Mga Taunang Brodkast
Panel Discussion


2:3

Panel Discussion

Taunang Training Broadcast ng S&I para sa 2020

Hunyo 9, 2020

Brother Jason Willard: Malugod namin kayong binabati, saanman kayo naroon, sa talakayang ito. Ako si Jason Willard, at ako ay associate administrator para sa Seminaries and Institutes of Religion. Masaya kaming makasama ang ating mga espesyal na bisita: Sister Reyna Aburto, Second Counselor sa Relief Society General Presidency; Sister Michelle Craig, First Counselor sa Young Women General Presidency; Sister Jill Johnson, asawa ng ating commissioner na si Elder Paul V. Johnson; at sina Brother Chad Wilkinson at Bert Whimpey, na mga S&I associate administrator din. Salamat sa pakikibahagi ninyo sa amin ngayon.

Ang layunin ng panel na ito ay talakayin ang ilang tanong na makatutulong sa iba’t ibang sitwasyon habang sinisikap ninyo na lalo pang mapagpala ang mga kabataan at young adult sa buong mundo. Hiningi namin ang tulong ng langit sa paghahanda para sa talakayan ngayon, at sana ay gawin n’yo rin ito.

Ngayon, magsimula na tayo sa unang tanong. Tila dumarami ang mga guro, estudyante, at pamilya na dumaranas ng stress, pagkabalisa, depresyon, at iba pang pagsubok sa katatagan ng damdamin. Ano ang magagawa natin para matulungan sila?

Sister Reyna I. Aburto: Sa palagay ko, mahalagang tulungan ang ating mga estudyante na maunawaan na kung mayroon silang problemang emosyonal, hindi ibig sabihin nito na hindi sila normal, na may kakulangan sila, kundi iyon ay bahagi ng ating banal na pagkatao. At, kung palagi tayong malungkot, baka kailangan nating humingi ng tulong. Kaya mungkahi ko ay tularan ang Tagapagligtas. Nagtanong Siya para maipahayag ng mga tao ang nadarama nila. Hinayaang Niyang ipahayag nila ang hirap nila—tulad nang tinanong Niya sina Maria at Marta noong namatay si Lazaro. Gayon din sa daan patungong Emaus, kinausap Niya sa Kanyang mga disipulo, at nagtanong Siya para maipahayag nila ang pag-aalala at kalungkutan Nila dahil pumanaw ang kanilang Tagapagligtas. Gayon din kay Maria Magdalena doon sa libingan at sa iba’t ibang tao para maipahayag nila ang nadarama nila.

Kaya kung maipadarama natin sa mga estudyante na panatag nilang maipapahayag ang nadarama nila—at hindi kailangang sa loob ng silid-aralan, hindi kailangang sa isa’t isa—marahil sa pagsulat, sa isang kapamilya, sa kaibigan, at lalo na sa Ama sa Langit. Maaari tayong magtanong para maipahayag nila ang nadarama nila. “Ano ang mga inaalala ninyo tungkol sa inyong mga kaibigan, at pamilya?” “Paano natin matutulungan ang isa’t isa?”

Napansin ko na kapag hinihingi natin ang ideya o inspirasyon ng mga tao kung paano tulungan ang iba, matatanggap nila ito kapag ipinagdasal nila, at kikilos sila at tutulong. Kaya kung maipadarama natin sa mga tao na hindi sila hinuhusgahan, matutulungan natin sila ukol dito at maipauunawa na walang maling sagot, na malaya silang magtanong at ipahayag ang nadarama nila. At lalo na kung may problema sila, hindi nila kailangang harapin ito nang mag-isa; makahihingi sila ng tulong sa Ama sa Langit, sa Tagapagligtas, at sa isa’t isa. At anuman ang mangyari, o nangyayari sa buhay nila, bawat isa sa atin ay anak ng Diyos, at makalalapit tayo sa Ama sa Langit. Lahat tayo ay magkakapatid, at makalalapit tayo sa isa’t isa. Tayong lahat ay mga disipulo rin ni Cristo, at makalalapit tayo sa Kanya.

