Kabanata 2
Ang Buhay na Propeta: Ang Pangulo ng Simbahan
Pambungad
Ang Pangulo ng Simbahan ang namumuno sa lahat ng mga korum ng priesthood at sa lahat ng mga miyembro ng Simbahan. Ipinaliwanag ni Pangulong James E. Faust (1920–2007) ng Unang Panguluhan na: “Siya ang senior na Apostol sa mundo. Siya ay inorden at itinalaga bilang propeta, tagakita, at tagapaghayag sa mundo. Siya ay sinang-ayunan bilang Pangulo ng Simbahan. Siya ang namumunong high priest sa lahat ng priesthood sa mundo. Siya lamang ang nagtataglay at gumagamit ng lahat ng susi ng kaharian sa ilalim ng pamamahala ng Panginoong Jesucristo, na pinuno ng Simbahang ito at ang pangulong bato sa panulok” (“Continuing Revelation,” Ensign, Ago. 1996, 5).
Nagpatotoo si Elder Mark E. Petersen (1900–1984) ng Korum ng Labindalawang Apostol na ang buhay na propeta ang tagapagsalita ng Panginoon sa Simbahan at sa daigdig: “Maaaring hindi dama ng mga taong hindi miyembro ng simbahang ito ang malaking kahalagahan na kaakibat ng kanyang ministeryo. Hindi pa rin ito natutuklasan ng ilang mga Banal sa mga Huling Araw. Ngunit ang pangulo ng Simbahan ay totoong isang propetang tinawag sa mga huling araw na ito upang magbigay ng inspiradong patnubay, hindi lamang sa mga Banal sa mga Huling Araw, kundi sa sangkatauhan sa lahat ng dako” (“A People of Sound Judgment,” Ensign, Hulyo 1972, 40).
Ang masusing pag-aaral ng kabanatang ito ay magpapalalim sa iyong pagpapahalaga sa Pangulo ng Simbahan at sa mga susi ng awtoridad ng priesthood na taglay niya at tutulungan kang maunawaan kung paano dumarating ang kaligtasan sa mga taong pinipiling pakinggan ang kanyang payo.
Komentaryo
2.1
Taglay ng Buhay na Propeta ang Lahat ng Susi ng Priesthood
Ikinuwento ni Pangulong Boyd K. Packer (1924–2015) ng Korum ng Labindalawang Apostol ang isang karanasan nang sabihin ni Pangulong Spencer W. Kimball (1895–1985) na siya, bilang Pangulo ng Simbahan, ay nagtataglay ng mga susi ng priesthood:
“Noong 1976 kasunod ng isang kumperensya sa Copenhagen, Denmark, inanyayahan kami ni Pangulong Spencer W. Kimball sa isang maliit na simbahan para makita ang estatwa ni Cristo at ng Labindalawang Apostol na gawa ni Bertel Thorvaldsen. Ang Christus ay nasa isang lugar sa likod ng altar. Magkakasunod na nakatayo sa gilid ng kapilya ang mga estatwa ng Labindalawa, na si Pablo ang kapalit ni Judas Escariote.
“Sinabi ni Pangulong Kimball sa matandang tagapangalaga na sa mismong panahon na nililikha ni Thorvaldsen ang magagandang estatwang iyon sa Denmark, ang panunumbalik ng ebanghelyo ni Jesucristo ay nagaganap sa Amerika na may mga apostol at propetang tumatanggap ng awtoridad mula sa mga nagtaglay nito noong unang panahon.
“Pinalapit niya ang mga naroon at sinabi sa tagapangalaga, ‘Kami ang buhay na mga Apostol ng Panginoong Jesucristo,’ at habang nakaturo kay Elder Pinegar ay sinabi niyang, ‘Narito ang isang Pitumpu gaya ng mga nabanggit sa Bagong Tipan.’
