Mga Taunang Brodkast
Pagsisikap na Maging


2:3

Pagsisikap na Maging

Taunang Training Broadcast ng S&I para sa 2020

Martes, Hunyo 09, 2020

Elder Ulisses Soares: Mahal na mga kapatid, saanman kayo naroon, isang tunay na karangalan para sa aming mag-asawa ang makasama kayo ngayong gabi. Hatid ko ang pagbati at pagmamahal ng Unang Panguluhan at ng Korum ng Labindalawang Apostol para sa inyong lahat. Ipinararating mismo ni Pangulong Nelson ang kanyang pagbati sa inyo. Lagi niyang hinihiling sa amin na ibahagi ang kanyang damdamin at pagmamahal sa mga taong kausap namin. Talagang pinasasalamatan niya ang inyong paglilingkod para sa mga anak ng Diyos.

Mahal kong mga kasama, bago tayo magpatuloy, gusto kong personal at taos na pasalamatan ang inyong pambihirang paglilingkod sa mga seminary at institute. Pribilehiyo ninyong turuan at tulungan ang bagong henerasyon na sundan ang halimbawa ng Tagapagligtas tungo sa kawalang-hanggan. Tinuturuan ninyo ang ilan sa pinakamagigiting na espiritu ng Diyos, na nakareserbang isilang sa lupa sa yugtong ito ng kasaysayan. Tinutukoy ng ating mahal na propetang si Pangulong Nelson ang magigiting na espiritung ito na pinakamahusay na grupo ng Diyos, pinakamahuhusay Niyang manlalaro, mga bayani, yaong mga nakikibahagi sa huli at dakilang pagtitipong ito—ang pagtitipon ng Israel.1 Maisasagawa ng mahusay na grupong ito ang imposible at maiimpluwensyahan ang kapalaran ng buong sangkatauhan.2

Kasama ko ang mahal kong asawa na si Rosana sa espesyal na pulong na ito ngayon. Siya ang naging ilaw ng buhay ko sa loob ng 39 na taon. Dahil sa kanyang kabutihan at magandang halimbawa, siya ang gumaganyak sa aming pamilya na tulungan ang bawat isa sa amin na maging higit na katulad ni Cristo. Tumanggap kami ni Rosana ng mga pagpapala sa buhay dahil sa pagsunod sa mga itinuro sa amin ng matatapat na seminary at institute teacher noong kabataan namin. Napakalaki ng impluwensya ng kanilang tapat na paglilingkod sa aming buhay sa mga unang hakbang namin sa ebanghelyo ni Jesucristo. Tinulungan kami ng mga dedikadong gurong ito na hubugin ang aming buhay ayon sa mga katotohanan ng ebanghelyo ni Jesucristo at ginabayan kami sa pagsisikap namin na tumahak sa landas pabalik sa ating Ama sa Langit. Gusto kong anyayahan ang giliw ko na ibahagi ang kanyang damdamin kung paano siya napagpala ng seminary at institute bilang bagong binyag sa Simbahan at sa kanyang mga pagsisikap na magtaglay ng mga katangian ni Cristo. Puwede mo na bang ibahagi ang gusto mong sabihin, mahal?

Sister Rosana Soares: Maraming salamat, mahal ko, para sa pag-anyaya sa akin na ibahagi ang aking patotoo.

Una kong narinig ang tungkol sa Simbahan noong ako ay humigit-kumulang siyam na taong gulang. At sa loob ng walong taon, nagsumikap akong humingi ng pahintulot sa aking ama para makapagpabinyag ako ngunit palagi siyang hindi pumapayag. Sinabi niya na masyado pa akong bata para gumawa ng gayong kahalagang desisyon at kinakailangan ko munang patunayan sa kanya na ito talaga ang gusto ko.

Bagama’t hindi pa ako miyembro ng Simbahan noon, natapos ko ang apat na taon ng pang-araw-araw na seminary. Itinuturo noon ang klase sa Seminary sa chapel tuwing 6:00 ng umaga bawat araw. Pinayagan lang ako ng aking ama na dumalo sa seminary sa kondisyong susunduin ako ng aking guro. Sa kabutihang-palad, nagkaroon ako ng kahanga-hangang guro na pumupunta sa amin araw-araw tuwing 5:30 n.u. para sunduin ako. Ginigising ako noon ng aking ama araw-araw tuwing 5:00 ng umaga para magbihis at maghintay sa aking guro. Palagi akong inaantok noon kaya sinasabi ko sa aking sarili, “Sana huwag na siyang dumating. Sana huwag na siyang dumating,” ngunit palagi siyang dumadating. Nang masaya, palagi siyang dumadating.

Talagang pinagpala at nagpapasalamat ako na nagkaroon ako ng masigasig na guro sa seminary, na maaari naman akong sukuan noon. Ngunit hindi niya ginawa iyon.

Pagkaraan ng tatlumpung taon, nagkaroon ako ng pagkakataon na turuan ng seminary sa bahay ang aking anak sa loob ng maikling panahon. Hindi siya makadalo sa seminary sa chapel noong taong iyon dahil sa iskedyul niya sa paaralan. Isa siyang batang babae na masigla at hindi siya nasabik na umupo ng 45 minuto, lalo na ako ang guro niya. Kaya nagpasiya akong maghanda ng mga natatanging klase at ituring ang aking anak na tila siya ang pinakamagaling na estudyante sa seminary, kahit siya lang naman talaga ang aking estudyante. Sa pagtatapos ng taong iyon, naging masaya siya, naramdaman niya ang pagmamahal ng ating Ama sa Langit para sa kanya, at naramdaman ko rin iyon.