Brother Bert Whimpey: Salamat kay Elder Holland—sa mensahe niya sa kumperensya noong Oktubre 2013. Binanggit niya ang pakikibaka niya noong may depresyon siya. At sabi niya: “Hindi dapat ikahiyang aminin [ang sakit sa pag-iisip] katulad ng pag-amin na may alta-presyon o biglang nagkaroon ng nakamamatay na tumor.”1 OK lang na magsalita tungkol dito at, ang ibahagi ang bagay na ito. At salamat sa tatlong bagay na binanggit niya: “Huwag mawalan ng pananalig sa iyong Ama sa Langit. … Humingi ng payo sa mga may hawak ng susi para sa iyong espirituwal na kapakanan,” at, “humingi ng payo sa mga taong may sertipiko sa pagsasanay, propesyonal, at mabuti ang pinahahalagahan.”2

Sa palagay ko mahalagang hindi lang mga estudyante ang makaalam kundi pati ang mga guro na OK lang sabihin ang mga bagay na iyon at pag-usapan ito at humingi ng tulong na kailangan nila. Ang maganda rin na makausap natin ang isang HR representative para malaman kung ano ang benepisyo at saan maaaring humingi ng tulong, at bisitahin din ang website ng Simbahan para sa resources.

Brother Willard: Brother Whimpey, salamat. Ang kasunod na tanong ay tungkol sa ating kabataan at mga young adult at kung paano natin sila matutulungan na makita kung bakit mahalaga sa buhay nila ang Simbahan, bakit kailangan nila ito, at bakit kailangan sila ng Simbahan.

Sister Michelle Craig: Mahalagang tanong ito, at naniniwala akong kailangang madama ng mga kabataan at young single adult na ang pagkamiyembro sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay hindi lang listahan ng mga patakaran o mga bagay na dapat tapusin. Higit pa ito sa social club. Dapat nilang maunawaan na ang diwa ng ebanghelyo ni Jesucristo ay pag-ibig. Pag-ibig sa Diyos, at sa kapwa-tao. At sa pag-aaral at pamumuhay sa ebanghelyo, malalaman at madarama nila ang identidad at layunin nila.

Sinusunod ng mga kabataan natin ang alituntuning tulad ng mahalin ang kapwa, tulungan ang mga taong tila nakaligtaan ng lipunan. Gusto nilang may adhikain sila, at makagawa ng kaibhan sa mundo. At sana maunawaan nila na kapag sila ay tapat, sa loob ng organisasyon ng Simbahan, magkakaroon sila ng mas maraming pagkakataon na makagawa ng kaibhan para sa ikabubuti ng mundo kaysa sa iba pang organisasyon.

At isa sa mga bagay na gusto ko kay Pangulong Nelson at sa direksyon ng Simbahan ay ang mas pagtutuon sa mga kabataan at young single adult, na ngayon lang nangyari. At bilang mga adult, dapat hayaan natin sila at bigyan sila ng pagkakataong mamuno, magplano, hangarin ang paghahayag, at kumilos ayon dito. Dapat nating igalang ang katalinuhan nila, at matuto tayo sa mga aral na itinuturo nila. Kailangan natin sila, hindi para dumami ang bilang nila kundi dahil kailangan ng mundo ang magagawa nila. At ang Simbahan ay may paraan para matugunan ang mga pangangailangang iyon ng bawat tao. At sana lahat ng natututuhan ng ating mga kabataan at young single adult sa tahanan, sa simbahan, sa seminary at institute ay makahikayat sa kanila na gamitin ang puso at mga kamay nila para tulungan at mahalin ang iba at paglingkuran ang mga nakakasama nila. Dahil iyan ang likas na bunga ng pagmamahal kay Jesuscristo at sa kapwa-tao.

Para sa akin, lahat ay nakatuon kay Jesucristo. Lahat ng ginagawa at itinuturo nating mga guro at ng mga nagmamahal at nakakasama ng mga kabataan at young single adult at mga bata ay dapat magpalakas ng patotoo nila sa buhay, misyon, at Pagbabayad-sala ni Jesucristo. At iyan ang layunin at gawain ng S&I. At sa palagay ko kung gagawin natin iyan, malalaman nila na ito ang ebanghelyo ni Jesucristo, at malaki ang pagpapala sa mga miyembro nito, at kailangan tayo para isakatuparan ang gawaing ito. Talagang ito ang Kanyang gawain.

Brother Jason Willard: Mahusay. Salamat. Brother Wilkinson, may idaragdag ka ba?