“Nakatayo kami noon malapit sa estatwa ni Pedro, na inilarawan ng iskultor na may hawak ng mga susi, na sumisimbolo sa mga susi ng kaharian. Sinabi ni Pangulong Kimball, ‘Hawak namin ang tunay na mga susi, gaya ni Pedro noon, at ginagamit namin ang mga ito araw-araw.’
“At dumating ang karanasan na hinding-hindi ko malilimutan. Si Pangulong Kimball, ang magiliw na propetang ito, ay bumaling kay Pangulong Johan H. Benthin, ng Copenhagen Stake, at sa pautos na tinig ay nagsabing, ‘Gusto kong sabihin mo sa bawat prelado [lider ng relihiyon] sa Denmark na hindi nila hawak ang mga susi! Ako ang may hawak ng mga susi!’
“Dumating sa akin ang patotoo na batid ng mga Banal sa mga Huling Araw ngunit mahirap ipaliwanag sa isang tao na hindi nakaranas nito—isang liwanag, isang kapangyarihang tumatagos sa mismong kaluluwa ng tao—at alam ko, na talagang narito at nakatayo ang buhay na propeta na may hawak ng mga susi” (“The Shield of Faith,” Ensign, Mayo 1995, 8).
Taglay ng propeta ang mga kapangyarihan, kaloob, at basbas na nagbibigay sa kanya ng kapangyarihan at awtoridad na magsagawa sa alinmang katungkulan ng Simbahan (tingnan sa D at T 46:29; 107:91–92). Tinukoy ni Elder Bruce R. McConkie (1915–85) ng Korum ng Labindalawang Apostol ang mga responsibilidad ng Pangulo ng Simbahan, ang buhay na propeta:
“Siya ang pinuno sa kaharian ng Diyos sa lupa, ang pinakamataas na pinuno ng Simbahan, ang ‘Pangulo ng Mataas na Pagkasaserdote ng Simbahan; O, sa ibang salita, ang Namumunong Mataas na Saserdote sa Mataas na Pagkasaserdote ng Simbahan.’ (D at T 107:65–66.) Ang kanyang tungkulin ay ‘mamuno sa buong simbahan. …’ (D at T 107:91.)
“Siya lamang ang tao sa mundo sa isang pagkakataon na kapwa nagtataglay at gumagamit ng mga susi ng kaharian sa kabuuan ng mga ito. (D at T 132:7.) Sa pamamagitan ng awtoridad na ipinagkaloob sa kanya, lahat ng ordenansa ng ebanghelyo ay isinasagawa, lahat ng itinurong katotohanan ng kaligtasan ay awtorisado, at sa pamamagitan ng mga susing hawak niya, ang kaligtasan mismo ay maaaring makamit ng mga tao sa kanyang panahon” (Mormon Doctrine, 2nd ed. [1966], 591–92; idinagdag ang pagbibigay-diin).
Ipinaliwanag ni Pangulong Gordon B. Hinckley (1910–2008) kung paano nagpapatuloy ang mga susi ng priesthood mula kay Propetang Joseph Smith hanggang sa buhay na propeta sa kasalukuyan sa dispensasyong ito:
“Ang awtoridad ding iyon na hawak noon ni Joseph, ang mga susi at kapangyarihan ding iyon na pinakadiwa ng kanyang karapatang mamuno na ipinagkaloob ng langit, ay ipinagkaloob niya sa Labindalawang Apostol at si Brigham Young ang kanilang pinuno. Magbuhat noon ang bawat pangulo ng Simbahan ay nagmula sa pinakamataas at pinakasagradong katungkulan ng Kapulungan ng Labindalawa. Bawat isa sa kalalakihang ito ay pinagpala ng diwa at kapangyarihan ng paghahayag mula sa itaas. Hindi napatid ang kawing mula kay Joseph Smith, Jr., hanggang kay Spencer W. Kimball [na siyang kasalukuyang propeta noon]. Iyan ay taimtim kong sinasaksihan at pinatototohanan sa harap ninyo sa araw na ito. Ang Simbahang ito ay nakatayo sa tiyak na salita ng propesiya at paghahayag—itinayo, tulad ng isinulat ni Pablo sa mga taga Efeso, ‘sa ibabaw ng kinasasaligan ng mga apostol at ng mga propeta, na si Cristo Jesus din ang pangulong bato sa panulok.’ (Efe. 2:20.)” (“The Joseph Smith III Document and the Keys of the Kingdom,” Ensign, Mayo 1981, 22).