Mga kapatid, tulad ng aking anak, alam ko na makagagawa ng malaking kaibahan ang salita ng Diyos sa ating pag-iisip, sa ating pag-uugali, at sa paraan kung paano natin nakikita ang ating mga sarili at ang ibang tao.

Nais kong tapusin ang aking mensahe gamit ang isang magandang sipi mula kay Pangulong Henry B. Eyring:

“Kayong mga kahanga-hangang guro ay naglalaan na ng matinding pagsisikap at sakripisyo sa inyong paghahanda na ituro ang salita ng Diyos, sa inyong mismong pagtuturo, at sa pangangalaga sa mga estudyante. … Maaari ninyong palakasin ang inyong pananampalataya na marami sa ating mga estudyante ang gagawa ng mga pagpili na hahantong sa tunay na pagbabalik-loob.”3

Pinatotohanan ko ito sa pangalan ni Jesucristo, amen.

Elder Soares: Salamat, mahal ko, sa maganda mong mensahe. Kahanga-hanga siya, di ba?

Huwag sana ninyong maliitin ang inyong kakayahang impluwensyahan at hikayatin ang ating mga kabataan na sikaping maging mabuti sa kanilang buhay. Tulad ng madalas sabihin ni Pangulong Packer, lumalaki sila sa teritoryo ng kaaway. Sa inyong tapat na paglilingkod sa pagtuturo sa kanila, lalago ang kanilang pananampalataya at pagsunod at magiging espirituwal na matatag. Matututo silang kayanin at daigin ang tukso.

Mahal kong mga kapatid, ang mga programang seminary at institute ay dalawa sa pinakamahahalagang kontribusyon sa katatagan at lakas ng Simbahan. Matitiyak ko sa inyo na tinutupad ng Panginoon ang “[Kanyang] gawain at [Kanyang] kaluwalhatian—ang isakatuparan ang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan ng tao”4—sa pamamagitan ng inyong katangi-tanging paglilingkod sa Kanya at sa Kanyang mga anak. Samakatwid, dapat ay palaging kaligtasan at kadakilaan ng mga anak ng ating Ama sa Langit ang inyo at aking mithiin.

Nakasaad sa kagila-gilalas na hanbuk na ito para sa mga guro at lider sa Seminaries and Institutes of Religion, na Gospel Teaching and Learning, ang kahanga-hangang pahayag na ito: “Ang ating layunin ay tulungan ang mga kabataan at young adult na maunawaan ang at umasa sa mga turo at Pagbabayad-sala ni Jesucristo, maging karapat-dapat sa mga pagpapala ng templo, at ihanda ang kanilang sarili, kanilang pamilya, at iba pa para sa buhay na walang hanggan sa piling ng kanilang Ama sa Langit.”5

Ang utos na ito ay nakaayon sa nakasaad sa Pangkalahatang Hanbuk: Paglilingkod sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw: Ang “Seminaries and Institutes of Religion (S&I) ay umaalalay sa mga magulang at lider ng Simbahan sa pagtulong sa mga kabataan at young adult na dagdagan ang kanilang pananampalataya kay Jesucristo at sa Kanyang ipinanumbalik na ebanghelyo.”6

Ang isa sa pinakamalalaking hamon para sa atin na abala sa napakagandang gawaing ito ng pagliligtas ng mga kaluluwa ay ang paghahangad na maging, ibig sabihin ay lumago o maging uri ng disipulo na inaasahan sa atin ng Panginoon. Pagkatapos bibigyan tayo ng Panginoon ng kakayahang impluwensyahan ang buhay ng mga tinuturuan natin sa pagtahak nila sa landas tungo sa buhay na walang hanggan. Ang konseptong ito ng pagiging ay lubos na may kaugnayan sa isa sa tatlong bagay kung paano makakamtan ang Kanyang layunin, ayon sa inilarawan sa hanbuk na Gospel Teaching and Learning: “Ipinamumuhay natin ang ebanghelyo ni Jesucristo at sinisikap nating mapatnubayan ng Espiritu. Ang ating pag-uugali at mga ugnayan ay huwaran sa tahanan, sa silid-aralan, at sa komunidad. Patuloy nating sinisikap na pag-igihin pa ang ating pagganap, kaalaman, saloobin, at pagkatao.”7

Pinayuhan tayo ni Apostol Pablo tungkol sa kahalagahan ng pagtatamo ng katayuang katulad ni Cristo. Sa kanyang sulat sa mga taga-Efeso, sinabi niya:

“At pinagkalooban niya ang mga iba na maging mga apostol; at ang mga iba’y propeta; at ang mga iba’y evangelista; at ang mga iba’y pastor at mga guro;

“Sa ikasasakdal ng mga banal, sa gawaing paglilingkod sa ikatitibay ng katawan ni Cristo:

“Hanggang sa abutin nating lahat ang pagkakaisa ng pananampalataya, at ang pagkakilala sa Anak ng Dios, hanggang sa lubos na paglaki ng tao, hanggang sa sukat ng pangangatawan ng kapuspusan ni Cristo.”8

Maaaring ang mahalagang tanong natin ay kung paano natin matatamo ang sukat ng pangangatawan (o katayuan) ng kapuspusan ni Cristo, sa pamamagitan ng ating paglilingkod habang sinisikap nating tulungan ang iba na gawin din iyon. Tinutulungan tayo ng ebanghelyo ni Jesucristo sa bagay na iyan. Sama-sama nating isipin ang ilang alituntunin sa pagsisikap na masagot ang tanong na ito.