Brother Chad Wilkinson: Sang-ayon ako sa sinabi ni Sister Craig. Habang nagsasalita siya naiisip ko ang institute class na tinuruan ko—na karamihan ay mga returned missionary. At ikinuwento nila ang isa sa mga pinakamahirap na pag-adjust na ginawa nila sa pag-uwi nila, dati nakatuon lang ang 18 buwan o dalawang taon nila sa ibang tao, pag-uwi nila, lahat ay tungkol na sa kanila. Sa ebanghelyo at sa ating mga klase, maaanyayahan natin sila na pag-isipan iyon o alamin ang ilang paraan para magawa ang mga iyon at tulungan ang iba.

Brother Willard: Sister Johnson, may idaragdag ka?

Sister Jill Johnson: Habang iniisip ko ang tanong na ito, naisip ko ang bisa sa mga tipan na makakamit lang natin sa simbahan na may awtoridad at kapangyarihan ng Diyos. At sa mundo ngayon, dahil sa maraming impluwensya at paghatak sa kabataan palayo sa Simbahan, kailangang muli silang ikonekta sa kapangyarihang dulot ng pagtupad sa mga tipan. Maaari nating madama na nag-iisa tayo at walang lakas na daigin ang dumarating sa atin: mga pagsubok, mga tukso. Ngunit ang mga tipan na nasa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, at sa mga sagradong lugar, ay may mas malakas na kapangyarihan kaysa sa anumang puwersa. At iyan ang isang bagay na maibibigay ng Simbahan. At maipababatid natin ito sa ating mga estudyante at mapapatotohanan ito, at maipapakita sa kanila, na ang Simbahan ay hindi lang paggawa ng mabuti. May kapangyarihan sa mga tipan.

Brother Whimpey: Salamat, Sister Johnson, sa komentong iyan. May nakausap akong mga young adult at ganito ang sabi nila: “Mapapalapit ako sa Ama sa Langit kahit hindi ako nagsisimba.” At sinabi ko, “Sang-ayon ako. Ngunit ang mithiin ko ay hindi lang mapalapit sa Ama sa Langit; gusto kong maging katulad ng Ama sa Langit. Nais kong matamo ang kadakilaan.” At sa tingin ko dapat nating tulungan ang mga kabataan, at young adult na tandaan na ang layunin ng mortalidad ay maging katulad ng kanilang Ama sa Langit. Sa simbahan nila matatagpuan ang mga susi ng priesthood at mga ordenansa at tipan gaya ng sinabi ni Sister Johnson. Ito ang kaharian ng Diyos dito sa lupa, at may makukuha sila dito na tutulong sa kanila na maging katulad ng Ama sa Langit na hindi nila matatamo sa ibang lugar at paraan.

Brother Willard: Totoo ‘yan. Hindi lang basta maging bahagi ng isang adhikain, kundi—sabi nga sa huling pangkalahatang kumperensya— maging bahagi ng “adhikain ni Cristo.” Iyan ang laan sa atin ng mga tipang iyon. Salamat sa pagbabahagi niyan. Ano ang ilang maliliit at simpleng bagay na magagawa natin para madagdagan ang kapangyarihan nating mapagpala ang ating mga estudyante, makapagturo nang mas mabisa, at mahusay?

Brother Wilkinson: Magandang tanong. Nag-usap tayo at nagturo at nagbigay ng training tungkol sa mga kasanayan at mga paraan, at mahalaga lahat iyan. Gayunman kapag may inatasan tayong maging guro—ang Espiritu Santo bilang guro—kapag ang Espiritu Santo ang ating guro, at inaanyayahan natin siya sa ating klase, ang kapangyarihang iyon, ang mahusay na pagtuturong iyon ay mangyayari.

Itinuro noon ni Elder Johnson na maaaring hindi matukso ni Satanas ang mga empleyado o tauhan sa S&I na makiapid o labagin ang Word of Wisdom o gumawa ng napakasama o napakabigat na kasalanan. Pero magagawa niya ang maliliit na bagay na pipinsala sa ating kakayahan. Maaari niya tayong udyukan na magreklamo o mag-umpukan at magsalita ng masama sa iba o pagtawanan ang isang estuyante, o mumunting bagay na kapag nagpatukso tayo ay mawawala sa atin ang Espiritu Santo.