2.2
Ang Propeta ang Tagapagsalita ng Panginoon
Sinabi ni Pangulong Harold B. Lee (1899–1973) na hindi kailangang malinlang kailanman ang mga Banal, dahil ang Panginoon ay nagbigay ng hindi mapag-aalinlanganang daluyan ng tagubilin:
“Kapag may anumang bagay na kaiba sa sinabi na sa atin ng Panginoon, ibibigay niya ito sa kanyang propeta hindi kung kaninong Tom, Dick, o Harry na nakikisakay lang sa kanyang paglalakbay sa bansa gaya ng kuwento ng mga tao; at hindi sa pamamagitan ng isang tao, gaya ng isa pang kuwento, na hinimatay at muling nagkamalay at nagbigay ng paghahayag. Sinabi ko na noon, ‘Inaakala ba ninyo na kapag may propeta ang Panginoon sa lupa, na mayroon pa siyang ibang paraan ng paghahayag ng mga bagay-bagay sa kanyang mga anak? Iyan ang dahilan kaya mayroon siyang propeta, at kapag mayroon siyang ibibigay sa Simbahang ito, ibibigay niya ito sa Pangulo, at titiyakin ng Pangulo na matatanggap ito ng mga pangulo ng mga stake at mission, gayundin ng mga General Authority; at titiyakin din naman nila na masasabihan ang mga tao tungkol sa anumang pagbabago’” (“The Place of the Living Prophet, Seer, and Revelator” [mensahe sa mga religious educator ng Church Educational System, Hulyo 8, 1964], 11; idinagdag ang pagbibigay-diin).
Itinuro ni Pangulong Ezra Taft Benson (1899–1994) na dapat nating pahalagahan ang mga salita ng propeta kaysa sa mga salita ng ibang tao:
“Sa lahat ng mortal na tao, dapat nating ituong mabuti ang ating mga mata sa kapitan, sa propeta, tagakita, at tagapaghayag, at pangulo ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Ito ang taong pinakamalapit sa bukal ng mga tubig na buhay. May ilang mga tagubilin mula sa langit para sa atin na matatanggap lamang natin sa pamamagitan ng propeta. Ang isang mainam na paraan para masukat ang iyong katayuan sa harap ng Panginoon ay ang suriin kung ano ang pakiramdam mo, at kumilos ayon sa mga inspiradong salita ng kanyang kinatawan sa lupa, ang propetang-pangulo. Ang mga inspiradong salita ng pangulo ay hindi dapat maliitin o balewalain. Lahat ng tao ay may karapatang tumanggap ng inspirasyon, at maraming tao ang may karapatang tumanggap ng paghahayag para sa kanilang partikular na tungkulin. Ngunit iisang tao lang ang nagsisilbing tagapagsalita ng Panginoon sa Simbahan at sa mundo, at siya ang pangulo ng Simbahan. Ang mga salita ng lahat ng iba pang tao ay dapat ikumpara sa kanyang inspiradong mga salita” (“Jesus Christ—Gifts and Expectations,” New Era, Mayo 1975, 16).