Ang una at pangunahing alituntunin ay laging sundin ang Maestro na si Jesucristo. Ang taimtim na pagninilay kay Jesucristo sa ating saloobin, salita, at kilos ay nagdaragdag sa kakayahan nating impluwensyahan at hikayatin ang iba na maghanda at maging marapat para sa buhay na walang hanggan sa piling ng kanilang Ama sa Langit. Sa paggawa nito, matutulungan natin ang ating mga kabataan na matutong mahalin ang Panginoon, sapagkat ang minamahal nila ay siyang kanilang hahangarin. Ang hahangarin nila ay siyang kanilang iisipin at gagawin. Ang kanilang iisipin at gagawin ay siyang kanilang kahihinatnan.

Kinakatawan natin pareho Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw sa mundo. Lahat ng ating ginagawa at sinasabi ay sumasalamin sa imahe ng Simbahan, sa mga katotohanan nito, at sa huli, sa Tagapagligtas. Habang sinisikap nating mas maunawaan ang ebanghelyo at itugma ang ating buhay rito, mas dapat nating sikaping maging katulad ni Jesucristo. Itinuro minsan ni Pangulong Elder Dallin H. Oaks:

“Ang ebanghelyo ni Jesucristo ang plano kung saan tayo ay maaaring maging mga anak ng Diyos na siyang dapat nating kahinatnan. Ang walang bahid-dungis at perpektong kalagayang ito ay magmumula sa palagiang pagtupad ng mga tipan, ordenansa, at paggawa, patuloy na pagpili ng tama, at mula sa patuloy na pagsisisi.”9

Kailan lang ay nakausap ko ang ilan sa mga kaklase ko sa seminary at institute mula sa Brazil, kung saan ako lumaki. Humanga ako sa sinabi nila tungkol sa impluwensyang katulad ng kay Cristo ng kanilang mga guro sa kanila sa oras ng mahahalagang desisyon sa kanilang buhay. Pakinggan natin ang sinabi ng ilan sa kanila.

Sister Barreto: Okey, balikan natin ang kabataan ko. Palagay ko—hindi sa palagay ko; sigurado ako—lahat ng desisyon at lahat ng inasam ko, ng pinangarap ko, ay may matibay na pundasyon nang pag-aralan ko ang ebanghelyo. At lalo na’t napakalinaw sa alaala ko ang seminary. Batang-bata pa ako—nagsisimula ang seminary dito sa Brazil—at naaalala ko pa ang napakagaling at tapat kong mga guro, at nagsimula akong mahalin ang Tagapagligtas. At palagay ko ang patotoong natamo ko noong estudyante ako sa seminary ay nabuo at lumago, lumalago nang husto, at naging ganito ako ngayon dahil sa mga panahong iyon, sa mga turong iyon, sa mga gurong iyon, at sa mga desisyong ginawa ko.

Sister Silva: Para sa akin, sa tingin ko, yung guro ko talaga ang napakahalaga noon, dahil bagong binyag ako noon, at tinulungan niya ako nang husto na maunawaan ang mga alituntuning iyon at kung paano iangkop ang mga iyon sa buhay ko at hangaring taglayin ang mga katangian ni Jesucristo—tulad ng pagpapasensiya, pagdagdag sa karunungan, at pagsunod sa buhay na mga propeta. Lahat ng ito ay tinulungan ako sa mga panahong iyon na paunlarin ang aking kakayahang marinig ang Esipiritu Santo, ang mga bulong ng Espiritu. Kaya napakahalaga nito para sa akin dahil isa akong convert. Guro iyon. Marami siyang alam, at tinulungan niya ang maraming estudyante na matamo ang kaalaman na iyon. Sinagot niya ang aming mga tanong at iba pa. Tinulungan ako nito na magkaroon ng patotoo at maging matatag.

Elder Gonçalves: Matapos akong binyagan, pumasok ako sa chapel sa unang pagkakataon, agad akong isinali ng mga kabataan at ng seminary teacher. Inanyayahan niya akong dumalo sa mga klase. Nakapagsimula na ang kurso, kaya kinailangan kong magmadali at punan ang ilang pakete para matanggap ko ang sertipiko para sa taong iyon. Wala akong natutuhan sa pagsagot ng mga paketeng iyon, ngunit natutuhan kong isali ang aking sarili, at napakahalaga ng pakikibahagi na iyon. Napakahalaga ng pakikibahagi na iyon upang magkaroon ako ng pagnanais na mas matuto pa tungkol sa mga banal na kasulatan, na hindi ko pa kailanman naisip at naintidihan. Pagkatapos ng kasabikang iyon noong una, nagsimulang maging bahagi ng buhay ko ang kagalakang makibahagi. Naging normal iyon, at hinangad kong mas matuto pa tungkol sa mga banal na kasulatan at ipamuhay ang mga bagay na iyon na mukhang totoong-totoo at nagpala nang husto sa buhay ng mga kabataan na makikita ninyo sa kanilang mga kilos. Sa pagbabalik-tanaw, naaalala ko ito: nakita ko sa mga kilos ng mga kabataang iyon ang isang bagay na totoo.