Naiisip ko si Achan sa Lumang Tipan, nang utusan silang makidigma sa Jerico, sinabihan silang huwag kumuha ng anumang itinalagang bagay—walang kukuning kalakal, ni kayamanan—mula sa Jerico. At sumuway si Achan, at walang nakaalam nito. At sa kasunod na digmaan, nang tila sila na ang mananalo laban sa lungsod ng Hai, natalo sila, at 36 na kalalakihan ang nasawi.

May aral doon, anumang gawin natin ay may epekto. Ang maliliit na bagay na masasabi natin o pagreklamo, o anumang hadlang para hindi lubusang mapasaatin ang kapangyarihan ng Espiritu Santo—may epekto ito. At may epekto ito sa buong sistema. May ibinubunga ito. Kaya inaanyayahan ko kayo na gawin ang maliliit na bagay na iyon. Magtuon sa maliliit at simpleng bagay na mag-aanyaya sa Espiritu Santo o makatutulong para mapasaaatin, nang lubusan, ang impluwensya ng Guro.

Brother Willard: Brother Whimpey, may sasabihin ka?

Brother Whimpey: Kung nakasentro nga tayo sa Tagapagligtas, iyan ang nasa isipan ko habang nakaupo at iniisip ang mga estudyante ko, at mga lesson, talagang nakasentro ako kay Cristo. Gusto kong malaman ng mga estudyante ko ang Kanyang mga katangian. Doon ko sisimulan para magtuon sa Tagapagligtas.

At sa tingin ko ang pangalawa ay magtuon sa aking mga estudyante. Salamat kay Elder Bednar—kung naaalala ninyo, sa Leadership Enrichment Series, binanggit niya ang kanyang anak, na nagpatulong para malaman ang ipaplano para sa aktibidad ng Priest at Laurel. Binasa sa kanya ni Elder Bednar ang Jacob 1:5: “Sapagkat dahil sa pananampalataya at sa labis na pag-aalala, tunay na ipinaalam sa amin ang hinggil sa aming mga tao, kung ano man ang mga bagay na mangyayari sa kanila.” Sa kuwento niya, ilang beses itong sinabi ni Elder Bednar bago naunawaan ng anak niya na ang sinasabi ni Elder Bednar ay, “Ano ang kailangang mangyari? Bago kayo magplano ng aktibidad, isipin muna kung ano ang kailangang matutuhan ng ating mga estudyante?” Isipin ang “Ano ang kailangang maranasan ng estudyante?” sa ating paghahanda.

At naisip ko ang pangatlong bagay, tulad ng binanggit ni Brother Wilkinson, tulutan na magawa ng Espiritu Santo ang Kanyang tungkulin at gawain habang nasa silid-aralan tayo. Napakahalaga nito. Sa palagay ko ang hanbuk na Pagtuturo at Pag-aaral ng Ebanghelyo, section 2.1, ay magandang rebyuhin, habang inisip natin ang tungkulin at gawain ng Espiritu Santo. At ang pag-unawa lamang dito at pagtulot sa Espiritu Santo na magawa ang Kanyang tungkulin sa silid-aralan, ay magiging napakahalaga.

Sister Craig: Ang natuklasan ko ay kung nagtuturo ako at nadama ko na wala roon ang Espiritu Santo, kung taimtim akong nagpapatotoo tungkol kay Jesucristo at sa Ama sa Langit, darating ang Espiritu Santo. Ang misyon ng Espiritu Santo ay magpatotoo sa kabanalan ni Jesucristo at ng Ama sa Langit. Kaya, kapag nagpapatotoo ako, dumarating ang Espiritu.

Brother Willard: Pinag-usapan natin ang pagtuturo nang mas mabisa, na mas nakasentro kay Cristo. Sa pagsisikap nating mas magtuon sa mga estudyante, ano ang magagawa ng mga guro para mas maugnay sa mga estudyante ang kanilang paghahanda?