2.3
Pinamumunuan ng Panginoon ang Simbahan sa Pamamagitan ng Patuloy na Paghahayag sa Kanyang Propeta
Inihahayag ng Panginoon ang Kanyang isipan at kalooban sa Kanyang propeta. Pinatototohanan ni Pangulong Spencer W. Kimball (1895–1985) na nananatiling bukas ang kalangitan at ginagabayan ng Panginoon ang Kanyang Simbahan sa araw-araw:
“Nagpapatotoo ako sa mundo ngayon na mahigit isa at kalahating siglo na ang nakalipas ay nabuksan ang kalangitan at nagkaroon ng paghahayag; ang kalangitan ay muling nabuksan, at simula noon ay tuluy-tuloy na ang mga paghahayag. …
“Simula noong napakahalagang araw ng 1820, patuloy ang pagdating ng karagdagang banal na kasulatan, kabilang ang napakarami at napakahahalagang paghahayag na walang-katapusang dumadaloy mula sa Diyos tungo sa kanyang mga propeta sa lupa. …
“… Nagpapatotoo kami sa mundo na patuloy ang paghahayag at ang mga vault at file ng Simbahan ay naglalaman ng mga paghahayag na ito na dumarating sa bawat buwan at sa araw-araw. Nagpapatotoo rin kami na mayroon, simula noong 1830 nang itatag Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, at patuloy na magkakaroon, habampanahon, ng propeta, na kinikilala ng Diyos at ng kanyang mga tao, na patuloy na magbibigay-kahulugan sa isipan at kalooban ng Panginoon.
“Ngayon, may isang babala: Huwag nating gawin ang pagkakamali ng mga tao noong unang panahon. Maraming makabagong sekta ang naniniwala sa mga inspiradong kalalakihang tulad nina Abraham, Moises, at Pablo, ngunit hindi mapaniwalaan ang mga propeta ngayon. Kaya ring tanggapin ng mga tao noong unang panahon ang mga propeta na mas nauna sa kanila, ngunit itinatwa at isinumpa nila ang mga propetang nabuhay sa kanilang panahon.
“Sa ating panahon, tulad noong nakalipas na mga panahon, umaasa ang maraming tao na kung mayroong paghahayag ito ay darating sa kamangha-mangha, nakayayanig na paraan. Para sa marami mahirap tanggapin ang maraming paghahayag noong panahon ni Moises, noong panahon ni Joseph, at sa panahon natin ngayon—ang mga paghahayag na iyon na dumarating sa mga propeta bilang matitindi at hindi mapag-aalinlanganang mga impresyon na lumalagi sa puso at isipan ng propeta na gaya ng hamog mula sa langit o gaya ng bukang-liwayway na pumapawi sa kadiliman ng gabi.
“Kung kamangha-manghang pangyayari ang aasahan ng isang tao, maaaring hindi niya lubusang mahiwatigan ang patuloy na pagdaloy ng inihayag na komunikasyon. Sinasabi ko, nang buong pagpapakumbaba, at sa pamamagitan din ng kapangyarihan at puwersa ng nag-aalab na patotoo sa aking kaluluwa, na mula sa propeta ng Pagpapanumbalik hanggang sa propeta sa ating panahon, ang linya ng komunikasyon ay walang patid, ang awtoridad ay patuloy, isang liwanag, maningning at tumitimo, ang patuloy na nagniningning. Ang tinig ng Panginoon ay patuloy na maririnig at titimo sa atin. Sa loob halos ng isa at kalahating siglo ay wala itong tigil” (“Revelation: The Word of the Lord to His Prophets,” Ensign, Mayo 1977, 77–78; idinagdag ang pagbibigay-diin).