Elder Soares: Ipinapaalala sa atin ng sulat ni Apostol Pablo kay Timoteo ang mahalagang payong maaari nating sundin para maimpluwensyahan talaga ang iba sa kabutihan: “Maging uliran ng mga nagsisisampalataya, sa pananalita, sa pamumuhay, sa pagibig, sa pananampalataya, sa kalinisan.”10

Ang pangalawang alituntuning gusto kong banggitin ay ang pagtuturo ng katotohanan nang may tapang at kalinawan. Kayo at ako ay tinawag upang ipangaral ang ebanghelyo ni Jesucristo. Hindi natin dapat ituro ang sarili nating mga ideya o pilosopiya, kahit hinaluan pa ito ng mga banal na kasulatan. Ang ebanghelyo ay “siyang kapangyarihan ng Dios sa ikaliligtas,”11 at sa pamamagitan lamang ni Jesucristo at ng Kanyang ebanghelyo tayo maliligtas. Sa patnubay at tulong ng Espiritu Santo, dapat nating ituro ang mga alituntunin ng ebanghelyo ayon sa nakasaad sa mga pamantayang aklat ng Simbahan, sa mga salita ng mga makabagong apostol at propeta na itinuturo ngayon. Dapat tayong maging mga kasangkapan ng katotohanan at ituro natin ang mga ito nang napakalinaw para hindi sila malito sa mga pilosopiya ng mundo. Magandang basahin kung paano inilalarawan ni Alma ang kapangyarihan ng salita ng Diyos sa puso ng mga tao at kung paano ito likas na nagpapalakas ng pananampalataya. Sama-sama nating basahin ang Alma 32:42.

“At dahil sa inyong pagsisikap at inyong pananampalataya at inyong pagtitiyaga sa salita sa pag-aalaga nito upang ito’y mapapag-ugat ninyo, masdan, di maglalaon, kayo ay pipitas ng bunga niyon, na pinakamahalaga, na pinakamatamis sa lahat ng matamis, at pinakamaputi sa lahat ng maputi, oo, at pinakadalisay sa lahat ng dalisay; at kayo ay magpapakabusog sa bungang ito hanggang sa kayo ay mapuno, upang hindi na kayo magutom pa, ni hindi na kayo mauuhaw.”

Mga kapatid, inilalarawan ng magandang talatang ito ang kapangyarihan ng katotohanan na maaaring matanggap papasok sa puso ng ating mga kabataan at humikayat sa kanila na gumawa ng mabuti sa kanilang buhay. Alalahanin sana natin na ang mabisang pagtuturo ang pinakadiwa ng pamumuno sa Simbahan. Ang buhay na walang hanggan ay darating lamang kung ang mga lalaki at babae ay maturuan nang napakabisa para baguhin at disiplinahin nila ang kanilang buhay. Hindi sila maaaring piliting maging matwid o magpunta sa langit. Kailangan silang gabayan, at ang ibig sabihin niyan ay mabisang pagtuturo.12

Sa pangkalahatang kumperensya noong nakaraang Abril, nagturo si Pangulong Russell M. Nelson tungkol sa “Ang Pagpapanumbalik ng Kabuuan ng Ebanghelyo ni Jesucristo: Isang Proklamasyon sa Mundo para sa Ika-200 Taong Anibersaryo.” Sa pagtatapos ng kanyang mensahe, nagbigay siya ng assignment sa buong Simbahan na pag-aralan ito at pagnilayan ang mga katotohanan at isipin ang impluwensya ng mga katotohanang iyon sa ating buhay. Naniniwala ako na ang responsibilidad natin ay higit pa sa tungkuling iyon. Kayo at ako ay bahagi ng grupo ng mga tao na inatasang dalhin ang mga inspiradong katotohanan ng pahayag na ito sa puso ng ating mga kabataan at young adult. Sa isang banda, ang mga seminary at institute teacher ay karugtong ng 15 propeta, tagakita, at tagapaghayag sa tungkulin nilang ipahayag ang mga katotohanang ito sa mga kabataan bilang paghahanda sa kanilang paglalakbay sa isang mundong lubhang nakalilito. Kayo at ako ay may mahahalagang responsibilidad para magkatotoo ang mga pagpapala ng pagpapahayag na ito sa kanilang buhay. Alam nating lahat na nabubuhay tayo sa panahong ito na puno ng hamon. Nalilimutan ng sangkatauhan ang kahalagahan at papel ng Ama sa Langit at ni Jesucristo sa kanilang buhay at nalilimutan nila ang kanilang likas na kabanalan. Parami nang parami ang mga pilosopiya ng mundo na pumapalit sa mga banal at lubos na katotohanan ng ebanghelyo ni Jesucristo sa puso ng mga tao. Kayo at ako ay may magandang pagkakataong maging kasangkapan sa mga kamay ng Panginoon upang pagpalain ang ating mga kabataan at ihatid ang mga katotohanang ipinarating nang malinaw at mariin sa pahayag na ito sa kanilang puso.

