyang katawan at maging personal na saksi sa katotohanan ng Tagapagligtas na si Jesucristo.16
Hindi natin maaaring asahan na makatatanggap lang tayo ng patnubay at inspirasyon para sa mga desisyon sa ating mga tungkulin, ngunit mahal tayo ng Panginoon kaya magbibigay siya ng mga personal na pagpapala at inspirasyon sa mga panahon ng hamon.
Sa bandang dulo ng aklat ni Alma, mababasa natin na “dahil sa labis na katagalan ng digmaan na namagitan sa mga Nephita at sa mga Lamanita ay marami ang naging matitigas, … at marami ang napalambot dahil sa kanilang paghihirap, kung kaya nga’t sila ay nagpakumbaba sa harapan ng Diyos, maging sa kailaliman ng pagpapakumbaba.”17 Habang hinaharap natin ang mga panahon na ito ng hamon, maaari tayong mapalambot at magpakumbaba. Kaya nga ito ay magandang pagkakataon—isang pambihirang panahon—para pakinggan Siya.
Marami nang naging pagbabago nitong mga nakaraang buwan na makatutulong sa atin na matukoy kung ano ang mga bagay na maaari nating tanggalin sa ating mga buhay—mga bagay na marahil ay kapaki-pakinabang noon ngunit hindi na kailangan ngayon at maaaring magpabagal sa ating pagsulong kung hindi natin tatanggalin. Marahil ay nasa panahon tayo kung kailan maaari tayong magbago at maghanda para sa hinaharap nang wala gaanong hadlang hindi tulad noon.
Minsan, napapaisip ako kung tinawag na ba ako nang maraming ulit ngunit “ako ay tumangging makinig.”18 Maaari tayong matulungan ng kasalukuyang sitwasyon na madaig iyon. Sa palagay ko, mayroon tayong pagkakataon para sa pagbabago at paghahanda “sa isang kaparaanang hindi pa kailanman nalaman.”19
Sinusuportahan ko ang mga pagsisikap na ginagawa para maisakatuparan ang ating layunin sa pamamagitan ng pagtuon sa kung paano pinakamainam na mapagpapala ang mga buhay ng bagong salinlahi na ito sa ating nagbabagong panahon. Natuklasan ko na kapag tinuturuan ng Panginoon ang Simbahan tungkol sa mga espirituwal na kaloob, ipinapaliwanag Niya na “sa iba ay ipinagkaloob sa pamamagitan ng Espiritu Santo na malaman ang pagkakaiba-iba ng pangangasiwa … iniaangkop ang kanyang mga awa alinsunod sa mga kalagayan ng mga anak ng tao.”20 Ang mga kalagayan ng mga anak ng tao ay nagbabago, at iniaangkop Niya ang Kanyang mga awa alinsunod sa mga kalagayan na iyon. Kailangan natin ang kaloob na ito ng pag-alam sa pagkakaiba-iba ng pangangasiwa para makatulong tayo alinsunod sa mga kalagayan ng mga anak ng tao. Ang mga kalagayan na ito ay nagbago na at magbabago pa sa hinaharap.
Kapag natutuhan nating pakinggan Siya nang mas mabuti at tinatanggap ang tulong na kailangan natin para maturuan ang ating mga minamahal na estudyante, sa palagay ko ay matatanggap din natin ang mga personal na kayamanan at kaalaman na nakahanda para sa atin—tulad ng nangyari kina Joseph Smith, Alma, at sa mga tao sa lupaing Masagana. Ang mga personal na mensaheng ito ay matatanggap natin kapag tayo ay nagpakumbaba at naging bukas sa patnubay ng Panginoon. Maaaring dumating ang mga ito nang hindi inaasahan, tulad ng palaging nangyayari sa mga yaong nakatuon sa iba, ngunit makapangyarihan ang mga pagpapalang ito.
Noong nakaraang tag-init, ang mang-aawit mula sa Norway na si Sissel ay nagtanghal kasama ng The Tabernacle Choir and Orchestra at Temple Square. Kumanta siya ng isang napakagandang awitin na pinamagatang “Slow Down [Pumayapa].”21 Nakaaantig at makapangyarihan iyon. Inaanyayahan ko kayong hanapin at panoorin iyon sa YouTube.com. Tila ang mensahe ng awiting iyon ay talagang naaangkop sa panahong ito. Narito ang ilan sa mga titik niyon:
Sa gitna ng aking kalituhan,
Sa oras ng kagipitan,
Kapag magulo ang isipan,
Magiliw na tinig ay namamagitan.
Pumayapa ka’t huminahon.
Maghintay sa Espiritu ng Panginoon.
Pumayapa’t tinig Niya’y pakinggan
At alamin na Siya ang Diyos.
Sa oras ng kapighatian,
Kapag walang katiyakan,
Kapag puspos ang damdamin
Magiliw Niyang tinig, maririnig.
Pumayapa, pumayapa, aking anak.
Maghintay sa Espiritu ng Panginoon.
Pumayapa’t tinig Niya’y pakinggan
At alamin na Siya ang Diyos.
Gawin nating kapaki-pakinabang ang makasaysayang sandali na ito. Pumayapa. Pakinggan Siya. Pagkatapos ay sumulong. Makagagawa ito ng kaibahan para sa mga kabataan na pinagsisikapan nating pagpalain, at makagagawa ito ng kaibahan para sa bawat isa sa atin.
Dalangin ko na pagpalain ng Panginoon ang bawat isa sa inyo, sa pangalan ni Jesucristo, amen.