2.4
Ang Salita ng Panginoon sa Buhay na Propeta ay Napapanahon at Tunay na Napakahalaga sa Atin Ngayon
Ang daigdig ay palaging nagbabago. Ang bago at kakaibang mga problema at maraming iba-ibang mga dating problema ang patuloy na humahamon sa atin. Alam ng ating matalino at mapagmahal na Ama sa Langit ang lahat ng bagay bago pa mangyari ang mga ito, at inihahayag Niya ang mga sagot at solusyon sa pamamagitan ng Kanyang propeta kung kinakailangan. Bukod sa pagbibigay-kahulugan at pagpapatibay sa umiiral na banal na kasulatan, ang propeta ay nagsisilbing kinatawan na mapagbibigyan ng Panginoon ng bagong banal na kasulatan, batay sa mga pangangailangan ng mga tao. Sa pagsasalita sa ilalim ng patnubay ng Espiritu Santo, ang mga salita ng buhay na propeta ang mangingibabaw kaysa sa iba pang mga pahayag ukol sa iisang isyu. Ang kanyang inspiradong payo ay nakaayon sa mga walang-hanggang katotohanan na nasa mga aklat ng mga banal na kasulatan at nakatuon sa mga pangangailangan at kalagayan na ukol sa kanyang panahon.
Ang mga doktrina ay walang hanggan at hindi nagbabago; gayunman, ang Panginoon, sa pamamagitan ng Kanyang propeta, ay maaaring baguhin ang mga nakaugalian at programa, batay sa mga pangangailangan ng mga tao. Inilalarawan ng mga sumusunod na halimbawa ang alituntuning ito:
-
Ang batas ni Moises ay ibinigay noon sa mga anak ni Israel bilang “tagapagturo upang ihatid [sila] kay Cristo” (Mga Taga Galacia 3:24; tingnan din sa Joseph Smith Translation, Galatians 3:24 [sa Galatians 3:24, footnote b]) ngunit natupad ito nang ibigay ni Jesucristo ang batas ng ebanghelyo (tingnan sa Mga Taga Galacia 3:23–25; Mosias 13:27–35; 3 Nephi 9:15–20).
-
Noong narito sa lupa si Jesus, ang ebanghelyo ay itinuro lamang sa sambahayan ni Israel (tingnan sa Mateo 10:5–6; 15:24; Marcos 7:25–27). Pagkatapos ng Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli, iniutos ng Tagapagligtas sa mga Apostol na dalhin ang ebanghelyo sa lahat ng tao (tingnan sa Marcos 16:15; Mga Gawa 10).
-
Noong panahon ni Moises ang Melchizedek Priesthood ay kinuha mula sa buong populasyon ng Israel at ang Aaronic Priesthood ay ibinigay lamang sa mga Levita (tingnan sa D at T 84:24–26; tingnan din sa Mga Bilang 8:10–22; Sa Mga Hebreo 7:5). Noong panahon ni Cristo at ng Kanyang mga Apostol, ang Melchizedek Priesthood ay muling ipinagkaloob at ang Aaronic Priesthood ay ibinigay sa mga lalaking hindi mga Levita (tingnan sa Lucas 6:13–16; Mga Taga Filipos 1:1; Sa Mga Hebreo 7:11–12). Ngayon ang “bawat matapat, karapat-dapat na lalaki sa Simbahan ay maaaring matanggap ang banal na pagkasaserdote, na may kapangyarihang gamitin ang banal na karapatang ito” (Opisyal na Pahayag 2).
Binanggit ni Pangulong John Taylor (1808–87) ang mga propeta sa Lumang Tipan para ilarawan na ang mga bagong paghahayag ay kailangan para sa mga bagong henerasyon:
“Nangangailangan tayo ng buhay na puno—buhay na bukal—buhay na katalinuhan, na nagmumula sa buhay na priesthood sa langit, mula sa buhay na priesthood sa mundo. … At mula sa panahong nakipag-usap si Adan sa Diyos, hanggang sa panahong tumanggap ng komunikasyon si Juan sa Isla ng Patmos, o noong panahong bumukas ang langit kay Joseph Smith, nangailangan ang mga ito ng bagong paghahayag, na angkop sa partikular na kalagayan ng simbahan o ng indibidwal sa panahong iyon.