Hayaan ninyong ibahagi ko sa inyo ang ilan sa iba pang mga komento ng mabubuti kong kaibigan kung paano sila talaga pinatatag sa ebanghelyo ni Jesucristo ng katotohanan na itinuturo nang malinaw at may tapang.

Elder Silva: Para sa akin, ang unang pumapasok sa isipan ko ay ang halimbawa ng mga guro, dahil sila ang tinitingala natin, at nais nating maging katulad nila. Akala ko noon, “Posible ba akong magkaroon ng pamilyang katulad noon balang-araw? Posible ba na talagang gagawin ko ang mga bagay na iyon balang-araw?” Ang ilang epekto ng doktrina, ng itinuturo lalo na, sa pamamagitan ng halimbawa, sabi nga nila—kaya kailangan nating ipamuhay ang doktrina at iangkop ito ayon sa ating mga sitwasyon at kalagayan. Sinikap kong gawin ito sa pinakamainam na posibleng paraan, ayon sa aking kakayahan at galing, para mas bumuti ako talaga bawat araw at makagawa ako ng pinakamabubuting pagpili—tulad ng ginawa ko sa pinakamahusay na pagpili ko, pagpili sa asawa ko, na isa rin sa mga bagay na nakatulong sa akin.

Sister Barreto: Palagi kong itinuring na mga halimbawa ang aking mga guro. Naaalala ko pa lalo na ang isang sa kanila. Napakabata pa niya, dalaga pa. Isa siyang returned sister missionary, at nang tingnan ko siya habang tinuturuan niya kami naisip ko, “Gusto kong maging katulad niya. Gusto kong maging higit na katulad niya,” dahil katulad siya ng Tagapagligtas. Mahal na mahal niya kami, at tuwing tuturuan niya kami ramdam ko ang pagmamahal niya at ang katapatan niya sa ginagawa niya. Ang isang bagay na sa tingin ko ay mahalaga sa buhay ko—hindi pa ako nabinyagan, pero nagkaroon ako ng panahong magbalik-loob. Ipinanganak ako sa Simbahan, kaya kapag pinag-uusapan namin ang mga kuwento ng buhay namin, medyo naiba ang akin dahil hindi ko maalala na nagkaroon ako ng mga pagdududa o hindi ako naniniwala sa Simbahan at sa ebanghelyo kailanman. Lahat ay natural na natural para sa akin. Pero sa palagay ko—sigurado ako na dumarating ang panahon na kailangan mong alamin para sa iyong sarili, at iyon mismo—iyon ang panahon ng aking seminary at institute, lalo na ang seminary. Kapag ginugunita at iniisip ko iyon, mahalaga ang pagkakataon na kinailangan kong magpasiya kung bakit ako nasa Simbahan—kung talagang totoo ang Simbahan para sa akin, kung may patotoo ako sa ebanghelyo at kay Jesucristo. Kaya naging ganito ako ngayon dahil sa mga panahong iyon.

Sister Gonçalves: Una, kapag mayroon tayong mga guro at lider, hindi naman sila perpekto, pero nangangarap tayong maging katulad nila, magkaroon ng pamilyang katulad ng sa kanila, at sundan ang kanilang halimbawa, magkaroon ng kaparehong pang-unawa, matamo ang kaalamang iyon. May ilang lider na nakaimpluwensya sa akin at naging halimbawa kaya sinabi ko, “Gusto kong maging katulad nila paglaki ko.” Dahil dito sinisikap ko palaging gumawa ng matatalinong pasiya sa buhay ko. At nagpatuloy ako, sa paisa-isang hakbang. Tulad ng sabi ni Elder Bednar tungkol sa pagbabalik-loob, hindi ito nangyayari kaagad; ito ay paisa-isang hakbang, pagbabago ng puso, pagbabago ng isipan, pagbabago ng ugali, at palagiang pagtutuon sa kalooban ng Diyos. Kaya ang kalooban ng Diyos muna, at tinulungan ako ng mga gurong ito na maunawaan ang mga banal na kasulatan, na matutuhang mahalin ang mga ito. Kaya naging bahagi ito ng buhay ko. Hinangad kong makagawa ng matatalinong pasiya ayon sa kalooban ng Diyos.

Elder Soares: Ang isa pang alituntuning gusto kong banggitin ngayon ay ang utos sa atin na turuan ang ating mga estudyante sa pamamagitan ng Espiritu. Kayo at ako, tayo ay nasa paglilingkod sa Panginoon. Tayo ay Kanyang mga kinatawan, at may karapatan at responsibilidad na katawanin Siya at kumilos para sa Kanya. Bilang Kanyang mga kinatawan, may karapatan tayo sa Kanyang tulong. Tiyak na inaasahan na masigasig tayong maghahanda para sa bawat aralin, na nagpapakadalubhasa sa iba-ibang paraan ng pagtuturo at natututo kung paano tulungan ang ating mga estudyante na gamitin ang kanilang kalayaan sa kabutihan. Gayunman, malinaw na para makamtan ang tulong ng Panginoon sa pamamagitan ng Espiritu Santo sa mga aralin na itinuturo natin, kailangang mamuhay sa paraang karapat-dapat para sa tulong na iyon.