Sister Johnson: Nang una kong mabasa ang tanong na iyan, naisip ko, ano ang ibig sabihin ng mag-minister sa bawat estudyante? Ibig sabihin ba nito kilalanin nang personal ang bawat isa? Personal ba natin silang makikilala? Mag-ukol ng oras sa kanila para makikilala natin sila nang mas mabuti? At naisip ko na magiging iba ang dating ng tanong na ito sa isang guro na nasa Orem na may mahigit 100 estudyante. Ang pagiging bahagi ng buhay ng lahat ng mga estudyanteng iyon ay mahirap gawin kumpara sa guro sa Frankfurt, Germany, na may anim na estudyante na nakakasama niya sa simbahan at napakalapit sa ilang pamilya. Kaya, parang nakapanlulumo bilang guro, na ang responsibilidad ninyo ay personal na kilalanin ang bawat estudyante, bisitahin ang pamilya nila at dumalo sa mga kaganapan sa buhay nila. Napakarami nilang ginagawa, at malulula ka.

Narito ang ilang ideya para malaman ang mga kailangan nila. Kailangan nating magtanong. Kailangan nating tanungin mismo ang mga estudyante kung ano ang kailangan nila. Kailangan nating tanungin ang iba pang mga guro kung ano ang napansin nila sa mga estudyanteng pareho ang edad at kultura, dahil magkakaiba ang mga ito. Higit sa lahat, tanungin ang Ama sa Langit at magtiwala sa Espiritu at sa mga pangako sa atin na kung gagawin natin ang lahat, bibigyan tayo ng inspirasyon na kailangan para makilala ang mga estudyante at malaman ang kailangan nating ituro sa kanila. At sa masalimuot na mundong ito lakip ang lahat ng mga bagong hamon sa mga kabataan, mas mahalaga na nasa atin ang patnubay mula sa Ama sa Langit sa pagtuturo sa kanila.

Sister Aburto: Sa palagay ko kung kakausapin at kikilalanin natin sila, makikilala natin sila nang mas mabuti. Mahalaga rin na obserbahan sila, at pakinggan ang sinasabi o masdan ang mga ikinikilos nila. Lalo natin silang makikilala sa mga komento nila, o sa mga itinatanong nila. Maaari din silang hayaang magtanong nang hindi nagpapakilala. Kung minsan mas malaya nilang nasasabi ang nasa puso nila kung hindi natin alam ang pangalan nila. Tiyakin din na ikonekta ang mga tuntunin at doktrina na natutuhan natin sa ating buhay ngayon—hindi sa hinaharap, kundi ngayon—upang makita nila ang sarili nila sa mga banal na kasulatan, at sa pagtitipon ng Israel, at sa gawain ng kaligtasan at kadakilaan. At maaari din nilang gunitain ang sarili nilang buhay at makita ang mga oras na pinagpala sila ng Panginoon, upang maalala nila kung sino sila at na lagi Siyang handang pagpalain sila. Tulungan silang makita ang kaugnayang iyon. At para magawa iyan, dapat ninyong malaman ang nangyayari sa buhay nila.

Brother Wilkinson: Napakaganda talaga ng mga sinabi ninyo. Sa unang araw ng klase namin pinasusulat ko ng liham ang mga estudyante ko. Ayokong sabihin nila sa akin ang mga kasalanan nila, kundi magkuwento sila tungkol sa sarili nila. Ano ang kailangan kong malaman tungkol sa inyo para matulungan akong mapaglingkuran kayo bilang guro ninyo? Magkuwento kayo tungkol sa inyong pamilya, sa trabaho ninyo, sa mga aktibidad na sinasalihan ninyo. Sabihin ninyo kung ano ang inaasahan ninyong matutuhan sa klase. O kaya ay sabihing, “Nahihirapan akong palakasin ang aking pananampalataya,” o “Pinagsisikapan ko ang isang bagay.” At kinukunan ko ng litrato ang bawat estudyante at ikinakabit ito sa sulat nila. At habang binabasa ko ang sulat na iyon, nakikilala ko ang estudyante, at iniisip ko iyon habang naghahanda ako. Ilan lang iyon sa mga praktikal na paraan para magawa ang itinuturo sa atin nina Sister Johnson at Sister Aburto.

Brother Willard: Ang susunod na tanong ay para sa ating mga guro. Paano natin binabalanse ang tungkuling ito na maituro nang malinaw at tama ang doktrina habang hinihikayat ang mga estudyante na nagmula sa iba’t ibang kalagayan at kultura na angkop na maibahagi ang naiisip at nadarama nila? Ano ang masasabi ninyo sa guro na nagsisikap na maipadama sa mga estudyante na makapagbabahagi sila sa klase, ng naiisip at nadarama nila na maaaring iba sa sinasabi sa klase at naituturo pa rin ang doktrina?