“Hindi ipinahayag kay Adan na tagubilinan si Noe na gumawa ng arka; o ipinahayag kay Noe na sabihin kay Lot na lisanin ang Sodom; o nagsalita ang isa sa kanila tungkol sa paglisan ng mga anak ng Israel sa Egipto. Ang mga ito ay nakatanggap ng paghahayag para sa kanilang sarili, at gayunin sina Isaias, Jeremias, Ezekiel, Jesus, Pedro, Pablo, Juan, at Joseph. At gayon din tayo” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: John Taylor [2002], 189–90).
Binanggit ni Pangulong Wilford Woodruff (1807–98) ang tungkol sa isang pulong na dinaluhan nina Propetang Joseph Smith at Brigham Young:
“Bumaling si Brother Joseph kay Brother Brigham Young at sinabi, ‘Brother Brigham, nais kong tumayo ka sa harapan at sabihin sa amin ang iyong mga pananaw hinggil sa mga buhay na orakulo at sa nakasulat na salita ng Diyos.’ Tumayo sa harapan si Brother Brigham, at kinuha ang Biblia, at inilapag iyon; kinuha niya ang Aklat ni Mormon, at inilapag iyon; at kinuha niya ang Doktrina at mga Tipan at inilapag iyon sa kanyang harapan, at sinabi: ‘Narito ang nakasulat na salita ng Diyos sa atin, hinggil sa gawain ng Diyos mula pa sa simula ng daigdig, halos hanggang sa ating panahon.’ ‘At ngayon,’ wika niya, ‘kung ihahambing sa mga [buhay na] orakulo walang halaga sa akin ang mga aklat na ito; ang mga aklat na iyon ay hindi tuwirang ipinahahayag sa atin ang salita ng Diyos, na tulad ng mga salita ng isang Propeta o isang taong nagtataglay ng Banal na Priesthood sa ating panahon at henerasyon. Mas gugustuhin ko pa ang mga buhay na orakulo kaysa lahat ng nakasulat sa mga aklat.’ Iyon ang naging paghahayag niya. Nang matapos siya, sinabi ni Brother Joseph sa kongregasyon: ‘Sinabi sa inyo ni Brother Brigham ang salita ng Panginoon, at katotohanan ang sinabi niya sa inyo’” (sa Conference Report, Okt. 1897, 22–23; idindagdag ang pagbibigay-diin).
Itinuro ni Pangulong Boyd K. Packer (1924–2015) ng Korum ng Labindalawang Apostol na ang mga alituntunin at doktrina ng ebanghelyo ay gayon pa rin at hindi nagbabago, kahit na paminsan-minsan ay kailangang i-adjust ang mga nakaugalian o gawain sa Simbahan: “Ang mga pamamaraan, programa, mga patakaran sa pangangasiwa, kahit ang ilang bagay ukol sa organisasyon ay maaaring magbago. Katunayan, talagang malaya tayo, obligadong baguhin ang mga ito paminsan-minsan. Ngunit ang mga alituntunin, ang mga doktrina, ay hindi kailanman nagbabago” (“Principles,” Ensign, Mar. 1985, 8).
2.5
Hindi Pahihintulutan ng Panginoon na Iligaw ng Buhay na Propeta ang Simbahan
Sinabi ni Pangulong Wilford Woodruff (1807–98) na maaari tayong magtiwala nang lubusan sa pamamahala ng propeta sa Simbahan:
“Hindi ako pahihintulutan ng Panginoon kailanman o ang sinumang tao na tumatayo bilang Pangulo ng Simbahang ito na iligaw kayo. Wala ito sa programa. Wala ito sa isipan ng Diyos. Kung ako ay magtatangka nang gayon, ako ay tatanggalin ng Panginoon mula sa aking kinalalagyan, at siya rin Niyang gagawin sa kahit sinong tao na magtatangkang [ilihis] ang mga anak ng tao mula sa mga orakulo ng Diyos at mula sa kanilang mga tungkulin” (Opisyal na Pahayag 1, “Mga Hango mula sa Tatlong Talumpati ni Pangulong Wilford Woodruff Tungkol sa Pahayag”; idinagdag ang pagbibigay-diin).