Patungkol sa mga guro ng Simbahan, sinabi ng Unang Panguluhan: “Ang pinakamahalagang bahagi ng inyong paglilingkod ay ang inyong araw-araw na espirituwal na paghahanda, kabilang na ang pagdarasal, pag-aaral ng mga banal na kasulatan, at pagsunod sa mga kautusan. Hinihikayat namin kayo na lubos na ipamuhay ang ebanghelyo nang may mas dakilang layunin kaysa noon.”13 Pagkatapos ay humihingi tayo ng tulong sa Panginoon, at bibiyayaan Niya tayo ng Kanyang Espiritu na malaman kung ano ang gagawin. Laging alalahanin na ang pagtuturo sa pamamagitan ng Espiritu ay tumutulong sa atin na turuan ang mga miyembro ng klase sa paraan na mas mauunawaan nila ang mga alituntunin ng ebanghelyo at pagkatapos ay mahikayat na ipamuhay ang mga ito: “Dahil dito, siya na nangangaral at siya na nakatatanggap, ay nauunawaan ang isa’t isa, at sila ay kapwa pinagtitibay at magkasamang magsasaya.”14 Maaaring kalabisan na ito, ngunit matitiyak ko sa inyo na matatanggap lamang ng ating mga estudyante ang walang-hanggang katotohanan sa pamamagitan ng Espiritu kapag itinuturo ito ng Espiritung iyon.

Gusto ko ang paraan ng pagpapaliwanag ni Nephi sa magandang konseptong ito: “At ngayon ako, si Nephi, ay hindi maisusulat ang lahat ng bagay na itinuro sa aking mga tao; ni ako ay hindi magaling sa pagsusulat, na tulad sa pagsasalita; sapagkat kapag ang isang tao ay nagsasalita sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo, ang kapangyarihan ng Espiritu Santo ang nagdadala nito sa puso ng mga anak ng tao.”15 Napakahalaga ng papel ng Espiritu sa ating mga turo, na dalhin ang katotohanan sa puso ng mga anak ng tao!

Mahal kong mga kapatid, maaaring napakahusay at kayang-kaya nating magsalita sa publiko, ngunit kung wala ang Espiritu walang magagawang kaibhan ang ating mga kakayahan. Kamakailan, itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson na “higit na mahalaga ngayon na malaman kung paano nangungusap sa [atin] ang Espiritu. Idinagdag niya na “sa Panguluhang Diyos, ang Espiritu Santo ang sugo. Ipaparating Niya sa [ating mga] isipan ang nais ng Ama at ng Anak na matanggap [natin]. Siya ang Mang-aaliw. Magdadala Siya ng kapayapaan sa [ating mga] puso. Nagpapatotoo Siya sa katotohanan at pagtitibayin kung ano ang totoo kapag pinakinggan at binasa [natin] ang salita ng Panginoon.”16

Ang pang-apat na alituntunin na gusto kong banggitin ay pagtuturo mula sa puso. May mga gurong mahuhusay na kayang bumuo ng elegante at magagandang mga pangungusap at talagang kahanga-hanga at masarap pakinggan. Ngunit ang mga gurong may nakahihikayat na mga ideya, na nagsasalita nang puso sa puso, ang talagang makahihikayat sa atin na kumilos ayon sa mga bagay na natututuhan natin. Ang ilan sa mga gurong ito ay maaaring hindi gayon kaayos magsalita sa publiko, ngunit kapag nakikinig ang mga estudyante sa kanila, binubuksan nila ang kanilang mga mata para mas makaunawa. Ang mga gurong ito ay maaaring magpunla ng hangarin sa kanilang puso’t isipan na iimpluwensya at hihikayat sa mga estudyante sa kanilang paghahanap sa kabutihan at pagsisikap na magtamo ng kadakilaan. Ang mga guro na talagang may epekto sa aking buhay ay yaong mga nagturo mula sa kanilang mga puso. Hindi sila ang pinakabihasa sa mga pamamaraan ng pagtuturo, pero nakapagsalita sila nang puso sa puso. Ang kanilang impluwensya ay walang gaanong kinalaman sa walang-siglang pagsunod sa iminungkahing mga lesson plan o teoryang pang-edukasyon at mas may kinalaman sa tunay na malasakit, katapatan, hilig, at paniniwala. Tulad ng sinabi ng awtor at gurong Amerikano na si Parker Palmer, “Ang mabubuting guro ay may kakayahang umugnay. … Ang mga ugnayang nagawa ng mabubuting guro ay nagaganap hindi dahil sa kanilang mga pamamaraan kundi dahil sa kanilang puso—ibig sabihi’y puso sa sinaunang kahulugan nito, bilang lugar kung saan ang talino at damdamin at diwa ay nagtatagpo sa tao.”17

Ang ating Panginoong Jesucristo ang perpektong halimbawa ng alituntuning iyon. Nag-iwan Siya ng pisikal na mga bakas ng paa sa buhangin ng dalampasigan ngunit nag-iwan ng espirituwal na tanda ng Kanyang mga turo sa puso at buhay ng lahat ng tinuruan Niya. Inutusan Niya ang Kanyang mga disipulo sa panahong iyon at iyon din ang sinasabi Niya sa atin: “Sumunod ka sa akin.”18

Pakinggan natin ang huling mga komento ng aking mga kaklase at kaibigan. Sa tingin ko hindi ko pa sila naipapakilala sa inyo. Ang tatlong mag-asawang ito ay sina Glaucia at Reinaldo Barreto, Lucelia at Mauro Gonçalves, at Celia Maria at Ramilfo Silva. Mga bata pa kami ay kilala ko na ang karamihan sa kahanga-hangang mga taong ito. Namasdan ko ang buhay nila at natuto ako sa kanilang mabubuting halimbawa. Sila ay naging tapat, matiisin, at debotong mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw na napalaki ang kanilang pamilya sa ebanghelyo at buong-pusong naglingkod sa mga responsibilidad kung saan sila tinawag ng Panginoon.

