Ngunit Paano Kung Magmintis Ako?
Ang takot ko na mabigo ang humadlang sa akin na linangin ang mga talento ko at maghanap ng mga pagkakataong umunlad.
Noong anim na taong gulang ako, ako at ang ate ko ay isinama ng tatay ko para maglaro ng basketball. Iyon ang unang pagkakataon kong maglaro sa totoong gym. Mabigat sa pakiramdam ang bola ng basketball sa maliliit kong kamay at ang hoop—kahit na sa pinakamababang pagkakalagay niyon—ay tila sobrang taas.
“Huwag kang mag-alala, ihagis mo lang ang bola,” sabi ng tatay ko.
Tumingin ako sa tatay ko. “Ngunit paano kung magmintis ako?” tanong ko.
Mahigit dalawang dekada pagkatapos, hindi ko na maalala kung pumasok ang bola o hindi. Ngunit naaalala ko ang takot na nadama ko: “Paano kung magmintis ako? Paano kung ang pinakamainam kong pagsusumikap ay hindi sapat? Ano ang gagawin ko kung mabigo ako?”
Natatakot na Mabigo
Ang parehong takot na ito na mabigo ay bumagabag sa akin buong buhay ko. Sa matagal na panahon, naging likas na mahusay ako sa mga aktibidad na nagtakip sa takot na iyon. Ngunit nagpapakita pa rin ito sa maliliit na paraan. Hindi ako sumusubok sa anumang isport hanggang alam kong magaling ako rito. Iniwasan ko ang mga klase sa eskuwelahan na hindi umaayon sa mga kalakasan ko. Kapag sumusubok ako ng mga bagong aktibidad na hindi agad ako nagtatagumpay, ang solusyon ko ay agad na huminto at lumipat sa ibang mas sanay ako.
Pagkatapos ay nagmisyon ako. Sa unang pagkakataon, napilitan akong sumuong sa kapaligiran kung saan ang mga kahinaan ko ay halatang-halata at hindi ako basta na lamang makaaatras. Nahirapan akong magpasimula ng mga pakikipag-usap. Nahirapan akong magturo gamit ang isang bagong wika. Naharap ako sa mga pagtanggi nang maraming beses sa isang araw. Malimit akong nabibigo—sumusubok at nagmimintis—at may mga araw na pinag-iisipan kong sundin ang karaniwan kong ginagawa kapag nabibigo: sumuko at umuwi.
Problema sa Pagsasalin
Noong panahong ito, nakatanggap ako ng kailangang-kailangang inspirasyon at pagwawasto mula sa kuwento ni Oliver Cowdery noong sinusubukan niyang isalin ang mga lamina. Matapos ang ilang linggong pagsusulat para kay Joseph Smith, nagsimulang mag-isip si Oliver kung maaari rin siyang magsalin ng mga lamina.
Tinanong ni Joseph ang Panginoon at tumanggap ng tugon na papayagan si Oliver na magsalin. Subalit, nagbigay rin ng ilang babala ang Panginoon kay Oliver, dalawa sa mga ito ay “maging mapagtiis” at “huwag matakot” (D at T 6:19, 34).
Ang pagsasalin ay hindi kasingsimple ng iniisip ni Oliver. Nang ang mga salita ay hindi agad maapuhap, nanlumo siya at hindi nagtagal ay sumuko.
Pagpapalampas sa mga Oportunidad
Habang pinag-aaralan ko ang kuwento, natanto ko na ang suliranin ni Oliver ay kapareho ng sa akin. Inasahan niyang magiging magaling siya agad sa pagsasalin, at nang naging malinaw na hindi siya agad magtatagumpay—na ilang ulit siyang mabibigo habang nililinang niya ang kaloob na ito—bumalik siya sa pagsusulat, isang bagay na komportable siyang gawin. Ang mga babala ng Panginoon ay tumpak: hindi naging matiyaga sa kanyang sarili o sa Diyos si Oliver, at natakot siya. Kung kaya’t binawi sa kanya ng Panginoon ang oportunidad (tingnan sa D at T 9:3).
Napagtanto ko kung gaano kadalas akong pinigilan ng takot kong mabigo. Masyado akong natakot na “magmintis” na hindi ko man lang sila sinubukan o sumusuko matapos ang ilang pagtatangka. Sa pag-iwas ko sa kabiguan, nalampasan ko ang mga oportunidad para magtagumpay sa hinaharap. Hindi ako naging matiyaga sa aking sarili o sa Diyos, at natakot ako.
Ang kuwento ni Oliver Cowdery ay nagbigay din sa akin ng pag-asa. Bagama’t sinabi ng Panginoon kay Oliver na hindi siya makapagsasalin noon, ipinangako rin Niya, “May iba pa akong mga talaan, na aking ibibigay sa iyo ang kapangyarihan upang ikaw ay makatulong na magsalin” (D at T 9:2). Ang pagkakataon ni Oliver na magsalin ay hindi nawala, naudlot lamang. Gayundin, ang mga oportunidad na nalampasan ko ay hindi nawala. Magbibigay ng higit pang pagkakataon ang Panginoon, kung ako ay handang maging matiyaga at hindi hahayaan ang takot na mabigo na hadlangan akong sumubok.
Walang Dapat Ikatakot
Kinailangan kong labanan ang takot na mabigo. Kahit na alangan pa rin akong makipag-usap sa mga estranghero o magturo sa banyagang wika, humusay ako sa mga ito. Ang mga kasanayang ito ay nakatulong sa buhay ko, kahit na pagkatapos ng misyon ko.
May mga panahon pa ring nag-aalinlangan akong sumubok ng bago o gumawa ng bagay na hindi ako mahusay. Ngunit natutuhan kong maging mas matiyaga. Natutuhan kong patuloy na sumubok at huwag matakot na magmintis.