Itinuro ni Pangulong Harold B. Lee (1899–1973) ang alituntuning ding ito:
“Ituon ninyo ang inyong mga mata sa kanya na tinawag ng Panginoon, at sasabihin ko sa inyo ngayon, batid na narito ako sa ganitong posisyon, na hindi kayo dapat mag-alala na ililigaw ng Pangulo ng Simbahan ang mga tao, dahil aalisin siya ng Panginoon sa kanyang tungkulin bago Niya pahintulutan na mangyari iyan” (The Teachings of Harold B. Lee, ed. Clyde J. Williams [1996], 533).
Si Pangulong Gordon B. Hinckley (1910–2008) ay nagbigay ng gayon ding katiyakan sa mga miyembro ng Simbahan:
“Ang Simbahan ay totoo. Iisa lang ang hangarin ng mga namumuno dito, at iyan ay ang gawin ang kalooban ng Panginoon. Hinahangad nila ang kanyang patnubay sa lahat ng bagay. Walang desisyon na napakalaki ng epekto sa Simbahan at sa mga tao nito ang hindi isinaalang-alang nang may taimtim na panalangin, sumasamo sa pinagmumulan ng lahat ng karunungan para mapatnubayan. Sundin ang pamunuan ng Simbahan. Hindi pahihintulutan ng Diyos na mailihis ang kanyang gawain” (“Be Not Deceived,” Ensign, Nob. 1983, 46; idinagdag ang pagbibigay-diin).
2.6
Ang Ilang Tao ay Maniniwala sa mga Propeta Noon Ngunit Hindi Tatanggapin ang mga Buhay na Propeta
Iginagalang ng maraming tao ang mga propeta noong una ngunit hindi tinatanggap ang propetang ipinadala ng Panginoon para gumabay sa kanila sa kanilang panahon (tingnan sa Helaman 13:24–26). Ibinahagi ni Pangulong Harold B. Lee (1899–1973) ang isang karanasan na naglalarawan sa pag-uugaling ito:
“May kaibigan akong banker noon sa New York. Maraming taon na ang nakalipas nang makilala ko siya kasama ni President Jacobson, na siyang namumuno noon sa Eastern States Mission, at maganda ang pinag-usapan namin. Binigyan siya ni President Jacobson ng kopya ng Aklat ni Mormon na binasa niya, at masaya niyang binanggit ang tinatawag niyang pambihirang mga pilosopiya nito. Nang malapit nang matapos ang oras ng trabaho inanyayahan niya kaming sumakay sa kanyang limousine at ihatid sa mission home, na pinaunlakan naman namin. Habang nasa daan, at habang binabanggit niya ang tungkol sa Aklat ni Mormon at ang paggalang niya sa mga turo nito, sinabi kong, ‘Kung gayon, bakit wala kang ginagawa tungkol dito? Kung tanggap mo ang Aklat ni Mormon, ano ang pumipigil sa iyo? Bakit hindi ka sumapi sa Simbahan? Bakit hindi mo tanggapin si Joseph Smith, bilang propeta?’ At sinabi niya, nang buong ingat at pag-iisip, ‘Hmm, sa palagay ko ang talagang dahilan ay dahil napakalapit sa akin ni Joseph Smith. Kung nabuhay siya siguro noong dalawang libong taon na ang nakalilipas, palagay ko maniniwala ako. Pero dahil napakalapit niya, palagay ko iyan ang dahilan kaya hindi ko siya matanggap [bilang propeta].’