Elder Barreto: Maraming napakabubuting halimbawa sa buhay ko mula sa mga propesor at guro, at maging sa mga coordinator at director ng seminary at institute. Napakaganda ng aming pagkakaibigan simula noon. Hindi sapat ang pasasalamat ko para sa kanila at sa mga halimbawa nila sa buhay ko. Mabubuti rin silang kaibigan. Lagi akong tiwalang maaari akong makipag-usap sa kanila tungkol sa anuman. Nagtagubilin sila sa akin, tinuruan nila ako, itinuro nila ang ebanghelyo, ngunit talagang napakaganda ng kanilang halimbawa. Naimpluwensyahan nila ako nang husto.

Sister Gonçalves: Lubos akong nagpapasalamat na magkaroon ng ebanghelyo at mapalaki ang pamilya ko rito at makita ngayon ang bunga ng lahat ng gawaing iyon noong mga bata pa kami. Naaalala ko na minsa’y nasa harap ako ng templo nang ilaan ito, at nagkaroon ako ng pribilehiyong kumanta roon kasama si Pangulong Kimball. Si Sister Lobo ang chorister namin noon. Kakaunti lang ang mga taong nakapasok sa silid-selestiyal, at ang madama sa loob ng templo ang lahat ng bagay na natutuhan ko roon, lahat natutuhan ko noong kabataan ko, ay sulit, na talagang ginusto kong magpatuloy hanggang sa kawalang-hanggan. Lahat ng bagay sa buhay ay may layunin, at ang layunin ko ay ang makabalik sa piling ng Ama sa Langit kasama ang aking pamilya at mga kaibigan.

Elder Silva: Ang naiisip ko, una sa lahat, ay pasasalamat sa mga matatapat na guro, ang mga taong iyon na kusang naglaan at talagang patuloy na naglalaan ng oras para ihanda ang kanilang sarili na magturo. Hindi ko masusukat ang epekto ng mabuting impluwensya ng mga guro sa kanilang mga estudyante. Kung minsan natutuklasan lang natin ito pagkaraan ng maraming taon. Pero talagang pinipili nilang gawin ang tama at nananatili sa landas. At talagang nagpapasalamat ako para dito. May patotoo ako na si Joseph Smith ay propeta ng Diyos. Nagkaroon ako ng ilang karanasan kaya hindi ko maitatanggi na si Joseph Smith ay propeta ng Diyos. Ang Aklat ni Mormon ay salita ng Diyos. Ngayon ay mayroon tayong isang propetang gumagabay sa atin at tumatanggap ng paghahayag, at alam ko na si Jesucristo ay aktibong namamahala sa Simbahan. Ito ang nasa isip ko, sa pangalan ni Jesucristo, amen.

Elder Soares: Maraming salamat, mga kaibigan. Nawa’y pagpalain kayong lahat ng Panginoon sa pagpapatuloy ninyong pagiging mabubuting halimbawa ng mga natutuhan ninyo noong mga bata pa kayo at patuloy na paliwanagin ang ebanghelyo ni Jesucristo sa mga puso ng ibang tao.

Ang huli at pinakamahalagang alituntuning nais kong ibahagi ay pagpapatotoo tungkol sa alam nating totoo. Mahal kong mga kasama sa ebanghelyo, babaguhin ng kapangyarihan ng inyong malakas na patotoo ang buhay ng inyong mga estudyante magpakailanman. Iyan mismo ang nangyari sa bawat isa sa atin, o sa ating mga ninuno, nang marinig natin ang patotoo ng mga missionary. Ang isang malakas na patotoong ibinahagi sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo ay ang nagbibigay-lakas sa isang matagumpay na buhay at nagkakaloob ng kapayapaan, kapanatagan, at katiyakan. Nagdudulot ito ng matibay na paniniwala na kapag palagiang sinunod ang mga turo ng Tagapagligtas, gaganda ang buhay, magiging tiyak ang kinabukasan, at magkakaroon tayo ng kakayahang daigin ang mga hamong humaharang sa ating landas. Ang inyong malakas na patotoo ay magpapatibay sa pananampalataya ng inyong mga estudyante at tutulong sa kanilang magkaroon ng sarili nilang patotoo sa ebanghelyo. Ang inyong patotoo ay magiging isa sa mga haliging tutulong sa kanila na makilala ang kapangyarihan ng banal at nagbabayad-salang sakripisyo ni Cristo sa sarili nilang buhay. Sa pagkilos nila sa kabutihan ayon sa kanilang patotoo, matitiyak ko sa inyo na ang kanilang patotoo ay maaaring maging pananggalang nila laban sa mga pagtatangka ng kaaway na pahinain ang kanilang pananampalataya at ikintal sa kanilang isipan ang kawalan ng paniniwala habambuhay. Ang pundasyong ito ay magbibigay sa kanila ng lakas ng loob na matapang na ipahayag ang mga katotohanan ng ebanghelyo sa mundo.