Brother Whimpey: Mahirap ibalanse iyan kung minsan sa klase. Sa palagay ko dapat nating tandaan na responsibilidad nating ituro ang katotohanan, hindi opinyon lang. Kailangang malaman ng ating mga estudyante na kapag nasa klase sila, maririnig nila ang katotohanan. Kaya kailangang nakasentro tayo sa banal na kasulatan, at sa salita ng mga propeta, para kapag dumating ang mga estudyante, iyan ang ituturo natin, at diyan tayo maghahanap ng mga sagot. At, tandaan ang mithiin, at na ang layunin natin ay tulungan ang mga kabataan at young adult na maunawaan at umasa sa mga turo at Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Kailangan kong tulungan ang mga estudyante ko na makaunawa.

Pero tandaan din natin na may responsibilidad rin ang mga estudyante. Sabi sa Doktrina at mga Tipan 50: ipapangaral natin ang salita ng katotohanan, ngunit kailangan ding tanggapin ito ng mga estudyante. Kailangan silang manampalataya pagdating nila sa klase. Kaya kung ang klase natin ay magiging parang laboratoryo, kung saan papasok ang mga estudyante, at nadaramang itinuturo dito ang katotohanan, at naibabahagi nila ang kanilang mga tanong o karanasan o alalahanin. Ngunit bilang mga guro, naroon tayo para tulungan ang mga estudyante na matuto—kung paano maramdaman ang Espiritu, matuto mismo sa klaseng iyon, at ibahagi ang naiisip nila. At marahil hahantong iyon sa talakayan, sa mga banal na kasulatan, at sa mga salita ng mga propeta para tulungan tayong mahanap ang katotohanan at hindi lamang basta opinyon lang.

Magtuon tayo sa katotohanan. Pag-isipan ang huwaran sa pagtatamo ng espirituwal na kaalaman. Kung pagtutuunan natin ang huwarang iyon at tutulungan ang mga estudyante na matutong kumilos nang may pananalig at hanapin sa banal na pagkukunan ang mga sagot, sila ay makakapasok sa klase para malaman ang katotohanan, upang maging tulad sila ng Ama sa Langit.

Isa sa mga area director ang nagbahagi ng isang karanasan. Nakaupo siya sa silid-aralan, at nagbahagi ang isang young adult ng opinyon na medyo hindi ayon sa mga turo ng Simbahan. At ganito ang sagot ng guro. Sabi niya, “Paano nakakaimpluwensya sa opinyon mo ang patotoo at kaalaman mo sa plano ng kaligtasan? Simula sa pananampalataya, sa alam mo na, at nadama, at nalaman, pag-usapan natin iyan mula sa pananaw na iyan.” At nakita raw niya na nakatanggap ang young adult na ito ng paghahayag sa oras na iyon nang sikapin nilang kumilos nang may pananampalataya at walang-hanggang pananaw. Pinag-usapan nila ang alam nila, ang hindi pa nila alam, at kung bakit sinisikap nilang malaman ito. Hindi nila nalaman ang lahat ng sagot, pero sa diwang iyon, nalaman ang katotohanan, at kumilos nang may pananampalataya at pananalig, batay sa alam na nila.

Ngayon, paano ko kayo matutulungan na matuto at maghanap ng sagot habang sumusulong kayo? Kung minsan dapat maging maingat tayo, na kung ayaw natin minsan na baguhin tayo ng mga alituntunin at doktrina ng ebanghelyo, binabago natin ang mga alituntunin at doktrina ng ebanghelyo para tumugma sa ating kalagayan. Kung talagang sasabihin nating, “Ama sa Langit, nais ko pong maging katulad ninyo. Tulungan po Ninyo akong malaman kung paano ako matutulungan ng mga doktrina at alituntunin ng ebanghelyo,” sa diwang, “May mga tanong pa po ako, pero gusto ko talagang malaman ang katotohanan.” Sa palagay ko bilang mga guro maaari tayong magkaroon ng ganyang uri ng silid-aralan, sa pagtugon natin. At tulungan ang mga estudyante na gamitin ang banal na kasulatan at salita ng mga propeta para malaman ang katotohanan at tulungan sila sa pagsisikap na malaman ang totoo. At sasabihin ko rin, huwag maliitin ang kapangyarihan ng patotoo at ng saksi. “At sa bibig ng dalawa o tatlong saksi ang bawat salita ay mapagtitibay.”3 Sa mga banal na kasulatan, naroon ang salita ng mga propeta at pagsaksi sa katotohanan. At kapag nagpapatotoo ang Espiritu, sisikapin itong kamtin ng ating mga kabataan, at matututuhan nila kung paano nila malalaman ang katotohanan.