“Narito ang isang taong nagsasabing, ‘Naniniwala ako sa mga yumaong propeta na nabuhay mahigit isang libong taon na ang nakalipas, pero nahihirapan talaga akong paniwalaan ang isang buhay na propeta.’ Ang ganyang pag-uugali ay naipapakita rin sa Diyos. Para sabihing sarado ang kalangitan at wala nang paghahayag ngayon ay pagsasabi rin na hindi tayo naniniwala sa isang buhay na Cristo ngayon, o sa buhay na Diyos ngayon—naniniwala tayo sa isang taong matagal nang wala at patay na. Kaya ang katagang ‘buhay na propeta’ ay talagang makahulugan” (“The Place of the Living Prophet, Seer, and Revelator,” [mensahe sa Church Educational System religious educators, Hulyo 8, 1964], 2).
Ang pagsasabing naniniwala ka sa mga patay na propeta samantalang hindi mo tinatanggap ang buhay na propeta ay problema na noon pa man. Hindi tinanggap ng ilang Fariseo noong panahon ni Jesucristo ang buhay na Cristo ngunit tinanggap ang propetang si Moises, na namuno sa Israel mahigit 1,000 taon na ang nakalipas. Nilait nila ang isang lalaking pinagaling ni Jesus, na nagsasabing:
“Ikaw ang alagad niya; datapuwa’t kami’y mga alagad ni Moises.
“Nalalaman naming nagsalita ang Dios kay Moises: datapuwa’t tungkol sa taong ito [si Jesus], ay hindi namin nalalaman kung taga saan siya” (Juan 9:28–29; tingnan din sa Mateo 23:29–30, 34; Helaman 13:24–29).
Itinuro ni Pangulong Harold B. Lee (1899–1973) na kailangang kabilang sa paniniwala sa paghahayag ang mga turo ng ating kasalukuyang propeta:
“Hindi nagtagal pagkatapos ibalita ni Pangulong David O. McKay sa Simbahan na ang mga miyembro ng First Council of the Seventy ay inoorden bilang mga high priest upang mas makatulong sila at mabigyan sila ng awtoridad na kumilos kapag walang iba pang General Authority na naroon, isang seventy o pitumpu na nakilala ko … ang masyadong nabahala. Sinabi niya sa akin, ‘Hindi ba sinabi ni Propetang Joseph Smith na labag ito sa orden ng langit, na tumawag ng mga high priest para maging mga pangulo ng First Council of the Seventy?’ At sinabi ko, ‘Kunsabagay, nauunawaan ko na sinabi nga niya iyan, ngunit hindi mo ba naisip na ang labag sa orden ng langit noong 1840 ay maaaring hindi labag sa orden ng langit ngayong 1960?’ Hindi niya naisip iyon. Sinusunod pa rin niya ang isang propetang patay na, at nalimutan niya na mayroong buhay na propeta ngayon. Kaya nga mahalagang bigyan natin ng diin ang salitang buhay.
“Maraming taon na ang nakalipas noong batang missionary pa ako, pumunta ako sa Nauvoo at Carthage kasama ng aking mission president, at nagdaos kami ng missionary meeting sa silid ng bilangguan kung saan napatay sina Joseph at Hyrum. Ikinuwento ng mission president ang mga makasaysayang pangyayari na humantong sa pagpaslang at nagtapos sa napakahalagang pahayag na ito: ‘Nang paslangin si Propetang Joseph Smith, maraming banal ang espirituwal na namatay na kasabay ni Joseph.’ Ganito rin ang nangyari nang mamatay si Brigham Young: ganito rin ang nangyari nang mamatay si John Taylor. … May ilang miyembro ng Simbahan na espirituwal na namatay na kasabay nina Wilford Woodruff, Lorenzo Snow, Joseph F. Smith, Heber J. Grant, George Albert Smith. May ilan sa atin ngayon na handang paniwalaan ang isang taong patay na at wala na sa mundo at tanggapin ang kanyang mga salita na para bang higit ang awtoridad nito kaysa sa mga salita ng buhay na awtoridad ngayon” (Stand Ye in Holy Places [1974], 152–53; idinagdag ang pagbibigay-diin).