Binabanggit sa isang awiting pambata: “Aking Ama’y buhay, mahal N’ya ako. / Espiritu’y bumubulong: Ito ay totoo, / ito ay totoo.”19

Sa diwang ito, gusto kong tapusin ang mensahe ko ngayon sa sarili kong pagpapatotoo sa inyo, isang patotoong nabuo nang taludtod sa taludtod at patuloy na lumalago habang patuloy akong nagsasaliksik nang taos-puso na mas lubos na maunawaan ang salita ng Diyos. Ang binhi ng patotoong iyon ay unang itinanim sa puso ko ng mababait na missionary na nagturo sa aking pamilya noong bata pa ako. Pagkatapos ay nilinang ito ng aking matatapat na magulang, na nagturo sa akin sa pamamagitan ng kanilang halimbawa at katapatan sa Panginoon. Kalaunan ay lumaki ang binhi ng patotoong iyon nang makinig ako sa mga turo ng aking kagila-gilalas na mga seminary teacher at nahikayat akong kumilos ayon sa mga iyon sa buhay ko sa murang edad.

Alam ko na si Jesus ang Cristo. Alam ko na Siya ay buhay. Alam ko na Siya ay nagdusa para sa aking mga kasalanan at nabuhay na mag-uli at binigyan ako ng pagkakataong baguhin ang aking pag-uugali. Alam ko na kinalimutan Niya ang Kanyang Sarili para sa akin; tinalikuran Niya ang Kanyang sariling mga naisin at ginawa ang mismong iniutos ng Ama na gawin Niya. Maging sa sandaling iyon ng labis na pagdurusa, kinalimutan Niya ang Kanyang sarili at ginawa ang ipinagagawa sa Kanya ng Ama.

Alam ko na ang ating Ama sa Langit ay buhay at sinasagot ang ating mga dalangin. Pinatototohanan ko sa inyo na nauunawaan Niya ang sakit. Alam ko na ito ang totoong Simbahan ni Jesucristo sa lupa. Talagang sinimulan ng Panginoon ang Pagpapanumbalik ng Kanyang ebanghelyo at Kanyang priesthood sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith. Mahal ko ang aking Tagapagligtas at aking Ama sa Langit, at gustung-gusto kong maglingkod sa Kanila. Buong buhay ko nang sinisikap na ipakita ang pagmamahal ko sa aking mahal na Panginoon sa pamamagitan ng aking paglilingkod sa mga anak ng Diyos. Mahal kong mga kapatid, labis akong nagpapasalamat sa aking mga seminary at institute teacher na walang-pagod akong inimpluwensyahan sa kanilang tapat at mapagmahal na paglilingkod sa Panginoon. Nagsimula ito noong panahong iyon, at talagang nagpapasalamat ako para dito.

Mahal ko kayo, mga kapatid. Nagpapasalamat akong makasama kayo ngayon. Salamat ulit sa lahat ng ginagawa ninyo para sa Panginoon at sa Kanyang mga tao sa lupa. Sinasabi ko ang mga bagay na ito sa pangalan ni Jesucristo, amen.

Mga Tala

  1. Tingnan sa Russell M. Nelson at Wendy W. Nelson, “Pag-asa ng Israel” (pandaigdigang debosyonal para sa mga kabataan, Hunyo 3, 2018), suplemento sa New Era, Ago. 2018.

  2. Tingnan sa Russell M. Nelson, “The Lord Uses the Unlikely to Accomplish the Impossible” (Brigham Young University–Idaho devotional, Ene. 27, 2015), byui.edu.

  3. Henry B. Eyring, “We Must Raise Our Sights,” sa Scott C. Esplin and Richard Neitzel Holzapfel, eds., The Voice of My Servants: Apostolic Messages on Teaching, Learning, and Scripture, (2010), 17.

  4. Moises 1:39.

  5. (Pagtuturo at Pag-aaral ng Ebanghelyo: Isang Hanbuk para sa mga Titser at Lider sa Seminaries and Institutes of Religion [2012], x)

  6. General Handbook: Serving in The Church of Jesus Christ of Latter-day Saints (2020), 15.0.

  7. Gospel Teaching and Learning, x.

  8. Mga Taga Efeso 4:11-13.

  9. Dallin H. Oaks, “Ang Paghamon na Magkaroon ng Kahihinatnan,” Liahona, Ene. 2001, 40;

  10. I Kay Timoteo 4:12.

  11. Mga Taga Roma 1:16.

  12. ”How to Be a Teacher When Your Role as a Leader Requires You to Teach,” (General Authority Priesthood board meeting, Peb. 5, 1969).

  13. Teaching the Gospel in the Savior’s Way: A Guide to [Pagtuturo ng Ebanghelyo sa Paraan ng Panginoon: Isang Gabay sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin: Mga Sanggunian sa Pag-aaral ng mga Kabataan, 2012), 2.

  14. Doktrina at mga Tipan 50:22.

  15. 2 Nephi 33:1.

  16. Russell M. Nelson, “Pakinggan Siya,” Ensign Mayo 2020, 90.

  17. Parker J. Palmer, The Courage To Teach: Exploring the Inner Landscape of a Teacher’s Life (1998), 11.

  18. Juan 21:22.

  19. Aking Ama’y Buhay,” Aklat ng mga Awit Pambata, 8.