Brother Willard: Gusto ko ang sagot ni Nephi na, “Alam kong mahal niya ang kanyang mga anak; gayon pa man, hindi ko nalalaman ang ibig sabihin ng lahat ng bagay.”4 Nagpatotoo si Nephi tungkol sa alam niya, at malaking pagpapala iyon sa ating lahat.

Brother Wilkinson: Isa sa mga naisip ko ay ang babaeng nahuli na nangangalunya at ang halimbawa ng Tagapagligtas. Itinuro Niya ang katotohanan. Itinuro Niya sa babae na hindi mabuti ang ginawa nito. Ngunit ginawa Niya ito sa paraang naprotektahan ang babae, ginawa itong ligtas na lugar para matulungan siya na matuto.

Sister Johnson: Naisip ko rin iyan, na kung madarama ng mga estudyante ang pagmamahal ng Tagapagligtas at ang kapangyarihan ng Pagbabayad-sala nang malakas kaysa kapag itinuturo natin ang mga kautusan at ang bunga ng pagsuway sa mga ito. Kung nadama nila sa klase at lesson na may lubos na nagmamahal sa kanila, at may paraan para magamit ang kapangyarihan ng Pagbabayad-sala, na kapag nagkakamali tayo—at lahat naman ay nagkakamali—kailangan natin talaga ang Pagbabayad-sala. Ang positibong bahagi ng lahat ng ito ang natitimo sa mga estudyante. Nadarama nila na may pag-asa. At talagan kailangan nila iyan sa mundong ito.

Brother Willard: Salamat sa mga ibinahagi ninyo. Katunayan, ang huling tanong ay may kaugnayan diyan: Paano natin matutulungan ang kabataan na madama na mahalaga sila, na mahalaga ang mga tanong nila? Sister Craig, ano ang masasabi mo?

Sister Craig: Naisip ko ang isang talata sa Marcos na alam nating lahat. Isang mayaman na batang pinuno ang lumapit sa Tagapagligtas, iniisip kung ano ang magagawa niya para magkaroon ng buhay na walang-hanggan. At inisa-isa ng Tagapagligtas ang ilang kautusan na sinusunod na niya. At, bago iutos sa batang pinuno ang isang bagay na talagang mahirap—at lahat tayo ay may bagay na mahirap para sa atin—gusto ko ang talata 21: “At pagtitig sa kaniya ni Jesus,” o pagtingin sa kanya, “ay giniliw siya.”5 Sa palagay ko ang pinakamahalagang magagawa natin sa interaksyon natin sa mga kabataan ay ipadama na minamahal sila. Hindi iyan madali at kung minsan kailangan ng maraming pagsisikap at panalangin para mapahalagahan sila tulad ng pagpapahalaga sa kanila ng Tagapagligtas.

At ang isa pang naiisip ko tungkol dito ay dapat nating gamitin nang husto ang bisa ng pagtatanong. Tinalakay iyan dito ngayon, ngunit kailangan tayong matutong pakinggan ang mga estudyante at ang mga tinuturuan natin at magtanong nang makabuluhan—mga tanong na magsasabi ng nadarama nila at kung nasaan na sila at pagkatapos ay hikayatin silang magtanong nang makabuluhan. Mga tanong ito na kung minsan ay nakakaasiwa at hindi madaling masagot, at ayos lang iyan. Hindi maaaring balewalain ang mga ito, bagama’t mahirap ang mga tanong na ito, nagpapakita ito na interesado sila. At tiyak na hindi natin gustong hindi sila nakikibahagi sa klase. Gusto natin silang magtanong. Tungkulin nating tulungan silang mailapit sa angkop na sanggunian, lalo na sa Panginoon, para makatanggap ng personal na paghahayag at kumilos ayon dito. At kailangan nating sikaping madama sa ating klase ang pagtitiwala, at malaya nilang maipapahayag ang paniniwala nila at mga pagdududa. Sa paglikha natin ng ganitong kapaligiran at sa pagrespeto natin sa mga ito, sa katalinuhan nila, sa kakayahan nila, sa ituturo nila sa atin, at sa magagawa nila, sa pagbibigay natin sa kanila ng pagkakataon na sagutin ang panawagan ng propeta at ni Jesucristo at makibahagi sa gawain ng kaligtasan at kadakilaan, tiyak na madarama nilang nakikita, dinirinig, at kailangan sila.

Sister Aburto: Dapat din tayong maging sensitibo sa mga estudyante na may iba-ibang kalagayan sa buhay, at pamilya. Dapat nating tiyakin na dama nila na kabilang sila, na bahagi sila ng Simbahang ito at ng katawang ito ni Cristo, na tayo ay bahagi rin. Kailangan ding maging maingat tayo sa mga salitang ginagamit natin. Halimbawa, baka may mga hindi nakatira sa kanilang mga magulang, at sabihin na lang natin na “inyong pamilya” o “mga taong mahal ninyo” sa halip na “mga magulang.” At ang pagiging mahina ay makatutulong para makita nila na lahat tayo ay may pinagdaraanan, na lahat tayo ay may mga kahinaan. Kaya, ang pagtulong sa mga estudyante na madama na bahagi sila ng paglalakbay na ito, na magkakasama tayo dito, at walang taong perpekto, madarama nila na mahalaga sila. At, siyempre, pakinggan din sila, pakinggan ang sinasabi nila, at mga itinatanong nila. Kung magtatanong sila, itigil ang ginagawa natin at tulungan silang mahanap ang sagot—huwag ibigay sa kanila ang sagot, kundi ipahanap sa kanila ang sagot sa mga banal na kasulatan, sa panalangin, sa salita ng mga buhay na propeta.

Sister Johnson: Gusto ko lang sabihin na sa pagsagot sa mga tanong na ito naisip ko ang mga naging guro ko noon at ang kahalagahan nito sa buhay ko. Nagpapasalamat ako nang lubos nitong mga nagdaang ilang araw sa paghahanda para dito, naisip ko ang mga guro ko noon, at ang pagmamahal nila, at katapatan sa Tagapagligtas, at napakalaki ng epekto nito. Nadama ko na napakahalaga ko dahil sa kanila at sa pagmamahal nila sa Tagapagligtas at sa akin. At walang-hanggan ang pasasalamat ko sa lahat ng mabubuting guro natin sa Simbahang ito. Napakagandang alalahanin ang kabutihan nila.

Brother Willard: Sa huli, talagang napakalaki ng epekto ng halimbawa ng isang guro. Mas malaki ang epekto nito kaysa sa talakayang ito o mga mensahe para sa kawalang-hanggan tungkol sa pagtuturo. Ang kailangan lang ay isipin ang isang guro na nagpala sa inyong buhay, isang taong tumulong at naglingkod sa inyo sa paraang napagpala ang buhay ninyo. At alam ko na magandang aral iyan sa napakahabang panahon, hindi lang ngayon. Salamat sa paalalang iyan.

Sa pagtatapos natin ngayon, pinasasalamatan ko ang bawat isa sa inyo sa panel na ito sa pagtuturo sa amin ngayon, at, higit sa lahat, sa inyong mga halimbawa ng pamumuhay na katulad ng kay Cristo. Kayo ay mga disipulo ni Jesucristo, at pribilehiyo ko ang makasama kayo ngayon at maturuan ninyo. Sa ating audience na nakikinig sa iba’t ibang dako ng mundo, sa ngalan ng bawat isa sa panel, mahal namin kayo. Nagpapasalamat kami sa maraming pagsisikap ninyo na pagpalain ang mga anak ng Diyos. Pinatototohanan ko na Siya ay buhay; ito ang Kanyang gawain. At dalangin ko na maibuhos ang pinakadakila Niyang pagpapala sa inyong buhay, saanman kayo naroon, sa pangalan ni Jesucristo, amen.